Monday, June 09, 2008

Si Bayani Fernando, ang MMDA sa Sogo, KPK Column













imahen mula sa www.websaytko.com/141-plate-number-on-helmets...
tacchy-al.cocolog-nifty.com/.../index.html
www.indolentindio.com/?p=29
www.mmda.gov.ph/home.html


Si Bayani Fernando, ang MMDA sa Sogo

Hindi ako nagtaka kung hanggang sa kwarto sa Sogo, isang higanteng chain at gusaling motel, ay napanood ko ang cable show ng MMDA (Metro Manila Development Authority). Siempre, ang bosing na si Bayani Fernando, na ang tagumpay sa munting syudad ng Marikina ay nire-reproduce sa iba pang syudad ng Metro Manila, ang bida.

Hindi lang siya bida, siya ay bidang-bida. At sa ilang saglit, tulad ng kanyang mantra (Metro Gwapo, Tao-Ganado), ay bigla nga siyang nagkaroon ng personalidad. Minsan ko nang natunghayan si Fernando sa isang poetry reading sa lumang bahay na trinansforma sa isang cultural center sa Marikina. At winish kong sana ay nagbaon ako ng unan.

Monotono ang kanyang boses, dead-pan ang mukha. Pero ang bangis ay nasa ilalim ng hitsura. Tunay na megalomaniac ang hitad. Kinuha ang wallet sa likod na bulsa ng pantalon, at may tinanggal na pirasong papel. Dahil nga poetry reading ang event, nagbasa ito ng sinulat niyang tula. At balak niyang ipalilok ang kanyang tula sa marmol sa sports arena pa raw!

Sa internet site ng MMDA, http://www.mmda.gov.ph/main.htm, ay nagmumukhang impressive ang mga proyekto ni Fernando: traffic engineering, education at enforcement; solid waste management; establishment at operation ng landfills; flood control at sewerage management; CAMANAVA-flood control project; Metro Gwapo at Metro Clear Roads; Gwapotel; Street Dweller Care Program; MLMO-Imaging a Vibrant Metropolis; Metro Clean at Metro Safe Programs; Road Emergency Program; Urbanidad; ang notorious na Wet Rag (papasadahan ng basang trapo ang mga nag-aantay na pasahero sa kalsada) at Pink Flag; at door-to-door garbage collection.

Sa isang banda, nagpapasalamat ang maykayang pribadong mamamayan sa pag-angat ni Fernando at MMDA sa pamantayan ng urbanidad, sa abot ng makakaya, sa global na panuntunan. Tila mas mabilis na umuusad ang mga pribadong sasakyan sa tila walang katapusang pinalalawak na mga kalsada at sidewalk, na peryodikong tinataniman ng halamang di mabuhay-buhay nang kumpleto. Impresibo ang proyekto dahil nilegitimisa ni Fernando ang pagpapaproyekto bilang primaryong proyekto ng MMDA.

Samakatuwid, hindi naman talaga ang panuntunan ay makaabot sa isang humanisadong global na standard, kundi ang simpleng magkaroon lang ng hanay ng proyektong nagpapamukha na tila walang katapusan ang pagkilos ng kanyang mga pwersa. Ang paproyekto ay nagsasaad ng kinetisismo ng publikong serbisyo gayong mula sa ibaba, tinatangkang burahin ang anumang makakapagtunghay sa di-global na karanasan (tindera sa bangketa, pagdura, pag-aantay ng sasakyan sa kalsada mismo, at iba pa).

Kaya sa kabilang banda, sinusumpa naman ng nasa ibaba ang paproyekto ito dahil hindi na unti-unti kundi malawakan na ang pagbura sa di-kosmopolitan, di-global na urbanidad. Totoong hindi pa sagaran na nabubura ang mga nagtitinda sa sidewalk at di tumatawid sa napapakalayong pink at blue na pedestrian walk na wala nang lilim, tulad na lang sa Commonwealth Avenue, isang tampok na paproyekto ng MMDA.

Pero ang layon ay gayon na rin. Mas malayo sa nerve center ng MMDA, mas nababawasan na ang karanasang anti-urbanidad. Mas kumikitid ang daan, mas marami ang tumatawid sa highway, mas walang pedestrian walk. Na nagtataka ang napapadaan dahil sa ibang seksyon ng Commonwealth pa rin, ay halos magkakadikit naman ang pedestrian walk.

Iaakda ni Fernando ang astang urbanidad sa pamamagitan ng behavior modification. Binabago ang kalakaran ng pag-iisip, pagkilos at pag-uugali: paglalakad sa bahagi ng highway at pag-aantay sa elevated waiting area; pagpara sa mga bahaging ito lamang; maingat na pag-U-turn sa designated slots; towing kapag nasiraan o mali ng parada; red sidewalks para itakda na no parking at bawal magtinda; pink lanes para malinaw ang lunan ng publiko at pribadong pag-aari; at iba pa.

Ang problema ay di lamang epistemikong marahas ang behavior modification na ito. Sa usapin ng uri, mas humahaba ang nilalakad at tumatagal ang oras ng paglalakad ng mga nasa ibaba gayong mas bumibilis ang oras ng biyahe ng mga nasa itaas. Mas delikado nang tumawid sa mga walang pedestrian walk ang mga nasa ibaba dahil sa bilis ng sasakyan ng mga nasa itaas. Mas nabibiyayaan ang maykayang pribado kaysa publikong mamamayan.

Literal lalo pa ang karahasan. Binubuhusan ng gaas ang nakumpiskang binebenta sa sidewalk; spinre-spray ng “colorum” ang mga bus, taxi at FX na walang papeles; dine-demolish ang mga tirahan para malinis ang kalsada at tulay nang may 15 araw lamang na abiso; inilalagak ang street children at mga pulubi sa DSWD (Department of Social Work and Community Development) nang walang lubos na pagtatanto sa kanilang inbidwal na karapatan; at iba pa.

Pinipulisya ni Fernando ang mga nasa ibaba nang sa gayon ay hind maging kriminal. Dahil sa paglawak ng execution ng kanyang kapangyarihan, nakriminalisa na ang mga inaakalang di-ligal na gawain—pagtitinda sa sidewalk, pagsakay sa di-designadong bahagi, pagdura, pagtawid sa mismong kalsada—bago pa man aktwal na magampan ang ganitong gawain.

Kriminal na ang turing kaya naman napakahilig ni Fernando na gumawa ng mga rehasang seksyon sa mga proyekto. Pink pa nga para mas humanisado ang turing, na nagdo-double tasking na trellis sa malawakang pagpapatanim ni Fernando ng kadena de amor, ang opisyal na bulaklak ng Metro Manila.

Gayunpaman, malinaw na minamarkahan ni Fernando kung sino ang dapat ipulisya—commuters, pedestrians, sidewalk vendors—at kung sino ang hindi. Kung sino ang may akses sa ekonomikong kapangyarihan at pagkamamamayan, at kung sino ang wala at kulang. Anti-masa si Fernando at MMDA dahil ang turing sa masa ay mob na dapat pinupulisya.

Kung gayon, double standard ang panuntunan ni Fernando sa mga mamamayan ng Metro Manila. Para sa Italianong kritikong kultural, Antonio Gramsci, ang estado ay gumagamit ng tambalang pwersa at panghihimok para makamit ang konsensus na paborable sa kanya.

Ang panghihimok ay ginagamit ni Fernando para sa gitna at mataas na uri na may latay ang kanilang posisyon at tinig sa lipunan. Ang pwersa at dahas ay nakatuon sa mababang uri, na dahil sa abang indibidwal at kolektibong lagay, ay ninakawan na ng tinig at posisyonalidad ng estado. Paano magsasalita ang sa una pa lamang ay itinuring na ng estado na kanyang kaaway?

Kriminalisa ni Fernando sa Metro Manila ang lantarang pakikipagtunggali. Na sa isang palabas sa balita ay mismong mamamayan na ang tumulong magdemolisa ng kanilang tahanan para maprotektahan ang mga naimpok na gamit sa loob ng bahay. Na wala na silang magawa maliban sa pag-ayon sa pwersa ng baril, maso at makina ng anti-demolisyon team.

Ang tagumpay ng anti-demolisyon team, at ni Fernando at MMDA sa pangkalahatan, ay ipagpadaloy ang anti-mahihirap na gawain. Sa ngalan ng kinetisismo ng pagpapaproyekto na nagpapamistulang kay raming pagbabago sa infrastruktura ng globalidad sa Metro Manila, napapakabayo sa kariton ang maykayang mamamayan. Nagkakaroon ng blinders para hindi makita ang kakambal na karahasang dulot ng masibong pagkilos.

Pero tunay bang batayang pagbabago ang dulot ng pagpapaproyekto? Anim na buwan akong naglagi sa Kyoto, at sa aking pagbabalik, nagkaroon ng dalawang rotunda ang airport road at nawala ang interseksyong direktang nag-uugnay sa EDSA. Tunay namang umuusad ang trafiko, pero mas matagal lamang akong dinala nito sa aking patutunguhan.

Ang nangyari, ako na sa lipunang ito ay may gitnang uring posisyon, ay nagmistulang hamster sa spinning wheel sa kulungan. Ibig sabihin, kilos lang ako nang kilos pero wala naman talaga akong pinatutunguhan. Ang nangyayari lamang sa lahat ng pagbabago sa trinatransforma ni Fernando ay walang patumanggang pagkilos tungo sa pareho pa ring posisyonalidad.

Narereafirma ako at ang kakaunting iba pa sa aming nakakataas na lagay sa lipunan gayong lalong nasasadlak ang nasa mababang antas sa mas lalo pang abang lagay. Mas maraming kailangang habulin ang nasa ibaba para magkaroon ng akses sa nasa itaas.

Ang pinapadaloy ni Fernando ay neoliberalismo. Inaasa sa indibidwal ang pagkaagapay sa panuntunang globalidad na urbanidad. Ginagawang napaka-impyerno at marahas ang lagay nang nasa ibaba at napakataas ng panuntunang nasa itaas na may relief na espasyo mula sa purview ng estado, na ang rekurso para makaakyat ay nasa kanilang sariling mga kamay.

Kaya bakal na kamay ang pagsasadlak ng isa pang mantra ni Fernando at MMDA, “pantay-pantay kung may disiplina” na nagpapaalaala sa diin ng motto ng Bagong Lipunan ng diktador na Marcos, “sa ikakaunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”

Ang sinasaad ng mantra ni Fernando ay ang paglalapat ng di-pantay na pagdisiplina para sa inaasam na behavior modification. At para makaabot ang nasa ibaba sa pamantayan ng pagkapantay-pantay, kinakailangan nitong madisiplina hanggang disiplinahin nito ang sariling pagkatao.

Sa motel, sa di-lubos na tanggap na lunan ng sexual na pagnanasa, pinapanasa na ang ibang uring pagkamamamayan na may finansyal na yaman para maka-book ng kwarto: pulisyahin ang sexual at iba pang pagnanasa, pumanatag sa itinakdang panuntunan, at tamasain ang temporal na kaligayahang iniendorso ng estado. Hindi na trespassing subject ang nasa loob ng motel, ipinaloob na siya at ang kanyang ginagawa sa lehitimasyong pang-estado ni Fernando at ng MMDA.

Sa lunan na ito, sa pagkakahon ng at pagdidisiplina sa pagnanasa, si Fernando ang non-erotikong bosing. Buti na lang at hindi siya literal na naalaala habang nakikipagsiping. Ipinagsisigawan ng kanyang mga tarpaulin ang kanyang mukha at mantra gayong, tulad ng isinasaad ng kanyang imahen, hindi naman siya gwapo.

Binago lang ang panuntunan ng pagkagwapo. Wala sa pisikalidad. Nasa internalisasyon ng disiplina at akses sa kapangyarihang estado. Ang inaakalang bawal at hindi katanggap-tanggap ay binigyan na ng rekurso para makapaloob sa pagkamamamayan ng estado.

Kaya ang halinghing ay sabayang pagtamasa ng sexual na ligaya, at latay sa hagupit ng estado ni Fernando.

3 comments:

Pasyon, Emmanuel C. said...

mala-ludovico teknik pala pina-pairal ni papa bf.

kita ko rin kagabi sa balita yung inagaw mga paninda ng mga vendors sa commonwealth. palagay ko, sa kabila ng pagtangging naging marahas sila, mmda pa rin ang nagsimula nung gulo dun.

dapat black kulay ng uniporme ng mga ito. (or neon colors kaya, para madaling makita, at sa gayu'y puntiryahin)

Anonymous said...

ok, so you had your say about BF? how about you do you have any suggestions for the betterment of our society? I thought so...

Bayani said...

Maraming katangahang ipinauso ang MMDA, totoo yan. Pero sa kabilang dako, tatanga-tanga kasi ang mga kababayan natin, o di kaya'y tunay lang na salbahae, kaya kinakailangan pang ipahiya sa pamamagitan ng mga medyo agresibong pamamaraan ng MMDA. Simpleng pagtawid lang sa tamang lugar di pa makayanan kaya kailangan pang ikulong ng mga bakod na parang mga baka.

Ay MMDa may mga proyektong parang di pinag-isipan, pero kung di ba naman ulol mga kababayan natin hindi din kailangan ang karamihan sa mga mga ito.