Luha
sa huling gabi ng lamay, 20 Nobyembre 2005
Lumuluha tayo sa kabawasan ng ating kapwa. Lalake, dalawampung taong gulang, binugbog, sinugatan, isinabit sa barb wire sa piketlayn, binaril, inotopsiya, kinunan ng litrato pero ang piniling isinabit ng ina ay ang lumang studio na kuha, yun bang package deal para sa kung ilang pirasong kopya—mula sa mall ng haciendero, yung pinagsta-stopover sa biyahe ng Baguio--nakaayos ang one-length na buhok, nakatiklop ang katabi.
Lumuluha tayo sa abang kalagayan na kinahinatnan ng mga taong abang-aba na nga ang kalagayan. Ang panahunang manggagawang bukid na ang arawang sweldo ay P199.17 ay pinapahintulutang magtrabaho ng isa o dalawang araw lamang bawat linggo; sila ay aktwal na kumikta sa bawat araw, matapos ibawas ang utang at vale, ng P18; ang kaswal na manggagawa, P9 bawat araw. Nagwelga sila, nanlaban sa dispersal, napaluha sa galit at tear gas; kinondena sila ng Sekretarya ng Departamento ng Paggawa, naghugas ng kamay ang unico hijo ng haciendero, ipinagdasal ng hacienderang dating pangulo, at ikinasira ng telebiswal na araw ng busong anak, star ng ngayo’y pumapangalawang stasyong pantelebisyon. Parang sa pagguho ng basura sa Payatas—silang nabubuhay sa basura ay namamatay sa basura!
Anong ganda ng pagbubukang-liwayway, Ate Guy! “My brother is not a pig! Ang kapatid ko ay hindi baboy ramo!” Kristala, iligtas mo po kami!
Naluluha tayo dahil sa chloropicrin, ang aktibong ahente ng tear gas. Sa bansang nasa kalagitnaan ng fiscal crisis, hindi nauubusan ng budget sa tear gas at dispersal. Unang ginamit ang chloropicrin sa chemical warfare noong World War I bago maisip ng sadistang kemist na gamitin sa tear gas. Versatile ang chloropicrin dahil ito rin ay pwedeng gamiting pestisidyo. Naisip kaya ito ng mga militar nang gamitin nila ito sa nagwewelga—na pinapalakas rin nila ang tubo sa hacienda?
Noon pang 1969, 80 bansa na ang bumotong isama ang tear gas agents sa chemical weapons na banned sa ilalim ng Geneva Protocol. Pero ginagamit pa rin ito halos linggo-linggo—sa Gaza Strip at West Bank, sa Chile at Russia, sa South Korea, at ngayong linggo, sa Hacienda Luisita.
Naluluha tayo dahil naiirita ang ating mga mata. Dumadaloy ang luha mula sa tear glands sa pamamagitan ng maliliit na tear ducts. Sa itaas ng talukap matatagpuan ang tear glands at kapag nagkaroon ng rason, lumilika ng luha na manipis na film sa eyeballs. Tuwing kikirap, ang film na luha ay kumakalat sa buong mata para manatiling basa at malaya sa alikabok at iba pang iritasyon.
Kung gayon, parati pala tayong lumuluha! Kapag masaya, malungkot, nabubuhay, pinapatay, nakikiramay, nagdarasal, nagwewelga, parating dumadaloy ang maalat na luha!
Lumuluha tayo para sa pagkasaid ng himala ng hacienderang nagpakapangulo—nabalo, itinakwil ang militanteng posibilidad, nagpatupad ng korporatisasyon ng agraryong lupa, hinayaang mag-artista ang bunso—dahil wala nang agua bendita at pabor na maidulog sa birhen; lumuluha tayo sa pagkasaid ng mahika ng bunsong anak na nag-artista—ka-love team ng bunging si Rene Requistas, at nakabalandra ngayon araw-araw bilang host ng game show sa umaga at bida sa telenovella sa gabi, at katsismisan tuwing Linggo ng hapon—dahil wala nang maisusumbat na biktimisasyon—ng nakuhang sexually transmitted disease mula sa ka-live-in na ngayo’y has-been na politikong artista--na makapagdaragdag sa kanyang anggas bilang artista; lumuha tayo sa marami pang impyernong haciendang mas malalaki pa ang kalsada kaysa sa national highway, ginagawang techno zone at mall ang libo-libong hektaryang lupang binubungkal ng manggagawang bukid nito.
Lumuluha tayo dahil kipkip ng luha ang pangako ng pasakit, tagumpay at buhay sa pakikibaka. Isang hakbang na pag-atras para sa lukso-luksong hakbang na pag-abanse.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
ang alam ko may koleksyon ng mga akda hinggil sa hacienda luisita. fotokapi lang nakita ko, nakalimutan ko pa pangalan.
(sana meron sa popular)
meron nga. heto ang biblio details:
Pakikiramay: Alay ng Mga Makata sa Mga Magsasaka ng Hacienda Luisita (Quezon City: CONTEND-ACT at Amado V. Hernandez Resource Center, 2005)
r
Post a Comment