PAHAYAG NG UP WIDE DEMOCRATIZATION MOVEMENT 3 (UP WIDEM 3) SA MGA KAGANAPAN SA SENADO DISYEMBRE 18, 2007 KAUGNAY NG TALAKAYAN SA UP CHARTER
Hangad ng karamihan ngayong paparating na Sentenaryo ng UP ang isang bagong UP Charter. Pero hindi pwede ang basta kahit anong Charter na lamang. Kailangan ng UP ng isang Charter ng ika-21ng siglo na magtataguyod ng hangarin para sa higit na demokratikong pamantasan at magtatanggol dito laban sa panganib ng ganap na komersyalisasyon.
Upang makamit ito, naging aktibo at walang kapaguran ang partisipasyon ng malawak na alyansang multisektoral na UPWIDEM 3 sa pagtataguyod ng bisyon ng bagong UP Charter na napanday sa pamamagitan ng masinsinang demokratikong proseso ng konsultasyon sa buong komunidad. Sumali ang UPWIDEM 3 sa maraming deliberasyon sa Senado at Kongreso upang maihapag ang posisyon ng mga mag-aaral, guro, kawani at REPS at makapagpalaganap ng mga position paper na naglalaman ng mga konkretong alternatibo sa pinapaboran ng administrasyong bersyon ng UP Charter ni Sen. Francis Pangilinan.
Nitong nakaraang Lunes (ika-17 ng Disyembre) ay biglang naging bahagi ng agenda ng Senado ang pag-apruba ng UP Charter. Dahil hindi napagsabihan nang mas maaga ay hindi nabasa ng mga senador ang Committee Report hinggil sa Charter. Sanhi nito'y sinabi ni Sen. Jamby Madrigal na hindi matatalakay nang maayos ang UP Charter na hindi pa nababasa ng mga senador ang ulat ng komite. Dahil sa interbensyong ito ay pumayag si Sen. Pangilinan na hintayin hanggang sa susunod na araw ang mga amyenda ni Sen. Madrigal para malaman kung ano ang maaaring maipaloob sa pinal na rebisyon.
Pagdating ng sumunod na araw ng Martes, Disyembre 18, ay napag-alaman na matindi ang pagtutol nina nina Pres. Roman hinggil sa pagkakaroon ng isang consultative assembly bilang bahagi ng demokratisasyon ng pamamahala sa Unibersidad. Kinausap ni Sen. Madrigal si Senate President Manny Villar kaugnay ng naturang amyenda. Sinabi ni Sen. Villar na lapitan ni Senator Madrigal si President Roman para matingnan kung ano ang maaaring mapagkaisahan.
Nang nilapitan ni Sen. Madrigal si Pres. Roman kasama ng dating Student Regent Marco delos Reyes, na nasa staff niya ngayon, para imungkahi kay Pres. Roman ang usapin ng posibleng pagsasama ng demokratikong istruktura ng Consultative Assembly sa pinal na bersyon ng Bill ay agad na lamang tinaasan ng boses ni Pres. Roman si delos Reyes at pinaratangan pa siyang traydor sa UP (“You are doing a disservice to UP”) kasama ng pagmumwestra ng kanyang daliri.
Sinabi rin ni Pres. Roman ni kinakatawan lamang ni delos Reyes ang minoryang opinyon sa Unibersidad. Nasabi ng kapitapitagang presidente ng UP ang lahat nito bago pa man nabuksan ni delos Reyes ang kanyang bibig. Dahil sa ganitong asta ni Pres. Roman sa miyembro ng kanyang staff ay pinuna ni Sen. Madrigal ang napansin niyang "arogansya" nina Pres. Roman at iba pang opisyales ng UP na ayaw makinig sa kabilang panig at ipinipilit ang kanilang posisyon sa Senado. Kinuwestiyon niya ang pag-ako nina Pres. Roman at ng kanyang mga opisyal ng eksklusibong karapatan na katawanin ang sentimyento ng komunidad ng UP. Sa bahaging ito ay nakapalibot na kina Roman ang mga naroroong mag-aaral, guro, kawani at REPS ng UP at malakas na pinalakpakan si Sen. Madrigal.
Ano ang batayan ng mga agam-agam ni Sen. Madrigal? Ano ang batayan ng pagtutol ng UPWIDEM 3 sa bersyon ng UP Charter ni Sen. Pangilinan at ng administrasyon ni Roman?
Unang-una, nakakabahala ang pagtanggi ng administrasyon ng UP ng anumang simpleng hakbang tungo sa demokratisasyon ng pamamahala tulad ng pagbubuo ng mga "Consultative Assembly." Ikalawa'y nakakabahala rin ang kawalan ng sapat na mga probisyon sa naturang Bill ni Sen. Pangilinan upang maproteksyunan ang UP sa sagadsarang komersyalisasyon. Ngayong may pagkakataon upang bigyan ng higit na demokratikong katangian ang pamamahala ng UP. Ngayong may pagkakataong igiit at panindigan ang katangian ng UP bilang isang State University na may layuning magsilbi sa pangangailangan ng nakararami para sa edukasyon.
Ang lahat ng tumututol sa mga hakbangin ng administrasyon nina Roman tungo sa ganap na komersyalisasyon at pribatisasyon ng Unibersidad ay binabansagan nilang kaaway ng pag-unlad at inaakusahang kaaway ng Unibersidad mismo.
Pero naninindigan ang UP Wide Democratization Movement na binubuo ng Student Regent, ng STAND-UP, ng All UP Workers Union, ng All UP Academic Employees Union, ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP) at iba pang mga indibidwal na ipagpapatuloy nito ang paglaban para sa isang UP Charter na higit na kumakatawan sa diwa at kaluluwang demokratiko at makamasa ng isang tunay na Unibersidad ng sambayanang Pilipino.
Isulong ang pakikipaglaban para sa isang demokratikong UP charter!
Tutulan ang patinding komersyalisasyon ng UP!
No comments:
Post a Comment