Friday, December 21, 2007

Eraserheads sa Kansai, KPK Column

Eraserheads sa Kansai


pix mula sa www.myspace.com/eheads

Isang oras ang biyahe ng tren mula Kyoto patungong downtown Osaka, at isang oras pabalik. Sa unang beses na muli kong pinakinggan ang best-of ng Eraserheads, matapos ng mga isang taon din, hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ko. Parang malungkot na masaya, may pangungulila pero walang pagdadalamhati, may napukaw pero hindi ko matukoy.

Sino ba naman ang hindi mangingimi sa mga awit ng Eraserheads? Ilang henerasyon na ng kabataan at kabataang musikero ang umaawit at tumutugtog ng kanilang musika. Sa katunayan, sila ang pinakabatang banda na nagkaroon na ng remake ng kanilang musika ng mga nauna at kasalukuyang musikero. Ito ang isang hudyat na pinakamalaki ang kontribusyon ng Eraserheads sa umusbong na musika ng henerasyon ng kabataan noong dekada 80. Malaki rin ang tulong na matagumpay na nag-disband na ang grupo bago pa man sila pumalaot sa paghihikahos ng pagkalaos, o pagpalit ng lead singer via ng reality television.

Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman. Gaano naman kasi karami ang nagkaroon ng syota na biglang gumanda at nabuklat ang nakatiwangwang na katawan sa isang magazin na may bastos na titulo? O ang makakapanglait sa jologs at sa mismong mga nanlalait ng jologs sa naratibo ng isang wanna-be punk at rockista sa labas ng Club Dredd na muli na ring binubuhay? O ang nagkaroon ng Latinong romansa, mala-tango ang pighati, sa isang perfektong pag-ibig na nauwi lamang sa disgrasya at ang alaala ng pagsasayaw ng el bimbo? O ang paghahanap ng kumpiyansa sa sarili sa mga pare, kaberks, kapips na handang makinig, nang ang pagka-in-love sa isang kolehiyalang hindi nasuklian nang lubos?

Masakit ang lyrics ng Eraserheads. May release na nararamdaman sa mga murang tadtad sa “Pare Ko,” halimbawa. Sino ba naman ang hindi mapapamura sa sama ng loob sa unrequited love? Dagdag pa rito, ang mala-kwentong impetus para sa mga “nakakaburat” na dalamhati, “nakakaburat pero minamahal pa rin” ang hindi marunong tumumbas sa pagmamahal. “Baduy” pero may “pakikiramay.” Hindi nga ba’t tadtad ng self-reflexivity ang lyrics? Alam ng nakikinig na gasgas na ang ganitong sentimiento, pero nagtatagumpay pa rin, ilang henerasyon na nga ang umuusad.

Nasal ang boses ni Eli Buendia, may kapayakan ang musika, maraming aksesoryang musical instruments para mapatingkad ang mga yugto-yugtong emosyonal na pagdalamhati, at higit sa lahat, ang chuwariwap na stilo ng back-up vocals sa refrain—nahihigop ng banda ang emosyon at ang mental at bodily na pakiwari ng nakikinig.

Ang sinasambit ng musika ng Eraserheads, pinakamatagumpay pa rin sa anumang banda matapos nila, ay ang nostalgia. Ito ang nanghihimok ng ideal na pakiwari kahit pa una’y hindi naman talaga ideal ang karanasan sa simula at pagtatapos man. Kung tunay na pumaloob sa karanasan ng unrequited love, halimbawa, after-effect na lamang na masasabi na hindi maganda ito—ilang linggo, buwan at pati taon na pinupulot ang ego sa sahig, mas walang dangal ang pinaggagagawa matapos ang discovery nito kaysa sa infatuation sa simula, at mabaliw-baliw ang indibidwal na pumiling tangkilikin ito.

Pero sa awit ng Eraserheads, masarap at maganda ang pahiwatig ng unrequited love dahil perfekto ito sa “Pare Ko,” “Hey Jay” at “Huling El Bimbo,” pati na rin sa hindi direktang sinasambit, ang pagmamahal sa kolektibo sa “Para sa Masa.” Sa indayog ng lyrics at musika, predetermined ang response para magkaroon ng impetus tungo sa nostalgia—nanghihinayang sa modelong hulmahan ng karanasan. Kaya nga mas magandang hindi nakakamit dahil ang natitira ay ang panghihinayang. Walang panghihinayang kung nakamin ang karanasan sa kabuuan nito.

Ang lyrics ay staging ng ideal na panghihinayang ng karanasan sa pag-ibig. At sa mga hindi pa dumanas ng ganitong karanasan, ang ginagawa ng musika ay i-stage ang panghihinayang na makaka-identify ang mga nakikinig at makikinig kahit pa hindi sila lubos na kaisa sa sinasambit na karanasan. Ang nangyayari ay vicarious existence o umaasa sa karanasan ng iba—perfektong ideal nga ito—para mapunan ang sariling karanasan o madanas ang ideal sa poder ng isang ligtas na posisyon. Hindi naman ako ang politikal na pinaslang, inabduct, dinemolish ng bahay sa riles, ang driver na direktang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasoline.

Kaya nagtatagumpay ang mga palabas sa telebisyon. Si Marimar ay inaapi at nakaka-identify ang manonood dito dahil sila man ay may antas nang kaapihan. Pero ayaw ng manonood na literal na danasin muli ang pang-aapi sa kanila kaya pinapalaot ang impetus na ito sa bidang babaeng magtatagumpay sa huli. Kaya itong himukin—ang pag-tap into sa kamalayang di lamang may kulang kundi dinadaot pa ng estado—ng pelikula, telebisyon at musika.

Ang mga mall ay gayon din—ligtas ang pagtangkilik sa pagdanas ng inaasam na ideal na karanasan sa pagiging First World. Si Gloria Macapagal Arroyo ay sinasambulat din ang proyekto ng nostalgia sa pagpili sa pangalawa sa pinakamapait kaysa sa aktwal na pinakamapait na karanasan ng pagkamamamayan: ang batang namumuhay sa paghihikahos o ang pagpapatiwakal nito? ang sentensyang kamatayan sa OFW na si Marilou Ranorio sa Kuwait o life-sentence na lamang? O ang P10,000 performance bonus sa 1.4 milyong empleyado ng gobyerno at ang paghihikahos na karanasan matapos ng saglit na ito?

Isang saglit ng ginhawa ang naramdaman ko sa pakikinig sa Eraserheads sa tren. Hindi ko sinasabing kabahagi sila ng panunupil ni GMA, pero may hibla na ang kanilang pagsesentimiento ay kabahagi ng sentimientong hinahabi ng at nagbibihis sa estado, ilang henerasyon na ng kabataan ang nakakaraan at dadaan pa. Mahalaga pa rin ang saglit na iyon, muling nagkaroon ng sandali na tila familiar at para akong nasa Pilipinas kahit hindi, at malamang kaya ako nakatulog nang mahimbing ng gabing iyon.

1 comment: