Saturday, February 23, 2008

Pornograpiya at Politika, KPK Column









imahen mula sa
www.answers.com/topic/history-of-the-philippi...,
chnm.gmu.edu/.../lesson12/lesson12.php?s=7
triciacampos2007.wordpress.com/.../
www.smh.com.au/news/world/good-old-days-as-ma... , at
www.uniffors.com/?m=20071 (huling tatlong imahen)

Pornograpiya at Politika

May afinidad ang pornograpiya at politika—pareho itong nagpapakita ng kalabisan, kadalasan isang paulit-ulit o tematikong akto (sex sa pornograpiya, skandalo sa politika) na nakasentro sa spektakularisasyon ng katawan ng mga aktor, at ang naturalisasyon ng kahindik-hindik na afekto sa manonood. Ito ang bansang walang tiyak na tradisyon ng hard-core porn, puro soft-core porn. Mas malimit sa madalas, makikita lamang ang pribilihiyadong bahagi ng katawan (ang mga ari, at sa babae, pati ang suso) kung ito ay tinatakpan ng basang kamison o underwear, kaysa ibinubuyanyag, tulad ng mas familiar sa ating porn ng US.

Kaya sandamakmak na ang variasyon ng porn o bomba films na nagsimula sa panahon ng Marcoses. Bago ang martial law, kasabay ng kaganapan sa pandaigdigang sexual revolution (anti-patriyarka, kapantayan ng babae at lalake sa lipunan, gay liberation, anti-war, free love), naglipana ang bomba films. Ang “bomba” ay galing sa politikal na kultura, ang paghahayag ng expose sa pagnanasang mapahina o mapabagsak ang kalabang partido o politiko. Kung gayon, ang bomba films ay sexual na expose, ng mga katawang nagagawa ang bawal sa filmikong antas—kahit pa kontraryo sa moral na uniberso ng naratibo--na hindi dapat magagawa sa historikal na antas.

Ang subersyon pa sa bomba films ay ang pagpapalipana ng hayagang sexual na aktibidad—paghahalikan, seduksyon, pagnanasang sexual, pagtatalik, at ang mga pagpapakita ng mga dapat nakatagong bahagi ng pangangatawan. Ang bawal ay hindi nagiging bawal sa bomba films dahil sa huli rin naman, ang bawal ay ikinakahon at tinutupok ng moral na naratibo. Napaparusahan ang nakalalampas. At ang ganitong pagpapalipana sa moral na bawal ang isa sa naging batayan ni Marcos para ideklara ang martial law noong 1972.

Kasama ng moral degeneracy, ang bomba ay bahagi ng kriminalisasyon sa droga at komunismo na siyang nagbigay, sa imahinasyon ni Marcos, ng tabula rasa para akdain ang morally upright at modernong Bagong Lipunan. Nawala ang bomba, pumalit ay horror films para magbigay-representasyon sa anxiedad ng unang yugto ng diktadurya. Nang sumulpot ang bomba films, ito ay naging wet look dahil ang babaeng bomba star ay kinakailangang maligo at makipag-sex, kadalasan rape, sa tabing ilog na nakakamisong humahapit. Ito ay naging daring films dahil ang naging bida ay mga menor-de-edad na babae. Matapos, sa kasagsagan ng krisis ng diktadurya noong 1983, naging pene (penetration) films dahil sa exhibisyon nito sa Film Palace at third-run na sinehan ay nailulusot ang pagpapakita ng ari ng babae at lalake, maging ang aktwal na penetrasyon sa sex.

Naging sex-trip films ito sa panahon ni Aquino dahil parang trip-trip lang na ang aktres na galing sa maayos na paaralan ay magiging bida na nakikipag-sex sa tamang lugar at tamang panahon ng romantikong pagmamahal. Kay Ramos, ang bomba ay naging TT (titillating films) dahil pinahintulutan muli ang pagpapakita, lalo pa ang ari ng lalake kahit pa ang nagkaproblema sa MTRCB (Movies and Television Ratings and Classification Board) ay ang Schindler’s List at Bridges of Madison County. Kay Estrada ay mas lalong naging liberal ang pagpapakita ng mga katawan at ari. Ito ang tinatawag kong PP (private parts) films, na mas matagal ang display sa screen ng ari ng babae at lalake.

Ang matagumpay na nangyari kay Arroyo ay paglahuin ang bomba film. Sa hindi direktang kamay, noong 2004, ang SM (ShoeMart) cinema complexes na may kontrol sa 60 porsyento ng bilang ng sinehan ay nagdeklara na hindi ito magpapalabas ng pelikulang R-18 o “for adults only” na klasifikasyon, kung saan bumabagsak ang maraming bomba films. Naglipana ang bomba sa teknolohiya ng cellphone na nagpakita ng ilang saglit o minuto ng pagkuha ng video ng mga sarili habang nakikipag-sex. Mananakaw, mawawala o ire-repair ang cellphone, mado-download ito ng iba at maikakalat pati sa media ng internet.

Bawat sikat na artista ay nagkakaroon ng cellphone sex scandal video. At maging ang mga syudad sa bansa ay biglang magkakaroon ng kakatwang sexual na urbanidad sa mga katutubong bersyon ng sex video—“Cagayan de Oro sex scandal,” “Dumaguete sex scandal,” at “Baguio sex scandal” na parang hindi na “City” ang lohikal na mga kasunod sa proper noun kundi itong ilehitimong karanasang nakuha sa cellphone camera. Pribatisado na ang sex scandal, nawala na ito sa terrain ng komersyal na publiko kahit pa mahal pa ring magpasa ng video sa cellphone.

Sa direktang pamamaraan, natanggal ang bomba film, kahit pa sa variasyon nito sa kasalukuyang digital independent films dahil sa interbensyon ng MTRCB ni Arroyo. Mahigpit ang arbitraryong pagpapatupad nito ng kalakarang sensura. Ang natira na lamang rito ay ang niche-market ng gay cinema na kalimitan ay nagsi-circulate sa film festival market at malaking bahagi nito, ang mga instructional video ukol sa masahe, macho at strip dancing, heterosexual at homosexual na romansa, sex in Philippine cinema, at iba pa.

Neoliberal ang naging paraan ng pagpapatupad ni Arroyo ng higit pang pagka-etsapwera ng bomba films. Halong bakal na kamay at pagpapadulas ng negosyo. Napilitang mag-resign ang MRTCB Chair si Nicanor Tiongson dahil sa kontrobersiya ng Toro. Naitayo ang centerpiece mall at leisure complex ni Henry Sy, ang Mall of Asia, sa kapanahunan nito, kasama ng pag-aproba ng MRT-7 (mula SM-West hanggang SM-Fairview) na makakapagpabilis ng biyahe ng 850,000 mamamayan. Hindi ba ito rin raw ang bilang ng mallers sa SM Megamall kapag Sabado’t Linggo? At dahil may venue na pinaglalabasan na rin ng short films, si Arroyo lamang ang pamunuang nakapag-ban ng short films na kritikal sa kanyang presidensiya. Maging si Marcos ay hindi nagawa ito!

Bumagsak ang produksyon ng komersyal na pelikula sa administrasyon ni Arroyo—36 na pelikula kada taon mula sa kasagsagang produksyon ng 200. Sa sama-samang pag-unlad ng indie digi cinema, documentary film collectives, at ng independent producers na hiwalay sa major studios, tulad ng pamumukadkad ng “Second Golden Age of Philippine Cinema” sa pinakamaigting na yugto ng diktaduryang Marcos, muling namumukadkad ang pelikulang Filipino sa pinakamapanupil na kalakarang pampelikula at pampolitika sa administrasyon ni Arroyo.

Kung ang bomba film at politika ay ukol sa kalabisan, nagkakaroon muli ng tipping point ang mga ito kay Arroyo. Nawala nga ang bomba film, pero ang kolektibong natunghayan ng mamamayan ay ang serialisado at umiigting na skandalo sa administrasyon ni Arroyo. Kung kay Marcos ay harapan itong dine-deny, kay Arroyo ay nagtatago ito, hinahayaang iba ang lantarang sumagot. At ito ang pinakalabis sa skandalo—ang hindi pagtanaw sa pinanggagalingan at pinatutunguhan ng skandalo. Sa tagong pagmamaniobra ni Arroyo sa mga skandalo ng kanyang administrasyon, mas lalong nagiging kahindik-hindik ang pangangatawan ng kasalukuyang pangunahing bomba star, siya mismo. Tumataas ang anxiedad. Alam ng taong nanonood ng bomba kung ano ang dapat magiging laman ng kanilang pinapanood.

Kung dati ay ang prodyuser na si Mother Lily ang maghihirang ng bagong bomba star sa pamamagitan ng pagbibigay ng mitikong “magic kamison” sa kanyang pagpapalain mula sa reserbadong army ng batang aktres, at sa ngayon na ang tanging hibla ng bomba film ay ang gay film, ano ang natitirang lugar para sa pinakamalaking bomba star at prodyuser ng politika? Hahayaan na lamang ba siyang magpalabas ng hinarangang na pelikula at kasaysayan?

Ang isa sa pinakamatagumpay na horror film, ang Blair Witch Project, ay namayagpag dahil sa kabuuan ng pelikula ay hindi nito ipinakita ang horifikong object, kung sino ang isa-isang pumapatay sa grupo. Sa kaso ni Arroyo, ang kawalan ng figura ng bomba star—ang sentrong accountable na alam ng lahat pero paratihang nawawala sa kasagsagan ng skandalo--ay naghahayag ng mas katagumpayan ng kalabisan na siyang karakteristiko ng pornograpiya at politika. Wala pero labis na nandoon o ang labis ang siyang winawala. Sa kabilang banda, ito ang yugto sa panonood ng sine kung saan sumisigaw ang manonood ng “Harang!”

No comments: