Friday, June 06, 2008

Road Trip at Biyaheng Kawalan-Hanggan




imahen mula samelovillareal.com/.../landscape-photography/
www.artesdelasfilipinas.com/main/archives.php...

Road Trip at Biyaheng Kawalan-Hanggan

Patapos na ang bakasyon. At nitong nakaraang linggo ay natagpuan ko ang sariling nagbibiyahe sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. May biyaheng mag-isa, may biyaheng kasama ang kapamilya, at may biyaheng kasama ang mga kasama. May biyaheng pribadong sasakyan, may biyaheng Victory Liner, at biyaheng eroplano ng Cebu Pacific.

Ika ng zen, hindi mahalaga ang patutunguhan, ang mahalaga ay kung paano ka tutungo roon. Mahalaga ang biyahe, hindi ang destinasyon. Ang pagdating ay isa lamang paghahanda sa pag-alis. Isa na namang biyahe.

Ika ng social scientists sa U.S., ang pangunahing gamit sa biyahe sa bansa nila ay kotse. Ito ay simbolo ng indibidwal na mobilidad, ang pagnanasa na “Go west” at kolonisahin ang itinakdang sariling mundo, ang gitnang uring buhay na walang patumangging pagkilos tungo sa iba lugar. Ang doon ay nandito, ang dito ay nandoon. Paratihang wala ang indibidwal sa inaakalang akmang lugar.

Kaya ang sumpa ay walang hanggang pagkilos. Parang ang sumpa kay Samuel Bilibit na ang sumpa ay walang katapusang paglalakad sa isang libo’t isang lunan. At bawat lunan ay hindi destinasyon dahil ang sumpa ay ang paglalakad na walang patutunguhan.

Iniisip ko, purposive ba ang biyahe sa kulturang Filipino? Nagbibiyahe ba tayo nang sapilitan, tulad ng pag-aaral sa mas modernong syudad o kontraktwal na pagtratrabaho sa ibang bansa? Luho ba ang pagbibiyahe para magbakasyon? Ang biyahe ba, sa paratihan, ay kaugnay sa isyu ng paggawa? Na maging ang pag-aaral sa tertiary level ay paraan ng pag-igpaw sa karanasan ng paggawa?

Unang destinasyon: nakipista kami sa Masinloc, Zambales. Kakasunog pa lang ng limang bus sa Cubao Terminal ng Victory Liner, at sa terminal sa Kalookan City kami sumakay. Only-in-the-Philippines na passenger-friendly ang nanununog ng bus. Pinababa muna ang mga pasahero bago sunugin ang bus.

Malayo ang Zambales. Mabilis ang break sa “Double-Happiness” restaurant na puro fastfood at food stalls ang laman. Sa paghinto ng bus, mapipilitan kang gawin ang mga bagay dahil sa pangamba na matagal ang susunod na hinto. Napapaihi ka kahit hindi ka naiihi. Napapakain ka kahit hindi ka nagugutom.

Tunay na passenger-friendly rin itong bus. Lahat ng spesipikong hantungan ng bawat pasahero ay ihihinto ang gustong umibis, kasama ang ilang ulit na paghinto ng mga lalaking gustong umihi. Kakahinto pa lamang ay hihinto na naman. Kung nagbibilang ka ng oras, ito ang sandali na mapapabuntong-hininga ka na naman o gustong sabunutan ang sarili.

Buong araw ang biyahe, umalis ako ng bahay ng alas-otso ng umaga. Nagkitaan, siempre pa, sa pinakakumbinyenteng Jollibee branch, matapos ay nag-usap sandali kung saang terminal sasakay, nag-jeep at nag-bus patungo sa terminal, naghanap ng ATM sa harap na mall ng terminal, tumatakbong sumakay ng bus dahil dalawang oras pa ang antayan ng susunod na aalis, at anim na oras na nagbiyahe.

Mauubusan ka ng kwento sa biyahe. Sa simula ay buhay na buhay ang kwentuhan na tila nananamlay dahil pareho na kayong inaantok ng kausap mo. Matutulog pamandali o mapapatingin sa paligid na dinadaanan. Mabilis ang NLEX (North Luzon Expressway) at magastos. Hanggang Zambales ang apektado ng lahar mula sa pagsabog ng Pinatubo.

Ikalawang destinasyon: sa death anniversary ng amain sa Papaya (aka General Tinio, Nueva Ecija). Umupa kami ng van para magkasya ang apat na pamilyang delegasyon sa family reunion. Noong bata pa kami, madalas naming bagtasin ang mga daang ito dahil taga-roon kami. Nadagdagan ng ilang diversion roads ang mga bayan sa Bulacan at Nueva Ecija pero madali ring nagsisikipan dahil sa dami ng sasakyan.

Ito naman ang daang tricycle-friendly dahil kahit national highways ay pwedeng bumagtas ang mga sasakyang ito. At dahil two-lanes lang ang highway, kailangang matiyaga, malakas ang loob, at maingat ang driver para lampasan ang mga tricycle at iba pang mababagal na sasakyan, lalo na ang higanteng truck at bus.

Ang mga daan ay hindi nagpabilis ng biyahe. Nagsisiksikan ang mga sasakyan. Ang tatlong oras na biyahe noong kabataan ko pauwi sa San Leonardo ay nanatiling tatlong oras pa rin. Tila mas siksikan din ang mga bayan ng mga bagong tayong bahay, karamihan ay gitnang uri.

Lalo na sa Papaya na marami sa mga nakatira roon ay may kamag-anak sa Amerika. May mga apat na palapag na bahay na sa Papaya, at ang pinaggalaan kong mga lugar sa bakanteng bakuran sa San Leonardo ay nagsisikipan na ng bagong tayong bahay.

Ikatlong destinasyon: para magsalita sa kongreso ng College Editors Guild of the Philippines sa Davao City. Alas-kwatro medya nang madaling-araw ang lipad ng eroplano, at natagpuan ko ang sarili na gising na ng hatinggabi. Kulang siempre ang dalawang oras na tulog, at hindi rin naman makatulog sa airport kahit pa dalawang oras ang pag-aantay ng lipad.

Kung sa Iba at Subic ay higanteng tarpaulin ng babaeng Magsaysay na representatibo ang namumutiktik sa mga basketball court, paaralan at kalsada, sa Davao City ay Nograles ang pangalang inaanunsyo sa parke, kalsada at mga gusali. Mas maayos ang kalsada sa mga lokal na syudad, at hindi ito pinapalimot ng mga lokal na politiko sa kongreso.

Konkreto ang mga pook ng syudad, wala man lang puno sa kalsada o iilan lamang ang natitira. Ang kagandahan ng Davao City bilang pinakamalaking syudad sa buong mundo ay malawak pa rin ang kanyang erya na may tanim na puno. Malamig ang hangin kahit mas malapit ito sa equator. Mas lush ang pagkaluntian ng kapaligiran. Mas higante ang tubo ng mga halamang tanim.

Hindi pa dahil programado ito kundi dahil hindi pa lubos na nakakasabay ang laylayan sa pag-unlad ng sentro. Ang sentro ay nagsusumikip na. May high-rise buildings na ang Davao City, bahagi ng call center boom. Maraming namamalimos sa syudad. Ang unang palapag ng bagong tayong harapang building ng Ateneo de Davao ay komersyal na ipinapaupa.

Nakakapanlumong magbiyahe hindi lang dahil nakakapagod kundi dahil tila pare-pareho naman ang hitsura ng bansa, lalo na ang countryside. Kundi man bulubundukin, tulad ng Bataan, Zambales at Davao, kapatagan naman sa Bulacan at Nueva Ecija. Malinaw rin ang distinksyon ng maykaya at mahirap na syudad at munisipalidad, at ang paghihikahos na hindi nawawala sa kahit anong lugar sa bansa.

Kung manlulumo ka sa biyahe, bakit ka pa aalis ng Manila?

Serialisadong mukha ng kahirapan ang matutunghayan sa biyahe. Kahirapan sa kabundukan, kahirapan sa kapatagan, kahirapan sa syudad at kanayunan, kahirapan sa loob ng syudad, karangyaan sa loob ng nayon. Pinapagaan ng kwentuhan at biruan, maging ng aircon ng van, bus at eroplano ang bigat ng realidad ng kahirapan sa bansa.

Kaya nakakapagod ang kwentuhan sa road trip dahil sa kontexto ng malawakang pambansang pagdanas ng kahirapan ang backdrop nito. Safe passage ang mga sasakyan at NLEX at langit, pero nilalamon ng abang lagay ang lahat ng binabagtas. At ito ang tunay na “trip” sa road trip, hango sa pagkalungo sa droga at sa focus na aktibidad na dulot nito.

Trip lang ito, one-time big-time deal. At walang kasiguraduhang “good trip” ito, dahil ang mismong sinasambit ng droga ay pag-igpaw (kundi man pagtakas) sa historikal na realidad (kahirapan). Paano iigpawan ang isang meta-karanasang sumusubaybay sa bansa at pambansang pagkatao? Kaya ang anumang “good trip” ay hahantong din sa sakop ng temporal na pagdanas ng “bad trip.” Ang pagbaba ng tama.

Na hindi naman talaga bumababa dahil hindi naman naging lubos ang pag-igpaw. Kaya walang afinidad ang nakararaming mamamayan sa domestic tourism at panghalina nitong “huwag maging dayuhan sa sariling bayan.”

Ang paradox ay ganito. Tunay na ang malawakan at malalimang pagdanas sa kahirapan sa road trip ang balakid para mag-road trip. At kapag nag-road trip ka sa inaakalang magandang destinasyon, ang tunay na niro-road trip ay ang mapa ng kahirapan sa iba’t ibang lugar ng bansa.

Kaya ihanda na ang mga damit, bag at toiletries; at mabilisang paputukin ang thought balloon na ito. Magbiyahe na lang tayo sa travel-and-destination shows sa telebisyon, mula sa ligtas na lugar ng ating mga sala.

No comments: