Ang Tunay na Terorista
Pukpukin ang mga kahoy na sahig, dingding at kisame.
Ang tunay na terorista, pumapatay ng aktibista.
Tanghaling tapat, sa loob ng mismong buhay o sa bukana nito—ang eksena ng krimen. Walang takip ang mukha, maliban sa itim na bonnet sa ulo. Naka-leather jacket, na kahit namamawis, iniisip na kamukha niya si Robin Padilla.
Bubunot ng baril, itututok sa walang kamuwang-muwang na babae habang papaalis nang bahay para pumasok sa opisina, o habang iniwan ang trabaho sa kusina para sagutin ang katok sa pinto. “Isang bala ka lang,” muni nito sa sarili habang nagpaputok ng unang bugso. At nang makitang gumagalaw pa ang babaeng nagsimula nang maligo sa sarili nitong dugo, humihinga at nakadilat pa, pauulanan nang natitirang bala.
Gusto
Sa murang halaga ay kinuha niya ang kontrata. Hindi importante ang salapi o ang tsansang sumikat. Hindi maaring maging hayag ang kontratistang mamamatay-tao. Ang ligaya ay ang akto ng pagpaslang, ang realisasyon ng kapangyarihang bawian ng buhay ang may karapatang mamuhay.
Ang tunay na terorista, nagkukulong sa aktibista.
Lumilikha ng batas para tangkaing lupilin ang mga aktibista. Lumilikha ng konsehong kinabibilangan ng mga anti-komunistang opisyal. Humuhusga kung sino ang kaaway at kaibigan.
Bumibili ng kongresista. Bumibili ng boto. Bumibili ng mamamatay-tao.
Habang nagkakape sa mga air-con na opisina, nananabako, nag-uusap kung paano ang inakusahan ay hindi dapat makaalis sa lugar na pinagdakipan sa kanya. Kundi man, dapat ay nakakulong sa sarili nitong tahanan.
Ang tunay na terorista, nakakapandaya sa eleksyon. Nanunungkulan bilang presidente habang sa pagkaligalig sa gabi, tanging cognac ang kapiling.
O tulad ng reynang-anay, nangingitlog ng teroristang sundalo, drones at aliping anay. Handang manilbihan sa interes ng kolonya, ngumangatngat sa lalo nang nabubulok na emperyo.
1 comment:
Napanood ko ang ilang segundo mong interview sa i-witness noong Lunes. Gusto ko lang sabihing: bagay sa iyo ang mohawk.
:-)
Post a Comment