Monico Atienza: Dakilang Pantas ng Kilusang Pambansa-Demokratiko
(Binasa sa unang gabi ng pagpaparangal kay Ka Nic ika-6 Disyembre, 2007)
Ipinapaabot ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND) ang aming taos-pusong pakikiramay sa pagpanaw ni Prop. Monico M. Atienza. Ikinalulungkot namin na sanhi ng kanyang malubhang karamdaman ay napaikli ang buhay ni Ka Nic na marami pa sanang nagawa kung hindi lamang dahil dito. Ngunit masasabing maraming nabuhay at nabubuhay nang higit na mahaba na di man lang nakagawa ng kapiraso ng kanyang naiambag sa pakikibaka ng sambayanan para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Nagniningning ang mga taon ng kanyang pagkilos bilang mapangahas na lider aktibista at ang kanyang naging napakahalagang papel sa pagpapalakas at pagpapalawak ng kilusang kabataan at mag-aaral sa Pilipinas. Nagniningning ang kanyang mga taon sa andergrwand at ang kanyang matagumpay na pag-igpaw sa mga pinagdaanan niyang matinding pagpapahirap sa kamay ng mga pasistang militar. Nagniningning ang kanyang mga taong iginugol bilang masigasig na aktibistang guro sa loob at labas ng Unibersidad ng Pilipinas at sa loob at labas ng kanyang mga itinuturong sabjek sa wika at Araling Pilipino.
Isa sa mga paborito niyang ibahagi sa kanyang mga mag-aaral ang isang kwentong bayan mula sa Tsina hinggil sa matandang hangal na hindi nawalan ng loob kaharap ng halos imposibleng gawain ng pagpapatag ng gahiganteng mga bundok. Tulad ng ibang nakakilala sa kanya, marahil ay nakita ni Ka Nic ang kanyang sarili sa "matandang hangal" na hindi kailanman bumitiw sa prinsipyo at walang tinag na pinanghawakan ang paninindigan sa kabila ng hindi masukat na pagsubok at hirap. Sa kwentong ito ay may tauhan ding tinaguriang "dakilang pantas" na hindi makaunawa sa katigasan ng ulo ng matandang hangal. Naniwala ang pantas na ito na ang pinaka-realistiko at pinaka-pragmatikong hakbang ay talikdan na ang kabaliwan ng matandang hangal at gawin na lamang ang rasonable at posible. Sa makitid at limitadong pag-iisip ng tinaguriang dakilang pantas ay makikita kung sino talaga sa dalawa ang maituturing na dakilang pantas.
Para sa lahat ng aktibistang nakasalamuha si Ka Nic, kinatawan niya kapwa ang isang "matandang hangal" at ang isang tunay na "dakilang pantas." Magkasanib sa kanya ang matatag na paninindigan at matalas na pagsusuri, pananatili at pagbabago, kabaitan at katapangan.
Hindi kailanman malilimot ang kanyang pinanghawakang mga prinsipyo at ang kanyang katatagan sa pagtataguyod ng mga ito. Hindi kailanman malilimot ang kanyang itinurong mga aral. Mananatiling buhay siya lagi sa aming mga utak, puso at kamao.
Si Monico Atienza ang isa sa mga dakilang pantas ng kilusang pambansa-demokratik o.
No comments:
Post a Comment