Friday, June 06, 2008

Si Ka Bel ng Manggagawa at Naghaharing Uri, KPK Column


Si Ka Bel ng Manggagawa at Naghaharing Uri

Hindi kulturang popular si Crispin “Ka Bel” Beltran. Kung kukunin ang opinyon ng mga wanna-be na gitnang uring tumatangkilik ng kulturang popular, malamang ay lalabas ang imahen ni Ka Bel bilang one-dimensional: walang bukambibig at asta kundi ang masang kilusan at sambayanan.

Iisipin pa ng politikal na syentista, si Ka Bel ang kumakatawan sa naunang henerasyon ng aktibista, mula 1960s na radikal na kabataan at manggagawa na anti-war at anti-imperyalista hanggang sa bumagsak ang Berlin Wall, at pinaniniwalaang hudyat ng pagbagsak ng sosyalismong nakagisnan, kundi man ng komunismo. Siya ang anti-thesis ng post-cold war warrior.

Time-warped si Ka Bel. Hindi umibsan ang kanyang pananaw hinggil sa kilusan at sambayanan sa nagbabagong pandaigdigang kaganapan. Habang ang sumunod na henerasyon at maging ang kanyang henerasyon ay nakasandal na sa paghehele sa inaakalang pagpapalaya ng plurarilad ng identidad at panlipunang kilusang nakabatay sa spesipikong agenda ng repormismo sa gobyerno.

Nagbago na ang ritmo at temper ng pakikibaka. Na ang subersyon sa pang-araw-araw ang siyang tampok, hindi ang may agendang subersyon ng kilusang masa. O ang panlipunang transformasyon ay mas nakabatay na sa mismong pagbabago ng lipunan—kung paano ang lipunan ay mas magiging kapaki-pakinabang, pangunahin sa pang-ekonomikong interes, sa mamamayan—at hindi na sa historikal na dimensyon ng pagbabago: ang atas ng kasaysayan na konsolidasyon sa mga uring manggagawa, magsasaka at gitnang-uri.

Ito na raw ang “new social movements” o ang pagpapasulpot ng iba’t ibang identidad at sub-agenda ng identity politics para matimbang na makaimpluwensya ang civil society bilang interest stakeholder sa governance.

Pero ang figura ni Ka Bel ang tila hindi nila maipwesto. Hindi nila alam kung babatiin nang tatlong ulit itong maging partylist representative ng Bayan Muna. Parang hindi ito ang larangan ng isang pulang aktibista. Paano rin sila lubos na makasimpatya kay Ka Bel nang ma-hospital arrest ito sa ni-recycle na kaso? Parang dapat lang naman talagang panagutin ang mga pulang aktibista sa hindi rin nila pag-ibsan sa nagbabagong kondisyon ng lokalidad ng globalisasyon at globalidad ng pagkamamayan.

Kaya nang mamatay si Ka Bel sa aksidente sa pagkukumpuni ng bubong sa inutang na bahay sa isang low-cost housing, marami sa naghaharing uri ang nakangiti sa swak na pagpasok ng imahen ng hermitanyong konsistent sa sariling sinaunang mundo. Hindi nagpayaman kahit maraming oportunidad magpayaman. Gayong hindi rin lubos na nanahimik at nagpaka-zen, parati pa ring laman ng nag-iingay na kalye.

Si Ka Bel ang anti-thesis ng pagtaliwas sa linya ng historikal na panlipunang pagbabago. Nanatiling naninindigan si Ka Bel sa kilusang masa hanggang sa huling sandali na ang wanna-be gitnang uring mamamayan ay higit na nahahalina sa Nokia N-90, Trinoma at Mall of Asia, Krispy Kreme, budget airlines, Asus computer, at paper-thin na Mac na kasya sa brown envelop, sa isang banda, at ang pamahalaan sa pagtalaga kay Hermogenes Esperon bilang peace adviser, dole-outs sa pinakamahihirap na pamilya, Philippine Charity Sweepstakes Office bilang pangunahing ahensya publiko at pagrepel ni Gloria Arroyo sa lahat, so far, ng mga bala ng korapsyon at politikal na inefficiency laban sa kanya.

Sa panahong marami ang gustong maging Maan (magmaan-maangan), ang buhay ni Ka Bel ang patunay na nagdidisimulado sa pagnanais manahimik, sumunod sa daloy ng neoliberal na buhay, palampasin ang kahilingang “Oust Gloria” dahil sino nga ang ipapalit, at pagbuyanyang ng pambansang ekonomiya sa paanan ng global na kapital.

Patunay ang buhay ni Ka Bel na mayroong pa ring makabuluhang pamumuhay na palaban sa global na kapitalismo at ang pasistang gobyernong nagpipindeho sa sambayanan sa poder nito. Na ang ginagawa ng neoliberalismo na iasa ang katubusan sa indibidwal na pinalalahok sa diskurso ng pribatisasyon at komersyalisasyon ng kanyang mismong kolektibong buhay ay mayroong mas di natitinag na anino—ang buhay sa pakikibaka.

Na hindi ang subersyon sa pang-araw-araw kundi ang araw-araw na politikal na subersyon ang mas makabuluhang aplikasyon ng buhay sa imperyalismo—ang aktwal na pagtiwalag dito kahit sinasabing nandito na tayo sa loob ng animal na ito, at wala nang makakatakas sa bahid ng impluwensya nito. Na ito na ang mundong kinabibilangan nating lahat.

Ang buhay ni Ka Bel ay politikal na buhay—at nagsasaad ng politikal sa kulturang popular. Na mayroong subersyon sa pang-araw-araw na maaring magpalugi lamang sa mall o Hollywood at big cinemas, at makaalpas ang isang indibidwalistikong agenda. At mayroong ding pang-araw-araw na politikal subersersyon, ang bawat okasyon ng buhay sa bansa ay okasyon ng paglahok sa historikal na panlipunang pagbabago.

Kaya hindi nakapaloob si Ka Bel sa kulturang popular. Siya ay hindi lamang ang masang kinatatakutan ng naghaharing uri na magiging nagwawalang mob na aatake sa kanila kapag wala nang bigas na mapilahan at mabili, kapag ang naghaharing uri na lamang ang makakabili ng gasolina at mga produkto sa palengke at mall.

Siya ang politikal na masa na naglalayong magpalaya ng hanay at sambayanan tungo sa kapantayang panlipunan, at sa isang historikal na pagtutuos ng mga uri. Na sa aral ng kasaysayang pakikibaka ay mas magiging matagumpay ang ganitong pagbabago. Kaya figura ng agam-agam sa naghaharing uri si Ka Bel.

Sa nakikibakang uri, si Ka Bel ay dakilang kasama, lider-manggagawa, mambabatas, at aktibista. Patay na si Ka Bel, mabuhay si Ka Bel. Malaki ang patlang na naiwan ng buhay ni Ka Bel pero marami ang desididong ipagpatuloy ang laban para sa sambayanan.

Angkop ang chant na narinig ko sa unang gabi ng lamay ni Crispin “Ka Bel” Beltran. Dumadagundong ang kulog ng sagutan, “Ka Crispin Beltran, tuloy ang laban!” Na patuloy na magpapayanig sa naghaharing uri.

Kaya rin bahagi si Ka Bel ng politikal na kulturang popular—hindi itinatago ang politika sa pagtangkilik sa mga produkto at karanasan, ibinubuyanyang ang kultura para maging kapaki-pakinabang para sa historikal na panlipunang pababago.

No comments: