Bowling Green, OH 43402
Gusto ko’y tahimik na relo. Na ang bawat hagupit ng segundo’y tahimik na lumalatay sa paggising. Taglagas na ngayon. Winawalis ng hangin ang tuyong dahong nangahulog sa mga nakatirik na tuod. Kahapon ay ang ating unang snow. Para tayong nasa loob ng christmas card. Tinanong ko kanina ang aking kasambahay kung mamamatay ang aking mga halaman sa gilid ng bintana. Sumisingaw ang yelong hangin mula sa labas. Para akong tratrangkasuhin. Sabi niya’y baka nga dahil nasusunog ng lamig ang halaman. Ilipat ko na lamang sa sala. Ang mga dahong putla’t dilaw ay puampakat sa sidewalk, sumisingaw at nag-iiwan ng anino. May sulat kaya ako mamaya? Napag-alaman ko sa una kong pagdating na labindalawang oras na huli itong lugar sa Filipinas. Alasiete ng umaganang habilinan ako ng aking nanay na magdasal, alasiete rin ng umagang yon nang ako ay alukin ng liquor ng stewardess. Labintatlong oras ang layo ng Filipinas sa San Francisco. Para lang akong nagbiyahe sa Bikol. Pero hindi pa tumutubo ang patatas na itinanim ko sa plastik na kahong pinaglagyan ng tofu. Apat na araw pa lang naman. Umuusok ang aking hininga sa pagpidal ko ng bisikleta. Di nga ba parang cardboard ang mga bahay rito? Ayoko pang dumilat, limang minuto pa ng kamatayan. Tumawag ang Music, pwede mo nang i-pick up ang chello sa Biology. Kung taglagas na nga ngayon, bakit may snow na? Madaling tumubo ang butil ng bawang, subukan mo. Nang huli, kahit gutom ako, di ko na makain ang ibinibigay ng stewardess. Nag-stop-over sa Seoul, kaya may Korean-American na stewardess. Ang dami kong nasayang na pagkain. Marami pa namang nagugutom sa Filipinas. May Elm St. nga rito, sabi ni Des itong lugaw daw ay parang setting ng mga sequel ni Freddy Kruger. Itinanong niya kung naglalagay ang mga tao rito ng patay na manok sa mailbox.
May natanggap na obscene phone call ang roommate ni Ces. Sumagot lamang ito, “Begone, Satan.” Nasa kalye ang mga tao ngayong Halloween, parang bagong taon sa atin. Tititig kaya ako sa bintana habang pumapatak ang snow sa aspalto at luha sa aking mukha?, inaalala ang kabilang bahagi ng mundo. Alam kong kumita na ito. Nang magpa-repair ako ng zipper ng knapsack ay may isang matandang lalaking tinanong kung taga-saan kami? Nang malaman niya’y binalan kami, “You’ve kicked us out, the Japs will invade you again. Keep that in mind, you’ve heard it from me first.” Trick or treat. Nanghihinayang ako sa dami ng pumpkin na ginawang jacklantern lamang. Banggit ni Ces ay baka pwede pang gawing pumpkin pie. Paborito ito ng kanyang roommate. Pinatikim niya ako, di ako sanay sa gulay na pie. Sinubukan niyang i-heat sa oven, masarap pa rin daw ang lasa. Ang problema ayon kay Ces ay natuyo na ang pumpkin. May weirdong nag-aabang sa tapat ng apartment nila. Nagbayad pala kami ng $0.24 kada buwan para sa 9-1-1 service.
September 21, 1992. Siguro ito na ang tinutukoy kong talinhaga ng taglagas, hindi ba’t parang mga tuyong dahon na nalalaglag ang mga karanasan…? I still haven’t gotten around to “making friends” with the new teachers and welcoming them to UP Manila’s barrio and I really have not been seeing the old merienda-mates we had because I teach at totally different schedule from everyone else… Napakasukal sa daan, pero kapag sinisiga’y nakakatulong sa pamumulaklak? I suppose it has its advantages like raising the mystique cloud around me, making me appear strange and mysterious to others who don’t know me simply because I’m quiet… Atin-atin na lang ang kakornihang ito, ha?… On the other hand, I guess it also makes me appear manang-ish as the next one because the quietness can also be mistaken as dead space. Keep in touch, Peggy. 9-15-92. Ingat ka. Luna.
Magic realism is dead. Isang linggo akong may anxiety. Rediscovered Borges. Napabili tuloy ako ng halaman. What is the metaliterature in “In Evil Hour”? Plants have the capacity to absorb people’s negative psychic energies. Lampoons. Ika ko lang to. “I’m Roland B. Tolentino.” “From where are you?” “I’m from the Philippines.” “Don’t be sorry.” “I’m not aplogizing.” For next week, try to tackle the novel’s dialogue with other discourse: film, history. Baka sa susunod ay bumili na rin ako ng goldfish at bowl. “Can I suggest something?” “Sure.” “Since this is a U.S. & Third World course, shouldn’t we have some readings from the Third World perspectives?” “Yes, definitely we must.” “Hmm.” “It will be our dessert.” Subject position, construction of narrative. Naging ritual na sa akin dito ang letter-writing kahit na parang kumakatok sa kuwartong walang tao. Hinuli ng isang oras ang oras, labintatlong oras na ang distansya ng midwest sa Filipinas.
May mga ibon pa ring namamahay sa puno ng maple sa Elm St. Nag-apple picking kami sa campus. Nalito siguro sa migration. Nabubulok lang kasi ang mga bunga. Siguro’y nawala ang tracks. Limang piso rin ito sa Filipinas. Siguro’y mamamatay na lamang ang mga ito sa winter. Sabi ni Ces kung nasa Filipinas itong puno, kahit bubot pa’y siguradong ubos na ang bunga. Crab apples pala ang tawag rito. Kamuntik na akong makasagasa ng naghahabulang squirrels. May sumusunod sa aking malaking itim na ibon. Nagkalat ang squirrels sa kampus at sa mga puno sa kalsada. Crow o raven, ano ang ipinagkaiba? In-heat siguro, humahabol bago mag-hybernate. Iniisip ko na lang ang tula ni Edgar Allan Poe. May nakita akong pulang squirrel sa Cartimar, mula sa Palawan. May nakita din ako doong sea turtle sa banyera. May ipinagbibili rin daw na kite eagles sa may Broadway (Centrum).
Come again? Roland. What. Rowland. Rowlando? Roland. Can you spell your surname for me? T-o. P as in panda? T as in Thomas. L-e-n, t-i-n-o. Is that a p again? T as in Thomas.
9-13-92 Tito Olan today or beginning today kapag susulat ka English, Tagalog or English. Tito Olan yung Labor Day you are happy ba yung pumunta kayo sa Niagara Falls sa Buffalo, new York ano-ano ang mga nakita mo. Kapag sumulat ka sa kin ikuwento mo ang mga nakita mo sa pinuntahan mo please tell a story. Love and Care, Dianne or Dianne Jomarie P. Tolentino.
Saan ang Station 24? Nailipat na ba ang dalawang tig-70 pounds na luggage sa eroplano? Coffee, orange juice, beer? Here’s your free peanuts. We are now at Toledo Airport. I’m Rolando. It’s a twenty-minute drive to Bowling Green, another twenty minutes and you’ve seen the entire town. Mabuhay.
Pakiramdam ko’y binuhusan ako ng arnibal. Dalawang araw nang ito ang suot ko, lasang panis na ang bibig ko. Bababa ako sa eroplano, lilipad ako sa highway, magba-backstroke sa North Main pakaliwa sa East Wooster. Ngayon na, kakamayan ako ng municipal board member na kanina pa naghihintay. Welcome, welcome. Yayakapin ko siya. I’d like a quarter-pounder and large french fries please. Tatanungin niya habang ilalabas ang tray, to go or for here?
Sa mapungay na mata, parang anino ang hugis ng lahat. Tila parating nagpapainin ang paglalakbay at pamumuhay sa ibang bansa. Naaalimpungatan dahil ayaw nang gumising, ayaw pang magsimula ng bagong araw. Ko-ko-kook, putak-putak. Gusto ko’y tahimik na relo na ang bawat segundo’y tahimik na lumalatay sa paggising at pag-idlip.
Saturday, April 29, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment