Tuesday, January 08, 2008

UP Sa Ikalawang Dantaaon, UP ng Sambayanan, Contend Statement



UP SA IKALAWANG DANTAON, UP NG SAMBAYANAN
Pahayag ng mga Makabayang Guro, REPS at Kawani ng UP
Enero 8, 2008


Ano ang kasalukuyang mga larawan ng UP na makikita ngayong ipinagdiriwang ang sentenaryo nito?
Ø Kailangan nang magsuot ng ID para makapasok sa maraming gusali sa kampus.
Ø Hindi na kailangang mag-aral ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga mag-aaral.
Ø Pakaunti nang pakaunti ang mga lugar na libre at malayang magagamit ng mga guro, mag-aaral at kawani para sa pagtitipon, pagtatalakayan, pagpupulong at pagpapahayag ng pagtingin sa mga isyu.
Ø Pataas nang pataas ang matrikula ng mga mag-aaral at binabalak na ngang singilin ang mga mag-aaral ng buong halaga ng kanilang edukasyon.
Ø Ginigiba ang mga komunidad ng maralitang naninirahan sa loob ng kampus para magbigay-daan sa mga highway at negosyo at napapaligiran na ang kampus sa Diliman ng mga gusali at proyekto ng Ayala Corp.
Ø Sinasara ang maraming serbisyo ng Unibersidad tulad ng UP Printery at University Food Service.
Ø Inaresto ng UP Police sa loob mismo ng kampus ang tagapangulo ng University Student Council sanhi ng pagsuporta niya sa mga hinaing na nalay-off na manggagawang kontraktwal ng Unibersidad.
Ø Kinansela ang Lantern Parade 2006 dahil sa takot ng administrasyon sa rali ng mga mag-aaral laban sa pagtaas ng matrikula.
Ø Hindi nakapaglathala ng pinakamahabang panahon pagkatapos ng martial law ang Philippine Collegian dahil sa panggigipit ng administrasyon.
Ø Palakas nang palakas ang tinig ng teknokrasya habang pinatatahimik ang malaya at demokratikong deliberasyon sa lahat ng antas ng pangangasiwa sa Unibersidad.

Maraming nangyayari ngayong sentenaryo ng ating mahal na Unibersidad na hindi pa nangyari dati. At hindi man ideyal ang nakaraang mga dekada ng UP ay may ilang batayan din ang bahagyang damdaming nostalgia para sa UP ng kahapon. Masasabi ito sapagkat ang kasalukuyang ipinapatupad ng administrasyong Roman na mga palisi ng pribatisasyon at komersyalisasyon ay mga prosesong patindi nang patindi at palalim nang palalim ang epekto sa isang pampublikong institusyon tulad ng UP. Habang tumatagal ay lalong nagiging malalim ang bisa nito at lalong nagiging litaw ang mga panlabas na manipestasyon.

Daig pa ang lahat ng nakaraang administrasyon ay tinutulak ng kasalukuyang administrasyon Roman ang mga prosesong ito ng pagbabaklas ng UP bilang pampublikong institusyon hanggang sa pinakarurok. Kitang-kita ang labis na pangangayupapa at lubusang pagyakap ng kasalukuyang administrasyon sa "market fundamentalism" na nagpapalagay na ang lahat-lahat ay kailangang iayon sa takbo at pangangailangan ng pamilihan. Bilang ideolohiya at bilang doktrinang neo-liberal ay bulag itong tinatanggap at sinusulong ng mga teknokratang negosyante ng pamantasan.

Sinusukat ng ganitong kaisipan ang lahat ng pag-unlad at pagsulong ng kaalaman ayon sa makikitid na pamantayan ng tubo at pagtubo. Nahuhubog ang buong proyektong pang-akademiko tungo sa pagsunod sa mga kahilingan ng salapi at inilalayo ito sa mga direksyon ng tuwirang pagtugon sa humihiyaw na mga pangangailangan ng sambayanan at isinasantabi ang mga bagay na maaaring mahalaga ngunit walang tuwirang kinalaman sa komersyo. Taliwas sa ibinabandilang "kalayaang pamilihan", ang panunuot ng lohika ng pamilihan sa pangkabuuang pamamalakad ng unibersidad (kasama ang represyon at terorismong pang-estado sa mas malawak na lipunan) ang isa mga pinakamalaking banta sa kalayaang pang-akademiko sa pamantasan. Sanhi ng komersyalisasyon at pagsasapribado ng pamantasan ay natatabunan ng kultura ng karerismo at konsumerismo ang matayog na ideyal ng paglilingkod sa bayan habang ganap na pinapalitan ang kamalayang bukas at mapagpalaya ng kamalayang makitid at makasarili.

Kaharap nito'y kailan pa magiging tunay na unibersidad ng sambayanan ang Unibersidad ng Pilipinas? Kailangan pa magiging realidad ang mithiin at panaginip ng mga iskolar ng bayan na sinisimbolo ng Oblation? Tulad ng nahapag sa Unibersidad noong panahon ng batas militar, ang sagot sa mga tanong na ito ay isa ring tanong: "Kung hindi ngayon, kailan pa?" Habang patuloy na naliligalig ang lipunang Pilipino ng kawalang hustisya sosyal ; habang buhay pa ang diwa ng pag-aalay ng talino at husay sa ikauunlad ng bansa at ikagagaling ng naghihikahos na nakararami ay makakaasa tayo na hindi komersyalismo at pribatisasyon ang magiging kinabukasan ng pamantasan.
Habang handa pa tayong ipaglaban ang mas malawak na interes ng masang Pilipino ay maaasahan nating makakamit na sa ikalawang dantaon ng UP ang tunay na katuparan ng edukasyong naglilingkod sa sambayanan.


UP Pamantasan ng bayan, Paglingkuran ang sambayanan
!
Labanan ang tumitinding komersyalisasyon at pribatisasyon ng UP!


All UP Workers Alliance
Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND)

No comments: