Thursday, June 19, 2008

Sex and the City at Kung Fu Panda sa Panahong Tulad Nito, KPK Column





imahen mula sa www.counterfeitchic.com/pop_culture/
animationguildblog.blogspot.com/2007/04/at-dr...
filipinocultured.blogspot.com/2008/05/sharon-...
www.helpingyou.ca/nannies.html



Sex and the City at Kung Fu Panda sa Panahong Tulad Nito

Walang ibang panahon. Wala namang substansyal na pagbabago sa pagdaan ng mga panahon. Ang nagbabago lang ay ang mga bagay na nagiging artifact ng panahon—mga bagay na nagpapagunita sa nakaraang lagay ng panahon.

Sa U.S., ang pagpasok ng mga Hollywood blockbusters ay senyales na panahon na ito ng tag-init sa kanila. Ang bulto ng kanilang taunang kita ay nanggaling sa kung ilang pelikula ang lalampas sa US $100 milyon na marka bilang sertipikadong blockbuster.

At sa kaisa-isang paglubog ng barkong “Titanic,” na siyang magtataas sa US $500 milyon ang pinakamalaking kinita ng pelikula, nangangarap ang Hollywood na muli pa itong malampasan. Global ang market ng Hollywood at kasama tayo sa bultong tumatangkilik ng kanyang pelikula.

Humahawi ang lokal na sinehan kapag dumating ang Hollywood blockbuster. Naalaala ko sa nakaraang installment ng “Batman” na nang pumasok ako sa Gateway Mall ay walang ibang sineng mapapanood kundi ito.

At sa kasalukuyang pag-unlad ng saklaw ng Hollywood sa bansa, tanging mga pelikula ng lokal na higanteng studio ang maaring makalaban dito. Kaya rin hindi kataka-taka na ang pinambabato ng Star Cinema ay OCW (overseas contract worker) film, tulad ng “Caregiver,” na pinagbibidahan ng pinakamalalaking artista sa arsenal nito.

Habang ang mamamayan ay natuto nang managinip na kasing laki ng Disneyland at barkong Titanic, ang ipinapalaganap naman ng lokal na studio ay pa-lokal at nasyonal na karanasan ng mga OCW na pelikula na naglalayon makapagrekruta pa ng mas maraming mamamayang mag-o-OCW.

At ito ang global turn ng studio, na kaugnay rin naman ng kanilang telebisyon network na may direksyong maging komoditi sa mga OCW tumatangkilik nito sa labas ng bansa. Una, umaapila sa guilt ang lokal na pelikula sa abject na realidad ng kahirapan sa loob ng bansa na napag-iwanan ng mga mahal sa buhay. Ikalawa, silang OCW na may finansyal na yaman ay nililikha bilang sabayang media bi-product at consumers.

Bi-product dahil hindi naman sila ang ibinebenta kundi ang kanilang karanasan via Sharon Cuneta at Claudine Barreto. Consumer dahil sila rin mismo ang ipinapatangkilik ng komoditing ginawa para sa kanila. Pinapatangkilik ang OCW sa pagnanasang makaugnay sa mahal sa buhay (bayan, bansa, kamag-anak, at kaibigan) na nakabatay sa realidad na hindi makabalik dahil sa kalikasan ng kanilang trabaho.

Na hindi rin naman kakatwa kung bakit ang mga pangunahing channel sa bansa ay brina-brand ang sarili bilang “kapamilya” at “kapuso.” Ipinipirito ng mga ito sa sariling mantika ang mga OCW at ang kanilang mahal sa buhay. At inihahanda rin ang mga wanna-be OCW sa OCW na karanasan—ipinadarama na kung paano ba kahirap maging OCW, kung bakit hindi na ito option, at kung paano dadalhin ang bigat ng ganitong desisyon.

Ang lokal na manonood ay prospective OCW naman talaga. May kita kaya nakakapanood ng sine sa loob ng mall. May kita kaya nakakapagdamit ng maayos para manood ng sine at mag-malling. May kita pero hindi lubos dahil hindi naman regular na nagagawa ang magastos na aktibidad na ito.

Kaya ang rekursong sinasambit ng panonood ng pelikula—lokal man o Hollywood at foreign—ay paghahanda sa mamamayan ng bansa na gawing lehitimo ang karanasan sa libangan. Na ang panonood ng sine ay isang gitnang uring panuntunan. Na ang pirated DVD at player ay simulain lamang pagdanas ng illicit na gitnang uri tungo sa lehitimong pagiging gitnang uri via OCW o ang lokal nitong surrogate, ang call center.

Di nga ba’t ang call center ay pagdanas na rin ng pagtratrabaho sa ibang bansa? Na sa mga aral na twang at virtual space ay araw-araw (o gabi-gabing) nakakapangibang-bayan at pagtratrabaho? Na ang entry point na kita rito ay tulad na rin ng kita ng OCW sa ibang bansa (katumbas ng kita ng DH o domestic helper)?

Nang manood ako ng “Sex and the City” sa Trinoma Mall, ang high-end mall sa kabilang dulo ng Metro Manila, lost lang ako sa pana-panahong kolektibong tumatawa ang manonood. Parang hindi naman natatawa, o sila lang ang natatawa. Pero masaya naming dinanas ang voluntaryong virtual na malayo sa pang-araw-araw na realidad.

At ano ba ang tinunghayan sa sine? Apat na babaeng walang guilt sa kanilang indibidwal na pagnanasang maging maligaya sa kani-kanilang personal (domestiko) na buhay. Apat na mayayamang babae na ang ipinakita lamang ay ang kanilang pagdanas ng libangan dulot ng kanilang trabaho at hindi ang aktwal na pagtratrabaho nila.

Ganito ang kahalintulad na pagtatago ng sine sa mismong paraan kung paano tayo nakapanood ng sine. Hindi ba’t may nagtrabaho kaya tayo nakabili ng tiket? HindiHindi ba’t ang ginagawa natin ay libangan, at kung gayon bakit gusto nating makapanood ng sine ukol sa pagtratrabaho?

Kung gusto nating makapanood ng sine tungkol sa pagtratrabaho, manonood tayo ng OCW na pelikula. Pero hindi ito ang choice natin. Hindi ba’t naggayak tayo sa pagmo-mall at ang suot natin ay aproximasyon ng suot ng mga tauhan sa pelikulang pinapanood natin? Kasama ng tabas ng buhok at make-up, at higit sa lahat, disposisyon sa buhay?

At anong klaseng buhay ito? Guilt-less, na tulad ng O-calories at sugarfree ay hindi naman lubos bilang healthy ang mga opsyon na ito. Na patuloy pa ring magre-release ng insulin ang sistema dahil ito naman ang gawain ng artificial sugar.

Paano magiging guilt-less kung ang mismong sinasakdal ay ang manonood na willing namang magpasakdal sa kasong aksesorya sa pagnanasang makaangat? At maaga ang sosyalisasyon sa ganitong pagnanasa.

Nanood kami ng mga pamangkin kong paslit ng “Kung Fu Panda,” na pati naman ako ay naaliw. Ang konsepto ng pagsasama-sama at panonood nilang magpipinsan ay nakakasapat na para sila maging hyper sa loob ng sine. Ang dami nilang palitan ng tig-iisang linyang hirit.

At maging ang mga paslit sa likuran namin ay gayon din. Nag-uumapaw sa enjoyment sa libangan na sandali. Ang mga realidad sa mga bata at problema sa nakakatanda na kinahaharap ay saglit na naglaho.

Sa “Kung Fu Panda” ang isang pagkataba-tabang hayop ay natuto ng ilang araw lamang para maging savior ng mamamayan sa China. Kahit pa may kapasidad ng distinksyon ang totoo sa hindi ang mga paslit, napuntirya na rin ang kanilang pagkatao sa aspirasyong makaangat.

Mapunta sa ibang lugar maliban sa sariling kinalalagyan. Tunay na bonanza ito ng Hollywood films. Hindi lang nasisimot nila ang kita ng gitnang uring Filipino na sa ngayon ay pangunahing market ng pagtangkilik sa sine. Maging ang aspirasyon at paraan ng pagnanasa ng gitnang uri ay naisama na sa net ng Amerikanong ideolohiya.

Na kahit pa sa China ang mga hayop, tagpuan at kung-fu na istilo, ang mga ito ay nakolonisa na sa adbentura ng ideolohiya ng Amerikanong imperialismo. Na sa manonood ng “Sex in the City,” ang posh-ness ng upper-side New York ay malalim na ring nakaukit sa guni-guni ng gitnang uring manonood nito at nagnanais rin mapabilang, kundi man makita, sa guilt-less na mundong ito.

Na parang hindi nangyari ang 9/11 sa New York, at ang New York ay naging mas malaking U.S., at ang U.S. ay lumawak na sa sinehan sa Trinoma at iba pang cinemplex sa bansa. Nag-uumapay na ang geopolitikal na espasyo ng Amerikanong imperialismo.

Soft-selling ito kaya nakukumbinsi tayo sa napakaraming bagay hinggil sa kanilang dominasyon ng mundo. Ito o i-boykot ang mga produkto nila? Paano mo ibo-boykot ang Hollywood films, ang kanilang palabas sa telebisyon, cable channels, usong damit at tabas ng buhok?

Nang mapanood ko ang dalawang pelikula, hindi lang naman kami nag-iisa sa sinehan. Blockbuster ito. Ano ang sinasabi na ang panonood ng Hollywood na sine ang rekurso ng mga gitnang uri para magkaroon ng relief sa kanilang unti-unting naagnas na pangekonomikong lagay panlipunan?

Sasabihing intelligent comedy at women-in-their-40s liberation ang pelikula, o wholesome family entertainment ito. Ito nga naman o ang saga ng caregiver-via-Sharon Cuneta ang magaganap. Na kung gusto mo ngang magkaroon ng relief, bakit ka manonood ng anumang konektado sa iyong realidad?

Kaya maging ang “Caregiver” na rin ay hiwalay sa historikal at panlipunang realidad. Na nanghihimok ito sa kapwa professional na huwag magsisi, piliin maging caregiver, at idambana ang puting alaga bilang nagpalaya sa kanyang agam-agam, kulang na lang at mismong Philippine Overseas Employment Agency ang nag-produce nito.

Na nakakapanghimok na maging at manatiling OCW ang pelikula ay patungkol pa sa aparato ng mainstream film industry ng estado. At ang estado ni Gloria Arroyo, kahit pa ginigipit ang mga Lopez na may-ari rin ng Star Cinema na nag-produce sa pelikula, ay konektado naman sa Amerikanong imperialismo.

Sa susunod na magbayad ang gitnang uri ng malaking bahagi ng kanyang sweldo para sa tiket sa sine, isipin niyang siya na nagbabayad ay nagtratrabaho para may ipambayad. Siya na nagbabayad ay nagbabayad hindi lamang para manood at makalimot, kundi para bumoto rin sa referendum ng estado at imperialismo.

Malaki ang puwang ng independent filmmaking at political film collectives sa bansa. Ito ay kung matatalakay nila ang ugnayang pang-estado at imperialismo na soft-sell at wholesale na inilalako sa mamayang nagtratrabaho, namimili at pabor na bumoboto.

Mangangailangan din ng ibang paraan ng produksyon at konsumpsyon, distribusyon at iba pang sistemang nakagisnan na sa pagiging nasa laylayan ng Hollywood at imperialismo. Ito ang kailangang akdain sa mga panahong tulad nito.

Walang ibang panahon!

1 comment:

Anonymous said...

ganyan ka ba magsalita? magpakatotoo ka. ang sakit sa ulo basahin ng post mo, pagkahaba haba pero wala namang point.