Rebyu: Rolando B. Tolentino at Sarah S. Raymundo, mga patnugot. Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings. Quezon City: IBON Books, 2006. 296 pahina.
Sa ilang sulatin at talakayang pang- akademiko sa bansa, hinango ang salitang “gahum” sa wikang Cebuano para maging salin ng “hegemony”. Ang huli ay palaging kadikit ng pangalan ni Antonio Gramsci, ang komunistang Italyanong nagbigay rito ng pakahulugan at halaga sa Marxistang pagsuri sa kasaysayan, lipunan at rebolusyon. Pinahirapan, nagkasakit at namatay si Gramsci sa kulungan ni Benito Mussolini, ang pasistang diktador na kakampi’t halos katumbas ni Adolf Hitler sa Italya sa panahong iyon.
Sa isang kilalang depinisyon, ang gahum “sa pinakamalakas na pakahulugan ay isang ‘kultura’, pero kulturang kailangan ding tingnan bilang isinasabuhay na pag-ibabaw at pagyukod ng partikular na mga uri.” Nagtuturo ang gahum ng ilang tanong sa praktika: Anu-anong “praktika at inaasahan”, “pag-unawang humuhubog sa sarili at sa mundo” nating mga mamamayan ang nagagamit ng imperyalismo at naghaharing mga uri para patatagin ang katayuan nila? Anu-ano ang ginagamit at magagamit para labanan ito?
Makabuluhan kung gayon na Kontra-Gahum ang titulo ng koleksiyong ito ng mga sanaysay ng progresibong mga akademiko hinggil sa pampulitikang pamamaslang ngayon sa bansa. Hindi lamang dahil ipinapaalala, sa ilang larangan, ng papatinding pasismo ng rehimeng Arroyo ang pasismo ni Mussolini. Resulta ang titulo ng pagsapul sa unawang ang panunupil at pamamaslang ng rehimen ay bahagi hindi lamang ng pagsisikap ng pekeng pangulo na manatili sa puwesto, kundi ng matagalang plano ng mga nagsasamantala’ t nagha-hari sa bayan na lusubin at paatrasin ang mga lumalaban.
Ang tugon at solusyon, samakatuwid, ay rebolusyon – at ang pag-gawa ng kontra-gahum na mahalagang bahagi nito. May katawagan si Jose Ma. Sison na malapit sa ideya ni Gramsci: “rebolusyong pang-kultura” . Sa pagteorya ng dalawa, mahalaga ang mga intelektuwal, nakapag-aral na mga kabataan at mga guro sa kanilang paglubog sa buhay at pakikibaka ng batayang masa. Sila ang target na mga mambabasa ng Kontra-Gahum. Sa iba’t ibang sanaysay sa libro, isinasangkot at hinihimok sila sa kolektibong proyekto ng paggawa ng kontra-gahum na tatapos sa pamamaslang at pagsasamantala.
Inilarawan ni E. San Juan Jr. ang historikal at istruktural na mga kontradiksiyon na humuhubog sa terorismo ng neo-kolonyal na estado ngayon. Iniulat ni Elmer OrdoƱez ang pagkakatulad ng pamamaslang sa naging patakaran ng US sa ibang bansa. Hinango ni Ramon Guillermo ang susing mga salita sa mga dokumento ng Oplan Bantay-Laya at ipinakita ang ugat at kahulugan nito sa mga patakarang pang-militar ng US. Sinuri ni Peter Chua ang ugnayan ng mga patakarang mapanupil ng rehimen sa pamamaslang, partikular sa pambansang mga minorya.
Tinugaygay ni Rolando Tolentino ang disposisyon sa kultura, pulitika at ekonomiya ng iba’t ibang uri, pati ang “sakit” ng pekeng pangulo, sa panahong ito ng pamamaslang. Tinalakay ni JPaul Manzanilla ang paglilihim at pagsisinungaling bilang bahagi ng panunupil ng rehimen. Naglahad ng mga datos at progresibong pagsusuri si Danilo Arao sa pamamaslang sa mga mamamahayag, at nanawagan ng pagkakaisa ng sektor. Ipinakita ni Rommel Rodriguez ang ugnayan ng mga pagbabago sa imprastruktura na pinaplano ng rehimen sa pamamaslang nito.
Isinanib ni Jonathan Beller ang matatalas na pagteorya sa “pulitikal”, kapitalismo at pelikula sa pagsuri sa kalagayan ng bansa at mula rito’y ipinakita ang halaga ng pagkukunwari (farce) sa pag-unawa sa sitwasyon. Malinaw na pinag-iba ni Arnold P. Alamon ang mga pagsisikap ng AFP at NPA na kabigin ang “puso’t isipan” ng mga mamamayan. Inilarawan ni Luis Teodoro kung paanong bumuwelta sa rehimen ang atake nito sa Kaliwa. Ipinakita sa bagong mga paraan ni Neferti Tadiar ang talaban ng kultura sa sitwasyong pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa.
Iginiit ni Gerardo Lanuza na kailangang lumahok sa tunggalian sa pakahulugan ng mga karapatang pantao. Tinuligsa ni Sarah Raymundo ang maimpluwensiyang mga kaisipan mula sa Inglatera, na nagsasabing nagwakas na ang panahon ng pulitika. Ipinakita sa ilang akdang pampanitikan ni Gary Devilles kung paanong ang nakaririmarim na karahasan ng makapangyarihan ay tinatapatan ng paglaban. Inilatag ni Melania Abad ang kalagayang iniinugan ng makabayang “pagwiwika”. Inilapat ni Choy Pangilinan ang ilang malaganap na teorya sa pag-unawa sa reyalidad ng panunupil.
Mapagmuni ang pangwakas na pananalita ni Tolentino, na tungkol sa pananagutan at papel ng akademya’t paaralan sa pamamaslang at lipunan. Tumatarak sa puso ang tanong: “Matwid ba ang araw-araw na pagpupursigi sa daan ng Kalimugtong?” Sa tulong ng librong ito, tiwala tayong hindi lamang luha ang itutugon ng mga mambabasa sa tanong, sa pamamaslang at sa lipunan mismo – kundi pagpanig, pagkilos at pamumuhay nang bago.
Sa ganoon lamang magtatagumpay ang kinakailangang paggawa ng kontra-gahum.
Ang Kontra-Gahum, na inilathala ng IBON Foundation, ay mabibili sa iba’t ibang book stores. Lipad na at mandagit ng kopya.
No comments:
Post a Comment