Monday, February 04, 2008

Penomenon ng Pag-akyat ng Billboard, KPK Column


imahen mula news.bbc.co.uk/2/hi/in_pictures/5409936.stm
onlooker-josh.blogspot.com/2007/01/roxanne-gu...

Penomenon ng Pag-akyat ng Billboard

Madalas itong mangyari at mabasa, at kakatwa, sa pagkapangulo ni Gloria Macapal Arroyo ito nagaganap. Maraming bilang ng mamamayan sa Metro Manila ay umaakyat ng billboard. May prinoproblema sila, kinakayang umakyat mag-isa sa billboard na sinasampayan ng higanteng tarpaulin, matatanaw ng dumadaan, susuyuin ng pulis, inuulat ng media na may sayad, at bababa kundi man patalon.

Noong Hunyo 2007, isang ina ng dalawang bata ang umakyat ng billboard na kasing taas ng anim na palapag na building sa pagitan ng Post Office at Press Club. Dinala niya ang kanyang mga anak sa Intramuros. Umakyat ang 31 anyos na ina sa billboard habang umiiyak ang mga anak. Isang oras na siyang nandoon nang abutan siya ng pulis, tinali at ibinaba. Inaresto raw ang kanyang asawa ng mga pulis at hindi alam kung paano palalakihing mag-isa ang mga anak. Ani niya sa reporter sa radyo, “Yung kaso ng asawa ko na binaboy ng mga pulis... kaya po nakakulong asawa ko, ayaw nilang palabasin… Kaya po ako pumanik kasi 'di ko po alam kung ano gagawin ko.”

Isang 27 anyos na lalake naman ang umakyat ng billboard sa EDSA noong Abril 2007, matapos itong iwan ng kanyang asawa. Ang billboard ay nasa pagitan ng SM Annex at Quezon City Academy. Walong palapag ang taas ng billboard. Matagal ang negosiasyon bago naibaba ang lalake.

Hindi halos napapansin ang penomenong ito. Mga taong naetsapwera kasi ang umaakyat—asawa ng pinaghihinalaang magnanakaw, lalakeng iniwan ng asawa, at iba pa. Pero madalas, live ang coverage ng telebisyon sa penomenong ito, kasama ang kahindik-hindik na footage ng paghahabulan sa matataas na bahagi ng bakal na struktura. Walang harness ang umaakyat, bawat yapak at akyat ng baitang, paglipat sa papalayong bahagi ay parang nanonood ng pelikulang aksyon. May pagkakataong mahuhulog ito, o hindi masasalo ng kutson sa ibaba dahil sa maling kalkulasyon.

Bakit billboard? Konsumeristang seduksyon ang dulot ng advertising sa billboard. Higanteng Bench ad o ang cosmetic salon na ineendorso ni Kris Aquino, tunay na larger than life. Parang sine. Naggagandahang imahen ng endorser at ang produktong ibinebenta, kasama ang buong aura ng lifestyle choice kapag binili itong produkto. Halimbawa, hindi lang ito underwear, pero nagsisiwalat ito ng pakiwaring sexy, naughty, mischief, lantad na sexualidad, at iba pa.

Sa mga taong nawalan na ng pag-asa, ito ang kanilang sanktwaryo, ang magkaroon ng pakiwari na di lamang kabahagi sila ng seduksyon at atraksyon, nakakataas pa sila sa kanilang kapwa. Tunay namang seduksyon ito dahil sila, tulad ng ad, ay nagiging magnet na nakakapanghimok ng atensyon at konsiderasyon. Sa isang saglit, silang naetsapwera ng lipunan ay biglang nagiging bida sa media at sa nakakapanood nito, kahit temporal at di pa kanais-nais ang pagbibidang ito. Bida pa rin sa maigsing pelikulang ito.

Isinisiwalat ng vertikal na pag-akyat sa billboard ang kawalan-pag-asa ng horizontal na espasyo ng syudad: mula komunidad ng maralitang tagalunsod hanggang sa high-rise na buildings, walang nakikitang pagbubukang-liwayway ang mga umaakyat. Kaya nga sila umaakyat. Sa tinging espasyo ng billboard, nadadanas nila ang pakiwaring sila ay umaangat sa kadaus-daos na kapalaran ng geopolitika ng Metro Manila.

Ang kanilang tinitirhan ay sa squatter. Nakabuo na nga sila ng komunidad—nakadiskarte ng sariling tubig, bahay at kuryente--sa ilalim ng tulay o sa lagusan ng tubig, o sa tambakan ng basura at mga bakanteng lote at pagitan ng lote. Binubuwag ito ng pwersa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa ngalan ng pagpapagwapo ng mga sityo ng syudad. Silang umaakyat sa billboard ay walang pribadong pook, at sa publikong espasyo, sinasaalang-alang sila bilang balakid sa flood control, vehicular at pedestrian traffic, o sa pagpapapogi nga ng lugar.

Interesante sa panahon ni Bayani Fernando na maskulinisado ang diskurso ng city beautification o pagpapaganda, na dating arena ng gawaing pambabae—First Lady, asawang babae ng meyor at iba pang politiko. Kay Fernando kasi, pinapagwapo ang syudad sa pamamagitan ng pisikal at figuratibong pagtanggal sa di-kanais-nais (undesirable) na elemento ng modernidad. Marahas itong beautification ni Fernando, hindi simpleng pagtatanim ng bulaklaking halaman o pagkakalburo sa sidewalks. Kriminalisa nito ang mga di-kanais-nais na elemento: pagtatapon ng basura, pagtitinda sa sidewalk, squatting, pagtawid sa kalsada, at iba pa.

Sa deklarasyon ni Fernando na iligal ang billboard sa EDSA at pangunahing kalsada, pati ang struktura ng billboard ay isang malaking squatter. Ang mga umaakyat ay dalawang beses nagiging squatter—mula sa pinanggalingan nila tungo sa pinatunguhan nila. Kaya nga sila nakakaakyat ng billboard ay dahil wala naman nagbabantay nito.

Silang walang pinaglalaanan ng sityo sa espasyo ng syudad ang niche market ng umaakyat sa billboard. Ang gitnang uri kasi ay makakapag-overseas contract worker sa labas ng bansa, at call center agent sa loob. May mall at parke pa itong mapupuntahan kung may bumabagabag sa loob. Ang mayayaman ay may therapist na makakausap. Kaya isang pigtas lang sa hibla ng kanilang natitirang buhay—pagkaaresto ng pulis sa asawa, o pag-iwan nito—ay natutuliro na. Natatanaw na ang sanktwaryo na maaring pagkumpisalan, dulugan at malamang, pati ang inaakalang katubusan.

Pero wala namang balak magpakamatay ang umaakyat ng billboard. Naghahanap lang nang lugar na literal na mahihingahang mag-isa. Makapag-isip at nilay-nilay na ipinagkakait ng lugar sa ibaba. Kung hindi pa sila natanaw at natawag ang pulis, kusa naman silang bababa. Bahagi ng penomenong ito, kaya nga nagiging penomenon, ay ang coverage ng media. Hindi nga ba’t may lohikal na daloy ang billboard na ad sa media ng radyo, telebisyon at dyaryo? Silang umaakyat ang nagiging laman ng media na nabubuhay dahil sa ibinebentang ads?

Higit sa lahat, ang umaakyat ang socio-economic segment ng lipunang pinakahikahos sa administrasyon ni Arroyo. Sila ang tunay na nagugutom nang higit pa sa isang beses sa nakaraang tatlong buwan, ang hindi maitatagong mahirap kaya hindi na kailangang umamin, ang latak na mamamayang hindi nakakasabay sa geopolitika ng fasismo at neoliberalismo ni Arroyo. Sila ang hindi nakikinabang sa Matatag na Republika.

Kung sa panahon ng dating presidenteng Fidel Ramos, ang hindi nakakasabay at nakikinabang ay bahagi ng penomenong nakakaladkad ng umaarangkadang kotse at sasakyan—mga nagbebenta ng sampaguita o namamalimos na hindi namalayan ng driver na sumabit pala ang kamay sa bintana o iba pang bahagi ng sasakyan, at matutuklasan na lamang ang nakaladlad na patay na katawan pagkatapos huminto ng sasakyan—ang kay Arroyo ay telebiswal na nadadanas para dustain.

Baliw kasi, ani ng reporter at paniniwalaan ng manonood. Ang hindi isinasaalang-alang ay ang mahabang proseso ng pagkabaliw, kung paano ang mga ito ay nabaliw at nauna lamang kaysa sa reporter na kumakausap, sa mga nag-uusyoso, manonood at nakikinig, at pulis na nagpapababa. Natutunghayan ang akto ng kabaliwan pero hindi ang espasyong pinag-uugnay nito.

No comments: