imahen mula sa balatucan.wordpress.com/.../ at
www.phillyimc.org/
Ang Normalidad ng Skandalo
Iba ang maniobra ni Gloria Macapagal Arroyo sa skandalo, kahit pa ang kanyang pagkapangulo ay isinilang at tila mananaog sa edad ng skandalo. Mula sa paraan ng kanyang pagiging presidente hanggang sa pagkahalal maging presidente, namumutiktik ang panunungkulan ni Arroyo ng skandalo. Nang siya ay umakyat mula bise tungo sa presidente, naiskandalo ang mga Estrada. Ang hindi nagawa ni Corazon Aquino sa Marcoses—ang matagumpay na mabawi ang pera at ari-ariang kinukarot at makulong ang mga ito—ay nagawa kay Estrada ni Arroyo. Pero ilang buwan pa lamang ay pinalaya ni Arroyo si Estrada.
Sa simula pa lang ng kanyang pagkahalal bilang presidente, serye ng skandalo ang nagbigay-definisyon sa kanyang administrasyon. Bangkarote na kaagad ito dahil hindi sinagot ang primaryong katanungan ng malawakang pandarayang kanyang kinalahukan via “Hello, Garci” na recording. Simula’t sapul ay moral na bangkarote na si Arroyo. Hindi
Ang kakatwa kay Arroyo ay hindi niya hine-head-on ang pagsagot sa mga skandalo. Si Marcos ay direktang sinasagot at ipinagtatanggol ang posisyon ng pagkasangkot sa skandalo. Si Aquino ay maghuhugas ng kamay, ipapasa sa ibang personalidad ang pagsagot nito, pero sinasagot man lamang. Si Ramos at Estrada ay mabuska pa ngang sumasagot ukol sa korapsyon sa kanilang administrasyon. Inaakala ni Arroyo sa pagmamaniobra ay kayang i-isolate ang skandalo, gawin itong hiwa-hiwalay, hindi direktang akuin, hayaan ang kanyang alipores ang sumagot at ipagtanggol ang kanyang posibleng pakikilahok, at hayaan, sa pagdaan ng kagyat na panahon, na makalimutan ang skandalo sa pagpasok ng iba pang skandalo.
Kapag dumarating ang skandalo sa bansa at umaabot sa pinto ng Malacanang, dumidistansya ang presidente kahit pa orkestrado ang pagtanggi ng kanyang mga ministro. Sa gayon, doble ang proteksyon ng presidente: una ay talaga naman siyang hindi pwede ihabla habang nanunungkulan; at ikalawa, sa kanyang biglang pagtahimik, ang nagsasalita at kumikilos (Abalos, Neri at Atienza) ang siyang napapahamak. Ang nagsasalita ay nahuhuli sa sariling bibig; ang kumikilos ay nabibitag sa sariling katawan.
Samakatuwid, sila ang piyesang handang masakripisyo para sa kaligtasan ng reyna. Ang reyna ay nananatiling reyna dahil, tulad sa larong chess, ito ang pinakamasaklaw ang kilos, at pinakagahamang pumaslang ng kaaway. Kaya mahirap kulubin ang reyna. At kapag makulob ang reyna, natitiyak ang end-game ng lohika, mas madaling ma-stalemate ang hari. Pero sa pagkakataong ang reyna at hari ay iisa, mas dehado ang pagkilos ng pangunahing piyesa dahil ang pagtumba sa reyna ay pagtumba na sa kapangyarihan. At sa pagkakataong ang reyna ay hindi lantarang agresibong dumidipensa sa kanyang sarili, ang pagkaubos ng kanyang pawns ay lalong nakapanghihina sa kanya.
Ang hindi sinasabi sa skandalo ay dalawang bagay: una, kailangang may isakripisyo sa skandalo. Kung napakalaki ng skandalo, kailangang may bumigay at bumagsak para pumasan sa kontra-pwersang dulot ng skandalo, at manatili muli ang namamayaning sistema. Si Abalos ito sa isang pagkakataon, ang demosyon ni Neri mula sa NEDA tungo sa CHED sa ibang pagkakataon, o ang pagtanggal sa Aviations Head sa iba pa. Malaking skandalo ito kapag may pagdungis sa puri ng bansa, tulad ng downgrading ng safety standards ng airport ng bansa at nang sa gayon, ang pagka-estsapwera ng anumang aircraft na manggagaling sa
Sa kabilang banda, malaki ang skandalo kapag, sa panunungkulan ni GMA, ay nananahimik ito. Dinidisimulado ang gulo sa pamamagitan ng inaakalang pangkontra-skandalo ng sandali. Mayaman ang repertoire ni Arroyo sa lumang skandalong kaya muling buhayin: charter-change, terorismo, assassination at destabilization threat sa kanyang buhay, at iba pa. Nailigtas nga siya ni de Venecia sa ilang bigwas ng kaso ng impeachment, pero hindi niya nailigtas si de Venecia para tanggalin ng mas gahamang paksyon, kasama ang kanyang mga anak, ng mababang kamera.
Sa ganitong pagkataon, mas nabubuyanyang ang posisyon ng reyna. Mas lalo itong nagiging vulnerable na madawit sa skandalo. Hindi na kayang manahimik o maprotektahan pa ng iba niyang alipores. Kahit pa wala pa ring konsolidadong posisyon ang simbahang Katoliko hinggil sa kaso-kete-kasong skandalong nanggagaling at umaapekto sa kanyang administrasyon. Kahit pa tila patuloy pa rin ang suporta ng pangunahing patron ng politika ng bansa, ang
Ang ikalawang katangian ng skandalo ay ang hindi pagiging permanente ng players na lumalahok dito. Maaring ngayon ay sina B at C, bukas ay D at G. Pero ang tiyak ay ang pagkapasok sa laro ng pinakatampok na politikal na figura—ang presidente. Ang malawakang suporta laban sa skandalo ng presidente ang magpapalit ng endorso ng simbahan, militar, at
Kaya ang mga politikong sumusuporta sa kanya ay kinakabahan dahil sa isang presidenteng tadtad ng skandalo, paano rin sila nakakatiyak sa sarili nilang interes, lalo pa’t nakakawing ang kanilang interes sa pangunahing namumudmod nito? Sa mga oposisyon na politiko, sila ang tunay na may people power fatigue, paratihang naetsapwera sa pagmaniobra ni Arroyo, at sa pagkakataong ito, ay dumidistansya dahil sa posibleng wala na namang katiyakang matanggal si Arroyo sa poder.
Pero sa huling usapin, hindi naman sila ang bulto ng magpapatalsik kay Arroyo. Sa People Power 1, ito ang gitnang uring na-disenfranchised, na ang kanilang opinyon ay nakapanghatak sa mas malawakang bilang ng mamamayan. Sa People Power 2, ito ang kabataang pumiling lumahok—ang text generation—at sinang-ayunan ng nakararami. Sa dami ng inetsapwera ni Arroyo—mga mamamayang ginutom, piniling isakategorya ang sarili bilang mahirap, estudyanteng naging dropout, gitnang uring nadidismaya sa moral at korapt na pagkabangkarote ng kanyang alipores at siya mismo—hindi nakakatiyak na malayo-layo pa rin itong pagpapatalsik.
Lalo pa’t sinasabi ng Malacanang na patapusin na lamang siya sa huling dalawang taon ng kanyang panunungkulan, na para bang siya mismo ay hindi unang naging presidente dahil sa lakas ng pagkadismaya sa pinalitan niya? Lalo pa’t lumalawak ang personalidad at sektor ng lipunan na nais siyang mapatalsik. Kahit pa may 200,000 siyang reserbadong army na call center agents na tasitong sumusuporta sa kanya dahil nabiyayaan sila ng sistema niya.
Ang skandalo ay paratihang nandito. Hindi ito nawawala, bagkus ito nga ang katangian ng sinumang presidente bilang pagsipat sa mas malakihang krisis sa bansa. Normal ang skandalo. Abnormal ang kawalan nito. Sa pagkakataon ni Arroyo, ang skandalo ay nagiging malaking bitak sa pambansang krisis, na siyang makakapagdulot ng skandalo, na tulad kina Marcos at Estrada, na kayang higupin pababa ng sariling skandalo. Hanggang ang kasalukuyang skandalo ay hindi na kaya pang tapalan ng iba pang skandalo, o sa punto ng mamamayan, hindi na kayang palampasin pa. Na si Arroyo ang pinakamalaking skandalo, ang nagpapatampok sa pambansang krisis.
Na ang skandalong kinahaharap at si Arroyo ay iisa.
No comments:
Post a Comment