pix mula sa www.buy.com/.../q/
www.istockphoto.com/
www.fujifilmusa.com/
Videoke at Kagalingan sa Panggagaya
Balita ang mala-Cinderella pagkatuklas kay Arnel Pineda, dating tipikal na nagbabanda sa bansa, ang kanyang grupong Zoo, ngayo’y papasok na lead singer ng kilalang Amerikanong bandang Journey. Nagsu-surf sa internet ang guitaristang Neal Schon, pumasok sa You-Tube, ang site na pwedeng mag-upload, stream at download ng maiigsing videos. Ilang araw na itong nagsu-surf nang maakita niya ang banda ni Arnel, tumutugtog ng carrier hits “Faithfully” at “Don’t Stop Believing.”
Hindi ito na-impress sa mga musikero, ang nakatawag-pansin sa kanya ay ang tinig ni Arnel, na kapag pumikit ang mga mata ay plakado kay Steve Perry, ang orihinal na bokalista ng banda. At ito ang kwento ng discovery sa edad ng internet. Hindi na glass slipper ang iniiwan ni Cinderella, kundi file sa You-Tube, na hindi naman talaga nangangako ng katubusan o kadakilaan, pero hindi ba, tila itong pagkatuklas mula obskuridad tungo sa global na rekognisyon ang best scenario?
Ang isang stereotype ng Filipino sa labas ng bansa ay kung hindi katulong at nurse, ito ay singer. Sa mga pagtitipon na may karaoke, parating inaantay ang Filipinong dumalo dahil inaasahan na siya ay magaling kumanta. May historikal na batayan ang pananaw na ganito—pagkatapos ng World War II, ang mga jazz musicians, dahil na rin sa legacy ng kolonialismong Amerikano, ay mga Filipino sa Hong Kong at Japan; sa kasalukuyan, karamihan ng banda sa mga hotel at nightclub sa Asia ay Filipino ang mga kasapi; si Lea Salonga ang naging unang Miss Saigon, at maraming Filipino at dugong Filipino ang naging bahagi ng ensemble ng Broadway hit na ito; parating may napapasamang finalist sa American Idol na contest-show; at tulad ng mga Filipinang contestant sa Miss Universe, parating may nananalo, bagamat hindi kasing tanyag ang kontest, sa mga internasyonal na kompetisyon sa pag-awit; ang pinakahuli ay si Vincent Bueno, nanalo sa Musical! The Show sa
May bagong ipinapakilalang subkapital ang Filipino. Ang kapital ay ang kapasidad ng isang bagay na makapag-attract ng finansyal na kita, magpaunlad sa sarili, makapag-exploit, at makonsentralisado ng kita. Dati ay lupa at pera ang mga naunang uri ng kapital. Pumasok ang intelektwal na kapital na dahil sa dunong at kasanayan sa espesyalisadong disiplina ay maari na ring magkaroon ng akses sa yaman. Matapos ay kinilala ang sosyal na kapital na nakabatay naman sa status sa lipunan o ng mga kakilala sa lipunan bilang susi sa mobilidad.
Sa kasalukuyan, sa edad ng migration at diaspora, mas global na umunlad ang corporeal o body capital, ang paggamit sa katawan sa larangan ng service sector—tulad ng entertainment, health care, tourism, at iba pa—na siyang diin ng kasalukuyang global na finansyal na investment. Ang ipinakikilala ng mga Filipino ay tinig at pandinig na subkapital. Pandinig, dahil kahit hindi nakapag-aral sa music conservatory, ay kayang kapain ang mga nota sa guitara, tambol o piano. Tinig dahil tulad ng napakinggan kong Filipinong banda sa
Pero sa huling pagtutuos, ang kagalingang magpalago ng spektakular na gitnang uring katawan, pera at kita, makapangibang-bayan, mapasali at manalo sa kontest, at ma-discover sa You-tube ay hindi ang pagiging orihinal nang pandinig at tinig, kundi ang pagiging orihinaryo nito. Ibig sabihin, plakado sa otentikong nagpasimula ng awit ang pagtugtog at pag-awit. At sa dalawa, kinikilalang mas mataas ang posisyon ng singer kaysa sa musician. Plakado—walang formal na training pero parang profesyonal ang dating; hindi kamukha ni Steve Perry pero parang si Steve Perry ang umaawit, kung ipipikit mo lamang ang iyong mga mata. Kailangang may suspension of disbelief, tulad ng panonood ng pelikula. Sa tagapakinig at audience, alam mong hindi ito orihinal pero namamangha ka dahil gusto mong mamangha na kayang kopyahin ang orihinal.
Ang kapangyarihang mag-xerox ang kagalingan (skill) ng Filipinong singer. Kung gayon, ang karaoke ang pangunahing aparato na nagpapaunlad ng kanyang kagalingan tungo sa kapangyarihang makapag-xerox. Hindi siya ang kopya ng kopya; siya ang operator ng makina na kumokopya, na kayang gawing tila orihinal ang xerox na libro, tulad ng nagagawa ng xerox machine operators sa Shopping Center ng U.P.
Sa karaoke, ginigiya siya ng mga letrang umuugma sa tempo ng musika. May score siya, at may rekomendasyon sa pagpuri at pagbatikos. Kailangan lang ay malakas ang boses, at plakadong nakakasabay ang kanyang tinig sa titik sa screen. Makina ang kumukumpas, at ang pag-awit sa bawat seleksyon ang naghuhudyat ng kanyang kagalingan o ang pagtigil ng kantyaw na muli’t muling umawit. Hindi ba ritwal sa karaoke na ang lahat ng dumalo ay umawit?
Kaya nga hindi ako umaawit sa karaoke. Mas may mystery na hindi iparinig ang tinig kaysa iparinig ang sintunadong tinig, at nang sa gayon ay di na pantay na inilalapat ang pagkantyaw sa lahat. Sa kalaunan ng sesyon sa karaoke, tanging ang may mga tinig na plakado ang sinusulsulan na muli’t muling umawit.
Pero ang karaoke mismo ay isang pagtatanghal. Hindi ka aawit ng una mong seleksyon na bago. Ang unang inaawit sa karaoke ay yaong naawit na—napraktis at napagbuti nang husto, at ang pag-awit sa karaoke ay paghudyat ng kagalingan, at masteri nito. Kaya ang karaoke ay umaalinsunod sa dalawang phantom ng panggagaya: una, ang ginagaya ay ang tempo ng makina; at ikalawa, ang tempo ng makina ay ginagaya ang bersyon ng mga mang-aawit. Hindi ba’t may iba’t ibang bersyon ang ilang seleksyon: panlalake at pambabae, bersyon ng Beatles at ng bagong bandang nag-ulit nito? Kaya ang umaawit ay nagtutuloy sa bersyon ng makina at bersyon ng awtentikong singer.
Kwento ni Arnel nang tumungo siya para makilala ang nag-recruit sa kanya sa Journey at ang mga magiging kabanda niya, nag-tutorial siya ng ingles, ng enunciation; sinukatan na siya para sa mga damit na susuotin niya. Ginawa na siyang mini-Steve Perry, parang si Mini-me kay Austin Powers.
Pero sa huli, kahit anong masteri sa panggagaya, hindi pa rin lubos na magiging orihinal. Ito ang sumpa at posibilidad ng mga operator ng xerox machine at karaoke.
No comments:
Post a Comment