imahen mula Philippine Daily Inquirer (http://kapirasongkritika.wordpress.com/)
at www.op.gov.ph/
Pag-awit ng “You” habang nagproprotesta ang mamamayan
Ito ang presidenteng mahilig sa photo-op (opportunity) na sablay. Paratihan itong nakukuhanang nakangiwi, mataas ang kilay, binubulyawan ang sariling mga tao sa harap ng media. Kapag may binubuhat itong musmos, parang nandidiri. Kapag may kinakamayan itong mahirap, parang pakiramdam ay nanlilimahid na rin.
Alam ng tao na kabado na si Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang poder dahil kumakanta na ito ng “You” ng Carpenters para sa isa na namang media-op. Unang umaawit sa Malacanang sina Claire de la Fuente at ang natitirang di mas sikat na Carpenter na kapatid na lalake. Sabi nga ni Teo Marasigan, “kunwari hindi scripted.”
Tulad ng pag-awit ng “Dahil sa Iyo” ng mag-asawang Marcos bago ito bumagsak sa kapangyarihan sa balkonahe ng Malacanang, hindi man lang awa, lalong hindi na-touch ang pakiramdam. Desperasyon na kabaliwan, ang makapit na panghawak sa kapangyarihan kahit na isinusuka na ito ng mamamayan.
Sa guni-guni ni Arroyo tahimik lamang ang buhay sa tore, “You are the crowd that sits quiet/Listening to me.” Tunay na megalomania na ang timbre ng mga titik. Wala na siyang pakialam sa legacy ng kanyang administrasyon--pinakamataas na rekord ng paglabag sa karapatang pantao, pagdanas ng kagutuman, pag-dropout sa paaralan, pinakamaraming kontrobersiya sa lantarang pangungurakot, at pinakabangkaroteng presidente na simula’t sapul pa lamang ay may malakihang kwestyon na sa kanya dulot ng malakihang pandaraya sa eleksyon.
Si Joseph Estrada ay nagtatagumpay pa sa kanyang media-ops. Nang may bumatikos tungkol sa kanyang talino bilang nais maging pangulo, naglabas ito ng libro na blangkong pahina. Tila sinsero naman sa photo-ops na kumakain itong nakakamay kasama ng masa. Maliban nga lang sa pagkain ng lechon sa isang mosque matapos makubkob ng militar ang kampo ng MILF, naging katanggap-tanggap sa isang naudlot na panahon ang kanyang charm bilang presidente ng masa.
Si Corazon Aquino ay magsuot lang ng damit na dilaw, magbitbit ng rosaryo, magmisa, na kahit pa pinalabas niya ang pwersa ng militar at grupong vigilante ay tila imakuladang nakapagtapos ng kanyang termino. Kahit pa naudlot ang Philippines 2000 ni Fidel Ramos, kulunot na nang mahalal, at manabako sa harap ng tao ay para pa rin itong marangal na matanda.
Napapangiwi tayo sa media-unsaviness ni Arroyo. Unang naglipana ang kanyang imahen nang magpanggap itong babaeng magsasaka at mag-astang Nora Aunor sa kanyang posters, at nang mas mapalapit sa masa. Matapos ay naging tila ina ang postura nito, konserbatibong pananamit tulad kay Aquino pero nagmukha lamang fashion victim.
Hindi tumigil ang pag-arangkada ng kanyang PR (public relations) na makinarya. Binitbit ang binihisang mga bata mula sa Payatas at binigkas sa SONA (state of the nation) ang fatasmagorikong kwento ng paggawa ng bangkang papel na liham para sa kanya, pagpapaanod nito sa estero sa may kanila, at pag-abot ng sulat sa ilog ng Malacanang. Maging ang pagbisita ni Manny Pacquio sa kanya tuwing mananalo ito ay sablay dahil hindi naman pwedeng tignan nila ang isa’t isa bilang mag-ina, mag-sweetheart o mag-tiyahen. Kung gayon, ano sila?
Hindi siya bagay mag-golf, katulad ni Marcos. Hindi nakakatulong sa kanyang PR ang pagkakaroon ng higante at nakikialam na asawa. O mga anak na kundi mukhang mini-me niyang babae ay magiging artista lamang kung nagproprodyus ng sariling pelikula. Na kahit pa magbayad na ma-co-starring si Judy Anne Santos ay mapapasama ito sa mabibilang na daliri sa isang kamay na pelikulang hindi kumita ng bidang babae.
Katanggap-tanggap lang na umaawit ang isang politiko sa panahon ng eleksyon—kahit sintunado ay cute ito sa nakikinig na botante. Nagiging artistahing tao sa mata ng mamamayan. Pero kapag kumakanta ang presidente habang naghahanda ang mamamayan ng pinakamalalaking protesta laban sa kanya, nagdedeliryo na ito. Iniisip kaya niya ang kanyang sarili na parang nakatitig sa salamin habang inaawit ang refrain, “You are one of the few things worth remembering/And since it's all true/How can anyone mean more to me/Than you.”
Hindi nakakatulong na tahimik ang presidente sa gitna ng isa pang malaking skandalo sa kanyang panunungkulan para lamang lumabas na kumakanta ng “You” kasama ng Karen Carpenter of the
Ang presidente ng bansang umaawit ng “You” sa gitna ng kaguluhan laban sa kanya ay ang mukhang nagtatago ng sikretong alam na ng lahat—bilang na ang oras. At papalapit na sa poder ang mamamayang handang makipagtuos muli’t muli.
No comments:
Post a Comment