Friday, May 12, 2006

Paglulunsad ng Dalawang Isyu ng Plaridel (Pananalita)

Pananalita sa Paglulunsad ng Dalawang Isyu ng Plaridel

Ang anumang paglulunsad ay isang pagsukat ng tagumpay—at sa journal na ito, ng mahabang proseso ng pananaliksik at pagsusulat ng indibidwal na skolar at ang pag-uugnay nito sa mga pahina ng dalawang isyu. Naging masigasig ang maraming skolar. Dapat sana ay isang espesyal na isyu lamang ito ng kulturang popular. Pero sa dami at kalidad ng mga nagsipag-ambag, minabuti ng mga lupon ng editor na gawin na itong dalawang isyu, nang may malinaw na tinig ukol sa etnisidad na tinatahak ang iba pang mga artikulo.

Bilang isa ring mananaliksik, gusto ko ang larangan ng kulturang popular dahil sa sabayang sweet and sour na panlasa nito, ang Janus faced na figura nito—sabayang nakatingin sa nakaraan at sa hinaharap bilang pananaw ng kasalukuyan, at bagamat hindi ito ang panahon ng semana santa, ang figura ni Hesus, ng pagdurusa sa pangako ng katubusan. Ang kulturang popular ang ating pangunahing nakikita, inihihinga, nalalasahan, nararamdaman at napapakinggan. Ito ang buhay ng kontemporaryo at ng kabataan—ang isang daan at isang produktong itinapal sa mukha at katawan bago natulog at matapos gumising, ang mga panggitnang uring abibot na karagkarag natin sa ating mga bag, wallet at katawan bilang inaakalang kabuuan, at sa amnesiang madala ang mga bagay na ito—tulad ng cell phone o palm pilot—ang pakiwari ng pagkapilay, kakulangan at hindi buo.

Noong unang panahon, ang paniniwala sa kulturang popular ay pag-aakalang ito ay bahagi ng daloy ng tradisyon, ang pagsasanib ng bagong popular sa lumang popular. Dumating naman ang postmodernong pananaw, na ang kulturang popular ay liberal na demokrasya, at sa espasyo ng indibidwal na karapatan at kolektibong kabutihan, itong indibidwal at maykrokosmong grupo ay matutunghayan sa pang-araw-araw na praktis at politika. Pero dumating na tayo sa edad na ang kulturang popular ay direktang lumalahok na sa politika ng estado, hindi na lamang ang politika ng estado ang lumalahok sa paglimi ng mga produkto, karanasan at serbisyo sa kulturang popular. Ang inaakalang maningning na halimbawa nito ay ang impetus ng radyo at video camera sa EDSA 1, ng cell phone sa EDSA 2, at malamang ng internet ng susunod na EDSA, kung hindi man, sa naging karanasan sa protesta sa US War sa Iraq at ang susunod na anti-WTO meeting sa Hong Kong ngayong Disyembre.

Nananatiling madulas na usapin pa rin ang kulturang popular, lalo na sa bansang bawat hibla ng pang-araw-araw at panlipunang politikal na karanasan ay nababahiran pa rin ng pamomolitika ng mismong estado at ng pananalapi ng negosyo. Dati, kapag inaapi ka, sinabing mang-isa ka na lamang o ilagay mo sa kamay mo ang katarungan, tulad ng pelikula nina FPJ at Erap. Ang nakakalimutan, tulad sa pelikula nina FPJ at Erap, ay ang foregrounding ng pulis sa pagtatapos ng pelikula, matapos maghiganti ng bida sa lahat at sobra pang lumasptangan sa kanyang mahal sa buhay. Dati, kapag inaapi ka, humingi ka ng tulong sa peryodista para ipalaganap ang causa mo. Pero sa dami ng pinapaslang na journalist sa bansang ito, kanino ka pa maaring dumulog? Ngayon, kapag inaapi ka, isusumbong mo kay Tulfo, ipapa-hoy gising mo, hahanap ka ng palabas sa telebisyon na maari kang dumulog—mula Kapwa Ko Mahal Ko, kapag may karamdaman ka; Bantay Bata kapag binubugbog kang musmos, Magpakailanman kapag dati kang bold star at nagnanais mag-comeback. Ginagawang libangan ang buhay ng mamamayang nakalugmog sa pagdurusa at pighati. At ang karumaldumal pa nito, pinapanood natin ang karanasang ito na tila ba hindi rin ba kahalintulad ang ating karanasan. O baka naman, para masabing mas maganda pa pala ang ating nakakahingang buhay kaysa sa ating pinapanood na naghihingalong buhay.

Maging ang ating karanasan sa etnisidad ay dumadaan sa prismo ng kulturang popular na dumadaan sa prismo ng may interes na media at iba pang ideolohikal na aparato. Paano ba itinutuwid ang dila para mapagpag ang mga punto? O nalagay sa sizzling plate ng Trellis ang ordinaryong sisig para maging exemplaryo ng Kapampangan cuisine at ng pagiging Kapampangan? Bakit panlasa ang unang marka ng pagtanggap ng nakararami, tulad ng pagkaing Tsino, Kapampangan at Ilonggo, ng integrasyon sa sentro? Sa isang bansang multi-etniko, multi-relihiyon, multi-kultural at multi-linggwal, ang dibersidad ay unti-unting lumalapot sa panlasa ng sentro. Ito o ang enforced ethnic harmony, tulad ng mga bansang Singapore at Malaysia, na ang lahat ng politikal at pang-ekonomiyang karapatan ay nakabatay sa populasyon ng mga etnikong grupo. Ito o ang salad bowl at melting pot fantasy ng Estados Unidos bilang pangunahing bansa ng mga imigrante. Ito o ang modernisasyon ng estado ng India na naglagay sa sekularisasyon ng mga relihiyon sa larangan ng politika.

Ang mga artikulo at rebyu sa mga isyu ng Plaridel ngayong umaga ay patunay na marami pang kakaining bigas kahit pa marami nang naani sa kaban ng yaman ng larangan ng araling komunikasyon at media, sa pag-unawa ng politikang interbensyonista sa mga penomenon ng kulturang popular at pagkatao at modernidad ng etnisidad. Nais kong pasalamatan ang mga skolar, rebyuwer at referee sa pagtitiwala sa kanilang mga saliksik at sa Plaridel. Tatawagin na lamang sila—maliban ang referee—sa graduation portion ng programa, ang pamumudmod ng kopya sa mga hindi pa napamahagian nito.


8 Disyembre 2005

Media at Kulturang Popular (Introduksyon sa Plaridel Journal)

Media at Kulturang Popular

Malaki ang papel ng media sa pagpapalawak at pagpapalalim ng kulturang popular. Hindi nga ba’t hindi magiging popular ang kulturang popular kung walang media na nagbibigay katangian ng mass (pangmalawakan, lalo na sa hanay ng underclass), mediated (pinatagos at intervened ng media) at overdetermined (kay Althusser na konsepto ng interrogated ng mga aparato ng estado, kung saan ang media ay may malaking bahagi dito)?

Matingkad ang media sa pag-unawa kung paano gumagana ang kulturang popular. Ang media ay ipinopostura bilang egalitaryo, may misyon at serbisyo ang pangunahing layunin. Sinasambit ng media na para ito sa paghahatid ng balita at programang walang pinapanigan. Walang self-reflexivity ang media dahil tila hindi nito pinag-uukulan ng interes ang sarili gayong wala naman talaga itong layunin, tulad ng kalakaran sa negosyo, kundi kumita. Nagbabalita ito para kumita, nakikipagkapwa-ko-mahal-ko para kumita, umuugnay sa mga kapuso’t kapamilya para kumita. Ginagawa ang pagkita na tila nanunuluyan sa mamamayan at sambayanan, kaya paratihan, may periodikong serbisyo publiko ang media lalo pa sa pahanon ng likhang tao’t kalikasan na disaster. Hinihimok tayong magbigay sa mga nasalanta ng bagyo at pagguho ng mga kabundukan kahit pa walang paghihimok na tumulong sa pagsasakdal ng mga salarin gayong nasa puwesto naman para gawin ito.

Itinatago ng industriya ng media ang kanyang sariling interes sa pamamagitan ng paglalatag ng mga misyong pangkorporasyon, tulad ng “in the service of the Filipino people.” Kagyat tayong ginagawang poder ng paglilingkuran at hinihimok tungo sa mabuting pagkamamamayan. Serbisyo-publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyong makakapagpadesisyon sa mamamayang manonood-tagapakinig-tagapagtangkilik tungo sa ikabubuti ng kanilang panlipunan at historikal na posisyon. Minamaso ang serbisyong ito na tila nga ba hindi nakakawing sa pangunahing interes ng industriya ng negosyo. Sa kasalukuyang punto ng ating pagtunghay sa telebisyon, ang balita ay nagiging “infotainment,” kumpleto sa music track sa pagdulog ng pinakamarahas na karanasan sa krimen, kawalang-katarungan at kahirapan. Ibinebenta ang mga tagapaghatid ng balita bilang mga personahe ng showbiz, at ang mga ito ma’y ginagawang endorsers na manghihimok sa odyens na tumangkilik ng mga produkto.

Ang balita ay nagiging showbiz at ang showbiz ay nagiging balita. Tila mas naninikip ang mga dibdib ng mga tao sa proliferasyon ng sex videos nina Piolo Pascual at Ethel Booba kaysa sa 66 na pinatay na peryodista simula pa 1986 at 49 na aktibistang lider ng mga progresibong organisasyon simula noong 2001. Ang korporasyon na nagpasikat sa mga personahe sa multi-media na telebisyon, pelikula, publikasyon, musika at radyo ay siya ring gumagawa sa mga naturang personahe—tulad ng 24 oras na serbisyo ng pandesal de pugon--bilang pinakamainit na balita. Sila na may kontrol sa industriya ang siyang may hawak ng mga iba’t ibang pinto nito—mula sa sandamakmak na aspirants ng star searches hanggang sa grupong exklusibong humahawak ng kanilang training, hanggang sa drama serye, noontime show at gameshows na kanilang lalahukan, hanggang sa recording studio na maglalabas ng kanilang album at magtitiyak ng kanilang promotion sa mga fiesta, mall at bar tour, hanggang sa may dambahin ang masa bilang natatangi. At ang kawawang Cinderella/o, pupulbusin ng mismong korporasyon ang mahabang maigsi nitong komersyal na buhay hanggang sa marami sa kanila ang matira na lamang sa laylayan—mga labi at latak ng nauna’t nagtangka, nagtagumpay pero hindi lubos, tinangkilik sa isang partikular na panahon at pangangailangan ng fans at mamimili.

Ang interarktibong partisipasyon ng fans, personahe at korporasyon ay nagtitiyak na ang fans ay hindi lamang mga sekular na relihiyoso kundi mga mamimili, ang artista bilang komersyal na santo at ang korporasyon bilang dambana ng pangangailangan, pananalig at pag-asa. Sa bawat pagtext sa Debate, pagpila ng kontestant at papili ng home partner, sa direktang pag-adres ng tagapaghatid ng balita, tinutunghayan ang manonood bilang hayagang kinakausap para mamili (to choose at to shop), na kakatwa ang salita dahil sabayan nitong natuhog ang dalawang akto na kalahok sa serbisyo-publiko ng media. Namimili tayo ng impormasyon na papaniwalaan, papanigan, paninindigan, at sa maraming pagkakataon, tila at aktwal na ipagpapatayan.

Sa huling usapin, hindi naman nagsisinungaling ang media kapag sinabing serbisyo ang hatid nito. Bahagi ang media ng sektor ng serbisyo (service sector) na nagbibigay-diin sa mga negosyong hindi lumilikha ng produktong yaman kundi ng finansyal na yaman. Kabilang sa sektor ng serbisyo ang entertainment, hotel at turismo, fastfood at retail, edukasyon at kalusugan. At sa hampas ng neoliberal na globalisasyon, ang lahat ng serbisyong kalahok nito ay unti-unti nang binubuksan para sa kompetisyon at partisipasyon ng mga higanteng manlalaro.

Ang dulot ng lahat ng kaganapan sa media ay ang konstruksyon ng afekt o dating na nagbibigay-diin sa panggitnang uring konsumeristang identidad. Sa aking palagay, ang usapin at identidad ng pagkamamamayan (citizenship) ay pumapailalim na lamang sa mas binibigyan ng importansyang identidad ng konsumerista. Ang mabuting mamamayan ay sa unang usapin, mabuting mamimili. Ang papel ng ganitong media ay para bigyan ng paglilimian at pagpipilian ang mamimili kundi man para makapamili ito o maging mulat man lamang sa aspirasyon ng posibilidad. Lumilikha ang media ng dating ng pag-asa para sa konsumerista—na kahit wala siyang kakayahang bumili ng pinakabagong modelo ng cellphone ay magiging mulat naman siya sa pamamagitan ng malawakang direkta at pisan na marketing sa kaalamang mayroon nang modelo at produktong hihigit pa bago pa man siya makabili ng kanyang maaabot-kaya. Ginagawang abot-tanaw ng media ang pangarap tungo sa posibilidad na akses sa komoditi.

Tayo na mamimili ay overdetermined naman ng aparato ng media—katuwang ang iba pang ideolohikal at represibong aparato—ang ating pagkatao. Sa pang-araw-araw na seduksyon ng media, tulad ng pang-araw-araw na aktibidad ng malling at panonood ng sine, ginagawang plebisito ang kumpiyansa sa ating panggitnang uring konsumerista at postmodernong pagkatao. Tila tayo nag-eehersisyo ng ating karapatan para sa impormasyon at pamimili gayong lahat ng ating kalistenikong pag-eensayo sa konsumeriso—pati na rin ng liberal na demokrasya—ay humahantong, sa huling usapin, sa pagtataguyod ng negosyong interes ng media.
Iisipin ng mambabasa nitong introduksyon na napaka-party pooper ko naman gayong kay raming ligayang handog ng pagtunghay sa mga texto-produkto ng media. Hindi naman maitatatwa ang katangiang ito ng media—nakakapanghalina ang seduksyon ng konsumerismo at liberalismo. Ang saya-saya ng mundo ng showbiz na kasalukuyang nagbibigay ng lehitimong akses sa iba pang tradisyunal na pag-aaring kapital—lupa at finansyal na yaman, maging ng edukasyon. Kung maganda ang pangangatawan at makinis ang mukha, kung bata’t may determinasyon, ang pag-aartista sa pangunahin at pagmomodelo, pagiging beauty queen o bikini winner, maging ang pagiging pinakamagaling na a-go-go o macho dancer sa mga pipitsuging bars, sa sekundaryo ang panibagong pasaporte sa aspirasyon ng panlipunang mobilidad. Paano ko ito itatatwa sa napakaraming umaasang makilahok, maging bahagi at maging integral?

Nakakalungkot na aminin na labas na ito sa poder ng kritikal na pag-aaral ng media. Ang media advocacy ay kinakailangan ng paglahok sa mga aktwal na industriya ng media. Ang puwang sa edukasyong media ay ang paglalatag hindi pa ng fundasyon dahil hindi naman kohesibong infrastruktura ang pag-aaral ng media o ang tertiaryong edukasyon, kundi ng pagtatanim sa puwang ng mismong infrastruktura sa alternatibong kakanyahang panunuri o kritikalidad sa mismong operasyon at praxis ng media, kasama ng napakaraming nag-aaral para maging media practitioners rito. Sa isang banda, magkahalintulad na spero ang media at edukasyon dahil mayroon itong kakanyahang maging pro-active sa transformasyong panlipunan. Tinatanggap ang mga debate sa loob at katuwang na labas ng mga sperong ito gayong sa huli, hindi naman talaga nababago ang substansya ng mundo ng sperong ito. Pero may nababago at may mababago kahit paano—ito ang pananalig kaya marami pa rin ang nakikibaka mula sa loob nitong spero. Sa kabilang banda, ang produksyon ng impormasyon at kaalaman mula sa mga sperong ito ay nagtitiyak, higit sa lahat, ng substansasyon ng hegemoniya ng parehong naghahari at pinaghahariang uri.

May tasitong pagtanggap na ang sperong intelektwal ay kapital na kayang bilhin at ipamili ng may hawak na aktwal na kapital. Pero wala namang mundo na nasa labas ng mga magkakasalikop na sperong ito. Ang pagbabago—radikal at reformismo man—ay nangangailangang isaalang-alang ang intrinsikong hegemonikal na katangian ng mga spero. Kaya ang kakanyahan ng edukasyong media ay ang pakikipagtunggali sa mismong refleksyon at representasyon nito: na ang texto-produkto ng media, sa kasalukuyang antas ng negosyong media, ay matutunggali lamang mula sa labas nito, sa edukasyong media na ang kinakausap ay hindi ang mismong negosyo ng media kundi ang itinatanging sektor ng edukador at skolar sa media.

Ito ang naghahabi ng mga sanaysay na kasama sa espesyal na isyung ito. Tinutunggali ni Sarah Raymundo ang nosyon ng popular, hinihimay ni Emil Flores ang nosyon ng Pinoy superhero, binabatikos ni Soledad Reyes ang AM airwave comradeship, tinatalikdan ni Danilo Arao ang politikal na kulturang nagpapatanggap sa serialidad ng pagtaas ng presyo ng presyo ng gasoline, binibira naman ni Ruben Canete ang konstruksyon ng pagkalalake at urbanidad sa mga billboards ng Bench underwear, at pinaangat naman ni Shirley _____ ang nosyon ng panahon sa pelikula ni Lino Brocka sa pagtahak ng transnasyonal na panahon sa pelikula ng Hong Kong na direktor na si Wong Kar Wai. Sa madali at mahirap na salita, binibigyan ng kontexto ang pag-unawa sa mga kulturang popular na karanasan tungo sa pagsisiwalat ng anyo, laman at substansya ng textualisasyon at komodifikasyon nito.

Bilang isyu editor, nagpapasalamat ako sa mga skolar sa pagtitiwala sa kanilang mga sanaysay, rebyu, panayam at anotasyon na malathala rito; sa mga referee na sila man ay humimay sa mga akda sa proseso ng pagpapabuti ng pag-aangkop ng historikal at panlipunang kontexto; kina _____ at Berinice _____ at ng Office of Research and Publication ng College of Mass Communication; at kay Dekano Nicanor G. Tiongson na hindi lamang nagbigay ng napakahalagang suporta kundi nagpatibay sa pangangailangan ng gawaing skolarship sa kolehiyo.

Hardin ng Rosas
25 Abril 2005

Thursday, May 11, 2006

Separation Anxiety (Sapantaha column)

Separation Anxiety

Mahirap daw magpaalamanan sa kulturang Filipino. Tignan mo na nga lang si Rizal, napasulat pa ng mahabang tula sa gabi ng kanyang kamatayan. O si Florante na nanagnoy pa tungkol sa loob at labas ng kanyang bayang sawi habang nakagapos sa puno sa gubat at naghihintay ng mga leon at tigre.

Parati, may mabigat na dinadala sa harap ng mga ngiti at kasiyahan. At kahit gaano kadalas ang pamamaalam, parating mabigat dahil walang kasanayan. Kung iipunin ang luhang ibinuhos sa international airport—may 6,000 OCW na nangingibang-bansa araw-araw—baka wala na tayong shortage sa tubig. Sa yugto pa naman ng masibong pagkilos ng mga tao sa multinasyonalismo, hindi minsan na may mawawala at may bagong darating.

Kasama na ako rito. Tutungo ako sa Osaka para sa dalawang taong pagtuturo sa Philippine Studies program doon. May bago na akong identidad, overseas contract worker. Sasama ako sa pitong milyong Filipinong pwersa nito. Kaya hindi ako nag-iisa sa anxiety na nararamdaman ko.

Sa paglapit ng petsa ng pag-alis, lalong tumataas ang anxiety level ko. Ang mga plinano kong tapusin bago ako umalis ay hindi na mangyayari. Naparami tuloy ang mga materyales at librong ipapa-DHL ko roon. Pakiramdam ko’y tratrangkasuhin na ako, at talaga namang nagkasipon ako. Hanggang sa ginive-up ko na nga ang planong maging dakila’t nagpaubaya na lamang sa mga bagay na hindi ko lubos na mababago. At kahit papapaano’y gumaan ang pakiramdam ko.

Hahayo ako hindi dahil gusto ko. Pero dahil na rin sa pangamba sa hinaharap—na tatanda ako sa U.P. na wala pa ring kapasidad na magkaroon na finansyal na seguridad. Ang paranoia ko talaga’y ang literal na pagpapalayas sa aking faculty housing kapag nagretiro na ako, at ang kawalan ko ng lugar na malilipatan. Kaya OCW mode muna ako, dalawang taong pagsasakripisyo’t pag-aagam-agam para magkaroon ng katubusan sa pangamba sa hinaharap, kahit hindi lubos.

Habang nagtatagal, naiisip kong ako’y isang walking anxiety. Hindi ba ito tulad ng burgis na flaneur ni Benjamin na gumagawa ng politikal na statement sa kanyang kakaibang nahihinuha sa paglalakad—may inilalakad na pagong, halimbawa—para pagtuunan ng pansin ang aktibidad at ang kapasidad na maunawaan siya ng kanyang kapaligiran, at ng kapaligiran sa kanyang ginagawa. Dahil sa walang katapusang kontradiksyon sa buhay—peti-burgesyang intelektwal sa marami sa atin—wala ring katapusan ang anxiety attacks natin. Ito ang puno ng aking separation anxiety. Nawawalay tayo pero hindi sa ating anxiety.

Lalo lamang napapatingkad ang ganitong anxiety sa kapaligiran ng U.P. Summer na naman. Tapos na ang semester pero tila mayroong hindi natatapos sa atin. Parang may bahagi na nagpapatuloy pa rin. Tulad ng maganda o pangit na sine, kahit wala na tayo sa loob ng sinehan ay hindi pa rin natin malubos-mawari kung bakit tayo nababagabag. Ano itong labi na ayaw mawalay?

Ang U.P., bilang isang institusyon, ay tila nasa loob ng sarili nitong bubble. Mayroon itong sariling pamahalaan at paraan ng pagpapatakbo sa mga bagay-bagay. Mayroong sariling inog ang mundong ito. Sa espasyo, tila hindi nagbabago ang disenyo ng U.P. Ito pa rin ito noon, ganito pa rin ito ngayon. Mayroong nadagdag, pero sa esensya, ito ay pareho pa rin.

Kaya rin nostalgic ang mga tao sa U.P., tila nagiging ideal ito, kahit pa sa unang usapin naman ay hindi naman o wala naman talagang ideal. Sa graduates nito, aalis sila at magiging perfekto ang mga hindi perfektong bagay sa pagdaan ng panahon. Maalaala nila tayo bilang moment at monumental sa kanilang buhay, kahit hindi naman tayo kahit kailan naging perfekto. Kung literal silang babalik sa U.P., hindi nagbago ang kapaligiran ng campus. Tila pareho pa rin ang mga akasya at building sa University Avenue, damo sa Sunken Garden, pareho pa rin ang tindi ng panghi sa banyo sa Shopping Center.

Kaya madaling maging trippy sa arkitektura ng U.P., parang nandiyan lang kahit matagal ka nang di bumabalik. Kahit taga Fairview ka lang o Project 7, tila ito abot-tanaw lang. Pero mas madalas kaysa hindi, hindi naman gagawa ng pilgrimage rito. Kung hindi nagbabago ito, paano pa ang sariling relasyon dito? Paano rin ang inbibidwal at panlipunang relasyon natin sa isa’t isa dulot ng pananatili at pag-alis natin sa U.P.?

Paano nakakalimutan ng alaaala ang nagaganap na pagbabago? Paano inaalaala ang luma sa sipat ng bago? Paano nade-depoliticize ang mga alaala at mismong pag-alaala? Na ito ay hindi negated para tumungo sa kontra-tesis nito, bagkus positivize pa nga para ang lahat ay gumanda at umiwalas?

Habang nagtatagal sa U.P., tila lalong nagiging mahirap humiwalay dito. Mas madali na lamang manatili rito kaysa umalis. At bakit naman hindi? Ang U.P. ay isang munting republika—may sariling kalendaryo ng mga aktibidad, sa pangunahin kultural. Ito ay munting uniberso na sa panipat ng marami, ay maaring higanteng kalawakan o kaya naman ay tunay na alikabok lamang.

Pero habang nagtatagal sa U.P., marami rin ang nagpapaalam. Maraming nawawalay, at maging ito ay dumaan sa mahabang paunti-unting proseso. Kadalasan, ang mga mas bata ang may mas lakas ng loob na magbago ng landas—mga young math professor, halimbawa, na bigla na lamang magko-corporate para sa mas malaking sweldo. May kaya at hindi kayang punan ang U.P.

May aalis akong kaibigan sa U.P. At ang kanyang desisyong umalis—ke temporary o tuluyan na—ay nakaka-disturb sa akin. Matapos nating gumawa ng relasyon sa isa’t isa, magkaroon ng intersubjective na komunidad, ay temporary lang pala ang mga ganito. May shelf life lang ang relasyon at komunidad. Ito naman ang ugat ng aking separation anxiety.

Sa kabuuan naman ng mga bagay, ganito ang buhay sa pangkalahatan. Parang may pangangailangan ng kahandaan parati sa kamatayan, o sa pagkaudlot ng buhay. Nang muling lumindol sa Baguio, halimbawa, nandoon kami sa tuktok ng three-story building. Nagmamadali ang mga taong bumababa sa kalsada. Naisip kong ok na siguro ako kung natuloy ang lindol. Masaya na ako sa nagawa ko sa aking buhay, in the grand schema of things.

Ganito sa isang banda, ang buhay ay temporal lamang na entidad. Ni hindi tayo ang maghuhusga sa kawastuhan at kaangkupan ng ating ginawa. May sustansya ang kasaysayan para sipatin ang ating kolektibong gawain. Sa kabilang banda, kailangang patuloy pa ring nabubuhay sa pang-araw-araw—hindi lamang sa pisikal pero sa worldliness o sa pagtuklas pa ng ngalan ng karanasan sa mundo. At maging ito ay isang nakakabaliw na palaisipan: paano ka mabubuhay na parang huling araw na ng iyong buhay?

Kaya naman pala may mga gumigising at natutulog na nagpapasalamat sa araw at gabing nakalipas. At ang husga ng kasaysayan ay kung gaano kasustansyal na nakaambag ang nilalang sa pagpapadaloy at pagsaka nito. Ganitong sinaryo o mamuhay sa plastic bubble.

Kung ang U.P. ay isang higanteng fossil, hindi ba’t lahat pala tayo ay frozen sa loob nito? Tulad ng Magnolia, frozen delights pala tayong lahat. Katakam-takam para sa nasa labas, pero may kamiserablihan sa loob. Produktibo ito para lalong baguhin ang loob, kontra-produktibo ito kung tunay na nagiging walking anxiety lamang. Nakakalungkot isipin na sa dinami-dami ng naglalakad sa University Avenue, bawat isa’y time-bomb na nag-aantay na lamang pumutok. Pero wala nga tayong nakikitang ganito. Madalang ang breakdown scene dahil may kapasidad tayong i-repress ang mga bagay. Nagtagumpay na ang sistema para supilin ang radikal na potensyal.

Kaya mainam ding nailalabas ang anxiety sa isang kolektibong gawain. Hindi masayang maging miserableng nag-iisa. Hindi rin masayang nanghahawa sa pagiging miserable. O nagpapataasan ng ihi kung sino ang mas miserable. Kung ang separation anxiety ay hindi phenomenal kung nominal state, kailangang gawing produktibo ang nararamdamang agam-agam. Para magkaroon ng buhay sa ating fossil na daigdig, munting uniberso at republika. Dito lamang maaring magkaroon ng buhay ang buhay.

Pepsi Paloma: Itsa Crezie Planets!

Pepsi Paloma

Pepsi Paloma, under-aged Amerasian bold star at drug user, nag-suicide

Pepsi. Kabahagi ng cola beauties ng kapitana ng Quiapo, Dr. Rey de la Cruz, ophthalmologist at star builder ang iba pa nitong credential. Credible tuloy, may credit, pwedeng umutang, pwede rin sigurong magpautang—pera, katawan, regulasyon at deregulasyon. Pati kaya oil price hike, kaya rin niyang pigilan? But no, patay na si Dr. Rey, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Malapit naman ang kanyang kaluluwa sa espiritu santo ng Quiapo, ang puso ng Metro Manila, lahat ng trafiko ay hindi maaring hindi huminto sa Quiapo. Simbolo ng modernisasyon ng infrastruktura sa bansa—unang anderpas; nandito pa rin ang kabuuan ng pinakamagandang tulay, para sa akin, sa bansa, ang Quezon Bridge, sa kanyang steel structure sa art deco; at isa sa pinakamalaking dambana sa bansa.

Nazareno. Patron ng mahihirap. Marami iyon. Dinudumog araw-araw, gabi-gabi. Pinapangakuan kapalit ng katubusan. Pinagdarasalan, prinuprusisyon, pinapahiran ng panyo. Salatin nyo ako, tila winiwika nitong nakahimlay na katawan. Sa ibang pagkakataon, pasan nya ang krus. Mas matimbang pa rin kaysa kay Sharon na pasan ang daigdig. Pinapasan nya ang kasalanan ng mundo, at pinapasan nating tao ang mundo. Sino ang pumapasan kanino? Kung pinapasan na, bakit pa kailangang pahiran at ipahid sa sariling katawan? Binabawasan ba ang bigat, ang timbang? Tinimbang ngunit kulang, pelikula naman ito ni Lino Brocka, ang pinakapolitikal na direktor ng kanyang panahon. Nag-iiba ang panahon, lumilipas at dumarating. Bakit tila hindi nag-iiba ng pumapasan at ng pinapasan?

Pasan. Pinapasan ng mga kargador ang kamada sa pier sa North Harbor. Isa-isang inaakyat o binababa sa bapor. Labor-intensive. Pinapasan ng mga pahinante ang burgis na babae, ang maysakit o polio, tulad ni Apolinario Mabini, ang sublime paralytic (kung sino man ang nakaimbento nitong titulo ni Apo ay saludo ako), ang may-edad. Si Apo, para ibiyaheng patakas sa mga Amerikanong mananakop; ang may-edad, para sa pagkakataong kinakailangang lumisan at bumalik; ang burgis na babae, para humayo at mamanata sa Birhen ng Antipolo, ang patrones ng paglalakbay. Di ba’t lahat tayo ay naglalakbay? May pinanggagalingan at pinatutunguhan, alam man natin ito o hindi? Na ang sabi nila ay hindi mahalaga ang destinasyon, mas mahalaga ang pagtungo doon. Ang biyahe.

Biyahe. “Kyapo, kyapo!” paulit-ulit na sigaw ng colboy, mga musmos na dapat ay nasa eskwelahan pero sa kalsada na natuto sa kanilang paglaki. Barker, sa matanda. Taga-anunsyo ng destinasyon—saan ka patungo, panganay ko? ano ang hinahanap mo? Kapag sumakay ka ba sa biyaheng ito, matutubos ka rin ba? Hindi ba’t ang pagdaan ng jeep sa simbahan ay parang pagpunas na rin ng panyo sa imahen ng Nazareno? Nagbiyahe ang mga sako ng bigas at asukal at pasahero sa pier, nagbiyahe ang babae sa Birhen ng Antipolo, si Apo sa bundok ng Sierra Madre. Ang naglalakad ng paluhod sa gitna ng simbahan ay nagbibiyahe rin patungong altar. Nakita kaya nila ang gusto nilang makita? Ang kanila bang pagtakas ay pagtuklas din ng bagong landas? Hindi iisa ang landas patungong Quiapo. Hindi iisa ang imahen ng Nazareno.

Imahen. Imahen ng Nazareno, imahen ng Birhen ng Quiapo, imahen ni Sharon Cuneta, imahen ng paghihirap at katubusan. Ano ito’t napapaniwala tayo ng imahen—na ok lang itong paghihirap dahil may katubusan, ok lang itong magbiyahe sa landas ng pagdurusa dahil sa huli ay babangon ako at dudurugin kita, ay hindi pala. Babangon ako, yayaman o sisikat, makakaganti sa umapi sa akin, pero patatawarin ko sila. Sila na umapi sa akin ay tutumbasan lamang, hindi paglalamangan. Hustisya, walang labis, walang kulang. Muling tinimbang, pero kulang pa rin. Kailan ba makakasapat ang lahat ng paghihirap at pasakit na ito? Kailan hahahantong sa destinasyon ang pagbibiyahe? Kailan magiging totoo ang imahen? Ang imahen sa pelikula o sa altar ay imahen ng imahen ng totoong bagay. Paano magiging totoo ang hindi totoo? Totoong may tunay na Sharon pero hindi 100 percent nang pagkakilala natin sa pelikula at iba pang media. Siya ay imahen ng imahen, na siya mismo ay marahil naliligaw kung paano magiging tapat sa sarili. Ang kagandahan ng imahen ay nagsasabing maganda ang nagmamaganda.

Maganda. Ayaw ng lipunan ng pangit. Walang santo at birhen na pango, may peklat, maitim, mataba. Maganda ang nagmamaganda. Kahit pangit ang nagdarasal, maganda ang kanyang pinagdarasalan. Kahit salat ang mortal, maganda ang ideal. Walang makatapat sa ideal ng ideal. Kahit pasanin pa ang daigdig at sanlibutan. Tanging ang imahen ang nakakapasan ng krus, hindi ang mortal, kahit ang mortal na kaaway. Hindi si Catwoman kay Batman, si Lex Luther kay Superman, si Cherie Gil kay Sharon Cuneta, si Lucifer kay Hesus. Pero hindi ba ang iba ay ang imahen ng sarili rin. Ang nagmamaganda sa maganda ay nakikita ang sarili sa kagandahan ng maganda. Ang maganda na iniirita ng nagmamaganda ay wala namang alam sa kagandahang nakakagambala sa nagmamaganda. Madalas kasi ay nakakasilaw ang kagandahan, lalo pa kung may kasalatan nito. Kung maganda ka na kasi—at sa maraming pagkakataon ay alam naman iyon ng mismong nilalang, aminin…--ay hindi na dapat ipinangangalandakan ito. Tahimik nang nakakapambulabog ang kagandahan. Nakakabulag.

Bulag. Ipikit ang mga mata. Ano ang nakikita ng bulag? May nakikita ba ito na hindi nakikita ng nakakakita? Tanging ang pagkita ba ang ipinagkaiba ng bulag sa nakakakita? Ito ba ang lamang ng nakakakita sa bulag? Paano manood ng sine ang bulag? Nakakaramdam din ba ang kanyang mga daliri, nakakabasa ng mga angat na tuldok at ang mga pagitan nito? Paano niya tinutunghayan ang imahen ng paghihirap at katubusan? Ang ecstasy ng mga mukha at katawang naghahalikan at nagse-sex. Dumadampi ang mga pisngi ng labi, naghuhulihan ang mga dila, pumapatong at pumapailanlang ang mga katawan? Paano ba mangarap ang mahirap? Paano ba tayo nagbubulag-bulagan sa realidad? Na tila ang luningning ng mga produkto at serbisyo sa loob ng mall ay nagpabulag at nag-desensitize sa atin sa realidad ng mga namamalimos, polusyon, trafiko, init at krimen? Di ba, mas gusto na natin ang nakakabulag na kinang sa loob ng mall kaysa sa aktwal nating realidad sa labas nito?

Loob at labas. Filipinolohiya ito, konsepto ng pakikipagkapwa ng isang pinoy. Paano nakikitungo ang loob sa labas, paano pinatutunguhan ang labas ng loob? Ayaw ni RC Asa niyan. Ahistorikal! Paano lalagyan ng kasaysayan ang loob at labas, ang kasalukuyang sandali, ang patlang sa sarili? Paano gagawing historikal ang imahen para umalinsabay sa mga bugbog na katawan ng mga dumadambana? Paano gagawing mortal ang immortal? Na kaabot-abot ang ideal? Kailangan bang dito tumungo ang destinasyon ng biyahe? Di wala nang magmamaganda, wala nang sasantuhin, walang papasang birhen, walang maluluklok sa kapangyarihang umaasa sa pasakit ng iba at ng malawakang paghihirap? Delikadong maging historikal. Nagiging laman ang kahoy ng Nazareno, dugo ang bakal ng birhen, maasim na pawis ang higanteng imahen ni Sharon. Sa gayon, naging tao ang lampas sa tao. Parang tatay natin, si Marcos, ang lengguwahe, ang batas. Hindi tayo makakapagsalita sa labas nila. Bakit ganito?

Anito. Anito Lodge, ang pamantayan ng motel service sa bansa. Ang sagradong mga salita sa pagtataguyod ng pagkalalake. Sino na naipasok mo rito, sa biglang liko? Tunay ba na may pag-iwas sa establisyimentong ito, kaya kailangan ay hindi prumeno at bigla na lamang yuko at liko. Kung nakakahiya, bakit yumuyuko? Kung yumuyuko, dapat ngang mahiya. Hindi ba ang pagyuko ay pagkilala rin ng kapangyarihan ng iba? Ng mga santo sa sumasamba, ng fans sa manonood? Kung maykaya kang fan ni Sharon Cuneta, nag-cut ng klase, tulad ng marami pang iba, para makapanood sa first day ng sine niya, yumuko ka at baka biglang may tv crew na nag-aantay sa marami pang lalabas, iilawan ka at tatapatan ng camera at mike, bakit ka yuyuko? Hindi ba’t ito na rin ang pagkakataon mong magmaganda, tulad ng kagandahan ng iyong imahen? Yuyuko ka sa kahihiyan, sa pagkilala sa nakakataas na kapangyarihan ng iba, sa pagkilala ng mortalidad ng sarili. Yumuyuko ang bold star sa ari ng kapartner nito. Aarte na in-ecstasy ang receiver. Ito rin kaya sa Anito Lodge? Accommodation, small house, hotel. Paano ka magiging kumportable sa isang binabayarang per ora na tirahan? De metro. Ganito ba kaganda ang bahay mo? Bakit hindi magawa sa sariling kama?

Angkop na Lugar. Kung paniniwalaan natin ang simbahang Katoloko, sasabihin nito, gawin ang gawaing-pagmamahal (making love) sa angkop na panahon (kasal) at lugar (matrimonial bed). Tila kulang sa imagination. Paano na lang ang imahen ng ecstasy na nakikita natin sa pagsesex sa kitchen table, sa waterfalls, sa ibabaw ng grand piano, sa motel? Hanggang imahinasyon na lamang ba ito, tulad ng pananampalataya natin? Umaasa tayong mapaniwala sa kapangyarihan ng imahen dahil nauna na ito, wala na tayong magagawa, hindi na ito mababago? Sa luma nakasalig ang ating paniniwala sa ating kawalan ng kapangyarihang maniwala sa labas ng ideal. Bakit walang ST film si Sharon? Bakit hindi tayo mapaniwala sa pagiging sexy star niya? Ang melodrama film lang ba ang angkop na lugar ni Sharon? Siya ba ang biktimang nakakulong sa hulmahan ng pelikula at expektasyon ng manonood? Ano ang angkop na lugar ng mga manonood na hindi lang naman si Sharon ang pinapanood, kahit siya pa ang piniling pinakatangkilikin?

Tangkilik. Tinatangkilik natin ang ideal. Tinatangkilik din naman tayo, kaya hindi ito bumaba sa altar, sumasayad sa lupa. Kung bababa man, kailangan itong hinahatak sa minsan sang taong pagprusisyon sa imahen. Kung bababa man, hindi rin lubos. Paano rin kaya sumamba na hindi sumasayad ang tuhod sa pagluhod, nang nakakapasok ng libre sa sinehan, nang ipinamimigay ng libre ang mga kumikinang na produkto sa loob ng mall? Hindi ito nagaganap. Walang angkop na panahon at lugar para sa libre. Maging ang pagtangkilik ay isang anyo ng pagpupursigi. Kailangang mayroong stamina tayo para tumangkilik, pera para makapagpursigi. Kailangan ng pera para pamasahe sa biyahe sa Quiapo, para abuloy sa simbahan, para ipambayad sa padasal. Tinatangkilik natin ang imahen hindi lamang ng ating mga bumubukang-labi o nagsisiksikang mga katawan, nagkakaamuyang mga pawis at anghit. Tinatangkilik ng imahen ng ating pananampalataya at salapi.

Salapi. Nagpapaikot ng mundo. Papel ng salapi na kumilos, hindi tumigil. Nagagawa ng salapi ang imposible—may pera at kapangyarihan na nga, nakukurakot pa ang yaman ng bansa; napapasayaw ng hubo’t hubad ang pinakasantang babae sa baryo sa men’s club sa Timog, o nang nakabikini habang nagtitinikling at pandanggo sa ilaw sa club sa Japan; natututong humalik sa kapwa lalake ang lalakeng GRO (guest relations officer); humahayang mapatigas ang ari ng Atenistang lalake habang vni-vtr ng baklang talent manager; at kung ano-ano pa. May milagrong nagagawa ang salapi. Hindi lamang milagro ang dulot ng mga imahen. Hindi kaya, kung malaki ang abuloy mo, mas doble ang milagrong makikinita mo? Nagkalat ang salapi sa taas ng trianggulo ng lipunan, salat sa bulong ibaba nito. Kumakapit sa patalim ng mga imahen nina Aquino at Macapagal ang mga mahihirap. Tulad ng prusisyon ng Nazareno, para sa posibilidad na masalat ang kaisa-isang imahen, madampian ng mga nagtatapunang mga panyo’t bimbo, makikipagsiksikan ang mga sumasampalataya. Ilan na kaya ang napisa sa kanilang kamatayan? O iniisip ba na kung isasaalang-alang ang dami ng deboto, ok lang ang mga sampung napipisa kada taon? Patuloy pa ring naglipana ang deboto taon-taon.

Deboto. Paano ba naging deboto? Saan nagrerehistro? Idedeklara mo lang ba ito, tulad ng mga fans ni Jolina at Sharon? Ililihim mo ba ito, tulad ng mga kasapi ng underground movement? Paano ba tayo natransforma para maniwala sa isa at hindi sa iba? Na patuluyin ang natatanging isa sa puso ng milyon-milyong napapaniwala? Paano tayo nako-convert at natratransforma? Nagbago nga ba tayo kapag tayo ay naging deboto? Bakit tayo nagkakaroon ng buhay sa buhay ng ibang tao at hindi sa ating sariling buhay? Bakit gusto nating buhayin ang ating sarili sa buhay ng ibang tao? Mawawala ba tayo? Bakit tayo nagpapakaalipin para sa kapakanan ng iniidolo? Sa dami-dami ng santo at artista, bakit may mga piling tinatangkilik? Paano sila sumikat kaya dumami ang kanilang tagapagtangkilik? Sa simula ng biyahe sa karera ng kasikatan, ano ang kanilang naging lamang? Paano nagkaiba ng destinasyon ang waging mga santo at artista? Paano nila tayo nahimok na sila na lamang at hindi na ang iba? Paano tayo naging deboto?

Pagiging. Tulad ng biyahe, ang mahalaga ay ang pagtungo, hindi ang mismong destinasyon. Walang naging, mas madiin ang pagiging. Hindi tayo naging deboto dahil hindi lang naman ito ang pwede pa nating gawin sa buhay. Tayo ay nagiging—kung ano man ito, pumipili lang tayo sa nakalaan na patlang ng posibilidad. Hindi tayo ang lubos na may hawak sa kung ano tayo magiging, ang may antas pa tayo ng indibidwal at kolektibong kapangyarihan ay ang pagiging. Magiging doktor o pari tayo, wika ng ating mga magulang noong tayo ay musmos pa lamang. Kahit wala naman silang pera. Feudal nilang iaasa ang ating edukasyon sa maykayang kumpare, politiko o padron. O kung pari naman, libre naman ang edukasyong ito. Dakila pa. Instrumento sa pagdadakila sa ibang nilalang, kaya nagiging dakila na rin dahil sa proseso. Hindi naman dakila itong tao na ito, nagiging dakila lamang siya dahil wala namang katapusan ang ritwal sa pagdadakila. Sa simula, wala naman nilalang na nag-ambisyong maging pari. Inambisyon ito ng mga nasa paligid niya, yung mas may kapangyarihan sa kanya. Sa proseso ng pagiging pari, maaring matuklasan niya ang batayang halaga ng pagiging indibidwal. Hindi ka naging tao, nagiging tao ka hanggang sa kamatayan mo. Pinipili mong maging tao—feudal o liberal, baklang straight-acting o macho, nambubugbog o nagpapabugbog, disente o hayop, maitim na budhi o wagas na puso. Hanggang sa huling hininga ng buhay mo. In retrospect lamang maaalaala na ikaw nga ay naging tao dahil pinili mong magpakatao. Hindi ka naging tao sa sandali ng kasalukuyan. Naging tao ka sa kasaysayan ng iyong pagkatao.

Tao. Hindi hayop. Hindi halaman. Nang-aabuso at nagpapaabuso. Nang-aapi at nagpapaapi. Di nga ba’t sabi nila ay dalawa lang ang tao sa mundo? Dalawang uri lang ng tao ang pinapasan ng krus, alin ang mas matimbang? Tila ang nang-aapi ang mas matimbang dahil kakaunti na nga sila ay mas maginhawa pa ang buhay nila. Ano ang bigat ng napakaraming inaapi? Kailangang takalin, pakyawin, masahin para magkaroon ng kabuluhan. Tulad ng walis tingting, walang halaga ang bawat piraso ng tingting. Nagkakaroon lang ito ng halaga sa pagbibigkis nito sa isang kolektibo. Kung ang tao ay hindi hayop, bakit maraming hayop na nag-aasal tao? Kung ang tao ay hindi tao, bakit ang hayop ay hindi pwedeng lumampas pa sa pagiging hayop? Pwera na lang kung thoroughbred kang chuwawa o doberman, pero kung askal ka, askal ang trato sa iyo. Laman-tiyan ka ng mga lasenggo kung sakaling magawi ka sa kanilang kinaroroonan. Kung ang tao ay tao, bakit napakahirap magpakatao? At hindi ito unibersal na tanong, bakit napakaraming paghihirap na ipinapasakit ng tao sa kanyang kapwa? Kung ang tao ay mas mataas sa hayop, ano ang giraffe? Kung ang tao ay mas mababa sa hayop, bacteria na lang ito sa apat na linggong kupal. Kung ang hayop ay tao, mistulang zoo at safari ang mundo? Ito na ang papasanin ng Nazareno. Kung ang hayop ay mas mababa sa tao, paano na si Tagpi, Bantay, Spot na binabasa natin sa ating reading and phonemes? Bakit bahagi sila ng pamilya? Kung ang hayop ay mas mataas sa tao, hitsurang pandak pala tayo sa mata nila. Kaya ang hayop ay hayop para ang tao ay nagiging tao.

Hayop. Parang mura. Pwedeng para kahit sa ano. Hayop sa ganda! Hayop ka! Hayop ka, men; ang galing mo! Hayop sa sarap. Masahol ka pa sa hayop! Hayop, kahayop-hayupan! Nasa paraan ng pagbigkas ang kahulugan ng salita. Kaya kailangang may social skill ka para makarinig di lamang ng salita, kundi ng tono ng pananalita at ng kontexto ng pagsasalita. Nagkakaroon ng kahulugan ang hayop dahil hindi ito tao, o ibang bagay o nilalang. Hindi ito halaman dahil kumikilos ito. Hindi ito tao dahil walang hayag na pakiramdam at intelihenteng pag-iisip ito. Kaya ang hayop ay hayop. Pero hindi lahat ng hayop ay magkakahulugan o magkakapantay ng sinasabi. Iba ang isda sa santo, iba si Spot kay Sharon. Iba ang talakitok sa maya-maya. Iba ang piranhang isda sa piranhang tao. Maraming kahulugan at salita ang dapat itabi at isaalang-alang para magkaroon ng kakaibang kahulugan ang kahit iisang salita. Sino ang nagbibigay-kahulugan sa mga bagay? Bakit pinag-aawayan ang kapangyarihang magbigay-kahulugan at ngalan sa mga bagay? Ang bagay ay isang karanasan, ang kapangyarihang bigyan ngalan ang isang bagay ay kapangyarihang bigyan ngalan ang karanasan, kung paano dinadanas ang bagay. Ang kapangyarihang bigyan ngalan ang karanasan ay kapangyarihan sa mundo. Walang nasa labas ng salita o kapangyarihan sa wika. Kaya ito ay pinag-aawayan. Hindi tayo, hindi hayop…

Olongapo. Puwang ng mga ligaw na kaluluwa. Tila magnet ito ng mga batang babaeng galing sa mahihirap na probinsya. Nagbibigay serbisyo sa service-man ng base military ng Amerikano, ngayo’y investment zone ng mga multinasyonal na negosyo at negosyante. Magnet pa rin. Napapalapit nito ang invisible na kaluluwa ng mga babae, at sa serbisyo sa ngalan ng salapi, nakakayanang gawin ang hindi ordinaryong nagagawa. Nakakakain ng bubog, nakakatulay sa alembre, nakakapatay ng apoy sa bibig. Kung todos los santos ay nangangaluluwa ang mga bata sa tarangkahan ng mga bahay, sila kaya ay nagugunita? Malamang ay hindi dahil todos los santos ang araw kaya hindi kaluluwa ang ipinagdirirwang. Tanging ang mga labi ang alaala ng paggunita—tuyong bulaklak, patak ng kandila, bagong kalburong puntod, at mga dasal na bumubulong pa rin sa paghangin sa sementeryo. Retrospective na naman. Inaalaala ang mga kaluluwa matapos alalahanin ang mga santo sa maling araw nito; at sa tamang araw ng mga kaluluwa, wala nang nakakaalaala sa kanila. Nahigop na lahat ng positive energies ng force field ng mga santo. Masusustina na naman sila hanggang sa isang taon ng kanilang nasamsam na energy. Kaya buhay ang Quiapo, magnet ng mga santo at santo-santito.

Magnet. Hindi pwedeng mag-attract ang similar poles, kailangang magkaibang poles. Pero bakit ang mayaman ay nakakaakit ng kapwa mayaman? Bakit tila si Sharon lang ang nagtatagumpay mula sa pamumulot ng basura sa Smokey Mountain at pamamalimos sa tagiliran ng simbahan, tungo sa pagiging sikat na mang-aawit sa kanyang pelikula? Bakit siya nakaakit ng lampas sa kanyang kondisyon? Paano niya nabitiwan ang daigdig? Sino na ang pumapasan ng kanyang daigdig? Si Atlas ba? Ang Santo Nino? pero cute lang naman ang tangan nitong daigdig. Mainam din ang konsepto sana ng magnet. Kaya hindi tayo natatakot na mahigop ng black hole sa mundo, dahil sa namementina ng force field ang attraction. Kung hindi, sana ay gumuho na ang mundo at nahigop na tayo paloob nito. Ang loob at labas ay magiging isa na lamang. Wala na ngang kaibahan ang mga kaibahan. Magiging isa na lang tayo sa uniberso ng kaisahan. Wala nang imahen dahil ang imahen at orihinal ay iisa na lamang. Wala nang Nazareno at Sharon dahil sumanib na sila sa pagiging ordinaryong nilalang. O sa fantasya ng ordinaryong nilalang, sila na ang superstar o megastar ng buhay na ito. Ito ang dilemma natin—isang mundo na may familiar na kaayusan at struktura ng ideal, o isang mundong pare-pareho lamang tayo. Sanay ba tayo sa ganito? Masasanay naman tayo.

Kasanayan. Favorite color? Blue. Favorite song? On My Own. Favorite Ice Cream Flavor? Cookies and Cream. Favorite Kasanayan? Ano ito?! Kung sanay tayo sa ating kasanayan, bakit hindi natin masagot ito. Bakit hindi ko masabing writing, halimbawa? O bigla kang tumiklop sa akala mo’y pagiging masaya mo sa cooking o amateur basketball? Bakit kapag naisulat ang kasanayan ay hindi na ito nagiging kasanayan? Hindi papasa ito sa kasanayan. Ito ay nagiging hobby na lamang, hindi na skill. Hobby kong maggardening, pero hindi ko skill. Kung mayaman ka, dahil may hardinero ka. Siya ang kailangang may kasanayan sa gardening. Ganoon din sa iba pang domestikong trabaho, na kaya nga domestiko dahil maliit lang ang uri ng ganitong trabaho. Kaunting skill lang ang dapat alam. Kaya maliit din ang sweldo. Kaya iba ang sweldo ng katulong sa saleslady sa SM dahil iba ang kanilang skill. Iba rin ang skill ng SM saleslady sa sex worker sa Olongapo. Kaya iba rin ang bayad o may pagkakaiba. Kung hindi tayo sanay, masasanay tayo. Mabilis makasanay ang pangangailangang makasabay sa inog ng salapi. Mabilis masanay ang katawan sa mga bagong bisyo. Tulad ng droga, nagiging addict pa nga ang katawan. Mula sa wala tungo sa sobra. At sa kasobrahan ng adiksyon, kahit ano ay nananatiling pamandaling pagpunan lamang sa lumalaking kawalan.

Kawalan. Bakit ba tayo nagsusulat? Bakit pa tayo nabubuhay? Bakit pa tayo humihinga? Bakit hindi na lamang kitlin ang buhay sa mundong ibabaw? Ang pagpasan sa mundo ay isang social construct. Guilt feeling ang parati inihahayag ng lipunan para akuin natin ang hindi lamang ang sa atin, pati ang sa ibang tao, pati ang buong mundo. Kung bawat isa sa atin ay may pasan na mundo, bakit hindi pa rin nababawasan ang ating pasanin? Bakit mabigat pa rin? Bakit nagsisiksikan pa rin tayo sa mundong ito? Bakit mahilig tayong magpataasan ng ihi sa kung sino ang mas mabigat na pinapasang mundo? Bakit mahilig tayong maging drama queen? Api ako, pasan ko ang mundo, apihin ninyo pa ako. Bakit may kasiyahang dulot ang pagiging melodramatic, na parang nakaharap ka sa kamera habang binibitawan ang mga linya sa yumao nang pelikula? Bakit tayo nagpapakasakit kung ang simula at hantungan nito ay ang kawalan? Para kanino ang pasakit na ito? Bakit pati ang pasakit ng ibang tao ay inaako natin?

Pag-ako. Ako, hindi siya, hindi ikaw, hindi tayo, hindi hayop. Ang pag-ako ay pagiging ako. Paano tayo nagiging ako sa panahong ang ako ay minamasa sa isang tumpok na basura? Sa kondisyong ang ako ay isang deboto at fan, paano nagkakaroon ng ako, na hindi siya at lalong hindi ikaw? Ang mundo ay atin, pinapasan at ipinapasa sa susunod na aako nito. At ganito inaako ang mundo, iginaganyak para sa isang bukas na hindi tulad ng kasalukuyan at ng nakaraan. Dahil ang lumipas at kasalukuyan ang hugis ng bukas, ayaw na nating gumising. Ang ako ay nagiging sa hinaharap, iba itong ako. Mas mabuti at mapagmahal na ako. Mapag-arugang ako, matapat na ako, matapat sa pangangailangan ng kapwa. Ang kapwa ay ang kasalukuyan, ang ako ang hinaharap. Gayong hindi mababago ang ako kung hindi babaguhin ang kasalukuyan ng kapwa. Paano bibigkasin ang kapwa sa ibang panahon? Iniuugnay ang kasalukuyan sa nakaraan ng kapwa. Ang ako ay sa hinaharap lamang magkakaroon ng pag-aako. Hindi masasabing ako sa kasalukuyan, dahil maari ka pang mag-iba bukas. Ang ako ay hindi rin sa nakaraan lamang mailalahad, ang ako ay hindi umako at iyon na. Ang ako ay batayang ako ng nakaraan. At sa kasalukuyan lamang malalaman na ang batayang ako. Na ang batayang ako ay maaring humigit pa sa ako at maging mapagpalayang ako sa hinaharap.

Hinaharap. Ano ang hinaharap? Bakit iba ang hinaharap sa kasalukuyan? Kung pareho pa rin ang hinaharap sa kasalukuyan, hindi ito bagong araw at gabi. Ito ay extensyon lamang ng nauna nang araw, ang kasalukuyang araw. Ang hinaharap ay bago gayong walang bagong-bago na maaring sumulpot. Hindi ito lumang bago o lumang kasalukuyang araw. Hindi rin ito bagong luma, gayong pwedeng maging kasalukuyang luma ang araw. Luma ito, tulad ng lamig na sinaing. Pero hindi mo malalamang lamig, kung hindi ito nanggaling sa bagong sinaing. Kung ito ay hinaharap, walang nasa likod nito. Hindi ka pwedeng humarap sa likod. Pwede kang nasa likod ng iba sa iyong pagharap. Katulad ng kasalukuyan, nasa anino tayo ng kapangyarihan ng iba. Nakasunod tayo. Tayo na anino ng kapangyarihan ay nagmimistulang mismong anino nito. Walang anino ang hinaharap. Wala itong bakas dahil puno pa ito ng pag-asa, na ang harap ay magiging bagong bukas.

Dasal. Hindi ba’t nagdarasal tayo para sa kapakanan ng katawan sa kasalukuyan at ng kaluluwa sa hinaharap? Tanging ang mga sex worker lamang ang may kaluluwa sa kasalukuyan. At dahil abnormal ito, luwa ang kanilang kaluluwa. Nakatago dapat, kinakalinga ng ako para sa hinaharap, o ng hinaharap para sa pagiging ako. Pero sa kasalukuyan pa lamang ay nakalabas na itong nakatago. Publikong sikreto na itong pribadong esensya ng pagkatao. Wala nang itatago pa dahil sa bawat pag-ikot ng salapi sa katawan ay naibubuyanyang na ang lahat. Ang lahat at walang iniisa-isa. Dahil kapag natutong magmahal ang sex worker sa kanyang kliyente, hindi na ito magiging kliyente. Ginagawa na niya ito hindi dahil kay Benigno at Diosdado, kundi dahil sa pagmamahal sa kapwa. Na walang katiyakan na kapag minahal mo ang iyong kapwa ay minamahal mo na rin ang iyong sarili. Paano mo mamahalin ang isang taong tumatangkilik ng sex worker? Pero nananatiling kaibigan, katrabaho, anak, ama, beautician, at kung sino-sino pang kakilala natin itong dapat maliitin tulad ng pagmamaliit sa sex worker. Ang luwang kaluluwa ng sex worker ay walang ipinagkaiba sa maraming tumatangkilik at nandidiri sa kanila. Maging ang kaluluwa ay kayang iluwa sa pag-inog ng salapi sa katawan.

Katawan. Mayroon tayo nito pero hindi natin labis na kilala. Wala tayong full-body na salamin. Tanging ang nakikita lamang natin ay ang bahagi ng ating katawan, partikular ang mukha. Ito lamang ang imahen ng ating sarili na ating natitigan at inaaruga sa tulong ng napakaraming kosmetikong ipinapahid natin. Sa inaakalang pagkalinga sa bawat pagpahid ng lotion o toner, UV ray ointment at anti-acne gel ay panunumbat. Mahal kita, mukha kong di kagandahan kaya kita papalitan ng pila-pilanit na mga imahen ng ideal. Mahal kita kaya buburahin kita para ang ako ay hindi maging ako, pero ang Akong hindi ko matutumbasan. Bakit natin ito ginagawa sa ating mga sarili? Ang katawang natutunghayan natin sa pang-araw-araw ay ang pinakamalaking kahinaan natin sa kasanayan. Magaling tayong magluto at gardening, magsulat at mag-computer, pero kahinaan pa rin ang ating katawan. Kahit ang modelo ay uyam sa kanilang katawan dahil parati pa ring may mas matingkad na abs, mas malaking pecs, mas malaking size ng boobs, mas balingkinitan ang waist. Ang modelo ay may sarili ring modelo, at sa imahen ng kanyang modelo, siya ay anino’t kupal nito.

Pamamaalam. Hindi ba’t ang pamamaalam ay pasasalamat sa pagkikita? Kaya matagal mamaalam daw ang mga pinoy, dahil gusto pa ring manatili ang kasalukuyang pagkikita. Paano mamaalam ng hindi sinasabing paalam? Maaring i-wave ang kamay. Small wave below the waist line kung nahihiya, small wave sa length ng breast kung beauty queen, big wave kung talagang sabik makita ang nakikita. Parang ang pagbati ng pamamaalam ay pagbati rin ng magandang pagkikita. May nakikita ba lampas sa nakikita? May itinatago ba ang pagkikita? May ipinapakita ba ang itinatago? Anxiety galore. Mahirap mamaalam sa kaibigan o pamilya dahil may separation anxiety. Na tila hindi na muling magkikita o matagal pa muling magkikita. Kaya nagkikita na lamang sa panaginip. Nagkikita na lamang sa text. Nagkikita na lamang sa mata. Kung bulag, sa boses, amoy, salat at lasa. Nakikita ang destinasyon ng pamamaalam, at nakikinitang hindi ito maganda. Hindi magandang mamaalam, magandang bumati ng mabuting pagdating. Pero kung paalis, paano darating? Sa alaala. Umuulit ito, maaring putol-putol pero umuulit. Tulad ng masamang panaginip o ng gunita ng pangit na pelikula. Kahit ayaw, kakatok ito, magpapakilala muli’t muli; kung hindi man, bigla na lamang papasok. Pakakapehin mo, aalukin ng kung ano-ano para lamang umalis kahit ayaw umalis. Walang balak mamaalam. At sa puntong hindi mo inaasahan, tulad ng kanyang pagdating, ang kanyang pag-alis ay inaanunsyo nang ganoong iglap.

Nasaan si Pepsi Paloma, ang kalapati ng Pepsi, ang Pepsing palipad-lipad, palipat-lipat, papalit-palit pero tulad ng pangako parating pumapaimbabalik, ang babaeng mababa ang lipad kahit mataas ang pangarap, ang babaeng may sariling trip, hanggat ang biyahe ay naging isang malaking bad trip, ang babaeng kagyat na namaalam?
Ang hindi pinag-uusapan ang talag

Tsugi (maikling papel)

TSUGI

(papel na binasa sa Sawikaan 2004: Pambansang Kumperensiya sa Salita ng Taon, Pulungang Recto, UP, 17 Agosto 2004)

Hindi salitang Hapon ang tsugi, pero tila gayon din kalayo at over ang kahulugan nito. Tsugi ang isang bagay, karanasan, lugar, tao at pagkatao kapag negatibo ang dating nito—loseng, loser, luz, Luz Valdez, Luzviminda, Luz Gallery, Arturo Luz, Paula Luz at Lucila Lalu na pinsang-buo nina Chaka at Chaka Chan. Ang tsugi ang kabaligtaran ng wagi o winner, Winnie Santos, Winnie Monsod, Winnie the Pooh at Winnie Mandela. Sa telebisyon, ang tsugi ay ang gamit para ilahad ang pansisibak sa mga shows ng mga hari ng network.[1] Sibak na ligwak na naging tsugi--ito ay bahagi ng gay o swardspeak, isang idiolek ng pagkakaunawaan at pagbibigay-ngalan at kahulugan sa mundong ibabaw ng grupong marginalia.

Ang tsugi ay pantsatsaka o panlalait. Ang objek ng panlalait ay isang di makapasa sa pamantayang ng subhetibismong bading. Ang subhetibismong bading ay ang etikang panuntunan sa pakikipagkapwa-tao ng bading. Etika ito dahil may pagninilay-nilay kung sino ang ibra-brand na tsugi at kung sino ang wagi. Tsugi ka kapag sobra-sobra ka sa mismong kalabisan ng bading, kasama na ang attachment sa kloseta o di-paglaladlad. Wagi ka kung isinakakatawan at kaluluwa mo ang ideal ng campiness ng bading gayong marami ring sub-identidad ang bading. Kaya nga ang etikang pagninilay at pagpili ay nakatuon sa paghuhulma ng subjectivation o overdeterminasyon ng pagiging bading sa simbolikong loob ng patriyarka at at ng subjectivation o overdeterminasyon sa fantasya ng imahinaryo ng tagumpay, pagiging winner at Miss Universe ng bading.

Overdeterminasyon ito sa konsepto ng marxistang Louis Althusser dahil itinatakda ng mga aparatong represibo at ideolohikal ang aksyon at kamalayan ng bading. Halimbawa, kapag biglang nagpakita sa iyo ang nakahubad na katawan ng modelong si Marc Nelson, hindi iilan ang magkakaroon ng strained neck at tila iwas-tingin sa nakakahigit na preokupasyon sa nilalang na ito. Interpellated ng simbolong Marc Nelson ang kabadingan dahil itinatakda nitong simbol ang panlipunang relasyon ng bading sa heterosexual na lalake, na sa isa namang pagbasa, ang pagkasakop ng pamantayang heterosexual na lalake sa panlasa at oryentasyong bading. At sa maraming bading, ang nasa (desire) ay libre at di naman illegal; ito naman ang fantasya ng ahensya ng kapangyarihan ng bading.

Nagagawa ang sirkulasyon ng dialektiko ng simbolo at imahinaryo sa ilang linggwistikang kapamaranan. Ibinabagsak ng tsugi ang distinksyon ng proper at generic noun, ng angkop at di-angkop na lugar, at nagkakaroon ng labis na kahulugan sa distinksyon. Si Lucila LaLu ang unang chop-chop lady na tunay namang na-lose sa krimeng karanasan sa karahasan sa kababaihan. Tulad ng urban legend, ang kapangyarihan ng oralidad, tulad ng idiolek, ay ang posibilidad sa transformasyon ng kahulugan at konteksto ng pagkaunawa rito. Si Chaka Chan ay isang Afrikanang Amerikanang rhythm-and-blues singer na nagsasaad din ng racismo dahil sa maliitang pagtingin sa identidad ng itim. Si Winnie Monsod ang maton na babaeng ekonomista na nagbebenta ng matalinong sabong panlaba at lingguhang nagre-referee sa telebiswal na debate. Si Arturo Luz ang pambansang alagad ng sining na isang haligi ng modernistang sining biswal na maaring mapagkamalang na disenyo ng ordinaryong vinyl tile o linoleum. Sa pamamagitan ng pwersa ng salitang tsugi ay naipapangibabaw ang subhetibismong bading bilang pananaw-panlipunan—walang sinasanto, ang B-movie actress tulad ni Luz Valdez ay nagiging icon sa kontrabidang over-acting, o ang sisterette ni “Star for All Season,” si Winnie Santos ay nagkakaroon ng dagdag na celebrity life sa pamamagitan ng apropriasyon ng bading sa kanyang ngalan.

Ang taktika ng panlalait at pagkalito ay bahagi ng mga subalternong grupo na mabigyan-definisyon ang kanilang sarili. Ito ay nagmamarka kung sino ang nasa loob at nasa labas, at ang kabahagi nitong grupo ay sabayang nasa loob at labas. Nasa loob sila dahil kolektibo ang digri ng pagkaunawa sa mga salita at lohika ng pagbubuo ng idea. Nasa labas sila dahil napapangibabawaan sila ng mas makapangyarihang kaayusan at formasyon heterosexualidad gayong ang relasyon nila sa status quo ay nananatiling loob at labas din. Sila ang makapangyarihang negosyante, manggagawa at manlilikhang gumawa sa mga tulad nina Marc Nelson bilang Ken Doll sa marami nitong ad sa Bench, halimbawa. Sila rin ang pwersang tumatangkilik ng mga produktong ipinapabenta kay Marc Nelson. Sa gayon, silang prodyuser ay sabayang konsyumer din ng kanilang nilikha.

Ang tsugi o tsugs ay isang onomatopeia o ang pagbuo ng pananalita batay sa imitasyon sa natural na tunog na inihahalintulad sa objek o aksyon—“echoismo”[2] o ekolalya, panggagaya. Katunog ng tsugs ang pagkaudlot o bangga ng objek. Ginagaya ng tunog ang aktwal na kahulugan ng salita. Pero kung paniniwalaan natin si Ferdinand Saussure, wala naman talagang aktwal na kahulugan ang mga salita. Mayroon lamang intimate o familiar na relasyon ang salita at kahulugan. Kung gayon, ang ginagaya ng tsugi at maging ang subhetibismong bading sa pangkalahatan ay isang inaakalang familiar at intimate na relasyong hindi naman talaga nandoon. Nawala na ang orihinaryong autentikong kahulugan at relasyon. Sino nga ba sina Luz Valdez, Chaka Khan, Winnie Monsod sa kontemporaryong buhay? Ano ang naiaambag nilang dalumat para magkaroon ng pagkaunawa sa ating hyper-realidad?

Ginagaya ang isang bagay na nanggagaya ng panggagaya ng otentikong relasyon. Maging ang mitikong si Marc Nelson ay isang simulacrum na rin, o imahen na walang lalim, artiface na likha ng media para tangkilikin ang lifestyle ng pagkalalake nito. Kung siya ay simulacrum, di ba ang tumatangkilik sa kanya ay higit na simulacrum dahil mayroon silang imahinaryo ng otentikong identidad na di naman lalampas sa temporalidad ng konsumpsyon ng imahen?

Ang tsugi ay paglitaw at paglaho sa ere. Tulad ng sine, ito si Brad Pitt o Julia Roberts o Robin Padilla pero hindi naman talaga sila ito. Ito sila at hindi sila itong higanteng imaheng kay bilis at kay laking nag-aaparisyon at naglalaho. Ang iniiwan ay ang latak ng labis. At mula sa latak ng labis, nagsisimula at umuunlad ang rehimentasyon ng ating buhay sa materyal at simbolikong mundo ng konsumerismo, at sa kasalukuyang panahon ng krisis, ang simulacrum ng konsumerismo. Sa pag-aakalang mayroon pang higit na nasa labas nitong imahen, sa kritikal na pagkaunawa sa signifikasyon at pagkalito sa proseso nito, inihahayag ang parallel na realidad ng imahinaryo, kung saan mayroong ahensya para patuwarin, patindigin, patihayain, paigkasin, padapain, pangibabawaan at kung ano-ano pa ang mga simbolo ng kaayusan at karanasan kay Marc Nelson, patriyarka, kapitalismo, at pyudalismo.

[1] Komento ito ni Randy David sa panayam ng papel.

[2] Mula sa Webster’s New World Dictionary Third College Edition (New York: Simon & Schuster, 1991).

Monday, May 08, 2006

Berdeng Pasport (dagli)

Berdeng Pasport


Madalas ko na ring nagamit ang aking pasport. Mula sa kulay lupang kayumanggi, bigla na lang itong naging luntian. Kulay ng pag-asa at kalikasan, di ba?

Pero walang bisa ang agimat ng berdeng pasport. Tila pa nga magnet ito nang mas mahabang interogasyon mula sa mga immigration officer. Minsan pumasok ako ng San Francisco, para akong nagte-thesis defense. Tinanong kung ano ang itinuturo ko. At nang sagutin kong “Philippine Studies” ay ipinapaliwanag ito nang hindi naman nakikinig sa akin.

Mabilis ang pagpihit ng mga pahina ng aking pasport. Mukha pa naman Filipino itong immigration officer. Mas galing ka sa mas mahirap na bansa, mas suspetsado ka bilang magt-TNT (tago nang tago) kung sa Amerika, O (bilog) kung sa Japan, terorista, katulong o entertainer.

Mabuhay ang latak ng mundo! Ang mga Filipino na naninilbihan sa poder ng mayayamang bansa, integral sa pagsulong ng kapital, ay tinitiris naman sa bawat pagkakataon. At sa pagkakataong ito, parang pinagsasayaw sa bubog bago tatakan ng selyo ng opisyal.

Pinagdusa na nga tayo sa pagpila at pangangatog sa mga embahada ng bansang ating papasukan, pagdating pa sa mga bansang ito, lalo pang pinalalakas ang kabog sa ating puso. Bigla tayong maprapraning. Baka pabalikin ako, baka kulang ang aking papel, baka nagkamali lang sa embassy… Puro baka.

Sa maraming mauunlad na bansa, hindi na kailangan ng visa para magbiyahe. Hindi ba kay ginhawa nito? Bibili ka lang ng tiket sa eroplano para sa bansang gusto mong puntahan at parang magic, fly ka na doon.

Walang paglalakad ng paluhod sa simbahan para dumulog sa mga santo’t Nazareno na paboran ng consul ang kapalaran ng aplikasyon. Walang pamamawis nang butil-butil. Pero mayroon pa ring pistang padespedida o jeep-jeep na kamag-anak na maghahatid sa airport.

Kaya pinangarap ko ring maging Hapon, Canadian o Singaporean, mga mamamayan na hindi na nga kailangang sandamakmak na gintong halagang sticker na visa ang nakadikit sa pasport. Unang pahina pa lamang, kasama ng larawan, matunghayan pa lamang ang nasyonalidad, keri na. Mabuhay, welcome to the Bahamas, Brazil, United States, United Kingdom!

Pero kung Filipino ka, kahit sampung milyon na ang nasa labas ng bansa bilang OCWs (overseas contract worker), walang paggalang sa berdeng pasport. Kaya naiinsulto ang tunay na mayayamang Filipino dahil nakakaangat man sila sa sarili nilang bansa, sa labas naman, bigla silang nagiging katumbas lamang ng iba pang mayroon ganitong nasyonalidad.

Sa Detroit naman, napagkamalan akong seaman. Magluluto raw ba ako sa bapor? Sa Osaka naman, nang makita nilang profesor ako sa isang unibersidad doon, bigla akong nakadama ng paggalang. Napabilis ang proseso ng aking pagbabalik sa trabaho.

Maliit na booklet ang berdeng pasport pero nakataga sa bato ang maraming bagay. Nakasulat dito kung ano ang pasport number na paulit-ulit na tinatatong at pinapasulat sa mga dokumento, kasama ng petsa ng pagkaisyu at expirasyon ng pasport. Nandoon ang litratong pilit man ngumiti ay medyo hirap pa rin ilusot ang agam-agam ng realidad ng pangingibang-bayan.

Ang litrato ay mayroon sariling kodifikasyon. Mula sa size nito, hanggang kung anong bahagi ng mukha ang dapat ipakita at itago, kung ano ang dapat isuot ng babae at lalake ay malinaw na nakasaad sa guidelines bago pa man mag-apply ng pasport at visa.

Mayroon ngang ipapalabas na sine dito, “La Visa Loca” ni Robin Padilla. Batay sa trailer, tungkol ito sa perenyal na aplikasyon at denial ng US visa ng isang taong tampok na pinangarap na makapunta sa bansa ng gatas, orange juice, tsokolate at hamburger. Ang nakakatawa sa trailer ay isang tila fantasy scene.

Binaligtad naman ang sitwasyon. Si Robin ang naging masungit na consul at bago pa man makapagsalita ang ninenerbyos na putting aplikante, ay kaagad itinatak ang denied na marka. Power-tripping lang siguro itong pantatak. Para kang mayroong magic wand kung ikaw si Tinkerbell, bato kay Narda, nunal sa tabi ng ilong kay Ate Guy, gavel kung ikaw ang judge.

Maari mong gawing maligaya at maaliwalas ang buhay ng aplikante. Maari mo ring kitlin ang lahat ng kanyang pangarap. Pero tulad ng kawayang hindi maputol-putol, magpapatuloy pa rin ang buhay ng abang aplikante—doon man o dito.

Kaya apply lang nang apply. Mahal man ang visa application, at para na lang lotto at sweepstakes ang paniniwala ng tao, e kung mabunot ang iyong numero at mabigyan ka nitong ginintuang biyaya? Sulit na rin. Sulit ang mga kalyo sa tuhod, mga isinanlang kalabaw at sakahan, mga panobena at pagdulog sa Birhen.

Para itong diploma. Gagawin ang lahat ng sakripisyo, makamit lamang itong mahalagang papel na inaakalang pasport sa mas mabuting buhay. Ito na ang huling pasport—mismong ang pagkakamit ng pasport ang pasport sa mabuting buhay. Wala na sa sariling bansa ang kaginhawaan, nasa ibang bansa na.

Kaya ang pasport ay indikasyon kung bakit tayo naroon at wala rito, kung bakit pag-alis at pagdating pa lamang ay masaklap na karanasan ng mas kababaang uri. Kay lungkot ng buhay pero ito ang buhay natin. At ang kalungkutang ganito, pagpasok pa lamang sa ibang bansa, ang naghuhudyat ng posibilidad na maari rin sumaya sa paraang sakripisyo.
Malungkot tayo sa ibang bansa para maging maligaya ang mga mahal sa loob ng Pilipinas.

Leksyon sa Eleksyon (Pasintabi column)

Leksyon sa Eleksyon


Hindi na maitatatwa na ang laman ng balita sa bawat oras sa telebisyon at dalawa hanggang tatlong beses sa tabloid ay patungkol sa eleksyon. Ni hindi mo na nga mapapansin, tila nalalaktawan na ang popularidad ng telenovellas ang isyu ng eleksyon.

Habang papalapit ang eleksyon, tunay na umiinit ang kapaligiran. At hindi lang dahil umiigting na rin ang tag-init. Lalo pa ngang ganito dahil tila mathematically ay pwedeng magkaroon ng upset o di inaasahang pagkatalo. Kung mahati ang boto kina GMA at FPJ, halimbawa, pwedeng manalo si Roco o Brother Eddie.

Siempre, habang umiinit, lalong di nagiging rasyonal ang pag-iisip. Mas lumalaki ang sentimental na bagahe para sa mga inaakalang kawastuhan ng pagpanig. Sa kasagsakan ng init, lalo ngang napupuwersa ang mga tao na mamili, pati yaong wala pa ring desisyon kung sino nga ba ang kanilang iboboto o kung boboto man.

Ano ba ang leksyon na dapat isaalang-alang sa eleksyon?

Una, at kaya nga tayo “ganito,” ay wala naman talaga sa darating na eleksyon ang katubusan ng ating kalagayan. Sa dinami-dami ng eleksyon, tulad ng dami ng tag-init at bagyo, wala naman kalitatibong pagbabagong naganap sa pag-angat sa buhay ng nakararami. At hindi lubusang natatangi ang eleksyon sa Mayo.

Ikalawa, kung gayon, ang katubusan ng mga tao ay nasa mismong mga kamay nila. Sa pamamagitan pa rin ng kolektibong pakikibaka magkakaroon ng kalitatibong pagbabago sa lipunan at bansa. Ang mapagpalayang kilusan pa rin, sa huling pagtutubos, ang last and only hope.

Ikatlo, sa mismong nagbabansag nga ng gayong linya, ang dapat hindi iboto. Gusto ba nating muling manungkulan ang kasalukuyang administrasyon na pinakamaningning na ehemplo ng bangkaroteng pamunuan? Ilang beses ba tayong magpapagamit sa kanya at kanyang alipores?

Inuluklok natin siya pero wala naman siyang ginawa para iangat ang kalidad ng ating buhay. Bagkus, ang pinakamatingkad niyang nakamit ay ang hayagang pagpapakabusabos sa giyera laban sa terorismo ng U.S. Si GMA, kasama ang pangulo ng Japan at Pakistan, ang pinakagalamay ni Bush sa Asya.

Ngayon lamang nagkaroon ng tropang Amerikanong kalahok sa ofensibo ng lokal na militar. Kung gayon, ano ang muli pang aasahan kay GMA?

Sa sektor ng edukasyon, ang millennium curriculum ay hahantong sa higit pang paninilbihan ng mga manggagawa sa dayuhang negosyo. Kinaltasan ng P4 bilyon ang badget sa edukasyon ngayon taon na lalong gigipit sa lumalaking populasyon ng mag-aaral at gastos sa pagmintina ng paaralan.

Ang sukdulang leksyon sa eleksyon at sa hinaharap ay simple lamang: kaninong interes ba talaga ang dinadala? Pumanig, kumilos at mag-organisa sa ngalan ng interes ng nakararaming inaapi.

Sunday, May 07, 2006

Mula 3rd Avenue Hanggang sa Dulo (Pagpapakilala)

Pagpapakilala sa “Mula 3rd Avenue Hanggang Sa Dulo”


Simulan natin ang pagpapakilala sa surreal na kwento: Mayroong, at least, tatlong gangs sa 3rd Avenue sa Kalookan—ang Black Ace Brothers, SLB at Hamog Boys. Marami sa nakatira rito ay tadtad sa pang-araw-araw na skandalo, bugbugan, riot, at patayan. Ito ang nakikita. Ang hindi nakikita o ayaw makita ay ang araw-araw ring kagutuman, paghihikahos, kawalan ng edukasyon, trabaho at hustisya. Matapos igapang at maka-graduate ng high school sa Manuel Luis Quezon, ang mailap na pangarap ni Jonjo ay makapag-aral sa PUP. Si Michael naman ay nagpapatakbo ng video arcade, kumikita mula sa piso-pisong inihuhulog ng mga bata, at nakakatulong sa gastos sa bahay nila. Si Buchoy ay panganay na ang trabaho ay magpanggabing pahinante sa trucking company ng San Miguel Corporation at magbenta ng dugo sa halagang P250. Isang Hamog Boys, nakuha ang pangalan ng gang dahil sa gabi sila kung lumabas at inaabot na sa madaling-araw ang kanilang pagsasama, ay nagbebenta ng 200-300 siopao sa pista sa Bulacan para lamang kumita. Sa gitna ng nakaraang eleksyon, natatanto na ng mga bata na walang gloria kay Gloria (GMA).

Ang mga kabataang ito ay hindi lamang bahagi ng reserve army ng surplus labor ng bansa, sila rin ay nakahanay sa uring mula proletaryado (industrial na manggagawa) hanggang semiproletaryado (walang trabaho) at ang kinatatakutang lumpen proletaryado (“latak ng lipunan”) o sa mas popular na katawagan, ang jologs. Tinatagurian sila bilang walang breeding, walang pinag-aralan, walang kakayan, walang modo, kaya maging ang kanilang lunan, ang komunidad ng squatter, ay binabakuran, na kailangan pang umakyat sa hagdanan sa pader, tulad sa Pook Palaris, Ricarte at Area 1 sa UP Diliman—para lamang makalabas-pasok sa lugar. Kaya kahit pagbabambuhin sila noong EDSA 3 sa Malacanan, maputukan at magputukan ang mga ulo, walang umalma sa ngalan ng kanilang hanay. Wala silang karapatan dahil sa mata ng lipunan, hindi sila dapat nabubuhay.

Kaya madali rin silang magamit at magpagamit sa mga politiko na walang balak gawin sa kanila kundi paramihin ang kanilang numerikong hanay para mas dumami pa ang naghihikahos at kung sa gayon, mabilis na mabili ang boto. Dahil kung tunay na iaangat ang kanilang buhay—bibigyan ng akses sa edukasyon, trabaho, katarungan, pagkain, patubig, pabahay at kalusugan—ay magiging lubos ang pagkamulat at kapag magpagayon, makikita na ang mga trapo (tradisyonal na politiko) ang siyang dapat hindi mabuhay. Pero hindi gayon ang laro ng kapangyarihan sa lipunan. Tulad ng pagguho ng bundok sa Payatas, silang nabubuhay sa basura ay namamatay rin sa basura.

Ipinapakita ng dokumentaryo ang saysay ng politikal sa pagtataguyod ng isang kritikal na publikong spero (sphere) sa pamamagitan ng pagpapakilos sa hanay ng lumpen proletaryadong kabataan at sa komunidad nito hindi para magamit muli’t muli ng politiko kundi magkaroon ng kontraryong pang-estadong paninindigan. Hindi nga ba’t ang estado naman ang pangunahing nagpapalaganap sa karahasang nagtataguyod ng interes ng iilang higanteng negosyante at panginoong maylupa? Ang pagpasok ng Anak ng Bayan, partidong politikal ng sektor ng kabataan ang nagpapadaloy ng politikal na diskurso sa hayagang pamomolitika lamang ng mga trapo at ang retorika ng estado.

At ito ang lamang ng naturang komunidad sa atin dito sa UP. Kahit pa hayagan ang organisasyon ng mga aktibista sa pagpapamulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ng hanay ng skolar ng bayan, hindi pang-ekonomiko ang batayan ng pagkilos. Hindi naman mas batayang usapin ng kagutuman at kawalan ng edukasyon ang motibasyon sa elitismo ng UP. Sa bulto ng hanay ng kabataang walang tiyak na kinabukasan, tulad sa sityo ng 3rd Avenue, at tumpak ang titulo ng dokumentaryo, hanggang sa dulo, mas maigting sa pang-araw-araw na buhay ang karanasan sa paghihikahos. Kahit pa sabihin na “lumpen proletarians are an extremely unstable lot. They are easily bought off by the enemy and are given to senseless destruction” (Philippine Society and Revolution, 151). Tayo rito sa poder ni Oblation, ang ating periodikong anxiety attack ay patungkol sa lovelife o kawalan nito, pagsipsip sa born-again o tibak o terror na prof, at pagtimba ng 1.0 o ng 5.0. Anong ligaya ng may katiyakan na ang kinabukasan ay may gloria!

Kung gayon, ang politikal ang magtitiyak ng transformasyon ng diskursong panlipunan—ang makakapaningil sa estadong may mabigat na pagkakautang sa mamamayan at mga politiko at negosyante patuloy na namamayagpag sa yaman at kapangyarihan dahil sa higit pang pandarambog sa naghihikahos ng mamamayan nito. Tulad ng pagkalapit ng 3rd Avenue sa monumento ni Bonifacio sa dulo ng EDSA, sa bukana ng syudad ng Kalookan, ang pag-ikot ng mundo, ang traffic na likha, ang mga infrastruktura ng kapital tulad ng LRT at Ever Gotesco Mall, tila walang problema dahil patuloy na umiinog ang kapital at mundo!

Sa napipintong pagtanggal ng monumento ni Bonifacio sa kasalukuyan nitong lokasyon, sa planong i-extend ang MRT hanggang sa Kalookan, ano pa ang ibig sabihin ng Monumento kung wala na ang monumento? Temporal na binabago ng diskurso ng politikal ang landscape na normal ang mundo. Sa pamamagitan ng mga nagmamartsa sa lansangan o pagkilos sa Pambansang Tigil Pamasada, pagwewelga sa Ever, naimamarka ang puwang ng pagbabalikwas laban sa mapanupil na normalisasyon ng kaayusan. Sa huli, hindi lamang masisipat ang mataas na signage ng Jollibee sa poder ng Ever, mas mataas pa sa monumento ni Bonifacio, matutunghayan ang mga pulang bandila, at higit pa rito, ang hanay ng kabataan—lumpen proletaryado man o dahil nga lumpen proletaryado—na nakikibaka. Ang diskurso ng politikal, gaya ng pagkasipat sa dokumentaryo, ang siyang magpapatunggali sa pwersa ng mga uri sa lipunan at sa loob ng mismo ng mga pinaghalong-uring sektor. Hahayaan bang maging reserbadong army lamang sila, na sa paghihikahos ay kay daling kumapit sa droga, pagtatato at pagpatay at pagpapatiwakal—tulad ng isang amang bitbit ang kanyang isang taong sanggol sa bagong tayong pedestrian walk sa Commonwealth—o gagawing politikal, na siya namang batayan ng mga uri, ang kanilang hanay?

Ang dokumentaryo ay isang material para sa edukasyon sa mga usaping ito. Dahil mismong ang dokumentaryo ay pumanig na sa papel ng dokumentaryong pelikula—partisan ito, at nakapanig sa interes ng nakikibakang kabataang mamamayan. Pagbati sa Sipat at sa lahat ng nakikibakang kabataan mula sa 3rd Avenue hanggang sa dulo, lampas-lampasan pa sa abot ng mapapakilos!

28 Setyembre 2004

Semana Santa (Pasintabi column)

Semana Santa


Ang semana santa ay bahagi ng ritmo ng buhay ng bansa. Kung sa kapaskuhan ay kinetikong enerhiya ang pag-aalumpihit ng pagkilos at paggastos ng mga tao, tila naman minimal ang enerhiya sa panahon ng kuwaresma.

Pangingilin ang atas ng kapanahunan. Kung gayon, pagninilay-nilay. Di tulad ng pagninilay-nilay sa Bagong Taon na nakapaloob sa kasiyahan ng paggastos at kalabisan, tulad ng kaligayahan sa paputok at lusis, ang pagninilay-nilay sa kuwaresma ay tinatampukan ng kasalatan.

Walang kailangang gastos, bagkus ay kinakailangan pa nga ng katipiran at pagpipigil. Bawal ang karne, bawal ang maligo sa ilog, bawal ang pag-inom. Ang pagbabawal ay reafirmasyon ng alituntunin ng Katolikong diin sa pagkabansa.

Tila sinasabi rin pati sa ibang panahon sa lipunan—bawal mag-jaywalking, bawal manigarilyo sa publikong lugar, bawal mag-overspeeding, bawal umihi, bawal mag-rally ng walang permit. Natatampok lamang naman ang bawal kapag nahuli. Dahil kung hindi nahuli, sino ang makakapagsabing may paglabag sa bawal?

Kung ang kaayusan ng kapaskuhan ay pag-alaala sa biyayang natamo, ang sa kuwaresma naman ay ang pag-alaala sa kasalatan batay sa pamantayang Katoliko. Paano nga naman tutumbas ang indibidwal na debosyon kung sa sukdulang ginawa ng anak ng diyos—ang pagkanulo ng mga sariling disipulo, ang pagpapahirap at pagpapakamatay sa ngalan ng sangkatauhan?

At ganito ang retorika ng mga pangangako sa eleksyon. Di kakatwa na parati itong kabuntot ng kuwaresma. Sa extensyon ng panahon ng Katolikong pangingilin, isinasaalang-alang ang kasalatan ng botanteng mamamayan—kung bakit kinakailangan nilang kapitan ang mga pananalitang binibitiwan ng mga politiko ukol sa indibidwal at kolektibong katubusan.

Iboboto si GMA dahil ito ang last, best hope. Iboboto si Lacson dahil walang takot. Iboboto si Rocco dahil sa pangakong libreng edukasyon. O si Osmena dahil baka hindi lamang cell phone ang panibago nitong maipakilala sa bansa. Sino ang tatanggi sa ganitong panuntunan?

At bakit hindi makakatanggi ang nakararami? Dahil kulang ang nakararami at ang mga pangako ang retorika ng kalabisan at kakulangan. “Ipinapangako ko sa inyo.” Dahil ito ang kulang sa atin, dahil ito ang gusto nating marinig, dahil ito ang pinapaniwalang kulang at pupunan sa atin.

Sila na nangako ay pumoposisyong bagong sugo at sugo ng bago. Ang messiah sa ating katubusan. At tayo na pinapangakuan ay mga bagong disipulo ng luma at sinauna.

Tulad ng ritmo ng ating buhay bilang bansa, hanggang sa susunod na eleksyon. Kung may leksyon ang kuwaresma, ito ay ang paniniwala na ang tanging maipapangako ay napapako ang anumang pangako.

Sa mga gustong mangako, kaya kayang magpapako sa krus para sa katubusan ng higit na nakararami?

Saturday, May 06, 2006

Pancreas (dagli)

Pancreas
para kay Jeng


Sa pagitan ng itaas ng gitna ng sikmura, at pinapaligiran ng tiyan, maliit na bituka, atay at pantog, matatagpuan ang pancreas. Mahalaga ang pancreas dahil una, ito ang lumilikha ng pancreatic juices na lagakan ng importanteng enzymes para matunaw ang pagkain, at ikalawa, ito ang lumilikha din ng ilang hormones, kasama ang insulin, na kinakailangan ng katawan para magamit at maimbak ang enerhiyang mula sa pagkain.

Sa pagitan ng ikalimang palapag ng Philippine General Hospital, at pinapaligiran ng iba pang pasyenteng may malubhang karamdaman, Birhen sa maliit na altar, nakaasul na personel ng ospital at madilim na koridor, matatagpuan ang Lungkot na tila slow-motion na bumabalot sa kapaligiran.

Tahimik ang mga bulungan tungkol sa alamat ng pancreas at ang epikong pakikibaka ng Kalungkutan habang ang bitbit na prutas na hindi makakain ng Lungkot ay inimbak sa ibabaw ng mesa, katabi pa ng ibang pagkaing pagsasaluhan na lamang ng nakikiisa kay Lungkot.
Tahimik ang bulungan na tila bagang wala si Lungkot kahit pa siya nakahimlay, madiin pa ang kamay at nakakakilala pa sa kapwa nalulumbay. Paano mamaalam ang Lungkot?

At slow-motion kaming umalis, tumungo sa Jollibee sa Philcoa upang lamlamin ng may lungkot na ngiti ang Chicken Joy, cheeseburger, at ang bagong labas na chicken sotanghon soup. Nilamlam ang higop at kagat habang tahimik na nag-usap tungkol kalakaran sa unibersidad--sa kabang bigas na kahilingan ng kawani, ang pagsasara ng marangyang kainan sa lilim ng institute para sa maliliit na negosyo, at ang bagong magiging presidente.

Sa paghatid sa isa’t isa, sa pag-iisa at pangungulila, sa pagitan ng biyahe at bulungan; sa paghatid ng demerol at neoliberalismo, sa islets of Langerhans at burukrata kapitalismo, sa pagitan ng imperialismo at pancreaticoduodenectomy, parating kapiling ng Lungkot ang bawat sandali.

17 Setyembre 2004
Cine Adarna

Alak at Kababaihan (Pasintabi Column)

Alak at Kababaihan

Inutusan na i-pull-out na ang ad ng Napoleon Brandy na may tagline na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Namumutiktik ang ads ng alak sa dobleng kahulugan—ang konsumpsyon ng alak at babae.

Sa isang banda, tila isinasaad ang mataas na pamantayan sa paglikha ng alak at ang pinong dekorum sa pagtangkilik nito, tulad ng panliligaw ng lalake sa babae. Sa kabilang banda, pinapag-ugnay ang asosyasyon ng alak at babae, na tulad rin ng sugal at iba pang bisyo, bilang marka ng pagkamacho at brusko.

Ang bisyo ay pamantayang may double-standard. May panlipunang pagtatwa at pagtanggap dito. Ayaw ang pagsusugal—gambling at lotto, halimbawa o sa mas malawakan, ang sakla at huweteng. Pero nagaganap din ito sa ibang panahon—sakla sa lamay—o sa patago at para-militar na sanksyon, tulad ng huweteng.

Kaiba sa ibang bisyo, maigting ang tunggaliang sexual sa alak at pag-inom. Oral ang yugto ng ugnayan ng babae at alak. Ipinapaloob ang kasiyahan ng pagtangkilik sa alak, gayundin sa babae. Literal at figuratibo ang paglaklak sa alak at babae. Literal dahil talaga namang iniinom ang alak at ang aura ng pagkamacho via sa babae. Figuratibo dahil primordial kontrol ang nais ng inkorporasyon ng babae, kanibalismo ng pagkatao nito para masustina ang lalake.

Dito madaling maunawaan ang nosyon ng babae bilang sex object. Sa sarili niya, wala siyang pagkatao maliban sa halagang sexual na ipinakat sa kanya ng produkto—bilang karagdagang kamit sa pagtangkilik sa produkto. Kaya siya nagiging komoditi, tulad ng alak, dahil siya mismo ay sangkap sa produksyon ng halaga ng alak at ng transformasyon nito ng labis pa sa alak.

Notorious ang kompanya ng alak sa pag-ugnay ng babae at alak. At hindi naman ito ang regular na babaeng nakikita natin sa bahay at kalsada. Ito ang babaeng itinampok bilang sex object sa mga pelikula, entertainment at sex industries. Sila ang mga babaeng may malalaking suso, mapuputi at makikinis na balat at may hourglass na figura. Wala silang tanging halaga at trabaho kundi manghalina sa komersyal, print ad, jingle, kalendaryo at iba pang give-aways ng mga kompanya ng alak.

Ang sex object, tulad sa babae sa alak, ay laging may panginib ng karahasan. Sa kaso nitong ad ng Napoleon Brandy, imbitasyon sa statutory rape ng mga menor. Sa mga babae ng White Castle Whisky na nagdedeliver ng mga bote nito na nakapulang bikini at nakasakay sa puting kabayo, ang fantasya ng moral righteousness—na inaasahan at magugustuhan naman ng object ang kanyang prinoprojek na katangian, ang tagapaghatid ng alak at kasiyahan ng machismo.

Ang sino ang calendar boy ng Napoleon Brandy sa matumal na pagkakataon lalake ang ginagamit na bentahe ng alak? Hindi ba’t ang figura ng fascismo na nasabwat sa madugo at hindi makataong Kuratong Baleleng na kaso? Sa isang banda, sanksyon ng estado at negosyong sumusuporta rito ang pagpapalaganap ng pagkalalake ng alak.

Sa kabilang banda, hindi ba’t mainit pa rin ang mga balita ng pagiging kloseta nitong figura? Na may itinatago ito sa pagiging super-macho niya? At ito naman ang magkabilang pisngi ng pagkalalake at heterosexualidad. Na kay daling masabwat ang itinatagong panig tuwing itinatampok ang pribilehiyong status ng sinaunang kaayusan.

Sa susunod na pagtagay, hindi lamang ito selebrasyon ng lalakeng nagkakaisa; ito rin ay lamay sa babaeng kinasangkapan sa kaisahan. Napagkaisahan na isahan ang babae sa tuwina at parati.

Thursday, May 04, 2006

Buhay, dagli

Buhay


Ang sabi ng gobyerno sa Kaliwa, mag-mainstream na kayo—lumahok sa politika, makipag-negotiate, sumuko, ibaba ang armas, mabuhay ng normal. At sa pagtatangkang lumahok sa eleksyon, 40 na ang lider na pinaslang sa tatlong taon ng partisipasyon. Sa isa’t kalahating buwan ng 2005, 13 lider at kasapi ang pinatay o dinampot sa Gitna at Hilagang Luzon.

Ano na ang halaga ng buhay, lalo pa ng Kaliwang buhay na inalay sa sambayanan? Tulad na rin ba ito ng kalagayang nagtataas ang lahat ng bilihin—bigas, kuryente, gasolina, pamasahe, tubig, gulay, isda--gayong ang ordinaryong mamamayan ay lalong naghihirap ang buhay? Habang ang lahat ay nagiging malayo’t di na maabot, ang buhay ay lalong ginagawang mura at pakyawan.

Iniisip ni Romy Sanchez habang namimili ng pasalubong na damit pambata sa kanyang suki sa ukay-ukay sa palengke, “Ano ang kinabukasang ihahain ko sa sa aking mga anak?” Makikipagtawaran sa suking nagkukunwang kulang pa sa puhunan ang banggit na halaga! Bago siya makasukli ng ngiti, ang tila aninong kanina pa nakasunod ay humugot ng baril. Itinapat ito kay Romy at nakita niya kung bakit siya nakilahok sa pakikibaka.

Si Fr. William Tadena, paring Aglipayan, binaril rin ng anino habang pauwi matapos magmisa sa Baranggay Guevarra sa Lapaz, Tarlac. Madalas siyang magmisa para sa mga manggagawang nagwelga sa Hacienda Luisita. Habang papauwi, iniisip niya, “Anong uring gobyerno itong pumapatay ng sarili niyang mamamayan? Na ipinagtatanggol ang interes ng maykayang iilan kaysa ang sambayanang naghihikahos?” Iniisip niyang dapat ay lalo niya itong nadiin kanina sa sermon sa misa, pero ihahabol na lamang niya sa bawat pagmimisa. Sa isang iglap, nakita ni Fr. Tadena ang uri ng mamamatay na gobyerno.

Naiisip ng bawat manggagawa, magsasaka, bawat mag-aaral at guro, doktor at nars, relihiyoso at profesyonal, na ang buhay ay di tulad ng ayungin at galunggong, di tulad ng dilis at sardinas na tumataas ang halaga. Sa gobyernong nagiging tuta ng militar, ang buhay, hindi man sardinas, ay tulad ng lata ng sardinas—mahika ang pagkasuksok ng nagsisiksikang katawang pugot ang mga ulo’t wala nang laman-loob, namumutiktik sa sarili nitong pulang sarsa! Mahika negra! Ni walang manggagawang gumawa ng lata o nagmando sa makina, o ang mangingisdang nanghuli ng mga isda isang gabing bumabagyo, pero kay tamis ng ngiti ng artistang nagbebenta nito sa telebisyon.

Sa bawat pagpaslang sa sulong na hanay noon at ngayon, nakikita ang inaasam na kinabukasan! Nararamdaman ang pagkakait, ang alab ng pakikibaka, ang mapulang silangan at ang higit pang pagkakapit-bisig at higpit ng pagtataas kamao. Tumitibay ang kinabukasang may-abot kamay na gamot, pagkain, pabahay, trabaho, katarungan at dangal ng pagkatao. Nararanasan ang posibilidad ng buhay sa imposibilidad ng lipunan.

Sakit ng Kalingkingan, Dagli Collection from UP Press

Pix from Joi's wedding 1/06


With Jina Umali and Tamaki-san

Tuesday, May 02, 2006

Reality TV sa Mahirap na Bansa (repost) ni Ilang-Ilang D. Quijano

Reality TV sa Mahirap na Bansa
ni Ilang-Ilang D. Quijano

Nakikipagsabayan ang reality TV shows sa telenovelas na tinatangkilik ng mga
Pilipinong manonood tuwing primetime. Hindi kasi nagkakalayo ang aksiyon,
drama, at katatawanan na nasasaksihan sa reality TV shows at telenovelas.

Parehong pinagbibidahan ang mga ito ng pinakasikat at pinakapaboritong mga
artista. Ito ang reality TV sa Pilipinas – halos walang pinagkaiba sa iba pang
porma ng libangan/aliw na ginagamit ang karaniwang pormula na “lights,
camera, action!” upang itakas ka mula sa katotohanan.

At tulad ng iba pang porma ng aliw, hinalaw ng Pilipinas ang reality TV shows
nito mula sa mga palabas na unang sumulpot at sumikat sa US tulad ng Survivor,
The Bachelor, Fear Factor, American Idol, at iba pa.

Binansagan na reality TV ang mga nasabing palabas dahil inilalagay nito ang mga
ordinaryong tao sa mga kakaibang sitwasyon upang maipakita kung ano ang
mararamdaman, maiisip at ikikilos ng mga ito. Pinagkukumpitensiya ang mga bida
sa isa’t isa upang makamit ang isang premyo tulad ng pera, pagpapakasal, o
career sa showbiz.

Sa Pilipinas, nag-umpisa rin ang reality TV sa pagtatampok sa mga ordinaryong
indibidwal na sinasabak sa iba’t ibang mga pagsubok, sa mga laro sa noontime
variety shows at quiz shows. Pero sa kalaunan, nagpokus ang reality TV sa mga
artista o ’di kaya’y sa mga taong nais maging artista.

Halimbawa nito ang Star Circle Quest at Starstruck, na pinipili at hinahasa ang
kontestant upang maging artista. Sa mga palabas na ito sumikat ang mga tulad
nina Hero Angeles, Sandara Parks, Jennylyn Mercado, at Mark Herras.

Samantala, sa Extra Challenge, sinusubok sa iba’t ibang uri ng hanapbuhay ang
mga artista. Dito nasaksihan ng mga manonood maging domestic helper sa Hongkong
si Rosanna Roces, magpasada ng traysikel ang Viva Hot Babes, at iba pa.

Maging ang prank shows ay nagbago – lipas na ang Wow Mali ni Joey de Leon, uso
na ang pambibiktima sa mga artista sa Victim Extreme. Ang drama shows tulad ng
Maalala Mo Kaya ay nagmimistulan na ring reality TV, sa pamamagitan ng
pagtampok sa buhay ng mga artista kaysa buhay ng karaniwang letter-sender.

Showbiz: mabilisang pag-asenso

Ayon kay Rolando Tolentino, propesor sa University of the Philippines College
of Mass Communications at tanyag na kritiko ng kulturang popular, ang pagtampok
ng mga artista sa reality TV ay tinatawag na double spectacularization upang
tumaas ang ratings ng mga palabas.

“By itself, ginagawang spectacle ng mass media kung ano man ang ibalita nila,
pero kapag ginawa mo pang celebrity ang laman, mas patok,” paliwanag ni
Tolentino.

Sinabi ni Tolentino na ginagamit ng mga TV networks ang pagkahumaling ng mga
Pilipino sa mga artista at sa pangarap ng pagiging artista, o ang tinatawag na
celebrity worship syndrome.

Noong unang ipinalaganap ng mga Amerikano ang industriya ng showbiz sa
Pilipinas, kailangan ng diploma sa kolehiyo para maging isang artista, na
karaniwang mula sa hanay ng middle hanggang upper class. Pero dahil sa
katotohanang karamihan sa mga Pilipino ay hindi nakakapag-aral, nagiging
kapital laluna ng mga kabataan ang kanilang katawan para makapagtrabaho at
makapasok sa showbiz, lalo na sa mundo ng aliw. Dahil na rin sa kabiguan ng
estado na magbigay ng trabaho sa mamamayan, umaasa ang marami na sa
pag-aartista ang mabilis na paraan para kumita at umasenso sa buhay.

“Kung may hitsura ka naman, maganda ang iyong pangangatawan, pwede mong
pangarapin na iangat ang pamilya mo sa pamamagitan ng pagsali sa showbiz,” sabi
ni Tolentino.

Sa Star Circle Quest at Starstruck, pinapakita kung paano umaasa ang pamilya ng
mga kontestant na mareresolba ng kanilang pagsikat ang iba’t-ibang mga
problemang pampinansiya. Sa murang edad, inaasahang maging “breadwinners” ang
mga ito.

Mapupuna ito lalo na sa palabas na Starstruck Kids, na ang kontestants ay edad
5 hanggang 7 taong gulang. Nang itanong kung bakit sumali sa show, isinagot ng
mga bata ay: “Para magkaroon ng maraming pera” o “Para matulungan ang mommy at
daddy ko na makabili ng bahay.” Mahigit 30% ng mga bata ang nagsabing ang mga
magulang nila ang nagtulak sa kanilang sumali.

Ayon kay Tolentino, isang trahedya na ipapapasan ng pamilya sa bata ang
responsibilidad na iangat ang kabuhayan at iahon mula sa kahirapan.
Ngunit sa binibigay na “big break” ng mga networks sa kanilang mga alagang
kontestants, umaasa ang maraming pamilya na mai-aangat ang kanilang kabuhayan
mula sa kahirapan. Sa kabilang banda, nagbibigay daan ito sa mga netwroks para
sa pagsasamantala. Naniniwala si Tolentino na higit pa ang nahuhuthot ng mga TV
networks sa mga advertisers mula sa talento ng mga nanalo sa reality TV shows
kaysa premyong napagwagian nila. Napabalita kamakailan ang umano’y pamamaos ni
Sarah Geronimo dahil sa sobrang dami ng komitment sa showbiz.

“Dahil sa horizontal production ng malalaking networks na mayroong TV,
recording, at pelikula, naipapasok sa lahat ng larangan ang nagwaging
kontestants habang mainit pa na tinatangkilik ng manonood, kaya’t burnout ang
kalalabasan ng artista…Nagtrabaho ka na para makasali sa kontest, nagtrabaho ka
na para manalo, nagtatrabaho ka pa para makuha yung premyo mo. Ito yung
sukdulang paghahawak ng kapitalista sa katawan ng mga gustong makaangat sa
lipunan,” sabi ni Tolentino.

Pagsubok lamang

Kung talento sa pag-aartista ang isinusubok sa mga palabas na Star Circle Quest
at Starstruck, pangaraw-araw na survival skills ng mga artista naman ang tampok
sa reality TV show na Extra Challenge.

Ayon kay Tolentino, ginagawang middle-class ang mga hanapbuhay ng mga Pilipino
na “kapit sa patalim” tulad ng pangingibang-bansa o pagsasaka. “May choice ang
mga artista. Ginagawa nila ‘yon para sa national television, ‘di tulad ng ng
ordinaryong tao na yun ang mode of existence.”

Dahil dito, ginagawa umanong lehitimo ng telebisyon ang mga problematikong
identidad ng OFWs (overseas Filipino workers), underemployed, at iba pang
mamamayan na naghihikahos upang mabuhay.

Sa mga ganitong palabas, nakikita rin ang laki ng agwat ng nakakaangat at
mahihirap sa lipunan. Halimbawa, nang mahimatay si Ciara Sotto habang
nangangalahig sa Payatas, agad itong sinugod sa kanyang magarang mansiyon sa
White Plains, isang kakaibang mundo kumpara sa pinasukang “challenge.”
Samantala, sa Victim Extreme, napapaganda ang delikadong pamumuhay sa bansang
Third World, ayon kay Tolentino.

Aniya, “Yung reality sa Pilipinas, nangyayari talaga yon kahit walang show,
nanakawan tayo ng cell phone, nahuhuli tayo ng pulis, nababangga yung kotse
natin. Kaya kung ilagay mo pa sa telebisyon, naga-glamorize yung materyal na
kondisyon na meron tayo. Ginagawang magaan ang isang bagay na
seryoso.”(lighthearted yung something very serious.”)

Sa kabilang banda, hindi naman pinapakita ang pampulitikang pambibiktima tulad
ng welga ng mga manggagawa o anupamang kilos-protesta, dahil “masyadong
radikal” ang mga ito sa totoong buhay.

Hindi rin nakakaaliw makita ang buhay ng isang kapwa-lugmok sa kahirapan, kaya
itinatambol maging ng drama shows tulad ng Maalala Mo Kaya at Magpakailanman
ang buhay ng mga artista, na bagaman dumaan sa mga problema ay itinawid sa
buhay ng kanilang kasikatan.

“Bakit mo gustong makita ang buhay ng kapwa mo, samantalang ganoon din ang
buhay mo? Gusto mong makita ang pagkakahalintulad ng buhay mo sa miserableng
buhay ng nakakaangat,” sabi ni Tolentino.

Katotohanandad nga ba?

Sinabi ni Tolentino na ang kapit ng showbiz sa reality TV shows ay bahagi ng
kabuuang trend sa mass media na “infotainment,” o paghahalo ng impormasyon at
aliw, para kumita ang networks sa isang banda, at para panatilihin ang
kasalukuyang kaayusan sa lipunan sa kabilang banda.

“Hindi na importante yung sumabog na bomba sa Iraq, mas interesado tayo sa
ending ng Sana’y Wala Nang Wakas,” aniya.

Bagaman halaw sa mga totoong buhay o pangyayari, tulad ng anupamang bagay na
ibinebentang pang-aliw, minamanipula ang reality TV shows upang maipakita ang
isang mundong malayo sa katotohanan.

Isang mundo na nagiging pobre ang artista matapos pagsawaan ng manonood at
pagkakitaan ng industriya, na hindi lamang pinagsasayaw ng otso-otso ng pulis
ang kinikidnap na kamukha ni Sandara, na ang anak ng isang senador ay hindi
naghahanap ng kanyang hapunan sa basurahan.

Pix

Saturday, April 29, 2006

Bowling Green, OH 43402 (dagli)

Bowling Green, OH 43402

Gusto ko’y tahimik na relo. Na ang bawat hagupit ng segundo’y tahimik na lumalatay sa paggising. Taglagas na ngayon. Winawalis ng hangin ang tuyong dahong nangahulog sa mga nakatirik na tuod. Kahapon ay ang ating unang snow. Para tayong nasa loob ng christmas card. Tinanong ko kanina ang aking kasambahay kung mamamatay ang aking mga halaman sa gilid ng bintana. Sumisingaw ang yelong hangin mula sa labas. Para akong tratrangkasuhin. Sabi niya’y baka nga dahil nasusunog ng lamig ang halaman. Ilipat ko na lamang sa sala. Ang mga dahong putla’t dilaw ay puampakat sa sidewalk, sumisingaw at nag-iiwan ng anino. May sulat kaya ako mamaya? Napag-alaman ko sa una kong pagdating na labindalawang oras na huli itong lugar sa Filipinas. Alasiete ng umaganang habilinan ako ng aking nanay na magdasal, alasiete rin ng umagang yon nang ako ay alukin ng liquor ng stewardess. Labintatlong oras ang layo ng Filipinas sa San Francisco. Para lang akong nagbiyahe sa Bikol. Pero hindi pa tumutubo ang patatas na itinanim ko sa plastik na kahong pinaglagyan ng tofu. Apat na araw pa lang naman. Umuusok ang aking hininga sa pagpidal ko ng bisikleta. Di nga ba parang cardboard ang mga bahay rito? Ayoko pang dumilat, limang minuto pa ng kamatayan. Tumawag ang Music, pwede mo nang i-pick up ang chello sa Biology. Kung taglagas na nga ngayon, bakit may snow na? Madaling tumubo ang butil ng bawang, subukan mo. Nang huli, kahit gutom ako, di ko na makain ang ibinibigay ng stewardess. Nag-stop-over sa Seoul, kaya may Korean-American na stewardess. Ang dami kong nasayang na pagkain. Marami pa namang nagugutom sa Filipinas. May Elm St. nga rito, sabi ni Des itong lugaw daw ay parang setting ng mga sequel ni Freddy Kruger. Itinanong niya kung naglalagay ang mga tao rito ng patay na manok sa mailbox.

May natanggap na obscene phone call ang roommate ni Ces. Sumagot lamang ito, “Begone, Satan.” Nasa kalye ang mga tao ngayong Halloween, parang bagong taon sa atin. Tititig kaya ako sa bintana habang pumapatak ang snow sa aspalto at luha sa aking mukha?, inaalala ang kabilang bahagi ng mundo. Alam kong kumita na ito. Nang magpa-repair ako ng zipper ng knapsack ay may isang matandang lalaking tinanong kung taga-saan kami? Nang malaman niya’y binalan kami, “You’ve kicked us out, the Japs will invade you again. Keep that in mind, you’ve heard it from me first.” Trick or treat. Nanghihinayang ako sa dami ng pumpkin na ginawang jacklantern lamang. Banggit ni Ces ay baka pwede pang gawing pumpkin pie. Paborito ito ng kanyang roommate. Pinatikim niya ako, di ako sanay sa gulay na pie. Sinubukan niyang i-heat sa oven, masarap pa rin daw ang lasa. Ang problema ayon kay Ces ay natuyo na ang pumpkin. May weirdong nag-aabang sa tapat ng apartment nila. Nagbayad pala kami ng $0.24 kada buwan para sa 9-1-1 service.

September 21, 1992. Siguro ito na ang tinutukoy kong talinhaga ng taglagas, hindi ba’t parang mga tuyong dahon na nalalaglag ang mga karanasan…? I still haven’t gotten around to “making friends” with the new teachers and welcoming them to UP Manila’s barrio and I really have not been seeing the old merienda-mates we had because I teach at totally different schedule from everyone else… Napakasukal sa daan, pero kapag sinisiga’y nakakatulong sa pamumulaklak? I suppose it has its advantages like raising the mystique cloud around me, making me appear strange and mysterious to others who don’t know me simply because I’m quiet… Atin-atin na lang ang kakornihang ito, ha?… On the other hand, I guess it also makes me appear manang-ish as the next one because the quietness can also be mistaken as dead space. Keep in touch, Peggy. 9-15-92. Ingat ka. Luna.

Magic realism is dead. Isang linggo akong may anxiety. Rediscovered Borges. Napabili tuloy ako ng halaman. What is the metaliterature in “In Evil Hour”? Plants have the capacity to absorb people’s negative psychic energies. Lampoons. Ika ko lang to. “I’m Roland B. Tolentino.” “From where are you?” “I’m from the Philippines.” “Don’t be sorry.” “I’m not aplogizing.” For next week, try to tackle the novel’s dialogue with other discourse: film, history. Baka sa susunod ay bumili na rin ako ng goldfish at bowl. “Can I suggest something?” “Sure.” “Since this is a U.S. & Third World course, shouldn’t we have some readings from the Third World perspectives?” “Yes, definitely we must.” “Hmm.” “It will be our dessert.” Subject position, construction of narrative. Naging ritual na sa akin dito ang letter-writing kahit na parang kumakatok sa kuwartong walang tao. Hinuli ng isang oras ang oras, labintatlong oras na ang distansya ng midwest sa Filipinas.

May mga ibon pa ring namamahay sa puno ng maple sa Elm St. Nag-apple picking kami sa campus. Nalito siguro sa migration. Nabubulok lang kasi ang mga bunga. Siguro’y nawala ang tracks. Limang piso rin ito sa Filipinas. Siguro’y mamamatay na lamang ang mga ito sa winter. Sabi ni Ces kung nasa Filipinas itong puno, kahit bubot pa’y siguradong ubos na ang bunga. Crab apples pala ang tawag rito. Kamuntik na akong makasagasa ng naghahabulang squirrels. May sumusunod sa aking malaking itim na ibon. Nagkalat ang squirrels sa kampus at sa mga puno sa kalsada. Crow o raven, ano ang ipinagkaiba? In-heat siguro, humahabol bago mag-hybernate. Iniisip ko na lang ang tula ni Edgar Allan Poe. May nakita akong pulang squirrel sa Cartimar, mula sa Palawan. May nakita din ako doong sea turtle sa banyera. May ipinagbibili rin daw na kite eagles sa may Broadway (Centrum).

Come again? Roland. What. Rowland. Rowlando? Roland. Can you spell your surname for me? T-o. P as in panda? T as in Thomas. L-e-n, t-i-n-o. Is that a p again? T as in Thomas.

9-13-92 Tito Olan today or beginning today kapag susulat ka English, Tagalog or English. Tito Olan yung Labor Day you are happy ba yung pumunta kayo sa Niagara Falls sa Buffalo, new York ano-ano ang mga nakita mo. Kapag sumulat ka sa kin ikuwento mo ang mga nakita mo sa pinuntahan mo please tell a story. Love and Care, Dianne or Dianne Jomarie P. Tolentino.

Saan ang Station 24? Nailipat na ba ang dalawang tig-70 pounds na luggage sa eroplano? Coffee, orange juice, beer? Here’s your free peanuts. We are now at Toledo Airport. I’m Rolando. It’s a twenty-minute drive to Bowling Green, another twenty minutes and you’ve seen the entire town. Mabuhay.

Pakiramdam ko’y binuhusan ako ng arnibal. Dalawang araw nang ito ang suot ko, lasang panis na ang bibig ko. Bababa ako sa eroplano, lilipad ako sa highway, magba-backstroke sa North Main pakaliwa sa East Wooster. Ngayon na, kakamayan ako ng municipal board member na kanina pa naghihintay. Welcome, welcome. Yayakapin ko siya. I’d like a quarter-pounder and large french fries please. Tatanungin niya habang ilalabas ang tray, to go or for here?

Sa mapungay na mata, parang anino ang hugis ng lahat. Tila parating nagpapainin ang paglalakbay at pamumuhay sa ibang bansa. Naaalimpungatan dahil ayaw nang gumising, ayaw pang magsimula ng bagong araw. Ko-ko-kook, putak-putak. Gusto ko’y tahimik na relo na ang bawat segundo’y tahimik na lumalatay sa paggising at pag-idlip.