Thursday, February 28, 2008
Saturday, February 23, 2008
Pornograpiya at Politika, KPK Column
imahen mula sa www.answers.com/topic/
chnm.gmu.edu/.../
triciacampos2007.wordpress.com/.../
www.smh.com.au/news/
www.uniffors.com/
Pornograpiya at Politika
May afinidad ang pornograpiya at politika—pareho itong nagpapakita ng kalabisan, kadalasan isang paulit-ulit o tematikong akto (sex sa pornograpiya, skandalo sa politika) na nakasentro sa spektakularisasyon ng katawan ng mga aktor, at ang naturalisasyon ng kahindik-hindik na afekto sa manonood. Ito ang bansang walang tiyak na tradisyon ng hard-core porn, puro soft-core porn. Mas malimit sa madalas, makikita lamang ang pribilihiyadong bahagi ng katawan (ang mga ari, at sa babae, pati ang suso) kung ito ay tinatakpan ng basang kamison o underwear, kaysa ibinubuyanyag, tulad ng mas familiar sa ating porn ng
Kaya sandamakmak na ang variasyon ng porn o bomba films na nagsimula sa panahon ng Marcoses. Bago ang martial law, kasabay ng kaganapan sa pandaigdigang sexual revolution (anti-patriyarka, kapantayan ng babae at lalake sa lipunan, gay liberation, anti-war, free love), naglipana ang bomba films. Ang “bomba” ay galing sa politikal na kultura, ang paghahayag ng expose sa pagnanasang mapahina o mapabagsak ang kalabang partido o politiko. Kung gayon, ang bomba films ay sexual na expose, ng mga katawang nagagawa ang bawal sa filmikong antas—kahit pa kontraryo sa moral na uniberso ng naratibo--na hindi dapat magagawa sa historikal na antas.
Ang subersyon pa sa bomba films ay ang pagpapalipana ng hayagang sexual na aktibidad—paghahalikan, seduksyon, pagnanasang sexual, pagtatalik, at ang mga pagpapakita ng mga dapat nakatagong bahagi ng pangangatawan. Ang bawal ay hindi nagiging bawal sa bomba films dahil sa huli rin naman, ang bawal ay ikinakahon at tinutupok ng moral na naratibo. Napaparusahan ang nakalalampas. At ang ganitong pagpapalipana sa moral na bawal ang isa sa naging batayan ni Marcos para ideklara ang martial law noong 1972.
Kasama ng moral degeneracy, ang bomba ay bahagi ng kriminalisasyon sa droga at komunismo na siyang nagbigay, sa imahinasyon ni Marcos, ng tabula rasa para akdain ang morally upright at modernong Bagong Lipunan. Nawala ang bomba, pumalit ay horror films para magbigay-representasyon sa anxiedad ng unang yugto ng diktadurya. Nang sumulpot ang bomba films, ito ay naging wet look dahil ang babaeng bomba star ay kinakailangang maligo at makipag-sex, kadalasan rape, sa tabing ilog na nakakamisong humahapit. Ito ay naging daring films dahil ang naging bida ay mga menor-de-edad na babae. Matapos, sa kasagsagan ng krisis ng diktadurya noong 1983, naging pene (penetration) films dahil sa exhibisyon nito sa Film Palace at third-run na sinehan ay nailulusot ang pagpapakita ng ari ng babae at lalake, maging ang aktwal na penetrasyon sa sex.
Naging sex-trip films ito sa panahon ni Aquino dahil parang trip-trip lang na ang aktres na galing sa maayos na paaralan ay magiging bida na nakikipag-sex sa tamang lugar at tamang panahon ng romantikong pagmamahal. Kay Ramos, ang bomba ay naging TT (titillating films) dahil pinahintulutan muli ang pagpapakita, lalo pa ang ari ng lalake kahit pa ang nagkaproblema sa MTRCB (Movies and Television Ratings and Classification Board) ay ang Schindler’s List at Bridges of Madison County. Kay Estrada ay mas lalong naging liberal ang pagpapakita ng mga katawan at ari. Ito ang tinatawag kong PP (private parts) films, na mas matagal ang display sa screen ng ari ng babae at lalake.
Ang matagumpay na nangyari kay Arroyo ay paglahuin ang bomba film. Sa hindi direktang kamay, noong 2004, ang SM (ShoeMart) cinema complexes na may kontrol sa 60 porsyento ng bilang ng sinehan ay nagdeklara na hindi ito magpapalabas ng pelikulang R-18 o “for adults only” na klasifikasyon, kung saan bumabagsak ang maraming bomba films. Naglipana ang bomba sa teknolohiya ng cellphone na nagpakita ng ilang saglit o minuto ng pagkuha ng video ng mga sarili habang nakikipag-sex. Mananakaw, mawawala o ire-repair ang cellphone, mado-download ito ng iba at maikakalat pati sa media ng internet.
Bawat sikat na artista ay nagkakaroon ng cellphone sex scandal video. At maging ang mga syudad sa bansa ay biglang magkakaroon ng kakatwang sexual na urbanidad sa mga katutubong bersyon ng sex video—“Cagayan de Oro sex scandal,” “Dumaguete sex scandal,” at “Baguio sex scandal” na parang hindi na “City” ang lohikal na mga kasunod sa proper noun kundi itong ilehitimong karanasang nakuha sa cellphone camera. Pribatisado na ang sex scandal, nawala na ito sa terrain ng komersyal na publiko kahit pa mahal pa ring magpasa ng video sa cellphone.
Sa direktang pamamaraan, natanggal ang bomba film, kahit pa sa variasyon nito sa kasalukuyang digital independent films dahil sa interbensyon ng MTRCB ni Arroyo. Mahigpit ang arbitraryong pagpapatupad nito ng kalakarang sensura. Ang natira na lamang rito ay ang niche-market ng gay cinema na kalimitan ay nagsi-circulate sa film festival market at malaking bahagi nito, ang mga instructional video ukol sa masahe, macho at strip dancing, heterosexual at homosexual na romansa, sex in Philippine cinema, at iba pa.
Neoliberal ang naging paraan ng pagpapatupad ni Arroyo ng higit pang pagka-etsapwera ng bomba films. Halong bakal na kamay at pagpapadulas ng negosyo. Napilitang mag-resign ang MRTCB Chair si Nicanor Tiongson dahil sa kontrobersiya ng Toro. Naitayo ang centerpiece mall at leisure complex ni Henry Sy, ang Mall of Asia, sa kapanahunan nito, kasama ng pag-aproba ng MRT-7 (mula SM-West hanggang SM-Fairview) na makakapagpabilis ng biyahe ng 850,000 mamamayan. Hindi ba ito rin raw ang bilang ng mallers sa SM Megamall kapag Sabado’t Linggo? At dahil may venue na pinaglalabasan na rin ng short films, si Arroyo lamang ang pamunuang nakapag-ban ng short films na kritikal sa kanyang presidensiya. Maging si Marcos ay hindi nagawa ito!
Bumagsak ang produksyon ng komersyal na pelikula sa administrasyon ni Arroyo—36 na pelikula kada taon mula sa kasagsagang produksyon ng 200. Sa sama-samang pag-unlad ng indie digi cinema, documentary film collectives, at ng independent producers na hiwalay sa major studios, tulad ng pamumukadkad ng “Second Golden Age of Philippine Cinema” sa pinakamaigting na yugto ng diktaduryang Marcos, muling namumukadkad ang pelikulang Filipino sa pinakamapanupil na kalakarang pampelikula at pampolitika sa administrasyon ni Arroyo.
Kung ang bomba film at politika ay ukol sa kalabisan, nagkakaroon muli ng tipping point ang mga ito kay Arroyo. Nawala nga ang bomba film, pero ang kolektibong natunghayan ng mamamayan ay ang serialisado at umiigting na skandalo sa administrasyon ni Arroyo. Kung kay Marcos ay harapan itong dine-deny, kay Arroyo ay nagtatago ito, hinahayaang iba ang lantarang sumagot. At ito ang pinakalabis sa skandalo—ang hindi pagtanaw sa pinanggagalingan at pinatutunguhan ng skandalo. Sa tagong pagmamaniobra ni Arroyo sa mga skandalo ng kanyang administrasyon, mas lalong nagiging kahindik-hindik ang pangangatawan ng kasalukuyang pangunahing bomba star, siya mismo. Tumataas ang anxiedad. Alam ng taong nanonood ng bomba kung ano ang dapat magiging laman ng kanilang pinapanood.
Kung dati ay ang prodyuser na si Mother Lily ang maghihirang ng bagong bomba star sa pamamagitan ng pagbibigay ng mitikong “magic kamison” sa kanyang pagpapalain mula sa reserbadong army ng batang aktres, at sa ngayon na ang tanging hibla ng bomba film ay ang gay film, ano ang natitirang lugar para sa pinakamalaking bomba star at prodyuser ng politika? Hahayaan na lamang ba siyang magpalabas ng hinarangang na pelikula at kasaysayan?
Ang isa sa pinakamatagumpay na horror film, ang Blair Witch Project, ay namayagpag dahil sa kabuuan ng pelikula ay hindi nito ipinakita ang horifikong object, kung sino ang isa-isang pumapatay sa grupo. Sa kaso ni Arroyo, ang kawalan ng figura ng bomba star—ang sentrong accountable na alam ng lahat pero paratihang nawawala sa kasagsagan ng skandalo--ay naghahayag ng mas katagumpayan ng kalabisan na siyang karakteristiko ng pornograpiya at politika. Wala pero labis na nandoon o ang labis ang siyang winawala. Sa kabilang banda, ito ang yugto sa panonood ng sine kung saan sumisigaw ang manonood ng “Harang!”
Kapangyarihan at Pisikalidad, KPK Column
imahen mula sa www.diggersrealm.com/
news.bbc.co.uk/2/
Kapangyarihan at Pisikalidad
May korelasyon ang pisikal na pangangatawan at panghawak sa pambansang kapangyarihan. Kailangang magsimbolo ang pangangatawan ng presidente bilang pinakamatayog at makapangyarihan sa bansa. Kailangan itong sumabay sa kinetisismo ng posisyon—parating laman ng quad-media araw-araw, kayang pagsabayin ang pagninang sa kasal ng anak ng kaibigang politiko, pakikipaglamay, at pamumuno sa disaster-relief operation ng super-typhoon, kayang nasa
Kailangan itong umastang macho dahil ito ang pangunahing lalake (at kahit pa babae ang pinakamakapangyarihang pinuno) at figura ng bansa. Inun-leash ni Corazon Aquino ang “sword of war” para kitlin ang anumang progresibong tendensiya sa kanyang kapangyarihan, i-ally ang takot ng mga negosyante at ng U.S. sa pagkakaroon ng maka-Kaliwang personalidad at kilusan sa kanyang likuran. Si Gloria Macapagal Arroyo naman ay tinalikdan ang imahe ni Nora Aunor, ang Superstar, at pagiging “ina ng bayan” para sa kanyang pagiging back-to-business na postura sa affairs ng gobyerno.
Ang kakatwa sa isang bansang nakapagtalaga ng dalawang babaeng presidente sa pamamagitan ng makinarya ng People Power ay ang halos pagmamanikluhod ng mga babaeng presidente sa pinaka-machong institusyon sa gobyerno—ang militar. Nakakapit na parang tuko ang dalawang babaeng presidente sa suporta ng militar para sa pagpapanatili sa kapangyarihan. Silang pinakamakapangyarihan ay nagiging makapangyarihan lamang sa pagiging nasa anino ng makalalaking kaayusan—figura ng ama o asawa na lalakeng politiko, sunod-sunuran sa militar, at umaastang macho kahit na babaeng presidente.
Kumulunot ang dating machong pangangatawan ni Ferdinand Marcos habang ito ay nahayok sa pagkapresidente. Mahilig niyang idispley ang kanyang pangangatawang beterano raw sa World War II, sportsman na mahilig sa water skiing, golf at bodybuilding, at naka-body fit na polo barong. Tumeterno ito sa baritone niyang Ilokanong boses na kilala sa pagiging bombastiko sa pag-ooratoryo. At higit sa lahat, tumeterno kay Imelda, kontrobersyal na nahirang na Miss
Si Aquino naman ay napwesto bilang mabuting balo kaya kahit na ngayong tumatanda ay tila marangal pa ring isinasabuhay ang papel bilang “konsensya ng bayan.” Walang kupas dahil sa simula pa lamang ay astang nakakatanda na ito, na may pinagdaanan at pinagtagumpayang trahedya sa kanyang buhay. Si Fidel Ramos, ang pangulong mahilig manabako, ay ang matandang katulad at di katulad ni Marcos—mahilig sa sports sa isang banda, maagang magtrabaho at ginagabi sa pagtratrabaho sa isang banda; pero nang maging pangulo ay kulunot na.
Ang isang nagiging angking katangian ng presidente ay ang pagiging kabataan ng asta at pisikalidad nito. Dahil kalakhan ng bumoboto sa bansa ay kabataan, kailangang maka-identify ang hanay sa figura nang hindi namang umaastang bata o nagmumurang kamias na presidente, o batang pangangatawan (dahil matatandang politiko ang karaniwang tumatakbo at nahahalal). Ang kinakailangan ay ang pangangatawan ay nakakapanghimok ng pagsang-ayon ng kabataan: cool, kumbaga, na umasta at manamit, na kahit na matanda ay katanggap-tanggap pa rin ng respeto ng kabataan. Tulad ng spektakular na pagtakbo ni Barack Obama sa Democratic Party nomination, kaya rin nahalal sa murang edad sa pagkasenador sina Mar Roxas, Francis Pangilinan, Chiz Escudero at maging ang unang pagkakataon ni Loren Legarda ay dahil tila dinadala ng kanilang pangangatawan ang ethos ng media-savy na kabataan.
Si Joseph Estrada ay humalaw sa pagiging action king ng masa. At ang bida sa pelikulang bakbakan, kontraryo sa Hollywood tulad ni Arnold Schwarzenegger at si Daniel Craig, ang kasalukuyang James Bond, ay hindi naman tampok ang hyper-maskuladong katawan, kundi ang matikas na pangangatawang kayang bumugbog sa mga kalaban. Mahaba rin ang kasaysayan ni Estrada sa serbisyong publiko, kinarir niya ito una bilang meyor ng
Si Arroyo ang tinaguriang PR challenged (public-relations) kundi man PR nightmare, hindi pa dahil sa sandamakmak na kontrobersyang bumabagyo sa kanya, kundi sa simula’t simula pa lamang ay mahirap nang gawing makapangyarihan ang kanyang pangangatawan. Maliit ang tindig, monotono ang tinig, astang-mayaman, naninigaw ng mga opisyal sa publiko, higante ang asawa. Kumbaga, paano isisiwalat ng kanyang katawan ang kanyang kapangyarihan?
Pero halos otomatikong aastang makapangyarihan ang mahihirang na pangulo. Walang ibang direksyon kundi pumasa-kanyang katawan ang sentro ng pambansang grabidad. At gagamitin ang kanyang katawan para maging representasyon ng pinakatampok at pinakatanghal na katawang makalalake, makapolitiko at higanteng negosyante, at maka-U.S. na pambansang postura.
Ang papel ng kanyang PR ay gawing marangal ang kaaba-abang figura ng pagiging machong sunod-sunuran o presidenteng nagpapakatuta. At tila ito ang paradox ng katawan ng presidente—sa isang banda, pinapaasta itong pinakamakapangyarihan; sa kabilang banda, sa makabansa at global na kaayusan, ang pagiging insidental ng figura nito sa mas makapangyarihang neoliberal at kapitalistang kaayusan.
Ang isinasaad rin ng pangangatawan ng modernong presidensiya ng bansa ay ang pagiging disposable at replaceable nito. May handang makipagpatayan o malawakang mandaya para lang maging presidente. Hindi batayan ang pagiging moral, ang stature na maka-negosyo at maka-U.S. ang impetus para makapanghimok ng politikal na negosasyon para mangako ng mga pabor. Kung ang katawan ng presidente ang pinakakinakalakal para maging magnet ng higit pang pang-ekonomiya at politikal na kapangyarihan, maaring isipin na ang ito rin ang pinakamalaking pokpok o puta ng bansa.
Ang lalake o babaeng presidente na nagsasanla ng pambansang interes sa negosyante, politiko at estadong
Magiging pasas ang hitsura sa anim na taong panunungkulan ng presidente, at sa kanilang pagtatapos, lalo silang magmimistulang mummy na patuloy na nagpapaalaala sa kasalukuyan ng kanilang sinaunang sinisimbulo. Kakatwang buhay pa ang tatlong dating presidente, at pare-pareho pa rin silang nag-iingay sa kanilang nangungulantong katawan.
Ingay ito ng naaagnas na kaayusan, at nang kanilang pagkahayok sa alaala nang sila ang nasa rurok ng kapangyarihan. Hanggang sa magdagdagan ang kanilang hanay, mapalitan ng mas bata at sariwang gahamang politikong magiging presidente. Sa kalaunan, ang politically correct na sambitin ay wala sa katawan ang pagiging presidente—nasa paninindigang manindigan para sa sambayanan. At ang sambayanan ang kakatha nitong bagong pangangatawan ng presidente.
Pag-awit ng "You" habang nagproprotesta ang mamamayan, Pasintabi Column
imahen mula Philippine Daily Inquirer (http://kapirasongkritika.wordpress.com/)
at www.op.gov.ph/
Pag-awit ng “You” habang nagproprotesta ang mamamayan
Ito ang presidenteng mahilig sa photo-op (opportunity) na sablay. Paratihan itong nakukuhanang nakangiwi, mataas ang kilay, binubulyawan ang sariling mga tao sa harap ng media. Kapag may binubuhat itong musmos, parang nandidiri. Kapag may kinakamayan itong mahirap, parang pakiramdam ay nanlilimahid na rin.
Alam ng tao na kabado na si Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang poder dahil kumakanta na ito ng “You” ng Carpenters para sa isa na namang media-op. Unang umaawit sa Malacanang sina Claire de la Fuente at ang natitirang di mas sikat na Carpenter na kapatid na lalake. Sabi nga ni Teo Marasigan, “kunwari hindi scripted.”
Tulad ng pag-awit ng “Dahil sa Iyo” ng mag-asawang Marcos bago ito bumagsak sa kapangyarihan sa balkonahe ng Malacanang, hindi man lang awa, lalong hindi na-touch ang pakiramdam. Desperasyon na kabaliwan, ang makapit na panghawak sa kapangyarihan kahit na isinusuka na ito ng mamamayan.
Sa guni-guni ni Arroyo tahimik lamang ang buhay sa tore, “You are the crowd that sits quiet/Listening to me.” Tunay na megalomania na ang timbre ng mga titik. Wala na siyang pakialam sa legacy ng kanyang administrasyon--pinakamataas na rekord ng paglabag sa karapatang pantao, pagdanas ng kagutuman, pag-dropout sa paaralan, pinakamaraming kontrobersiya sa lantarang pangungurakot, at pinakabangkaroteng presidente na simula’t sapul pa lamang ay may malakihang kwestyon na sa kanya dulot ng malakihang pandaraya sa eleksyon.
Si Joseph Estrada ay nagtatagumpay pa sa kanyang media-ops. Nang may bumatikos tungkol sa kanyang talino bilang nais maging pangulo, naglabas ito ng libro na blangkong pahina. Tila sinsero naman sa photo-ops na kumakain itong nakakamay kasama ng masa. Maliban nga lang sa pagkain ng lechon sa isang mosque matapos makubkob ng militar ang kampo ng MILF, naging katanggap-tanggap sa isang naudlot na panahon ang kanyang charm bilang presidente ng masa.
Si Corazon Aquino ay magsuot lang ng damit na dilaw, magbitbit ng rosaryo, magmisa, na kahit pa pinalabas niya ang pwersa ng militar at grupong vigilante ay tila imakuladang nakapagtapos ng kanyang termino. Kahit pa naudlot ang Philippines 2000 ni Fidel Ramos, kulunot na nang mahalal, at manabako sa harap ng tao ay para pa rin itong marangal na matanda.
Napapangiwi tayo sa media-unsaviness ni Arroyo. Unang naglipana ang kanyang imahen nang magpanggap itong babaeng magsasaka at mag-astang Nora Aunor sa kanyang posters, at nang mas mapalapit sa masa. Matapos ay naging tila ina ang postura nito, konserbatibong pananamit tulad kay Aquino pero nagmukha lamang fashion victim.
Hindi tumigil ang pag-arangkada ng kanyang PR (public relations) na makinarya. Binitbit ang binihisang mga bata mula sa Payatas at binigkas sa SONA (state of the nation) ang fatasmagorikong kwento ng paggawa ng bangkang papel na liham para sa kanya, pagpapaanod nito sa estero sa may kanila, at pag-abot ng sulat sa ilog ng Malacanang. Maging ang pagbisita ni Manny Pacquio sa kanya tuwing mananalo ito ay sablay dahil hindi naman pwedeng tignan nila ang isa’t isa bilang mag-ina, mag-sweetheart o mag-tiyahen. Kung gayon, ano sila?
Hindi siya bagay mag-golf, katulad ni Marcos. Hindi nakakatulong sa kanyang PR ang pagkakaroon ng higante at nakikialam na asawa. O mga anak na kundi mukhang mini-me niyang babae ay magiging artista lamang kung nagproprodyus ng sariling pelikula. Na kahit pa magbayad na ma-co-starring si Judy Anne Santos ay mapapasama ito sa mabibilang na daliri sa isang kamay na pelikulang hindi kumita ng bidang babae.
Katanggap-tanggap lang na umaawit ang isang politiko sa panahon ng eleksyon—kahit sintunado ay cute ito sa nakikinig na botante. Nagiging artistahing tao sa mata ng mamamayan. Pero kapag kumakanta ang presidente habang naghahanda ang mamamayan ng pinakamalalaking protesta laban sa kanya, nagdedeliryo na ito. Iniisip kaya niya ang kanyang sarili na parang nakatitig sa salamin habang inaawit ang refrain, “You are one of the few things worth remembering/And since it's all true/How can anyone mean more to me/Than you.”
Hindi nakakatulong na tahimik ang presidente sa gitna ng isa pang malaking skandalo sa kanyang panunungkulan para lamang lumabas na kumakanta ng “You” kasama ng Karen Carpenter of the
Ang presidente ng bansang umaawit ng “You” sa gitna ng kaguluhan laban sa kanya ay ang mukhang nagtatago ng sikretong alam na ng lahat—bilang na ang oras. At papalapit na sa poder ang mamamayang handang makipagtuos muli’t muli.
Ang Normalidad ng Skandalo, KPK Column
imahen mula sa balatucan.wordpress.com/.../ at
www.phillyimc.org/
Ang Normalidad ng Skandalo
Iba ang maniobra ni Gloria Macapagal Arroyo sa skandalo, kahit pa ang kanyang pagkapangulo ay isinilang at tila mananaog sa edad ng skandalo. Mula sa paraan ng kanyang pagiging presidente hanggang sa pagkahalal maging presidente, namumutiktik ang panunungkulan ni Arroyo ng skandalo. Nang siya ay umakyat mula bise tungo sa presidente, naiskandalo ang mga Estrada. Ang hindi nagawa ni Corazon Aquino sa Marcoses—ang matagumpay na mabawi ang pera at ari-ariang kinukarot at makulong ang mga ito—ay nagawa kay Estrada ni Arroyo. Pero ilang buwan pa lamang ay pinalaya ni Arroyo si Estrada.
Sa simula pa lang ng kanyang pagkahalal bilang presidente, serye ng skandalo ang nagbigay-definisyon sa kanyang administrasyon. Bangkarote na kaagad ito dahil hindi sinagot ang primaryong katanungan ng malawakang pandarayang kanyang kinalahukan via “Hello, Garci” na recording. Simula’t sapul ay moral na bangkarote na si Arroyo. Hindi
Ang kakatwa kay Arroyo ay hindi niya hine-head-on ang pagsagot sa mga skandalo. Si Marcos ay direktang sinasagot at ipinagtatanggol ang posisyon ng pagkasangkot sa skandalo. Si Aquino ay maghuhugas ng kamay, ipapasa sa ibang personalidad ang pagsagot nito, pero sinasagot man lamang. Si Ramos at Estrada ay mabuska pa ngang sumasagot ukol sa korapsyon sa kanilang administrasyon. Inaakala ni Arroyo sa pagmamaniobra ay kayang i-isolate ang skandalo, gawin itong hiwa-hiwalay, hindi direktang akuin, hayaan ang kanyang alipores ang sumagot at ipagtanggol ang kanyang posibleng pakikilahok, at hayaan, sa pagdaan ng kagyat na panahon, na makalimutan ang skandalo sa pagpasok ng iba pang skandalo.
Kapag dumarating ang skandalo sa bansa at umaabot sa pinto ng Malacanang, dumidistansya ang presidente kahit pa orkestrado ang pagtanggi ng kanyang mga ministro. Sa gayon, doble ang proteksyon ng presidente: una ay talaga naman siyang hindi pwede ihabla habang nanunungkulan; at ikalawa, sa kanyang biglang pagtahimik, ang nagsasalita at kumikilos (Abalos, Neri at Atienza) ang siyang napapahamak. Ang nagsasalita ay nahuhuli sa sariling bibig; ang kumikilos ay nabibitag sa sariling katawan.
Samakatuwid, sila ang piyesang handang masakripisyo para sa kaligtasan ng reyna. Ang reyna ay nananatiling reyna dahil, tulad sa larong chess, ito ang pinakamasaklaw ang kilos, at pinakagahamang pumaslang ng kaaway. Kaya mahirap kulubin ang reyna. At kapag makulob ang reyna, natitiyak ang end-game ng lohika, mas madaling ma-stalemate ang hari. Pero sa pagkakataong ang reyna at hari ay iisa, mas dehado ang pagkilos ng pangunahing piyesa dahil ang pagtumba sa reyna ay pagtumba na sa kapangyarihan. At sa pagkakataong ang reyna ay hindi lantarang agresibong dumidipensa sa kanyang sarili, ang pagkaubos ng kanyang pawns ay lalong nakapanghihina sa kanya.
Ang hindi sinasabi sa skandalo ay dalawang bagay: una, kailangang may isakripisyo sa skandalo. Kung napakalaki ng skandalo, kailangang may bumigay at bumagsak para pumasan sa kontra-pwersang dulot ng skandalo, at manatili muli ang namamayaning sistema. Si Abalos ito sa isang pagkakataon, ang demosyon ni Neri mula sa NEDA tungo sa CHED sa ibang pagkakataon, o ang pagtanggal sa Aviations Head sa iba pa. Malaking skandalo ito kapag may pagdungis sa puri ng bansa, tulad ng downgrading ng safety standards ng airport ng bansa at nang sa gayon, ang pagka-estsapwera ng anumang aircraft na manggagaling sa
Sa kabilang banda, malaki ang skandalo kapag, sa panunungkulan ni GMA, ay nananahimik ito. Dinidisimulado ang gulo sa pamamagitan ng inaakalang pangkontra-skandalo ng sandali. Mayaman ang repertoire ni Arroyo sa lumang skandalong kaya muling buhayin: charter-change, terorismo, assassination at destabilization threat sa kanyang buhay, at iba pa. Nailigtas nga siya ni de Venecia sa ilang bigwas ng kaso ng impeachment, pero hindi niya nailigtas si de Venecia para tanggalin ng mas gahamang paksyon, kasama ang kanyang mga anak, ng mababang kamera.
Sa ganitong pagkataon, mas nabubuyanyang ang posisyon ng reyna. Mas lalo itong nagiging vulnerable na madawit sa skandalo. Hindi na kayang manahimik o maprotektahan pa ng iba niyang alipores. Kahit pa wala pa ring konsolidadong posisyon ang simbahang Katoliko hinggil sa kaso-kete-kasong skandalong nanggagaling at umaapekto sa kanyang administrasyon. Kahit pa tila patuloy pa rin ang suporta ng pangunahing patron ng politika ng bansa, ang
Ang ikalawang katangian ng skandalo ay ang hindi pagiging permanente ng players na lumalahok dito. Maaring ngayon ay sina B at C, bukas ay D at G. Pero ang tiyak ay ang pagkapasok sa laro ng pinakatampok na politikal na figura—ang presidente. Ang malawakang suporta laban sa skandalo ng presidente ang magpapalit ng endorso ng simbahan, militar, at
Kaya ang mga politikong sumusuporta sa kanya ay kinakabahan dahil sa isang presidenteng tadtad ng skandalo, paano rin sila nakakatiyak sa sarili nilang interes, lalo pa’t nakakawing ang kanilang interes sa pangunahing namumudmod nito? Sa mga oposisyon na politiko, sila ang tunay na may people power fatigue, paratihang naetsapwera sa pagmaniobra ni Arroyo, at sa pagkakataong ito, ay dumidistansya dahil sa posibleng wala na namang katiyakang matanggal si Arroyo sa poder.
Pero sa huling usapin, hindi naman sila ang bulto ng magpapatalsik kay Arroyo. Sa People Power 1, ito ang gitnang uring na-disenfranchised, na ang kanilang opinyon ay nakapanghatak sa mas malawakang bilang ng mamamayan. Sa People Power 2, ito ang kabataang pumiling lumahok—ang text generation—at sinang-ayunan ng nakararami. Sa dami ng inetsapwera ni Arroyo—mga mamamayang ginutom, piniling isakategorya ang sarili bilang mahirap, estudyanteng naging dropout, gitnang uring nadidismaya sa moral at korapt na pagkabangkarote ng kanyang alipores at siya mismo—hindi nakakatiyak na malayo-layo pa rin itong pagpapatalsik.
Lalo pa’t sinasabi ng Malacanang na patapusin na lamang siya sa huling dalawang taon ng kanyang panunungkulan, na para bang siya mismo ay hindi unang naging presidente dahil sa lakas ng pagkadismaya sa pinalitan niya? Lalo pa’t lumalawak ang personalidad at sektor ng lipunan na nais siyang mapatalsik. Kahit pa may 200,000 siyang reserbadong army na call center agents na tasitong sumusuporta sa kanya dahil nabiyayaan sila ng sistema niya.
Ang skandalo ay paratihang nandito. Hindi ito nawawala, bagkus ito nga ang katangian ng sinumang presidente bilang pagsipat sa mas malakihang krisis sa bansa. Normal ang skandalo. Abnormal ang kawalan nito. Sa pagkakataon ni Arroyo, ang skandalo ay nagiging malaking bitak sa pambansang krisis, na siyang makakapagdulot ng skandalo, na tulad kina Marcos at Estrada, na kayang higupin pababa ng sariling skandalo. Hanggang ang kasalukuyang skandalo ay hindi na kaya pang tapalan ng iba pang skandalo, o sa punto ng mamamayan, hindi na kayang palampasin pa. Na si Arroyo ang pinakamalaking skandalo, ang nagpapatampok sa pambansang krisis.
Na ang skandalong kinahaharap at si Arroyo ay iisa.
Saturday, February 09, 2008
Friday, February 08, 2008
Monday, February 04, 2008
Ang Saturn Return ni GMA, Pasintabi Column
imahen mula sa iskwew.com/blogg/
www.manilastandardtoday.com/
Ang Saturn Return ni GMA
May penomenon sa astrology hinggil sa pag-ikot ng planetang Saturn sa araw. Inaabot ng mga 30 taon bago makakumpletong ikot ang Saturn. Sinasabing kada-30 taon ng buhay ng tao, mayroon itong introspeksyon na nagaganap, na nahihigop nito ang enerhiya, tulad ng bagyo, para palakasin o pahinain ang sarili.
Ito ang “Saturn Return,” ang sinasaad rin na lampas-lampasan na karmikong pagbabalik ng mga inihasik na kabutihan at kasamaan. Nag-60 anyos na si Gloria Macapagal Arroyo, at pumapasok na sa unang siklo ng Saturn Return ng pagpapatalsik ng diktadurya ng Marcoses. Magkaugnay ang mga bagay at mga personalidad.
Binebeybi pa rin ang militar, at lahat ng naging commanding general ng Armed Forces ay may paborableng posisyon sa kabinete ni GMA. Pinakamataas ang insidente ng paglabag sa karapatang pantao nina Marcos at GMA. Bangkaroteng moral ang kinahihinatnan ng kanilang panunungkulan bago pa man ito matapos. Ang inaakalang pang-ekonomiyang krisis ni Marcos at pag-unlad kay GMA ay pinakamarahas na dinaranas nang mayoryang patuloy pa ring naghihikahos.
Tulad ng mata ng bagyo, may kapasidad ang personahe na dumaranas ng Saturn Return na higupin ang pwersa nang nasa laylayan, at kapag wala na itong mahigop, saka ito manghihina at mawawalang parang bula. “Ai-ai de las Alas” o “Mimi Rogers,” ibig sabihin lahat ay patungkol sa sarili (I, me and myself) ang nagaganap na introspeksyon, na ang ibig rin sabihin ay nagsasawalang-bahala sa kalagayan ng mas nakararaming iba.
Inako ni GMA ang sentralidad ng grabidad—ang lumahok sa presidentiables kahit nagpaunang pasabi na hindi, ang manalo sa pinakamadayang pambansang eleksyon, at ang manungkulan na hindi lamang peryodiko ngunit patuloy ang bagsak ng bagyo ng kontrobersya. Ngayong naghahanap siya ng legacy o pamana para sa kanyang pagtatapos ng termino, ang akto ng self-preservation pa rin ang pangunahing presidensyal na aktibidad: paano di matulad sa naunang katulad niya--ang hindi mapatalsik sa kapangyarihan (tulad nina Marcos at Estrada), at hindi makulong pagkatapos ng magulong panunungkulan matapos ng kanyang termino?
Kung hindi maingat si GMA, siya ang unang pangulong masisintensyahan sa mga krimen na kanyang ginawa habang naging pangulo, sa pagtatapos ng kanyang shield of protection na hindi pwedeng ihabla ang nanunungkuhang presidente. At ito ang best scenario ni GMA dahil paratihan siyang tumutulay sa alambre, sa bawat kontrobersiyang umaakyat pataas nang pataas hanggang sa pinto ng Malakanyang.
Tignan lamang ang mga balita ngayong linggo: ang pagkilos ng mga anak at malapit sa presidente para patalsikin, kahit pa sinasabing sinusuportahan pa rin ang Speaker of the House ni GMA; ang extensyon ng panunungkulan ni General Hermogenes Esperon na nangangakong baliin ang gulugod ng insurgency sa fantastikong tatlong buwan; ang pagtatago ni Romulo Neri sa Senado nang manatiling nakatago ang sikreto hinggil sa pinakamalaking skandalo ng korapsyon ng administrasyon ni GMA; ang karambola ng mga presidentiables na palitan ang partido ni GMA at ang pagkukumapit ni GMA na hindi mangyari ito; ang walang saysay na summits hinggil sa enerhiya at edukasyon bilang posturang pampapogi; at maging ang kontrobersyal na polisiya hinggil sa direct hiring ng overseas contract workers na kailangang mag-post ng bond ng $5,000 at katumbas na tatlong buwang sweldo ng OCW.
Tulad ng salamin, una at mabilis na nabibitak ang paligid bago ang sentro ng grabidad. Nawala na sina Garci at Abalos, lie-low si Mike Arroyo, pinatalsik ang puno ng Aviations. Nagsisimula na ang musical chairs at isa-isa nang may natatalo sa karambola ng pagpapanatili ng kapangyarihan. Hindi na kinakaya ng mga napatalsik o isinantabi sa laylayan na manahimik na lang. O manatiling kontrolado ng presidente ang lahat ng pawns at maging ang players sa larong chess. Na ang preserbasyon at pagkawala ng reyna ang pangunahing layunin sa laro.
Naging malaki ang papel ng kilusang masa sa pagpapatingkad ng pagkabangkarote ni GMA. Sila ang dini-disperse at inaarestong mga estudyante at guro sa Education
24/7 at Paglikha ng Somnambulistang Nilalang, KPK Column
imahen mula sa www.travelph.com/
stellarglobal.wordpress.com/.../
24/7 at Paglikha ng Somnambulistang Nilalang
Sa palabas ni German “Kuya Germs”
Dumarami na rin ang 24/7 na mga establisiemento—wala nang katapusan ang pag-order ng paboritong fries at hamburger, at iba pa sa Jollibee, McDonald’s, Chowking, Goto King at Tapa King (hmm, bakit puro hari ang pangalan ng mga fastfood?). Dati, ang naalaala kong bukas lang ay
Hindi kakatwa ang pagbabagong ito. Dati ay mga “pokpok” at bakal boys, sex works sa kalsada, ang naglilipana pag disoras ng gabi. Sila ang parokyano ng mga pagkaing kalsada. Ngayon, sa proliferasyon ng mga serbisyo, dagdag sa fastfood ang 24-hour convenience stores, botika, inuman at sineng ang last full show ay nagsisimula sa hatinggabi, ang bagong kliyenteng biglang may pera ay ang pulutong ng 200,000 na call center agents o sa BPO (Business Process Outsourcing), ang itinatanghal na bagong rainbow industry ni Gloria Macapagal Arroyo.
Kung noong 2000 ay mayroon lamang apat na kompanyang BPO na may 2,000 empleyado, ngayon ay tinatayang may 2,500 na kompanyang may 200,000 empleyado. Karaniwan ay mas mataas ang hiring salary dahil nga dapat ay bukas sa relyebohan ng oras ng trabaho—panggabi ang pinakamataas, may differential pay, at kailangang matutong baguhin ang sikliko ng pang-araw-araw na buhay. Magtrabaho sa gabi hanggang madaling araw, mag-inuman nang bumagsak ang high-intensity performance sa trabaho, at matulog buong araw.
Sa Baguio nga, ang Session Road ay buhay na rin 24/7 at ang kliyente ay ang agents
Nang minsang bumagyo ng Milenyo noong Setyembre 2006 at lumiha ng blackouts sa Manila at iba pang lugar, natagpuan ko ang sarili na nagtratrabaho sa Starbucks sa Convergys Building, isang gusali para sa BPO, sa Commonwealth. Dito ay business-as-usal pa rin. Nag-iinuman ang ilang agents sa Tapa King sa basement at ang ilang papasok ay kumakain sa Mini-Stop, ang convenience store. Bukas ang foot spa at Netopia para sa internet at computer gamers. Sa piling sityo sa madilim na syudad, tuloy pa rin ang komersyal na buhay. Magpapasalamat ba ako na naitatag ang infrastrukturang hindi makakapigil sa mga Filipinong may twang habang bumabati ng “What can I do for you today, Sir?” o nakakapagkomentaryo tungkol sa NBA Quarterfinals o ang weather sa
Sa isang pangulong bangkorete na naghahanap ng legacy, ito na iyon—ang paglikha ng somnambulista (sleepwalker) na mamamayan, tulog pero naglalakad, nakakarating sa patutunguhan. At kapag nagising,
At kung magpakagayon, ang napipinto rin ang pagluwal ng isang milyong somniloquents o mga taong nagsasalita sa kanilang pagtulog, at pagising kinabukasan ay hindi alam kung ano ang pinagsasabi. Sagot-kete-sagot, rehimentasyong pagkausap at pagtugon batay sa manwal ng posibilidad; mabilis dahil may quota; pero sa huli walang gaanong naalaala o nakakapagod nang pag-usapan. Business-as-usual na lamang ang karanasan sa racismo (gustong makakausap nang tunay na Amerikano), pagtaba, pagbaba ng presyon at pagtaas ng alkoholismo at gamit ng droga.
Ang persepsyong boom ni GMA ay nagsasaad ng formasyon ng hanay ng drones na spesipiko sa gamit at halaga batay sa skema ng pagsasanla sa bansa sa higit pang globalisasyon. Sa ngayon ay 200,000 agents pa lamang na sinanay ng kolonyal na edukasyon ng Amerikano, at review schools ng ingles spesipiko sa call center, ang nakalulusot sa isang industriyang mataas ang mortality rate ng aplikante—3 hanggang 5% lamang ng aplikante ang pumapasa.
Lahat ng dumadaan sa binabangkarote rin na sistemang edukasyon—walang sapat na budget at atensyon ng gobyerno—ni GMA ang magiging prospektibong larvae na pwede maging drone kapag inaruga nang wasto, tungo sa final na aspirasyong maging OCW sa labas ng bansa o call center ant sa loob ng bansa. Anong ligaya na mayroon nang dalawang pagpipilian sa nangangarap umangat ang pamilya sa pambansang predikamento ng pangungurakot at kabangkaratehan sa politika?
Sa patuloy na pag-unlad ng 24/7 na negosyo at ng dami ng somnambulistang manggagawa, tandaan din na 24/7 na bukas ang Mercury Drugstore at ang emergency unit ng mga ospital sa natitiyak nating pagdami ng magiging casualty ng lokal na hanay ng worker ants sa mababang pambansang pagkabahagi sa globalisasyon. Wala nang tulugan para maserbisyuhan ang mga gising sa kabilang panig ng mundo na nangangailangan ng impormasyon sa telepono at inaakalang sirang computer. At ito ang isa pang legacy ni GMA matapos man ang kanyang termino. Bilibit or not.