Wednesday, March 07, 2007

Balita nang Nakaraang Linggo (Dagli sa Krisis column)

Habang nakikipagpulong ang special United Nations rapparteur on extra-judicial killings, arbitrary and summary executions at na si Phillip Halston, kasama ng mga executive ng National Security Commission, si Farly Alcantara, 22, isang estudyanteng aktibista ng League of Filipino Students at Camarines Norte State Colleges sa Daet, Camarines Norte, ay binaril sa harapan ng kanyang eskuwelahan.

Pormal na nagbukas ang Balikatan exercises sa Jolo, Sulo, kasama ang mga Amerikano at Filipinong sundalo. Dinaan na din sa media blitz ng U.S. ang mga nirehabilitate na bagong boulevard sa Jolo, mga bagong eskuwelahang pang-Muslim, at iba pang kawanggawang sibikong proyekto. Ayon kay Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan, “The nation is in dire need of patriotic leaders who will defend the nation's sovereignty and integrity especially at this time when the leaders of the land commit acts of treason." Sabay pakita ng litrato ng tiyan ng babaeng tinamaan ng shrapnel ng M203 sa nakaraang exercise noong 2006.

Kahit pa mayroong siyam na screw sa kanyang kaliwang paa at tatlo sa kanyang spinal column, ginugunita ni Carmelita Lagata, isang domestic helper sa Kuwait, kung paano niya tiniis ang aksidente para lamang makatakas sa kanyang malupit na empleyado. Kararating pa lamang sa Kuwait ay ipinatanggap sa kanya ng ahensya ang bagong kontrata—mas maliit na sweldo at mas mabigat na trabaho. Tumakas si Carmelita sa kanyang unang amo, pumunta sa embahada at pinagpasapasahan ng mga ahensyang hindi siya binabayaran. Masahol ang kanyang ikalawang amo, kung tratuhin siya ay parang hayop kapag may sumpong. Sa isang amo naman, binabayaran lamang siya ng 45KWD kada buwan at minsanan lang siya makakakain, tuwing alas-nuwebe ng gabi. Binubuksan niya ang pinto sa kanyang kuwarto para marinig ang musmos na kanyang inaalagaan sa kabilang kuwarto. Minsan ay nakita niya ang kanyang among lalake na nasa may pinto at nakatitig sa kanya. Madaling-araw na lamang siya kung matulog. Dahil sarado ang lahat ng pinto, tumalon siya sa balkonahe. Nabali ang kanyang kaliwang paa at likod.

Si Rayvi ay nag-aaral ng law sa Melbourne, Australia. Si Charo ay guro na nagdesisyong magtrabaho sa Hong Kong. Ang lalake ay aktibo sa solidarity group para sa Pilipinas, at si Charo naman ay nagsusulat para sa Filipinong komunidad sa pahayagan. Kinakapanayam ni Charo ang mga magulang ni Rayvi para sa pahayagan. At nang mapunta si Rayvi sa Hong Kong, kinapanayam din siya ni Charo. Nagkaigihan sila at nagpagpakasal. Lumipat sila sa Melbourne. Tungkol sa kanilang pag-aasawa, ang pagsusuma nila ay, “Dumaan kami sa butas ng karayom.”

Ang pamilya ni Zaynab Ampatuan, deputy secretary-general ng Suara Bangsamoro, isang party-list group ng progresibong Moro, ay ilang ulit nang lumilikas ng tirahan dahil sa all-out war ng iba’t ibang pamahalaan. Nang ideklara ni Estrada ang all-out war noong 2000, lumikas ang kanyang pamilya mula sa kanilang tirahan. Nang ulitin ang deklarasyon ni Arroyo noong 2003, natagpuan niya, kasama ng kanyang mga magulang at walong magkakapatid, ang kanilang bagong tirahan sa isang relocation site sa Carmen, North Cotabato. Taga-Carmen naman talaga ang kanyang pamilya, pero lumikas rin sila noong 1970s nang terorisahin ang lugar ng vigilanteng Ilonggo, kasama ang pagkasunog ng kanilang tirahan.

Hindi matutugunan ng kapapasa pa lamang na Biofuels Act ang problema ng tumataas na presyo ng langis na kontrolado ng monopolyo ng higanteng negosyo ng langis. Tanging ang mga malalaking panginoong maylupa at burgis-kumprador tulad ni Congressman Juan Miguel Zubiri, pangunahing awtor ng batas, ang makikinabang dito.

Ayon kay Fernando Bagyan, isang mananaliksik ng Alyansa ti Pesante iti Taeng Kordilyera (Apit Tako or Alliance of Peasants in the Cordillera Homeland), malaking problema sa unfair trade ang kinahaharap ng mga magsasaka sa Benguet dahil sa kakulangan ng post-harvest na mekanismong tulong mula sa pamahalaan. Ito ay bilang pagtugon sa anunsyo ni Secretary Arthur Yap ng Departamento ng Agrikultura na magdaragdag ng 134 na bagong bagsakan ng gulay mula sa Benguet. Dagdag pa rito, dapat matuto raw ang mga magsasaka ng Baguio at Benguet na lumaban sa kompetisyon, o makipagkompetisyon.

Etsetera, etsetera, etsetera.

Araw-araw ang balita tulad ng potensyal para sa pang-aabuso ng bagong aprobang Anti-Terrorism Bill, isang imbitasyong mananghalian na nauwi sa tangkang pagpaslang sa buhay ng secretary-general ng Southern Mindanao ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at aktibong pangangampanya sa Davao at Mindanao ng party-list na Anakpawis at Gabriela. Hindi nauubusan ng isyu ang bansang ito. Malalim ang balon ng pandarahas at pandarambong. Mabuti na lamang at mayroong gising—nangangampanya, tumututol, nagsasalaysay, gumugunita at nag-aaklas—habang ang marami ay natutulog na, o ipinaghehele ng mga jingle at indayog na “Bumtarat-tarat” at “Itaktak Mo,” nagmo-malling na parang zombie (gising at nakakalakad pero patay na ang utak), ng mga pangako ng politiko habang ang mga ito ay nangungurakot at nagbebenta ng prinsipyo ng publikong interes, ng presidenteng may monotonong tinig na nagbabalita ng fantasya ng pag-igwas ng pambansang ekonomiya, ng imperyalistang Amerika na nangangamkam ng likas-yaman ng ibang bansa.

(Halaw ang mga balita mula sa Bulatlat VII:3 (18-24 Pebrero 2007), http://www.bulatlat.com/)

No comments: