imahen mula sa www.bikoy.net/.../
ode2old.blogspot.com/
P150 milyong budget para sa Selebrasyon ng UP Centennial pero walang alokasyon para sa Centennial Bonus
Imeldific (ibig sabihin, bongga, magarbo at magastos) ang inihandang selebrasyon ng Administrasyong Roman sa sentenaryo ng UP. P150 milyon ang inaprubahan ng Board of Regents na budget para sa Sentenaryo. (Tingnan ang box)
Breakdown ng Budget:* Item Milyon (P) Centennial Lectures P 13 Tri Media Projection 12 Capital Outlay 85 Centennial Concert 5 Centennial Notes 5 Centennial Awards 2 Centennial Literary Contest 2 Audio Visual Presentation 2 History Project 1.4 Coffee Table Book 1.5 Digital Film Making Contest .7 Centennial Music Video .7 Centennial Address Book .5 Centennial Glass Plates .5 Centennial Song Contest .4 Centennial Newsletter .3 Events Poster .15 Administrative Expenses 5 Honoraria (1.5 milyon) Centennial Commission Operations (1 milyon) Travel ( 2.5 milyon) Contingencies 10 Kabuuan P147.15 milyon *Inaprubahan sa Pulong ng UP Board of Regents |
May maagang budget para sa bonggang selebrasyon, walang budget para sa karaniwang kawani, REPS at mga guro:
Setyembre 28, 2007 pa inaprubahan ng UP Board of Regents ang inihapag na budget ng Administrasyong Roman para sa sentenaryo. Ngunit hanggang nitong pulong ng Presidential Advisory Council noong Mayo 21, 2008, pag-aaralan pa raw ang P20,000 centennial bonus na hiniling ng ating mga unyon.
May ilang faculty at istap na nakinabang/makikinabang sa P150 milyong budget na inilaan noong Setyembre 2008. Tumanggap o tatanggap ng P100,00 bawat isa ang mga faculty na bahagi ng Centennial Lecture Series. Mayroon ding ibang faculty at istap na tatanggap ng mga honoraria di lamang mula sa P1.5 milyong nakalaan sa “administrative expenses” kundi pati na sa iba’t ibang proyekto para sa sentenaryo tulad ng sa “centennial concert” at sa “coffee table book”.
Malinaw na hindi prayoridad ng Administrasyong Roman ang pagtitiyak na lahat ng empleyado ng Unibersidad ay makikibahagi sa biyayang dulot ng 100 taon ng UP.
Paglalako sa UP sa TV, radio at dyaryo
Pansinin na halos magkasinglaki ang budget para sa centennial lectures (P13 milyon) at para sa mga anunsyo sa TV, radio at print (P12 milyon). Talagang magkatumbas na halos ang pagpapahalaga sa mga pang-akademikong mga lectures at sa pagbebenta ng Unibersidad ng Pilipinas sa pamamagitan ng media. Hindi na nakasasapat ang libreng ispasyo sa mga balita at mga features story dahil newsworthy naman ang isang daang taon ng UP; kailangang maglaan ng milyun-milyong piso para ibenta ito. Tulad sa mga korporasyon ng mga sabon, shampoo o kape, na kailangang magbayad ng malaki sa “packaging at projection” para tangkilikin ng mamimili, ang UP ay isa na ring komoditi na kailangang ilako sa pamamagitan ng pagbayad sa mga anunsyo sa telebisyon, radio at dyaryo.
Ang tanong, ilako kanino? Hindi naman seguro sa mga estudyante para pumasok sa UP dahil alam nating taon-taon ay mahigit sa 60,000 ang kumukuha ng UPCAT.
Mas malamang na nakapatungkol ang mga anunsyong ito sa mga korporasyong pribado para mag-invest sa UP at sa mga mayayamang alumni para magbigay ng donasyon sa UP.
Isang patotoo na naman ito na korporatisasyon at pribatisasyon ang tinatahak na landas ng UP. Hindi na nga siya simpleng state university, dahil wala tayong alam na iba pang state university (ipinagdiwang na ng PNU at PUP ang kanilang mga sentenaryo) na gumagastos ng ganito kalaki para sa kanilang sentenaryo. (Pero alam natin na naglaan ng malaki-laking halaga ang PUP para sa centennial bonus ng kanilang mga kawani at faculty.)
At tulad ng mga pribadong negosyo na tubo ang hinahangad, hindi prayoridad ng Administrasyong Roman ang centennial bonus para sa ating mga kawani, REPS at faculty.
P20,000 Centennial Bonus Ipaglaban!
Korporatisasyon ng UP, Tutulan!
All UP Workers
Hunyo 16, 2008
Alam niyo ba na…. ?
….sa bagong UP Charter, hindi na lang chief academic officer, head of faculty ang UP President, kundi chief executive officer (CEO) na rin siya. (Section 14). Tayo ang tanging state university na ang presidente ay kawangis na rin sa presidente ng isang korporasyon. Kaya hindi na lang Presidente Roman si ERR, CEO Roman na rin ang kanyang titulo.
….sa bagong UP Charter, merong “Independent Trust Committee” na binubuo ng UP President, bilang tagapangulo at isang kinatawan mula sa Bankers Association of the Philippines (BAP), sa Investment Houses Association of the Philippines (IHAP), sa Trust Officers Association of the Philippines (TOAP) at sa Financial Executive Institute of the Philippines (FINEX). Ang komiteng ito ang magtitiyak sa mga investments ng UP at mamimili sa mga bangkong paglalagakan ng kita ng UP. (Section 23). Ito ang institusyunalisasyon sa pagpasok ng UP sa komersyalisasyon at korporatisasyon: nasa istruktura na ng UP sa kanyang 2008 Charter ang bagong stratum ng pangangasiwa labas sa UP Board of Regents. At ang stratum na ito ay binubuo ng UP President at mga kinatawan ng malalaking kumpanyang pambangko, pampinansya.
No comments:
Post a Comment