Monday, February 04, 2008

24/7 at Paglikha ng Somnambulistang Nilalang, KPK Column


imahen mula sa www.travelph.com/adventure/nightlife/
stellarglobal.wordpress.com/.../


24/7 at Paglikha ng Somnambulistang Nilalang

Sa palabas ni German “Kuya Germs” Moreno, na paratihan at sabayang binibigkas ng co-hosts at guests, “Walang tulugan!” Hindi siya nagbibiro, dahil tila walang lohika ang samut-saring bahagi—may fashion show, grupong hostong sumasayaw, bikini contest, interview at chikahan—at tila kaya nga nitong magtapos hanggang magdamagan.

Dumarami na rin ang 24/7 na mga establisiemento—wala nang katapusan ang pag-order ng paboritong fries at hamburger, at iba pa sa Jollibee, McDonald’s, Chowking, Goto King at Tapa King (hmm, bakit puro hari ang pangalan ng mga fastfood?). Dati, ang naalaala kong bukas lang ay Kowloon, na tila magdadalawang-isip ka pang bumili ng siopai at siomai na nanlamig na dahil matagal natengga sa pinatay na apoy. O sa tabi-tabi, nabubuhay ang nagtitinda ng naglalakong balot at penoy, goto sa kantong kalsadang antayan ng jeep, at pati na rin ang nag-iihaw ng IUD at helmet.

Hindi kakatwa ang pagbabagong ito. Dati ay mga “pokpok” at bakal boys, sex works sa kalsada, ang naglilipana pag disoras ng gabi. Sila ang parokyano ng mga pagkaing kalsada. Ngayon, sa proliferasyon ng mga serbisyo, dagdag sa fastfood ang 24-hour convenience stores, botika, inuman at sineng ang last full show ay nagsisimula sa hatinggabi, ang bagong kliyenteng biglang may pera ay ang pulutong ng 200,000 na call center agents o sa BPO (Business Process Outsourcing), ang itinatanghal na bagong rainbow industry ni Gloria Macapagal Arroyo.

Kung noong 2000 ay mayroon lamang apat na kompanyang BPO na may 2,000 empleyado, ngayon ay tinatayang may 2,500 na kompanyang may 200,000 empleyado. Karaniwan ay mas mataas ang hiring salary dahil nga dapat ay bukas sa relyebohan ng oras ng trabaho—panggabi ang pinakamataas, may differential pay, at kailangang matutong baguhin ang sikliko ng pang-araw-araw na buhay. Magtrabaho sa gabi hanggang madaling araw, mag-inuman nang bumagsak ang high-intensity performance sa trabaho, at matulog buong araw.

Para magising sa trabaho, sagrado ang kape. Kaya rin naglipana ang Starbucks na sobrang patong sa regular na kape sa mga gusali ng kompanyang BPO. At kung kulang pa ang talab nito, droga, sa partikular ang shabu, para tiyak na maging gising at bibo sa huntahan, kulitan at tili ng kustomer sa telepono. Kaya na rin itong lifestyle sa bagong kita ng agent.

Sa Baguio nga, ang Session Road ay buhay na rin 24/7 at ang kliyente ay ang agents sa Lookan Road, malapit sa airport, pero malayo sa Session. Nang minsan mapapadpad kami mula sa last trip sa Cubao, nakapag-almusalan kami ng pizza at drink, kasama ng bagong labas na call center agents. US $13 bilyon ang inaasahang kitain nito simula 2010, di na nalalayo sa nireremit ng sampung milyong overseas contract workers (OCW). Pero kontraryo sa sampung milyong regreremit ng US $16 bilyon kada taon, isang milyong call center agents ang magpapakita ng di nalalayong kahalintulad na halaga.

Nang minsang bumagyo ng Milenyo noong Setyembre 2006 at lumiha ng blackouts sa Manila at iba pang lugar, natagpuan ko ang sarili na nagtratrabaho sa Starbucks sa Convergys Building, isang gusali para sa BPO, sa Commonwealth. Dito ay business-as-usal pa rin. Nag-iinuman ang ilang agents sa Tapa King sa basement at ang ilang papasok ay kumakain sa Mini-Stop, ang convenience store. Bukas ang foot spa at Netopia para sa internet at computer gamers. Sa piling sityo sa madilim na syudad, tuloy pa rin ang komersyal na buhay. Magpapasalamat ba ako na naitatag ang infrastrukturang hindi makakapigil sa mga Filipinong may twang habang bumabati ng “What can I do for you today, Sir?” o nakakapagkomentaryo tungkol sa NBA Quarterfinals o ang weather sa Birmingham dahil nagpa-pop ito sa screen habang kausap ang kustomer mula roon?

Sa isang pangulong bangkorete na naghahanap ng legacy, ito na iyon—ang paglikha ng somnambulista (sleepwalker) na mamamayan, tulog pero naglalakad, nakakarating sa patutunguhan. At kapag nagising, hilo, disoriented at pwedeng magmaktol. Natututong matulog sa umaga, at gumising sa araw, tulad ng bampira. Sinasaad ng mga medico na 18 porsyento ng population ay maaring maging somnambulista, pero sa pagpasok ng rainbow industry, matitiyak na mas lalaki na ito.

At kung magpakagayon, ang napipinto rin ang pagluwal ng isang milyong somniloquents o mga taong nagsasalita sa kanilang pagtulog, at pagising kinabukasan ay hindi alam kung ano ang pinagsasabi. Sagot-kete-sagot, rehimentasyong pagkausap at pagtugon batay sa manwal ng posibilidad; mabilis dahil may quota; pero sa huli walang gaanong naalaala o nakakapagod nang pag-usapan. Business-as-usual na lamang ang karanasan sa racismo (gustong makakausap nang tunay na Amerikano), pagtaba, pagbaba ng presyon at pagtaas ng alkoholismo at gamit ng droga.

Ang persepsyong boom ni GMA ay nagsasaad ng formasyon ng hanay ng drones na spesipiko sa gamit at halaga batay sa skema ng pagsasanla sa bansa sa higit pang globalisasyon. Sa ngayon ay 200,000 agents pa lamang na sinanay ng kolonyal na edukasyon ng Amerikano, at review schools ng ingles spesipiko sa call center, ang nakalulusot sa isang industriyang mataas ang mortality rate ng aplikante—3 hanggang 5% lamang ng aplikante ang pumapasa.

Lahat ng dumadaan sa binabangkarote rin na sistemang edukasyon—walang sapat na budget at atensyon ng gobyerno—ni GMA ang magiging prospektibong larvae na pwede maging drone kapag inaruga nang wasto, tungo sa final na aspirasyong maging OCW sa labas ng bansa o call center ant sa loob ng bansa. Anong ligaya na mayroon nang dalawang pagpipilian sa nangangarap umangat ang pamilya sa pambansang predikamento ng pangungurakot at kabangkaratehan sa politika?

Sa patuloy na pag-unlad ng 24/7 na negosyo at ng dami ng somnambulistang manggagawa, tandaan din na 24/7 na bukas ang Mercury Drugstore at ang emergency unit ng mga ospital sa natitiyak nating pagdami ng magiging casualty ng lokal na hanay ng worker ants sa mababang pambansang pagkabahagi sa globalisasyon. Wala nang tulugan para maserbisyuhan ang mga gising sa kabilang panig ng mundo na nangangailangan ng impormasyon sa telepono at inaakalang sirang computer. At ito ang isa pang legacy ni GMA matapos man ang kanyang termino. Bilibit or not.

No comments: