Saturday, April 29, 2006

Buhay (dagli)

Buhay

Ang sabi ng gobyerno sa Kaliwa, mag-mainstream na kayo—lumahok sa politika, makipag-negotiate, sumuko, ibaba ang armas, mabuhay ng normal. At sa pagtatangkang lumahok sa eleksyon, 40 na ang lider na pinaslang sa tatlong taon ng partisipasyon. Sa isa’t kalahating buwan ng 2005, 13 lider at kasapi ang pinatay o dinampot sa Gitna at Hilagang Luzon.

Ano na ang halaga ng buhay, lalo pa ng Kaliwang buhay na inalay sa sambayanan? Tulad na rin ba ito ng kalagayang nagtataas ang lahat ng bilihin—bigas, kuryente, gasolina, pamasahe, tubig, gulay, isda--gayong ang ordinaryong mamamayan ay lalong naghihirap ang buhay? Habang ang lahat ay nagiging malayo’t di na maabot, ang buhay ay lalong ginagawang mura at pakyawan.

Iniisip ni Romy Sanchez habang namimili ng pasalubong na damit pambata sa kanyang suki sa ukay-ukay sa palengke, “Ano ang kinabukasang ihahain ko sa sa aking mga anak?” Makikipagtawaran sa suking nagkukunwang kulang pa sa puhunan ang banggit na halaga! Bago siya makasukli ng ngiti, ang tila aninong kanina pa nakasunod ay humugot ng baril. Itinapat ito kay Romy at nakita niya kung bakit siya nakilahok sa pakikibaka.

Si Fr. William Tadena, paring Aglipayan, binaril rin ng anino habang pauwi matapos magmisa sa Baranggay Guevarra sa Lapaz, Tarlac. Madalas siyang magmisa para sa mga manggagawang nagwelga sa Hacienda Luisita. Habang papauwi, iniisip niya, “Anong uring gobyerno itong pumapatay ng sarili niyang mamamayan? Na ipinagtatanggol ang interes ng maykayang iilan kaysa ang sambayanang naghihikahos?” Iniisip niyang dapat ay lalo niya itong nadiin kanina sa sermon sa misa, pero ihahabol na lamang niya sa bawat pagmimisa. Sa isang iglap, nakita ni Fr. Tadena ang uri ng mamamatay na gobyerno.

Naiisip ng bawat manggagawa, magsasaka, bawat mag-aaral at guro, doktor at nars, relihiyoso at profesyonal, na ang buhay ay di tulad ng ayungin at galunggong, di tulad ng dilis at sardinas na tumataas ang halaga. Sa gobyernong nagiging tuta ng militar, ang buhay, hindi man sardinas, ay tulad ng lata ng sardinas—mahika ang pagkasuksok ng nagsisiksikang katawang pugot ang mga ulo’t wala nang laman-loob, namumutiktik sa sarili nitong pulang sarsa! Mahika negra! Ni walang manggagawang gumawa ng lata o nagmando sa makina, o ang mangingisdang nanghuli ng mga isda isang gabing bumabagyo, pero kay tamis ng ngiti ng artistang nagbebenta nito sa telebisyon.

Sa bawat pagpaslang sa sulong na hanay noon at ngayon, nakikita ang inaasam na kinabukasan! Nararamdaman ang pagkakait, ang alab ng pakikibaka, ang mapulang silangan at ang higit pang pagkakapit-bisig at higpit ng pagtataas kamao. Tumitibay ang kinabukasang may-abot kamay na gamot, pagkain, pabahay, trabaho, katarungan at dangal ng pagkatao. Nararanasan ang posibilidad ng buhay sa imposibilidad ng lipunan.

No comments: