Post-Pasko at Killjoy
Tapos na ang mahabang bakasyon. At kakaiba ang bakasyon ng Pasko dahil sinkornisado ang pambansang buhay—ang antisipasyon, paghahanda, pag-aantay sa bonus, sa cash gift ng pangulo (kung kawani ng gobyerno), pagmamadali at pagsiksikang shopping, pagplano sa Noche Buena, pagsimba, pagmamano sa ninong at ninang, Medya Noche, at pagpapaputok. Hindi ito tulad ng Semana Santa o Ramadan, wala naman nagdedekorasyon ng malls at kalsada sa kolektibong paggunita ng mga araw na ito.
Pagpasok pa lang ng mga “-ber” na buwan, may araw-araw na countdown na para ipaalaala sa lahat—hindi pa ang diwa ng pagbibigayan, kundi ang konsumeristang praktis—ng paggunita sa araw ng Pasko hanggang Bagong Taon. Hindi nga ba’t ang Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko?
Bakit pinahaba, na sa ibang lugar tulad sa Japan, ay matapos ang Disyembre 25, sa umaga ng Disyembre 26 ay natanggal na ang dekorasyon at napalitan na ng pam-Bagong Taon? Kahit sa Amerika, ang paggunita ng post-Pasko ay sa pamamagitan ng pagdagsa sa malls para sa pinakamalaking sale ng taon. Dahil ba tayo lang ang Kristianong bansa sa
Ano pa ba ang inaantay natin? Ang “opisyal” na pagtatapos ng Pasko ay Enero 6 o sa unang Linggo ng taon, ang Araw ng Tatlong Hari. Matapos nito, patumpik-tumpik ang pagtanggal ng mga dekorasyon sa publikong lugar, kung tatanggalin pa ang mga ito o hahayaan na lamang ang serye ng bagyo sa Hunyo ang magtatanggal nito. Hindi ba kumpara sa pagsabit nito bago mag-Pasko, parang gumising na lang tayong lahat at nandiyan na—nadekorasyonan na at nailawan pa ang mga kalsada patungo sa mall?
Pati ang mga kalsada at village, tulad ng
Kay tagal-tagal inasam, at masaya naman ang pagdanas sa temporal na kasalukuyan, pero bakit kapag natapos ay parang may kulang—killjoy pero hindi overkill? Walang nasosobrahan sa Pasko, maliban yaong nagpapatiwakal. Hindi nga ba’t pinakamataas ang insidente ng suicide sa Pasko? Malamang dahil nga sa sinkronisadong paggulong ng indibidwal na mga buhay tungo sa kasiya-siyang antisipasyon ng kaligayahan ay hindi nakakasabay ang mga indibidwal na may mga seryosong agam-agam sa kolektibong pagdanas ng pambansang buhay.
Kaya may paratihang relatibong paghuhusga sa pagdanas ng Pasko—“Ito ang pinakamasayang Pasko ko!” o “Pangako, mas magiging masaya tayo sa susunod na Pasko.” Hindi natin kinukumpara ito sa Araw ng Pagkabuhay, Valentine’s Day, maging anibersaryo dahil mas maliit ang entidad ng pagdanas ng mga okasyong ito. Mas may pressure maging masaya sa Pasko gayong hindi naman lahat ay binibigyan ng pantay na akses sa mga pribadong marka ng okasyon—lechon, mamahaling aginaldo, Christmas tree na lampas tao at tadtad ng ilaw at abibot, pera, kotseng pang-iwas sa trafik, at iba pa.
Kinukumpara ang okasyon ng Paskong sandali dahil inaakala ng poder ng kapangyarihan na may democratizing na epekto ang pag-aantay sa sandali—kolektibo ang pag-countdown, last-minute shopping, pagno-Noche Buena, pagpapaputok ng kanyon at Sinturon ni Hudas, at ang pagtatapos ng selebrasyon, gayong maraming kabahayan at komunidad ang naiwan sa pagdiriwang. Naisantabi dahil hindi magkaagapay sa gitnang uring panuntunan ng selebrasyon.
At dahil gitnang uring pagmamarka ang isinasaad ng Pasko, gitnang uri rin ang solusyon sa pagtutubos sa mga naisantabi—charity work. Namumudmod ng grocery bag ang maykaya, namimigay ng cash gift si Gloria Macapagal Arroyo, nagpapa-Christmas party sa bahay ampunan o Home for the Aged ang mga organisasyon, ang may sobrang pagkain ay ipinapadala sa kapitbahay na squatter. Tila sinasaad, walang dahilan kung bakit hindi maipagdiriwang nang maayos ang Pasko. O mas masahol, ang tunay na diwa ng Pasko ay wala sa (gitnang uring) yaman kundi nasa pagsasabuhay ng spiritwal na kabuuan nito. Paano dadamahin ang Pasko labas sa materyal na pinangangalandakan ng negosyo at estado?
Kung gayon, ang mga nagugutom at walang matuluyan, ang mga naghihikahos at pati ang mismong gitna at mababang uring nagpipilit at nagkakadakumahog na maging tunay na gitnang uri sa okasyong ito ay pinapaalalahanan ng inaasahang kakulangan ng pagdiriwang—mayroon pa namang susunod na taon, di man nakalubos ay nakaraos naman, o muling umasa sa kabutihan ng ibang tao.
Sa post-Pasko, ang mga nasa laylayan ay muling maisasantabi, ang nag-astang gitnang uri ay babalik sa panahong kailangang bayaran ang mga inutang o ipre-pressure ang mga kamag-anak na overseas contract worker na magpadala pa, at kalakhan ay sabay-sabay na mapapabuntong-hiniga. Nakaraos din pero bakit pa ba nagpakahirap para lang makasabay?
Pero bago tumagos ang panghihinayang, walang magagawa ang mayorya kundi muli’t muling magpursigi para sa kagyat na pangangailangan ng pagkain, kuryente, at pamasahe. Balik na naman ang lahat sa sinkronisadong politisasyon ng indibidwal na buhay para malulon sa pang-araw-araw, makaligtaan ang karahasan at kakulangan ng publikong serbisyo ng estado. Na kahit wala na ang Christmas na dekorasyon, ay parang may inaasam-asam pa rin tayong mabuting mangyayari kahit wala naman.
Sa post-Pasko, ang spiritwal na diwa ng Pasko ay patuloy na sumasapit.
No comments:
Post a Comment