Friday, June 06, 2008

Usapang lasing, usapang UP, Pasintabi Column



imahen mula www.kulay-diwa.com/ferdinand_doctolero "Inuman sa Kiosk"travelnoypi.wordpress.com/2007/05/

Usapang lasing, usapang UP

Matagal na kaming hindi nagkikita ng aking kamag-anak sa Nueva Ecija. Matapos ng ilang taon, umuwi ako para sa anibersaryo ng kamatayan ng aking lolo sa nanay.

Brusko ang mga lalake ng bahagi ng pamilyang ito. At gaya nang inaasahan ko, ako ang nakantyawan magpatak ng dalawang case ng beer. Hindi naman ako tumanggi o nagpakipot dahil matagal ko nga silang di nakita.

Nagsalitan ang oras sa pag-inom, kwentuhan at pagkuha ng pictures. Ganito ang family reunion, wala naman talagang bagong pinag-uusapan. Matapos malaman ang bago sa isa’t isa, ipapasa na ang impormasyon sa iba pang bahagi ng bahay.

Pati ang mga nasa kusina at tulugan ay updated na sa nangyayari sa buhay ng madalang nilang makita. Dalawa ang inuman. Ang isa ay nasa ilalim ng hindi pa natatapos na ginagawang bahay. Hardcore ito. Kayang magpatumba ng ilang case. Yung mas bata-bata ay sa balkonahe umiinom, kasama ng mga sanggol at paslit na pamangkin.

Sumama ako sa huli, pero nahabol ako ng unang grupo. Nang magdilim na at nagsisimula nang magposturang mamaalam, bigla akong tinabihan sa harap ng aking tiyuhin. Nagbukas siya sa pagsasabing iniririkomenda niya ang aking mga libro sa mga kakilala niya sa Cabanatuan.

Nagpasalamat naman ako, at bago ko matapos ito ay bigla ang kanyang kabig. Tumarak ang talim ng usapan. Sa simula, tinanong niya ako kung willing ba akong suportahan ang aking mga pamangkin. Wala pang nakakapasok sa UP (University of the Philippines) mula sa sangay ng pamilyang ito.

Ang sabi ko ay kung makapasok, bakit hindi. At ipinaalaala sa kanya ang aking laki o liit ng aking sweldo bilang limitasyon sa kung ano man ang kanyang iniisip. Ang sumunod niyang punto ay paano kung matalino naman ang kanyang apo at pamangkin, pero hindi nakapasok sa UP?

Kung may talento, maaring pumasok ito sa ilang certificate courses kapag hindi nakapasa sa UPCAT, ang qualifying exam ng UP. Nagulat ang tiyuhin ko, at tumaas ang boses. Hindi ko raw ba maipapasok o maililipat sa kursong nais nilang ipakuha?

Ang sabi ko ay wala akong kapangyarihan sa usaping ito. At lalong nagpaikot-ikot ang debate niya. Maraming nagtangkang lumahok pero nanatiling sekundaryo dahil siya ang senior. Akala ko ay lilipad na ang mga bote.

Alam nila ang benefisyo ng pagpasok sa UP: murang matrikula, magaling na reputasyon, maraming matutunan. Sa paningin yata nila, sinasara ko ang mga pinto ng UP sa kanilang mga kapamilya. Sabi ko ay hindi na mura ang matrikula. Ano raw kung walang pangmatrikula ang valedictorian?

Ang sabi ko ay hindi ito makakapasok. Sa PUP (Polytechnic University of the Philippines), kung saan tunay na mura pa ang matrikula, pumasok. O tustusan na lamang nila sa nursing schools sa Cabanatuan, tulad ng pagpasa ng isang pinsang dito na nag-aral.

Kung gayon, anong klaseng suporta raw ang sinasabi kong maitutulong ko? At bigla nga akong napaisip. Hindi ko sila maipapasok. At kung makapasok man, hindi ako makakatulong nang lubos sa usaping finansyal. Moral support? Na tila wala namang halaga sa kanila.

Pauwi na kami at binaybay ang malayong daang pinagsisiksikan ng mga malalaki at maliliit na sasakyan sa dalawang lane na highway. Hindi ko pa rin mapagpag ang kainitan ng usapan.

Tunay na makitid na ang pinto ng pagiging state university ng UP. Kung makapasok man, kailangang mamrublema sa matrikula at ang mataas na halaga ng edukasyon at libangan sa Manila. Sa naaprubahang bagong Charter, ito na ay national university, na maari nang isangkot ang pribadong negosyo sa pag-unlad nito.

At nalungkot ako sa pagiging realidad ng pangitain. Hindi na para sa mahihirap ang UP. Mas pinili nitong kumiling sa malalaking negosyo at sariling pagnenegosyo para matustusan ang paggastos.

Gusto kong humingi ng paumanhin sa aking tiyuhin sa kawalan, maliban sa moral na suporta, na maibibigay sa kanyang aspirasyon kapag ang kanyang unang apo, matapos ng labinglimang taon, ay magkokolehiyo na. Sana ay retirado na ako pagdating nang panahon.

1 comment:

Pasyon, Emmanuel C. said...

true. nahihiya nga ako sa mga taga-pup, sila nagawa nilang labanan yung increase. (halos) nagiging isang malaking toreng garing na kasi ang up. kung titingnan din ang demograpiya ng populasyon, signipikanteng bahagdan ang mula sa pang-gitna ng gitnang uri - pataas. palagay ko may kinalaaman ito sa papanipis na subersyon sa pamantasan. syempre, ibang-iba na ang sensibilidad ng mga bumubuo.

hay.