Unlaping “Super”
Kapag ginamit ang unlapi (prefix) na “super,” ipinapahiwatig nito ang labis, sobra, lampas sa ordinaryo: superman, supermarket, superpower, superstar, at sa panahon ni Gloria Macapagal Arroyo (GMA)—supermaid at super-typhoon.
Ang kakatwa sa pagpasok ng anumang penomenong may “super” ay ipinaparating ito bilang biglaan, kagyat at tila nanggaling sa wala. Dagdag pa, emblematiko ang super ng moderno at kontemporaryo, hindi luma at pinaglumaan.
Pumasok si Superman sa popular na imahinasyon sa panahong lumalakas ang
Si Nora Aunor ang tatanghaling “Superstar” dahil sa kanyang mala-Cinderella na kwento ng pagpupunyagi at pagtatagumpay. Natatangi sa iba pang star, si “Ate Guy” ay sabayang ordinaryong kayumanggi at maliit na mamamayan, at extra-ordinaryong artista at sub-industriyang nakabatay sa sariling katawan bilang kapital.
Ang kakatwa sa unlaping super ay tila konektado ito sa kolektibong kamalayang pumaimbalot sa diktaduryang Marcos: ang unang modernong pelikulang Superman ay ipinalabas noong 1978, si Nora ay sumikat sa kasagsagan ng martial law, ang unang supermarket at mall ay naitayo sa mga suburban na sityo ng Greenhills at Cubao sa parehong panahon, at maging ang superpowers (U.S. at U.S.S.R.) ay kinasangkapan ng mga Marcos para sa lehitimasyon ng kanilang kapangyarihan.
Saan ilulugar ang mga panibagong gamit ng super kay GMA? Supermaid ang panukala nitong programa sa mas sistematikong pagtuturo at retraining sa prospektibong Filipina domestic helper sa ibang bayan. Literal na binabatikos ang kanyang panunungkulan ng mga super-typhoon. Milenyo at Mina ang huling mga super-typhoon na naminsala sa bansa.
Ang penomenon ng super ay kaakibat sa lumalawak na pambansang politikal at panlipunang krisis. Ginagamit ang inobasyong moderno para ihayag ang kalabisan ng karanasang bago na nakaangkla naman sa lehitimasyon ng kalabisan sa kapangyarihan. Ipinantatapat ang labis na paghayag sa modernong karanasang exemplaryo ng makabagong pagkabansa sa nais itagong krisis pampolitika.
Hindi ba’t sa rurok ng pamamahala ng disaster sa bansa, ang kahandaan laban sa anumang super-typhoon, sa banta pa lamang o aktwal nitong napinsala, ay ang pangulo ng bansa? Hindi ba’t tulad ng pagragasa ng bagyo—marahas at malaki ang pamiminsala—ay ang katangian ng politikal na kapangyarihan ay temporaryo at spatial na nakakaligtaan? Nawawalan ng kagyat na halaga ang patuloy na bilang ng politikal na pagpaslang at sapilitang dinadampot. Nagkakaroon ng amnesia sa suhulan at korapsyon sa Malacanang.
Tulad ng super-typhoon, walang kasaysayang na sinasambulat na pinagdaanan—kung bakit parating hindi handa ang pamahalaan kahit pa alam naman ang peryodikong pagragasa ng papalakas pang mga bagyo taon-taon? Na hindi napapag-ugnay ang super-typhoon sa global warming dulot ng lokal na illegal logging, polusyon sa hangin, liberal na pagtaas ng presyo ng gasolina, kawalan ng sapat na dami at ayos ng kalsada at parke, at iba pa?
Kaya kapag sinabing “super” ang isang karanasan, sinasabi ring super-amnesia, super-krisis, super-paghihikahos, at super-pagbabalikwas.
No comments:
Post a Comment