Amoralidad ng 300% pagtaas ng matrikula sa UP
Noong hapon ng kinanselang Lantern Parade, Disyembre 15, 2006, sa Unibersidad ng Pilipinas, nagtagong daga ang Board of Regents sa determinasyong aprobahan ang tuition fee. Nagpalipat sila ng lugar para makaiwas sa galit ng estudyante at iba pang sektor sa UP.
Nangangahulugan ang aproba ng 300 porsyentong pagtaas ng matrikula, na pati ang dating exempted sa pagbabayad ay kinakailangan na ring magkandakumahog sa paghahanap ng P1,000 kada unit. Hindi pa kasama rito ang nagtaasang iba pang fees, tulad ng library at lab fees.
May kumakalat ngayong papel na nagpapakonsidera ng bagong aprobang polisiya. Nananawagan, kahanay ng iba pang bagay, ng rebraketing para malibre ang ilang bahagi pa rin ng dating hindi nagbabayad ng tuition fee. Pero maliban dito, OK naman na tumaas ang matrikula.
Hindi ako sumasang-ayon sa anumang pagtaas ng tuition fee sa UP at iba pang state colleges at universities. Ito na lamang ang bukana ng oportunidad para makapag-aral at bumuti ang buhay ng pinakakarapat-dapat sa hanay ng masang anakpawis. Kaya nga ang UP ay pambansang unibersidad dahil saklaw nito ang pagpopoder sa exemplaryong representatibo ng mamamayan.
Una nang tinanggal ang political corrective measure na naglaan ng kaunti pang siwang sa underrepresentated na mga publikong high school at probinsya para makapasok sa UP. At ngayon naman ito, na lalo pang magdidisenfransiya sa naghihikahos na malaking hanay ng lipunan.
May hindi sinasabi ang aksyong itaas ang matrikula. Una, lalo nitong idinidiin na malaglag ang umuunti na ngang bilang ng mga mahihirap na nakapasok sa UP. Hindi inihahayag ang malaking mortality rate ng mga mahihirap na mag-aaral na nakapasok nga sa unang taon sa UP ay wala namang kakayahang makapagpatuloy pa.
Ikalawa, binubura ng UP ang akawntabilidad at responsibilidad ng estado na pondohan ito bilang pangunahing unibersidad ng estado (kaya nga state university, di ba?). Sumuko na ang administrasyon na paratihang igiit, katulong ng hanay ng mag-aaral at kaguruan, ang pondo nito mula sa gobyerno.
Ang aking sapantaha rin dito ay dahil mayroong ibang proyektong iginigiit ang administrasyon na mapondohon—tulad ng sentenaryo ng UP, o ang pagdulog sa iba’t ibang senador at mismong opisina ng presidente ng mga kolehiyo at campuses ng kani-kanilang tingi-tinging wish list. At dahil na rin, naisanla na ng UP ang kanyang “kaluluwa” sa interes ng negosyo, tulad ng itatayong techno-park ng burges kumprador na Ayala sa Diliman campus.
Ikatlo, binubura naman ng UP ang mismong finasyal na akawntabilidad nito sa kanyang konstityuwents. Wala naman tayong detalyado at kumprehensibong impormasyon sa disbursement ng kita ng UP, mula sa sistema hanggang sa nakokolektang lab fees ng mga departamento, at sa napipintong itataas na tuition fee. Saan napupunta ang pondo? May nalugi na bang investments ang UP, at kung gayon, bakit, at sino ang akawntabol? Samakatuwid, nire-require ng UP na magbayad ng mataas na tuition fee gayong hindi naman sasabihin kung saan mapupuntang gastos ito o kung saang investment ito ilalaan.
Ang ikaapat, at ang sa palagay ko ay ang pinakaseryoso, ang pagpapalaganap ng kultura ng amoralidad ng UP. Hindi immoral ang pagtaas ng tuition fee dahil naiangkla ang rasyonal nito sa tumataas na halaga ng pagmimintena sa UP at sa paglawak ng estudyanteng populasyon na may kakayahang makapagbayad, na pawang taliwas na kadahilanan. Amoral dahil walang moralidad ang pinapaimbabaw sa diskurso.
Pang-ekonomiyang bagay ang dahilan, at walang moralidad at panghihinayang sa substansya ng UP o makabayang pagkamamamayan (tinangka na rin itong lusawin sa neoliberal na pick-and-choose your own general education courses).
Tanging ang diwa ng “iskolar ng bayan”—maalam at nakikialam--ang bumabaklas sa anumang pagtatangkang humulma ng fantasya ng globally competitive workforce ng UP. Para sa bayan, hindi sa dayuhang interes.
No comments:
Post a Comment