Wednesday, March 05, 2008

Sulat sa mga kababaihan, Pasintabi Column, Mar 4-10, 2008





imahen mula sa www.indybay.org/newsitems/2007/05/13/18415572.php
www.clickthecity.com/event/detail.asp?evid=17014
www.viewimages.com/Search.aspx?mid=694523...
www.bulatlat.com/news/5-35/5-35-bp.htm

Sulat sa mga kababaihan

Ika-119 na taon ng sumulat si Jose Rizal sa mga dalaga ng Malolos, ang kaisa-isang inaakalang nakasulat sa Tagalog na akda ng bayani. Mas ipinagdiriwang ang sulat ni Rizal kaysa sa sulat na pinirmahan ng 21 babaeng nanghihingi ng permiso sa Gobernador-Heneral na magtatag ng eskuwelahang panggabing magtuturo ng wikang Kastila para sa mga kababaihan.

Ang petsa ay Disyembre 22, 1888. Mahalaga ang sulat ng kababaihan dahil binibigwasan nito ang konsyensyang inalipin ng mga Kastilang prayle. Kung nabubuhay ang 21 dalaga ng Malolos, ang kahilingan nila ay kabutihan para sa kanilang katulad—edukasyong makakapagmulat sa katotohanan, paglilingkod sa pamilya at sa bayan.

Sa pagdulog ng mga dalaga sa otoridad na sibil, nilampasan nila ang paghadlang ng fraile at simbahan. Alam nilang wala sa mga fraile ang katubusan ng kanilang aspirasyon sa katotohanan kundi sa sarili nilang pagpupursigi.

Malalim ang leksyong hatid ng 21 kababaihan, umaalingawngaw lalo pa sa kasalukuyang panahon. Ang kahilingan, katotohanan; ang kapamaraanan, pagtataas ng kamulatan at pagpupursigi para sa katotohanan hanggang sa tagumpay. Mapanupil ang kamangmangang hatid ni Arroyo dahil hindi lamang tayo pinagmumukhang tanga, dirambong pa ang yamang laan para sa kabutihan ng bayan. Ayon nga kay Rizal, “Ang kamangmañga'y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao: taong walang sariling isip, ay taong walang pagkatao; ang bulag na taga sunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa talí.”

Kasama ng galamay na nagbibigay-proteksyon sa sistematikong pagmangmang sa mamamayan-- mga alipores na politiko sa lokal na lebel (baranggay, mayor, gobernador, representatibo), sangay ng konserbatibong simbahang Katoliko, at military—si Arroyo ay dinudusta ang dangal at pagkatao ng bayan. Nanahimik o nagpapanakip-butas sa panahong ang kahilingan ay katotohanan, at kung magpakagayon, malinaw ang sinasaad—hindi lamang wala itong intensyong pangunahan ang paghahanap ng katotohanan, kundi pinagtatakpan pa ito ng higit pang kasinungalingan.

       Nakamamatay ang katotohanan.  Ito ang
inalay na buhay ng mga bayaning pinaslang sa
paninindigan para sa bayan.
At sa kolektibong
antas, handang kumilos pinakamaraming bilang
ng mamamayan para sa katotohanan.
Ito ang
impetus kung bakit nag-alsa ang sambayanan
laban sa pandaraya ni Marcos sa snap election,
at laban sa pagtatago ng ebisensya ng
pandarambong sa sobre ni Estrada.
Sa una’t
huling usapin, hindi dahil sa malawakang
pandaraya o pandarambong ang ikinagalit
ng mamamayan, ito ay ang pagtingin sa kanila
ng kanilang hinalal bilang di lamang tanga
ang bawat mamamayan kundi tanga ang sambayanan.

Natatangi ang papel ng babae sa pagkamangmang at pagkamulat. Babae ang pangunahing figura ng pambansang pamunuang naniniwala—kaya hindi pa nagbibitiw—na wala siya at ang kanyang administrasyon ng kamalian at pagsisinungaling. Pero kababaihan ang nagdadala ng bigat ng pasanin ng kanyang pagsisinungaling—sila ang umaalis ng bayan, iniiwan ang sariling anak, para mag-alaga ng anak ng iba; sila ang naghahanap ng pandagdag na kita sa kulang na sweldo ng kanilang mga asawa at ama; sila ang mga gurong nagtuturo ng diskursong makapagpapalaya sa kamalayan ng mag-aaral; o mga kawani sa pamahalaan na tunay na nagbibigay serbisyo publiko sa nangangailangang mamamayan.

Pabigat ang pagtatakip ng ordinaryong babae para sa nagaganap na katiwalian ng pangunahing babae ng bansa. Kung sa “Hello, Garci?” ay nag-sorry si Arroyo at tila binigyan pa ito ng isang pagkakataon, sa kasalukuyang broadband scandal na $130 milyon ang halaga ng pangungurakot, paano mapapalampas muli at mapapatawad si Arroyo kung ang ordinaryong babae ay patuloy na naghihikahos at inaalipusta ng walang kunsyensyang pagkilos ng pangulo para sa sariling interes lamang? Silang naghihirap ay naghihirap dahil sa pagkapangulo ni Arroyo.

       Babae rin ang dapat mamuno sa paghahanap ng katotohanan,buhay
man ang ialay.
Ayon kay Rizal, handang ialay ng mga ina ang buhay
ng mga anak sa paghahanap ng katotohanan—sa panahon nila, ang
pagsama sa rebolusyon:
“Nang iniaabot ñg isang ina ang kalasag sa
papasahukbong anak, ay ito lamang ang sinabi: "ibalik mo ó ibalik ka,"
ito ñga umuwi kang manalo ó mamatay ka, sapagkat ugaling iwaksi ang
kalasag ñg talong natakbo ó inuwi kaya ang bangkay sa ibabaw ñg
kalasag.”
      Hindi ito tagisan ng talino o dunong at yaong wala. Tagisan
ito ng kabutihan laban sa kasamaan, ng katotohanan laban sa
kamangmangan.
Wasto si Rizal sa sinabi niyang aral mula sa
magigiting na babae ng Malolos:
"Ang ipinagiging taksil ñg ilan ay
nasa kaduagan at
kapabayaan ñg iba." Dalawampu’t isang babae,
mag-i-120 taon na ang nakararaan, ang nanindigang hindi maging duwag,
hindi magpabaya.

At ito ang katotohan pinagkakaloob muli ng kasaysayang unang pormal na sinabi ng magigiting na babae ng Malolos, at inalingawngaw ng iba pang babae sa kapuluan noon at ngayon.

No comments: