Tuesday, March 20, 2007

Troika: Kris-James-Hope (Pasintabi column)

Binulabog ng kontrobersya ang bansa. Hindi na napansin ang People Power Anniversary na ipinagdiwang ni Gloria Macapagal Arroyo. Nasalansan sa ilalim ng kolektibong kamalayan ang pangangampanya sa eleksyon. O kahit anong usapan, tila lahat ay bumabalik sa singaw na binuksan ng kontrobersya.

Bakit hindi? Para itong telenovella na sa tuwing binubuksan ang telebisyon ay bigla na lamang may bagong twist-and-turn, bagong cliffhanger na aabangan. Mula sa magkasabayang nagpainterview na mag-asawang Kris at James, hanggang sa paglantag ni Hope, pag-alis ni Kris sa tahanan nila ni James at pagkakaospital muli ni Kris.

Higanteng negosyo si Kris. Siya na may dalawang game shows tuwing Lunes hanggang Sabado, at showbiz talk show tuwing Linggo, sino ang hindi makakakilala sa kanya? Kasama pa rito ang kanyang pedigree—ikonikong mag-asawang politico—at dagdag pa rito, ang kasaysayan ng pamamanginoong maylupa ng mga Conjuangco.

Nang nagsisimula pa ito, akala ng lahat ay ang matagumpay sa boxoffice na pelikulang katambal ng komedyanteng Rene Requiestas at ang pagkoko-host sa show ni Kuya Germs tuwing Linggo ang highlight ng kanyang career. At nang mamatay si Rene at tumiklop ang palabas ni Kuya Germs, nakayanan ni Kris na muling umusad sa telebisyon at manaka-nakang pelikula.

Nagkaroon ito ng talk show sa umaga, bago nagging reyna ng game shows. Tula dni Willie Revillame, nagmimistulang sila ang namumudmod ng premyo sa hanay ng masang kontestant. Sila ang makabagong Rosa Rosal at Kapwa Ko, Mahal Ko, handang tumulong sa pinaka-deserving na mamamayan mula sa malawak na bultong pumila nang siyam-siyam at dumaan sa metikulosong screening.

Mula rito, naging isang pangunahing product endorser si Kris. Nagpaseksi kaya nakasama sa billboard ng Bench, at pati na rin mismo ang makinaryang nagpaseksi sa kanya, ng Vicky Belo Medical Group. Nagtatag ito ng sariling magazine, flower shop, at ngayon raw, pati PR (public relations) agency. Palaki nang palaki ang cottage industry na Kris Aquino.

Lumalaki si Kris dahil naiigpawan niya ang pinakamalalaking kontrobersya sa kanyang buhay. Itong kontrobersya ay umiikot lang naman sa usaping pag-ibig at relasyon: ang pakikipag-live-in at pagkakaroon ng anak kay Phillip Salvador, ang paglalantad ng baho sa relasyon kay Joey Marquez, at ang pinakahuling yugto, ang paglalantad ni Hope na may relasyon sila ni James Yap. Sa kanyang mga kontrobersya, si Kris ang lumalabas na biktima, at kung gayon ang may moral righteousness na madaling nakakampihan ng maraming tumutunghay dito.

Bahagi ito ng kulturang uzi (usisero). Mahilig tayong tumunghay sa anumang kontrobersya, lalo na yung spectacular, tulad ng coup d etat na kinamatayan ng maraming nanood, mga aksidente sa high way na ikinaka-traffic dahil bumabagal ang sasakyan para silipin ang naganap, pagtunghay sa mga baliw sa kalsada. Gusto nating makakita nang mga tao at insidenteng mas miserable ang lagay kaysa sa atin. At sa kaso ni Kris, ng isang matayog na tao na tao rin naman pala. Nagiging mas malapit na figura si Kris, mas nagiging taong abot-kamay, hindi na lamang abot-tanaw ng manonood.

Sa huli, matayog ang posisyon ni Kris. Hindi siya ang cheapaz (may kababawang uri) na nagseseks habang nagpapa-facial sa makikitid na cubicle ng Belo clinic. Hindi siya ang defensibong asawa na nagsabing stalker ang babaeng kumakabit, a la fatal attraction kumbaga. Hindi rin siya ang lumantad para sabihing siya si “Hopia”, ang lalake si “Big Bird” at ang asawa ay si “Kumander.”

Dahil sa wala namang ipagbubunyi si Kris, hindi lubos na artista at politiko, maliban sa sariling interes na prinoprotektahan, ang kanyang pangalan ay integral sa pagpapalago ng negosyo ng sarili. Kahit pa inipupwesto ang kanyang hindi napapanganak na sanggol bilang walang kamuwang-muwang na biktima ng lahat ng kontrobersya, si Kris ay ang kontrobersyang kinakailangan ng peryodikong kontrobersya. Pinakamatagumpay na franchise ng magulang na politiko, siya ang nagrereynang napipintong politikong bituin ng ating panahon.

Babaeng bituin na papasok sa politiko sa malapit na hinaharap, at kung gayon, kailangang laging malinis at morally righteous. Sa kontrobersyal na troika, siya pa rin ang nasa tuktok. Sambayanang Filipino, game pa rin ba tayo?

2 comments:

Anonymous said...

----!!!!astig....----!!!!!

Anonymous said...

isa aqng taong wlng pangrap gstong kmwala sa gobyerno n yan n wlang gnmwa kundi pglawn ang buhay ng tao sa palad nla!!!!!!