Friday, June 06, 2008

Unibersidad at Kanya-kanyang Bersyon ng Urban Renewal








imahen mula sa www.essential-architecture.com/STYLE/STY-M02.htm
http://www.ironwulf.net/2006/12/12/feu-alumni-gathering-and-heritage-award/
travel.yahoo.com/trip?pid=567266&action=printable
picasaweb.google.com/.../J_IJ3gAuvwfEpZLfEdi9vw

picasaweb.google.com/.../MTj2YstY-clsbj2dehmxmg
www.asiafinest.com/forum/index.php?showtopic=...


Unibersidad at Kanya-kanyang Bersyon ng Urban Renewal

Ang isang indikasyon na namamayagpag (kumikita o nabiyayaan ng pondo) ang unibersidad ay kung mayroon itong mga bagong gusaling itinatayo. Pero may kanya-kanyang inunlad ang mga pangunahing unibersidad sa Metro Manila. Ang paraan ng paglawak ng infrastruktura ay mas ugnay pa hindi sa pagyaman ng akademikong kagalingan kundi ng mismong pagyaman ng unibersidad, kasama ang emblematikong urbanidad at modernidad na sinasambit sa expansyon ng mga ito.

Ang Far Eastern University (FEU) ang tinitingnan bilang pinakadakila sa larangan ng campus at urban renewal. Pinatingkad ang art deco style ng arkitektura sa mga gusali. Nagmistulang panahon ng Amerikano ang kapaligiran kung saan umunlad ang stilong ito. Matatamlay na kulay berde ang mga gusali, at nagkaroon ng mas masinsing landscaping sa quadrangle ng campus sa Morayta.

Quaint ang pakiwari dahil nakaunipormeng checkered green na palda at puting blusa ang mga babae; gayundin, nakaunipormeng puting polo ang mga lalake. Parang nakapasok ang mag-aaral sa sinaunang pribadong mundo, simple ang buhay at nagtatawanan lamang ang mga mag-aaral na gustong matuto, kung saan ang edukasyon ay isang pribilehiyong tinitingala at pinaniniwalaang nagtitiyak ng mas maunlad na kinabukasan. Ay! Hindi naman pala nagbago ang saligang pananaw na ito sa higher education.

Tunay namang nag-urban renewal ang FEU sa paglipat nito ng medical school sa Fairview. Tanging core courses sa humanidades at social sciences ang nanatili sa Morayta campus. Pati ang labas ng campus ay napasadahan ng mas malawakan pero di pinag-isipang urban renewal ng dating mayor ng Manila, Lito Atienza, na sa kanyang administrasyon ay ekletikong binago ang Plaza Miranda, Plaza Moriones, Baywalk at Nagtahan Bridge.

Sumunod sa yapak ng FEU ang University of Santo Tomas (UST) na tinumbok ang modernong neo-classical na stilo ng disenyo ang mga bagong gusali. Sa likod ng main building ay may fountain sa ground level, na magpapaalaala sa mga fountain sa mall. Solidong konkretong may makikitid na bintana ang disenyo ng main building, kasama ang itinayong library. Sa restorasyon ng harap ng ospital, pati ang itatayong recreation building, tila “Jollibee” architecture na matitingkad na accent na kulay at curvilinear na disenyo ng bakal, salamin at kongkreto ang nangingibabaw.

Tanging ang UST sa mga pangunahing unibersidad sa Manila ang hindi pa naglilipat ng mga programa sa ibang bahagi o labas ng syudad. Kaya nananatiling nakapako ang urban na karanasan sa UST—nagbabago ang loob gayong nananatiling bahain, mausok at ma-krimen pa rin ang labas. Sa isang banda, sanktwaryo ang espasyo ng unibesidad; sa kabilang banda, time-warped ang fantasya ng klasikal na non-sekular na edukasyon nito.

Ang main campus ng University of the East (UE) sa Recto ang sumunod sa campus renewal ng FEU. Binalik sa sinaunang disenyo ang harapan ng theater sa main building sa bukana ng campus sa Recto, pinaliit ang mall area, at tanging ang harap ng unang palapag ang pinamumutiktikan ng branches ng Jollibee at bangko. May binuksan pang area, ang pinakakulang sa dating tila pinagsisiksikang campus ng mga estudyante (dating pinakamalaking populasyon ng UE sa university level), at ito ang garden na spinonsor ng isang patron ng unibersidad.

Sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ang core academic area—ang mga gusaling pinababalutan ng oval—ay nagmistulang time-warped na rin. Walang bagong inobasyon, maliban sa College of Business Administration na nagpalawak ng kanilang harapan at nagdagdag ng palapag. Ang time-warp ay nagresulta sa mga gusaling parang kay tagal nang naitayo, nananatiling pareho pa rin, kundi man nabubulok na.

Ang pinakadekripitong gusali, hindi kataka-taka, ay ang Vinzon’s Hall, ang gusali para sa mga estudyante. Tanging “maliliit” ngunit makabuluhang neoliberal gestures ang matutunghayan sa oval: stalls na pumalit sa mga pwesto ng manininda, centennial flame at “UP @ 100” na ilaw sa Quezon Hall, at bike lane at one-way na ruta.

Ang expansyon ay nasa palabas na erya ng oval: ang inobatibong building cluster ng College of Architecture, at ang multi-bilyong Science Complex sa CP Garcia area; ang pagpapalawak ng kalsada ng C-5 sa Ripada; at ang nagaganap na Science and Techonology (aka call center complex) sa Commonwealth na bahagi.

Mas matingkad sa UP ang neoliberal na pag-unlad ng unibersidad sa campus renewal. Ang pagpapalawak ng C-5 ay magbubura sa komunidad na tinutuluyan ng mga kawani nito; ang S&T complex ay paglalatag ng kinabukasan ng unibersidad sa paanan ng pribadong negosyo; ang Science Complex ay resulta ng kolaborasyon sa administrasyon ni Gloria Arroyo.

Ang mga pribadong eskwelahang Katoliko ay mayroon din sariling diskarte sa kanilang campus renewal. Ang Ateneo de Manila University ay taon-taong nagtatayo ng bagong gusali sa estilong modenrong tropical—mga tisa ang tagiliran o bubong, maraming bintanang nakadikit imbis na nabubuksan, at may probisyon sa landscaping.

Nakabuo na ng bagong enclave ang Ateneo ng modernong gusali na napangibabawan na nito ang austere na ayos ng mga lumang gusali. Interesante rin na kalakhan ng mga gusali ay nakapangalan sa patron na nagbigay-pondo sa pagpapatayo nito, tulad ng mga burgis-kumprador na Pangilinan at Gokongwei. At nagpapanggap pa ang Ateneo sa kawalan ng carpark building gayong ang malaking bahagi ng lote ay nakalaan sa putikan kapag umuulan na paradahan ng mga pribadong sasakyan ng kanyang mag-aaral.

Interesante rin ang De La Salle University dahil sa pagpapalawak ng disenyong neo-classical na puting building. Lahat ng bagong gusali ay pinapatingkad ang stilo ng Main Building sa Taft. Ang problema ay ang kawalan ng open space para tumingkad ang mga gusaling may malalawak na pillars at matatayog na steps.

Parang siksik at nakapanliliit ang pakiwari sa loob ng kampus dahil sa kawalan ng open space. Kumpara sa aktwal na infrastruktura ng La Salle, kahit ang pinakamayamang mag-aaral ay magkakaroon ng humbling effect kung ikukumpara sa naglalakihan at naglalawakang gusaling kanyang kinahaharap.

Kakatwa rin naman na ang La Salle ay nag-shopping binge sa mga available na lote sa Taft at Singalong areas. Isa-isang binibili ng La Salle ang mga lote at lumang gusali, at nagtatayo ng high-rise building na may neo-classical na stilo. Mula sa patrong Yuchengco ang kanyang international relations na building sa Singalong.

Matingkad ang mga katangian ng campus renewal sa mga unibersidad. Una, nakatali ang pag-unlad sa negosyo at pamahalaan (sa kaso ng UP). Ito ang nagbibigay ng pondo sa pagpapaunlad ng infrastruktura sa mga kampus. Tila mga lapida ang mga building sa patrong nagbigay ng pondo sa pagpapatayo at bagong-ayos ng mga ito, o ang pamahalaan ni Arroyong tumustos sa pagpapalawak ng infrastruktura.

Ikalawa, ang pag-unlad ay hindi naman talaga nagsasalin sa akademikong kagalingan kundi sa pag-aastang nasa kaliber na ang unibersidad sa pambansa at global na panuntunan sa modernidad at urbanidad. Bagong gusali, bagong pananaw-mundo (business-as-usual sa kaso ng Ateneo; nostalgia sa “dakilang” kasaysayan ng iba pang pribadong unibersidad, kasama ang UP).

Ikatlo, ang campus renewal ay nagpapatingkad sa unibersidad bilang sityo ng tunggaliang pang-estado. Ang mahirap at mayaman sa loob ng campus (sa kaso ng maralitang tagalunsod at pati ang empleyado ng UP na nakatira sa ididemolisang Ripada area), ang scholar at regular student sa Ateneo, ang may notebook computer at ang wala, ang hindi nakapagbayad ng tuition at ang nakatustos na nito sa klase ng electronic surveillance sa gates ng La Salle, at no ID no entry policy ay ilan lamang halimbawa nito.

Sa labas ng campus, ang mga high-rise high-end condos para sa maykayang estudyanteng gustong tumira malapit sa kampus, ang pagtatayo ng negosyo para sa service industries sa edukasyon (laundry, fastfood, convenience stores, internet shops, cellphone loading nooks, xerox, at iba pa), ay lalong nagpapatingkad kung sino ay may kakanyahan ng full access sa unibersidad, at kung sino ang wala at maeetsapwera.

Ikaapat, ang campus renewal ay nagsasalin sa neoliberal na transformasyon ng edukasyon, syudad at bansa. Konektado ang nagaganap na pagbabago ng infrastruktura sa unibersidad sa urban renewal ni Atienza, Alfredo Lim at Sonny Belmonte, sa isang banda (lokalisadong transformasyon), at lalo na si Bayani Fernando sa kabilang banda (pangkalahatang transformasyon ng syudad at “kasyudaran” o cityhood). Konektado rin ito sa mall at leisure development nina Henry Sy, Gokongwei at Ayala.

Na hindi rin kakatwang nakaugnay sa pambansang transformasyon ni Arroyo na nilalayong tunay na nakaplug ang infrastruktura sa global na negosyo. Ang pagtatayo ng mga bagong gusali sa buong kapuluan ay halimbawa nito: condos para sa savings ng OCW, at malalawak na opisina para sa call centers.

Ang pag-uugnay ng mga isla sa kanyang navigation highway, kasama ang malawakang airport development program, ay lalong nagpapatingkad sa aspirasyong maihanda ang kasuluksulukan ng bansa sa global na kapital. Kung gayon, ang pagpupursigi ng mga unibersidad sa kani-kanilang campus renewal ay hindi hiwalay sa urban renewal ng mga lokal na opisyal, at maging ang national multinational renewal ni Arroyo.

Scenario A: Kung matalino at mahirap ka, at nakapasa ka sa mga unibersidad, kahit sa UP ay hindi ka na makakapasok; kung wala kang pera, hindi ka para sa mga unibersidad na ito.

Scenario B: “Umuunlad na talaga ang Pilipinas” kahit na iilan lamang itong sityo at representatibong nakakaangat.

Scenario C: Habang lumalawak ang infrastruktura ng mga unibersidad, lalong sumisikip ang akses rito.

Mabuhay ang henyo ng mga nagpapatakbo ng unibersidad, ang kanilang mga patron, at ang diyosang Arroyo!

No comments: