Rene O. Villanueva: Manunulat para sa Bayan
"Bawat ungol ng makina ay halakhak ng salarin
Ng estadong kumukutya sa konsensiyang tumututol
Sa kawalang katarungan, kalayaang isinangla.
Itong bayan ay walang habas, walang awa kung gahisin!"
--mula sa "Tagulaylay ng Republika (Sa SONA 2006) ni Rene O. Villanueva
"Pauupuin mo lang ako't makakasulat na ako!" Iyan ang palaging biro ni Rene sa kanyang mga kaibigan. Paano, mapakurap lang ang kausap niya'y siguradong may iaabot na siyang sangkaterbang mga bagong libro, o kaya naman ay nagkukuwento tungkol sa kanyang mga pinakahuling proyekto. Kailangang bigyang-diin ang salitang "mga," dahil talaga namang tila di mauubusan ng maisusulat ang taong ito.
At hindi dapat ipagkamali ang ganitong klase ng sigasig sa pagiging simpleng madaldal lamang, na para bang nagsusulat nang walang direksyon basta makasulat lang. Sa bawat malikhaing akdang iniluwal ni Rene'y nakapaloob ang intensyong manggulat, ang umiba sa mga nakasanayan at tanggap na ng mga mambabasa. Ipinakilala niya ang sanlaksang mga kakaibang tauhan—ang machong stunt double na mahilig sa Little Mermaid; ang batang papel na gustong maging tunay na tao; ang unang baboy na dahil sa hindi nagpakababoy ay naging unang baboy sa langit; ang prinsesa at reynang hindi tumupad sa pangako at ang mahiwagang palakang iniluto sa hurno, na ang taglay na kulugo ang pinagmulan daw ng paborito nating atis. Ang mga tauhan at mundong binuo ng kasamang manunulat, guro, at kaibigang si Rene'y nasa linya ng tradisyong pakikipagtunggali, na siya namang naging mahalagang layunin at papel ng ating panitikan sa ating kasaysayan.
Bilang pagpapatotoo sa ganitong oryentasyon ni Rene, pormal siyang sumapi sa CONTEND-UP noong 2003 at naging bahagi ng mga pulong at proyekto nito. At sa gitna ng kanyang napakaraming mga dula, sanaysay, pananaliksik, kuwentong pambatang, at iba ang mga proyektong isinusulat, sa pagitan ng kanyang mga gawain sa loob at labas ng unibersidad, naglaan siya ng espasyo sa kanyang panulat upang magsulat tungkol at para sa bayan. Malaki ang malasakit ni Rene hindi lamang sa pagsusulat kundi maging sa pag-akda ng kanyang bayan.
Maraming salamat, Rene. Kasama ang CONTEND-UP sa iyong mga mahal sa buhay na nagbibigay-pugay sa oras ng pagdadalamhati— mga kaibigan, kapamilya, katrabaho, kakilala, kapwa manunulat, guro at artistang kasingdami (at marahil singkakaiba) ng iyong mga obrang nailathala.
Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND)
Unibersidad ng PIlipinas- Diliman
1 comment:
Hi Rolandong Snob!
Condolence sa mga kaibigan. Nawa'y makarating na ang overdue mong libro sa akin.
chi.balmaceda@gmail.com
Post a Comment