School ID at ang Pakiwaring Gitnang Uri
Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking pagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay bigla na lang ni-require ang pagsusuot ng ID, gamit ang ID band na isinasabit mula sa leeg. Badge of honor, tulad ng mga isinasabit na medalya? O marka ng pagkabilang sa mababang uri? Tandaan na sa leeg rin ikinakadena ang mga alipin.
Pero hindi ganito ang ibinabadya ng pagsusuot ng ID. Feeling rich (pakiwaring gitnang uri), at kung gayon, feeling accomplished. Napakapopular ng ID sa mga estudyante na kahit wala na sila sa loob ng campus ay suot-suot pa rin nila itong nagmamarka ng kanilang posisyon sa abang struktura maging sa labas.
Ang ID ay isang anyo ng pagpapakilala at kakakilanlan. Ipinakikilala ang status ng isang tao sa strukturang kinabibilangan—estudyante o guro. Kinikilala ito ng mga taong nasa loob at labas ng struktura.
Doble-ang identifikasyong pang-uri sa ID ng UP, o sa ano pa mang ID sa pamantasan. Pribilehiyo na ngang umabot sa tertiaryong antas, pero higit pang pribilehiyong makapasok sa UP.
Historikal na inihahanda na ang kolektibong kamalayan ng mga estudyante sa posisyong ito. Tinanggal na ang palugit para makapasok ang under-represented na sektor na publikong high school at probinsyang mas hirap ang kalagayan. Sa susunod na pasukan, ang mga freshman (o ang kanilang mga magulang) ang unang mabibigwasan ng implementasyon ng 300% na pagtaas sa tuition fee. Tunay na ang maykaya na lamang ang lalo pang mas higit na makakapasok sa UP. At sa pagkakataong ito ng rebisyon ng socialized tuition fee scheme, ang maykayang estudyante na ang magbibigay-subsidyo para sa lalo pang kakaunting mahihirap na estudyante.
Ang ID ay naglalaman ng larawan—nakangiti, maayos ang buhok, colored, puti ang background. Nakatatak sa ID ang pangalang kikilalanin, kasama ang kurso, student number, pati na rin ang pumapaimbabaw na organisasyong kinasasapian. Tila sinasabi sa estudyante, ikaw ay pinili at tinanggap mo itong alok na pumailalim sa kalakaran at paninimbulo ng yunit na kinabibilangan. Sa likod ng ID, ang iba pang rekisitong impormasyon—sino ang kokontakin sa panahon ng emerjensi, telepono, tipo ng dugo at iba pang datos.
Sinisipat ng ID ang relasyon ng may-ari sa institusyon, pati na rin sa kapwa may ID. Tinitignan ang identifikasyon ng may ID bilang gitnang uri (may telepono, may kapasidad makapasok sa institusyon). Ang pagkakaroon ng ID ay isang kodifikasyon ng pagiging musmos na turing (infantilization). Ipinagkakaloob sa institusyon ang pamamahala sa indibidwal. Ito rin ay pinapaloob sa diskurso ng disiplina (paglalaan ng marka ng kurso), partikular ng siyensya (tipo ng dugo, informasyong kayang ipasok sa bar code) at human development (antas ng pagkabilang, at samakatuwid, ang kalakaran na kakailanganin para hindi na kailanganin ang ID sa akto ng pag-graduate).
At sa akto ng pag-graduate, panibagong ID na naman ang susuotin—ang ID, halimbawa, ng papasukang call center na ipinagbubunyi rin ang pagsuot nito. Sa loob ng bansa, ang ID ang itinuturing na pasaporte sa kaso ng sampung milyong kamamamayang overseas contract worker (OCW). Tila itong ID ang sumisimbolo ng parehong panlipunang mobilidad at kultural na kapital (nag-aaral o nagtratrabaho) na nagpapaangat sa indibidwal sa masa.
Kaya indibidwal ang pakiwari ng gitnang uri. Pribatisado itong pakiwari dahil ang pagkondisyon sa inaasam maging ay ginagawa ng institusyon gayong ang aktwal na pagiging ay nasa kamay ng indibidwal. Ang resulta, isang tumpok na langaw na nag-aagawan ng espasyo sa alam nyo na. Hindi magandang pangitain, hindi ba? Pero sa mga langaw, ito ay paraiso.
Mabuhay ang pakiwaring gitnang uri!
No comments:
Post a Comment