Ang mga alamat daw ang mga kwento ng taong namatay at muling nabuhay nang walang hanggan—tulad nina Eman Lacaba, Ninoy Aquino, Hesus, at Jose Rizal. O sila yaong nabuhay nang tila mas malaki at maningning kaysa ordinaryong mamamayan—tulad nina FPJ, Monico Atienza, Jose Ma. Sison, at marami sa mga namatay na bayani.
Hindi alamat ang ordinaryong politiko, lalo na ang trapo, o yaong may hawak nang politikal at pang-ekonomiyang kapangyarihan. Ang alituntunin sa alamat ay hindi lamang ginamit sa kabutihan nang nakararami, ipinaglaban pa ang interes ng nakararami. Kaya sina Marcos at GMA ay mga pomposong lider, si Henry Sy at ang may-ari ng Jollibee ay mga ikonikong figura lamang.
Kasama rito sina Kuya Germs, Sharon Cuneta, Kris Aquino, at iba pang bida sa media, maging ang may hawak ng media (Regal, ABS-CBN, Starstruck), at ang politikang nagpapalaganap sa mga negosyong ito (Marcos, Cory, Ramos, Erap at GMA). Ikoniko dahil may makinasyon ng negosyo at estado.
Hindi sila alamat dahil bahagi ng kwento ng alamat ay hindi lamang pagbibigay-ngalan sa bagong karanasan at bagay—ang pinagmulan ng pinya, bakit Maynila ang tawag sa naturang lugar, ang unang kababayang nagkampeon sa pandaigdigang boxing, at malling at texting bilang kasalukuyang bago—kundi pagpapausad ng kolektibong kabutihan.
Kapag nilulon ni Narda ang bato at isinigaw ang alter-ego nito, natratransforma siya para itransforma ang kapaligirang magpapatagumpay sa kabutihan laban sa kasamaan. Pero siya lamang ang pisikal, metapisikal at penomelohikal na natransforma. Kung wala siya—o ang kanyang agimat na isang aguinaldo mula sa kosmos ng kabutihan—walang pagbabago.
At ganito ang ipinapalaganap na uri ng kontraryong alamat ng media. Sa Mulawin, halimbawa, ay nagpaangat sa ikonikong status ng mga bida nito (Angel Locsin at Richard Guttierez) at nagpasanib ng kwentong pakikibaka sa loob ng telefantaserye at ng pagnanasa ng dalawang kabataang heterosexual na makipagsapalaran at matamo ang katanyagan. Tayo na manonood ay pinapatunghay sa kwento ng ikoniko bilang kwento natin.
Magpaganito rin sa kwento ng brands. Ang Bench underwear, halimbawa, ay tinatangkilik dahil una itong nagtanghal ng feeling sensual at sexy na OK na pakiramdam dahil nakatago naman ito. Ang Jollibee ay all-time Filipino na sandali, tulad ng komersyal ng Selecta ice cream sa kasalukuyan, na nagpapahiwatig ng well-deserved leisure break na nagpapa-bonding sa lahat ng miyembro ng pamilya, mula kay lolo hanggang sa apo. Ipinapalaganap ang kolektibong kwento para patuloy na tangkilikin ang brand na produkto.
Kaya rin hindi ito aakyat sa status ng alamat. Tao ang sentro sa alamat, at ito ang taong pinaparusahan (tulad ni Pina na ginamit ang bibig at hindi ang mga mata) para magluwal ng bagay, lunan at karanasan bilang marka ng kalabisan at kakulangan. Hindi lahat ay magiging pinya pero ang lahat ay, malamang, napagsabihan na ng kaalaman dulot ng alamat: matutong mag-inisyatiba, maging matulungin at sensitibo, makiisa at huwag mang-isa.
Hindi lahat ng estudyante, magsasaka, gitnang uri at manggagawa ay magiging aktibista. Hindi lahat ng aktibista ay magiging rebolusyonaryo. Hindi lahat ng rebolusyonaryo ay magiging estudyante, magsasaka, gitnang uri at manggagawa ng bayan. Kahit lahat tayo ay maaring maging.
At ito ang alamat ni Ka Satur na nagpakita at patuloy na nagpapakita kung ano ang pwede nating maging para sa bayan.
No comments:
Post a Comment