Kapag estado ang gumamit ng dahas, ito ay lehitimo. Sa labas ng estado, hindi ito maari. Maari ka pa ngang ikulong, ideteyn nang lampas sa karaniwang panahon, hindi payagang makalabas sa bayang pinagdakipan o i-house arrest, tulad ng napipintong pag-aproba sa Anti-Terrorism Bill.
Binabansagang ‘terorista’ ang sinumang indibidwal, grupo at kilusan na gumagamit ng dahas para sa kani-kanilang isinusulong na interes. Mula sa mga kidnapping at drug gangs, hanggang sa mapagpalayang kilusang masa, ang idea ng terorismo at ang figura ng terorista ay itinatakda batay sa relasyunal na posisyon sa estado. Ibig sabihin, kahit anong grupo na inaakalang lumalaban sa gobyerno na nagpapatakbo ng estado ay maari nang bansagang terorista.
Napakasimple ng buhay, di po ba? Bilog lang talaga ang mundo.
Kahit pa kung sa huling pagsusuri, ang pinakamalaking terorista ay ang mismong estado. Sa ‘real world politics’, ang interes ng estado ay ipinapalaganap ng gobyerno bilang nangungurakot na makinarya na nagbibigay ng ganansya sa malalaking negosyo at tradisyonal na politiko (trapo). Na sa malalim na usapin din naman ay nagtataguyod ng global na interest ng dayuhang negosyo at pamahalaan.
At sa kasalukuyang kaayusang pangkapangyarihan, ang pinakamalakas na estado, at kung gayon ang pangunahing terorista, ay ang imperialistang
Bilog ang piniling imahen ng Ginebra San Miguel, hindi kwatro kantos. Bilog dahil mas mabili ito. At sa komersyal nito, ang katawan ay nagsasakripisyo at nagbabagong hulma para makapaglingkod sa ligaya ng iba (ng babaeng naghahanap ng dagdag na alak at pulutan). Dati ay inumin ang gin ng mga mababang uri. Dahil sa kagipitan ng buhay, nariimbento ang gin mula sa pagiging gin bulag (straight na inumin), tungo sa pagiging gin pomelo, gin pineapple, gin orange, at kung ano-ano pang pinaghalo-halo ng gitnang uri na powdered na juice.
Tuloy ang ligaya sa pribadong antas ng mga nag-iinumang naghihikahos na gitnang uri. Pati nga ang bars ay nag-aalok na rin ng pitsel-pitsel na gin drinks. Na kahit naghihikahos ang pambansang lagay ay tuloy pa rin ang gimik, sa abot ng makakaya.
Bakit nga aalalahanin ang implikasyon ng anti-terrorism bill, maging ng kahirapan, kahit pa harap-harapan at malaganapan ang politikal na pagpaslang, pangungurakot, pandaraot sa partylist sa mga kasong kriminal, pagtataguyod ng pekeng pangulo, pandaraya sa eleksyon? Ang nais alalahanin ng nakararami, bilang bahagi ng kanilang fantasy-production o paglikha ng mga alaala bilang pamamaraan ng pagharap sa anxiedad ng kasalukuyang kasaysayan, ay ang karanasan sa kasiyahan.
Masaya ang mundo dahil bilog ito. Nililinyahan ang kabilugan ng puwang ng paghinga, tinatadtad ng rekurso sa gimik. Sistematiko ang pagpapahirap sa atin, at sa kanya-kanya natin ang rekurso para makalikha ng lugar na makakahinga at makakagimik tayo. Bilog ang mundo dahil sa ating mga balikat ipinapapasan ang sabayang paghihirap at kasiyahang maari pang makamit mula rito.
Dahil kung pagagaanin ang pasanin, mayroon pa tayong magagawang iba. Kung lampas-lampasan ang pasahod sa manggagawa, mayroon pa itong mabibili bukod sa kasalukuyang subsistence lamang na antas para sa kanyang pamilya. Kung gagawing makabuluhan ang publikong serbisyo, makakapag-aral, makakapamuhay ng may dangal, mamumulat ang mga tao. Kaya hindi ito ginagawa.
Ang ginagawa ay patuloy na pag-igting ng pandarambong, pagpaslang, pagpapahirap nang sa gayon, hindi na lamang umimik ang dapat umimik—ang nakakaraming masang mamamayan. Kaya marahil sa kalasingan lamang nagiging malakas ang mga tinig ng kalalakihan, habang nambubuska ng kapwa. At ang stereotipikong pagbubunganga ng kanilang mga asawa—kung hindi naman tatahimik na lamang ang pagdamha sa pagpapakasakit—dahil wala nang ibang puwang sa kabilugan ng mundo.
Ang lipunan ay tatsulok. Iilan ang nasa tuktok, nakatuntong sa higit na pagpapahirap sa nakararami. Sa pwersa ng nagkakaisang inaapi, mababalikwas ang tatsulok. Mapapalitan nang mas makatarungang hugis, laman at substansya. Hindi pala bilog at tatsulok lamang ang mundo.
No comments:
Post a Comment