Mariing kinokondena ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP) ang tumitindi at lumalalang kondisyon ng karapatang pantao sa bansa!
Disyembre 10, 2007 ang ika-59 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) at itinakdang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao o International Human Rights Day. Ngunit kaalinsabay ng komemorasyong ito, tumatambad sa atin ang isang parada: ang parada ng mga iba’t-ibang mukha ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng berdugong rehimeng US-Arroyo.
Simula sa pag-upo ni GMA noong 2001 hanggang sa kasalukuyan ay kabi-kabila ang tahasang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan. Walang itong pinipila – bata, matanda, ama, ina, estudyante, propesyunal, taong-simbahan. Sa katunayan, ang grupong Karapatan ay nakapagtala na ng 866 biktima ng pampulitikang pamamaslang, 179 kaso ng sapilitang pagkawala o enforced disappearance, at mahigit isang libong kaso ng karahasan sa buong bansa, lalo na sa kanayunan.
Ang mga martir na walang habas na pinaslang ng rehimen ay ang mga guro ng bayan na sina Napoleon Pornasdoro, Victoria Samonte, Jose Cui, Milagros Belga at Leima Fortu. Ang mga estudyante ng UP na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno na nananaliksik ukol sa kalagayan ng mga magsasaka sa Bulacan ay kinidnap noong Hulyo 2006. Hanggang ngayon ay hindi pa sila nakikita. Si Jonas Burgos, isang aktibista-agriculturalist na pinaniniwalaang dinukot ng mga militar. Sina Luisito Bustamante, Edwin Malapote, ang mag-asawang Primo at Edwinalyn Reduta at ang kanilang dalawang buwang taong sanggol, at si Elizabeth Principe. Ilan lamang sila sa mga naging biktima sa ilalim ng pamumuno ni GMA.
Sa lumalalang kalagayan ng bansa ay inirehistro na ng lokal at internasyunal na mga organisasyon, ahensya, media at dayuhang gobyerno ang kanilang pagkabahala at pagtuligsa sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaang ito. Mismong ang United Nations (UN) at World Council of Churches (WCC) na ang nagdidiin sa rehimeng ito sa mga pampulitikang pamamaslang ng mga aktibista at mamamahayag. Sa dahilang ito ay napilitan ang gobyernong itayo ang huwad na Task Force Usig at Melo Commission na tututok at lulutas sa mga pampulitikang pagpaslang at sapilitang pagkawala. Matapos ang pagtatayo ng mga special courts para sa extra-judicial killings at enforced disappearances ay patuloy lamang na tumataas ang bilang ng mga biktima sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa loob ng ilang taong pamamalagi ng pasistang rehimeng US-Arroyo sa poder ay sunod-sunod ang kinasangkutan niya at ng kanyang pamilya na iba’t-ibang mga anomalya. Ang Hello Garci, Fertilizer Scam, Jose Pidal Scandal, ZTE Deal ay ilan lamang sa mga ito. Ngunit sa kabila ng mga ito ay patuloy pa rin ang pagmamatigas ni GMA na manatili sa bangko ng kapangyarihan. Malakas na ang panawagan ng taong bayan na magbitiw na siya sa pwesto ngunit ang sagot lamang ni Gloria ay ang patuloy na pamamaslang at pandurukot sa mga organisador at sibilyang mamamayan. Lalo ring pinatitindi ang pananakot sa mamamayan sa pamamagitan ng all-out war sa kanayunan at ang gyera sa Mindanao na pinamumunuan ng AFP at mga tropang Amerikano. Patuloy rin ang panggigipit sa mga lider ng legal na organisasyon.
Walang ginagawang hakbang ang gobyernong Arroyo upang lutasin ang tumitinding problema sa karapatang pantao. Bagkus ay ipinagtatanggol at pinupuri pa ang mga berdugo’t kriminal na sina Jovito Palparan, Hermogenes Esperon, Eduardo Ermita, Norberto Gonzalez at Raul Gonzalez.
Bilang mga guro ng bayan, panahon na upang tapusin natin ang paradang sinimulan ni Gloria Macapagal-Arroyo. Ihayag natin ang ating mariing pagtutol sa pananatili niya sa pwesto. Gunitain natin ang daan-daang naging biktima ng Rehimeng ito kasama na ang ating mga kapwa gurong sina Leima Fortu, Jose Cui, Napoleon Pornasdoro at Victoria Samonte na pinaslang. Pagparangalan natin ang bawat mamamayang nag-alay ng buhay at naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao tumugon tayo sa ating responsibilidad bilang mga guro na magmulat at magpakilos. Tugunan natin ang hamong labanan ang mali, ang mapaniil at mapagsamantala. Lumabas tayo sa ating mga klasrum at magklase sa tunay na paaralan, ang paaralan ng lansangan. Maglunsad tayo ng isang bagong parada na tunay na magtataguyod sa lipunan.
MABUHAY ANG MGA MARTIR NG SAMBAYANAN! HUSTISYA PARA SA MGA BIKTIMA NG PAMPULITIKANG PAMAMASLANG! ILITAW ANG MGA BIKTIMA NG SAPILITANG PAGKAWALA! PATALSIKIN ANG REHIMENG US-ARROYO!
SUMAMA SA MALAKING PAGKILOS NG SAMBAYANAN SA PANDAIGDIGANG ARAW NG KARAPATANG PANTAO SA DISYEMBRE 10 SA PLAZA MIRANDA! ANG GURO NG BAYAN NGAYON AY LUMALABAN!
No comments:
Post a Comment