Pagluluksa
Nagluluksa tayo dahil may yumaong mahal sa buhay. Mahal, ibig sabihin, may halaga dahil nagkaroon na tayo ng emotional investment sa taong sumakabilang-buhay na: nakausap, nakainuman, nakasama sa rali, sa meeting, nakipagbatbatan, nagkaisa ng opinyon, nakatawanan, at iba pa.
Ganito ang pakiramdam ko, at malamang, ng marami nang mabalitaan back-to-back na pumanaw ang dalawang guro sa Departamento ng Filipino sa U.P. Tortured victim sa panahon ng diktaduryang Marcos, si Monico Atienza ay mag-iisang taon nang comatose pero malakas pa rin ang pangangatawan (ang biro ng kaibigan kong si Sarah ay dahil nag-macrobiotic diet kasi, kaya ayaw bumigay). Ang hudyat na tila “namamaalam” na ito ay nang pati ang osterized na pagkain ay isinuka na rin.
Ang mandudula at head writer ng Batibot, si Rene Villanueva, survivor ng tama ng baril, heart attack at iba pang karamdaman, ay ilang oras na naunang namaalam kay Monico. Pareho silang kilalang guro, maraming henerasyon ng mag-aaral sa loob at labas ng U.P. ang kanilang namulat sa sabayang kagandahan at pighati ng lipunang Filipino.
Kapag yumao ang mga dakilang guro, manunulat at skolar tulad nila, may kabawasan nararamdaman ang mga naiwan. Nagluluksa, nakikiramay, nakikiisa sa pamilya, kaibigan at kasama ng pumanaw.
Ang nakakaligtaang banggitin sa pagluluksa ay ito ay hindi tungkol sa nakaburol at sa ililibing. Binabasa ko ang mga blog entry ng mga taong nakilala sila, mga naging estudyante at kahenerasyong manunulat at aktibista, at marami sa nakasaad ay patungkol pa sa nagsulat—hindi kita makakalimutan, mami-miss ka namin, mahal ka namin, isa kang dakilang….
Ito ang melancholia, ang estado ng pag-iisip na hindi mailibing ang patay nang mga naiwan nito. At ito, bagamat isinasaalang-alang ang katawan ng yumao (parating binibigkas ang estado ng sarili sa relasyon nito sa namatay), ay pumapatungkol, higit sa lahat, sa nagdadalamhati kaysa sa yumao.
“Nagluluksa ako para sa mahal kong pumanaw” na siya ring katumbas na pagsabing “Nagluluksa ako para sa aking sarili.” Natutunghayan ng nagluluksa ang sarili niyang mortalidad, na pumapatungkol sa temporal na estado ng kanyang pagkatao. Na tulad ng yumao, naging makabuluhan kaya nga pinanghihinayangan?
Sa indibidwal na antas, ang tunay na pinanghihinayangan ay ang kakulangan ng sarili—na dumaan na ang isang mahalagang palatandaang-bato (landmark) sa kolektibong buhay ng naiwan, at sa imahinaryong paglulugar sa karanasan ng kolektibo: ang halaga ng yumao sa panitikan, aktibismo, humanidad, pakikibaka at pagsasabansa. Kulang ang sarili dahil hindi pa natutuldukan ang sariling buhay.
At ito rin ang potensyal ng mga naiwang indibidwal na “palayain” ang sarili. Una, wala na ang pag-aninag ng indibidwal sa kanyang pagiging subject sa tunay na kapangyarihang pang-estado na humuhulma sa kanya. Siya ay nagkakaroon ng kagyat na sariling pagkatao hindi na dahil siya ay nasa anino ng U.P., DECS at CHED, DOLE at militar ni Esperon, at Malacanang ni Arroyo, halimbawa, kundi dahil siya ay naanigan ng (mahalagang) pagkatao ng yumao.
Ikalawa, dahil manlilimi ang indibidwal ukol sa mga nagawa at di nagawa ng yumao bilang screen sa pag-unawa sa sariling nagawa at di nagawa, ipagpapatuloy ng naiwan ang pagluluksa hanggang may pagkawala—hindi lubos dahil magaganap lamang ito kapag materyal na nabalikwas na ang estado, kundi relief--sa kapangyarihang pang-estado o muling pagtanggap sa regularisasyon ng estado (kasama ang malling, panonood ng Marimar, konsumerismo ng Pasko, muwang at di-muwang na pagtakda ng sariling break sa Pasko sa issue ng paglabag sa karapatang pantao) sa pagkatao ng indibidwal.
Paalam, Nick. Paalam, Rene. Kahit hindi naman lubos ang pamamaalam. Parating may labi (trace) na nagsasaad na hindi naman lubos ang naging pag-igpaw ng inyong kamatayan sa mga pwersang inyong kinatunggali, bilang paraan ng pagsabi sa aming naiwan na mayroon pang natitirang pagbubuo sa pinapangarap na susunod na yugto nito. Na sa inyong naging buhay (at kamatayan) ay tutulong makabuo ng melancholia ng naiwan ay parating magpapaalaala sa inyong nakamit, sa mga hindi nakamit, at kung magkagayon, sa amin pang kailangang makamit.
Paalam, Nick. Paalam, Rene. Sa aking perspektiba, (ipinagluluksa at) gunigunita ko kayo dahil sa inyong kontribusyon sa rebolusyon. Sa iyong ambag sa pagtatayo ng Kabataang Makabayan at rebolusyonaryong kilusan, sa iyong pagiging aktibistang gurong natutuwa sa aking pasalubong na ballpen at lapis mula sa
No comments:
Post a Comment