Saturday, February 10, 2007

Isang Hapon Habang Umaambon (Dagli sa Krisis Column, Bulatlat.com)

Isang Hapon Habang Umaambon

Bakit, ano at paano? Ilang makabuluhang katanungan habang umaambon.

NI ROLAND TOLENTINO

Bulatlat


Kapag napigtas ang tuyong dahon sa tangkay ng puno

Hindi na ba ito bahagi ng malagong puno?


Kapag pinatuyo, tinosta at giniling ang buto ng kape

Hindi na ba ito butong galing sa puno?


Kapag tumulo ang patak ng ulan sa puno patungong aspalto

May nakakarinig ba ng sigaw ng patak ng ulan, maging ang alingawngaw nito?


Naririnig kaya sa pagkulo ng sinigang sa komersyal ng pampaasin

Ang alulong ng baka, baboy at manok habang sila ay kinakatay?


Ang lettuce, asparagus, grape tomatoes at button mushroom sa salad

Alam kaya nilang ganito ang kanilang kahahantungan nang pinalaki sila sa greenhouse?


Ang ubas o buto ng kapeng ibinibilad sa araw para matuyo

Nagsusumigaw ba dahil sa kanilang pagkapaso?


Ang akasya kapag tumiklop ang dahon sa paglubog ng araw

Natutulog rin kaya?


Ang makahiyang tumiklop ang dahon sa pagsalat ng mama

Naiisip kayang inaabuso ito?


Ang sinag ng araw na unti-unting pumapasok sa bintana

Araw-araw na nginangatngat pero hindi nauubos ang dilim?


Nagdiriwang kaya ang bulang nagsulputan kung saan-saan

Kapag tinanggal ang tansan ng bote ng beer?


Iba kayang nakatagong mensahe at malalalim na struktura

Ang nakikita kapag dilaw o luntian ang highlighter sa xerox?


Talaga bang natatanggal ang bakas ng mga yapak

Nang mga naunang nagdaan kapag ito ay inaraw-araw punasan?


Ang tunog ba ng nagkikiskisang dahon ng kawayan

Ay likha nito o ng ihip ng hangin o sa pandinig lamang ng nakakakita nito?


Kung guwapo at bobo, ordinaryong hitsura pero henyo ay hustisya

Ano kung maganda, sexy, summa cum laude, malusog, mayaman at maboka?


Kapag tunay na minamahal ang isang tao o isang ideal

Bakit hindi kayang mahalin ang sarili nang ganitong paglabis?


Kapag mahal ang isang bagay

Bakit kailangang mapasaiyo ito?


Kapag nagmamahal mula sa kalayuan

Bakit pakiwari lagi ay kaydaling mapalapit?


Bakit malalim ang sakit kapag walang isinusukli ang kabiyak

Gayong wala namang nagsabing mahalin mo ito?


Kapag kabilugan ng buwan

Bakit walang nagbibilad sa gabi?


Ang langgam na nagbabatian kapag nagtatagpo

Sinasabi kayang magpursigi, magtipid at malapit na ang ulan?


Ang mga nakakapagtext habang naglalakad

Naglalakad ba habang nakakapagtext?


Lumangoy ka sa dagat at lamlamin ang tubig

Kaysa gamitin ang sariling luha kapag nagdurugo ang puso?


Bakit sinasabing nagdurugo ang puso

Gayong binabalot at dinadaluyan naman ng dugo ang puso?


Ang hamog ba na gumagapang sa pampang

Ay tubig sa ere o ere sa tubig?


Kapag namigay ng bulaklak bilang pagmamahal

Sinasabi bang mananamlay at matutuyot din ang pag-ibig?


May sarili kayang utak at pagkatao ang buhok at kuko

Dahil tumutubo pa rin ito kahit patay na ang tao?


Kapag makulimlim at tila uulan

Bakit hindi isiping bahagyang maliwag at tila hindi uulan?


Sino ang mas kaawa-awa sa kristianong kawanggawa

Ang batang namamalimos o ang negosyanteng ayaw magpalimos?


Bakit bumubuka ang sampaguita sa gabi na may halimuyak

At nanunuyot ng pagkaluma kapag nasinagan ng araw?


Umiiyak kaya ang puno ng mangga o sinigwelas

Kapag pinipitas ang mahihinog na bunga nito?


Paano napapatamis ng pagkakulob at init

Ang berde para maging dilaw na mangga?

2 comments:

Anonymous said...

maging ako ma'y hindi ko alam ang kasagutan sa mga katanungan mo...

Anonymous said...

mas masarap isipin ang mga bagay na walang sagot. mas masarap pangarapin ang ideal na hindi kelanman maaabot