Malling, Pagkatapos ng Christmas Break at Pagtanga
Pinatitira tayo sa mall. Bago mag-Pasko, dito tayo hinihikayat magshopping. Kahit pa may binomba o sinabugan ng poso negro na mall lang isang buwan bago mag-Pasko. Dito rin tayo pinapatangkilik ng sine sa Metro Manila Film Festival. Ano pa ba naman ang gagawin sa pinakamahabang break ng taon?
Hindi rin naman mauubos ang mga tira-tirang sinabi na ngang sosobrang hinanda ng Noche Buena at Medya Noche kung naglagi tayo sa bahay. Matapos ang Pasko, kailangang simulan ang taon ng bago o sumisimbolo ng bago—ang lumang bago ng modernong espasyo ng libangan, tulad ng Luneta at iba pang parke, ang bagong luma (dahil wala namang ginagawang bagong infrastruktura) ng theme park, at ang paratihang nagbabagong anyo ng modernidad, ang mall.
Tila sinasambit ng may poder ng kapangyarihan, dahil bago ang taon, kailangang ireafirma ang lumang kalakaran ng modernidad—ang malling, na matapos ang panahong nagsisiksikan ang mga tao sa last-minute shopping ay muling akuin ang lagusan at espasyo nito sa pribatisadong karanasan sa moderno.
Parating sinasabi na kailangang i-pace ang sarili dahil marathon ang selebrasyon ng Pasko. Lahat ay nagiging social butterfly sa panahong ito. Napapabigay pati sa mga hindi dapat, napapabati pati sa mga kaaway. Mahaba at stressful ang pagdiriwang, at sa pagpasok ng nalalabing sandali ng Pasko, maiisip na para lang talaga sa bata ang diwa nito. Ang matatanda ay hindi kayang pantayan ang lebel ng musmos at inosente dahil nabahiran na sila ng pag-igpaw sa yugto ng pagkataong ito.
Napapatanga tayo sa panahong ito. Hindi tayo ang may hawak ng bola. Ipinagpaubaya na natin sa may poder ng kapangyarihan. Tunay na iinog ang humahalakhak na mundo kahit hindi tayo nakasakay rito. Napapatanga tayo dahil pinili natin ang reaksyong ito.
Ito ang birtud kung paano tayo umiigpaw sa bawat sandaling may societal pressure na maging magiliw, charitable at Kristiano sa okasyong ito. May indibidwal na ahensya ito dulot ng unlaping “pag-” sa pagtanga, pinili nating tumanga dahil may pagtanggap na hindi kaya ng powers natin ang pagbaha ng iisang klaseng sentimiento.
Paglisan, pagsalin, pagsasanay at pagtatasa, halimbawa, na nagpapahiwatig ng aksyon pa rin. Hindi magkatumbas ang pagtanga sa pagkatunganga o pagkatulala—walang nagagawa ang nakatunganga dahil kaya nga siya nakatunganga o sa shock ng pagkatulala. Pagpapalit-mukha ang pagtanga dahil nakaranas ito na maging matalino at matalas.
Ang kakayahang tumanga ay importanteng ahensya, ang kapasidad mag-switch on at off sa mga bagay. Pagtatalaga ito ng indibidwal na taktika sa stratehiya ng pambansang buhay. Kapag kailangang lumaban, di lamang tinatanggal ang katangahan, hinihikayat din ang ibang nakararami na lumaban din. Kapag mas malakas ang peligro ng pang-aapi, ang mukha ng pagtanga.
Na hindi rin pagmamaan-maangan dahil nahuhuli ito sa akto ng pagkatukoy.
Ang marangal na lamang niyang magagawa ay magpakatanga—ang amining hindi niya alam ang sagot o ang sumagot sa tanong batay sa matalinong pagkatao. Ang huling opsyon ay batay na rin sa kanyang pagtanga—hindi naging lubos ang pagbabasa, pakikinig o pag-unawa, o maari rin namang may sariling alternatibong interpretasyon sa mga binasa at napakinggan. Ang mas huli ang paghuhubad ng posturang pagtanga dahil umakma na sa pagkataong nag-iisip.
Sa panahong ito na pinasisimulan (kahit hindi naman nagtapos) ang indibidwal na pagdanas ng pambansang buhay, habang nagmo-malling (na isa ring postura ng negosyong may ahensyang gawing permanente ang status ng pagtanga—paratihang pinapatunghay sa mayroon o walang dahilan), ang indibidwal ay kailangang mayroon sarili at sektoral na kakanyahang buksan at patayin ang postura ng pagtanga. Hanggang ang pagtangang hinihimok ng may poder ng kapangyarihan ay kayang patayin, busisain, at labanan ng sariling repertoire ng aksyon--pagtanga, sama-samang pagkilos, pagrebolusyon.
No comments:
Post a Comment