Wednesday, March 07, 2007

Dalawang Buwan Matapos ang Reming, Albay (Dagli sa Krisis column)

Dalawang Buwan Matapos ang Reming, Albay

Naglalakad si Bobet, wala naman talagang pinatutunguhan, umaasang may makikitang bagay na may halaga. Tinakpan ng buhangin at higanteng bato ang baranggay Busay. Kalahati nito, binaon sa limot, kasama ng 49 mamamayan. Isang daan at apatnaput siyam ay nawawala pa rin, buhat-buhat ang toneladang bigat ng masaganang buhangin at bato.

Dalawang buwan lamang ang nakaraan, may bagyong nagparagasa ng naipong putik na naipon sa halos araw-araw na pagputok ng bulkang Mayon. Mailap ang Mayon, pinakaperfektong apa na bulkan sa buong mundo. Madalang matunghayan ang kanyang buong kariktan. Kahit maaraw ay natatakpan ng ulap ang paligid nito.

Sabi ng isang gumagawa ng outlet ng Jollibee sa Albay, sanay na ang mga tao sa pagputok ng Mayon. Ipinagpapatuloy ang pagkain, paglalakad, pag-inom. Kapag lumindol o nakarinig ng pagputok, isang patlang na sandali lamang ng agam-agam, matapos ay mapupuno ng tawanan ang mga tao at babalik sa kanilang ginagawa.

Sa susunod na buwan pa magsisimula ang pagbabalik sa ayos ng Busay. Sa Padang, sa kalahati pa ng taon. Walumput tatlo ang nawawala o namatay sa Padang, ayon sa sensus nitong buwan. Marami na ang lumipat dahil kalahati ng baranggay ang tinabunan ng pag-agos ng putik at bato.

Dalawang beses lamang ang rasyon ng relief. Nagsisiksikan ang 17 pamilya sa loob ng isang klasrum sa mababang paaralan na ginawang evacuation center. Binabantayan ang mga tao ng 9th Infantry Division ng Philippine Army. Wika ng isang sundalo, “We are working here to secure the safety and the properties of the people.” Ano pa bang ari-arian ang natitira!

Sa araw, ginagamit na klasrum ang tinutuluyan ng evacuees. Lumilipat sa likod ng gusali ng klasrum ang evacuees pero hirap, lalo na kapag umuulan. Habang sila ay nababasa, umiiyak ang mga supling. Tumitingala sila sa langit—ito o ang pagragasa?

Nananaginip si Bobet gabi-gabi ng pagbukas niya sa bintana at rumaragasa ang putik at bato. Maitim ang ilog sa bukana ng bahay. Tinatangay ang sumasalungat na tao, manok, baboy at kalabaw. Naghuhimiyaw ang mga ito pero hindi kaya ng dambuhalang tunog ng pagragasa. At araw-araw ay gumigising si Bobet para maglakad, wala namang pinatutunguhan, pero umaasang may matutunghayang mahalagang bagay.

(Batay sa ulat ni James P. Lopez, “More than a month after typhoon Reming: Slow Recovery for Albay Residents,” Bulatlat VI:50 (Jan. 21-26, 2007), http://www.bulatlat.com/news/6-50/6-50-albay.htm.)

No comments: