Only-in-the-Philippines Syndrome
Kapag sinabing “only in the
Ang only-in-the-Philippines ay katangian at kaganapang maaring mangyari lamang sa loob ng espasyo ng bansa. Ito ay social action o ginagawa ng kolektibo sa ilang sektor, pero hindi buong lipunan ang kalahok. Panlipunan ang sinasaad nito, o may sinasabi sa mababang kalidad at pagturing ng mga pwersa sa lipunan kaya nagaganap ang penomenon: mga umaakyat ng billboard sa Metro Manila para takasan ang kanilang problema, umaakyat ng at ayaw bumaba sa puno ng niyog dahil niloko ng asawa, nanganganak ng hito o kakambal ng ahas, miyembro ng Gucci Gang na nagpapanggap na ang Makati ay Manhattan habang sumisinghot ng cocaine, at kung ano-ano pa.
Tignan ang ilan pang halimbawa ng only-in-the-Philippines. Pinalitan ang bubong ng tren na dumadaan sa Metro
Parati ay narito ang tatlong salik: pangungurakot (iligal na pagbebenta ng karapatan para makatira sa riles, pag-install ng mumurahing uri ng safety protection sa mga ilaw sa runway, pagtaya na di makatarungan na “I show mine, you don’t show yours” sa inuman), kolonyal na mentalidad (pamantayang hygiene bilang pribadong spero ng buhay, pag-ayos ng airport imbis na pagpondo sa food security, machismo o pataasan ng ihi at pahabaan ng ari sa inuman), at paghihikahos (pagtira sa riles at kawalan ng serbisyo publiko rito, pagnanakaw ng ilaw sa runway dahil sa kawalan ng iba pang mapapagkakitaan, paglabas ng karahasan sa mahihirap na lalaki kapag nakainom).
Madalas ang pagsasanib ng tatlong salik ay nauuwi sa marahas na kaganapan: murahan sa pagitan ng pasahero ng tren at nagtatapon ng basura, nakawan, at patayan. Ang karahasan ay hindi indibidwal na antas lamang, kundi dahil nga likha ito ng tatlong salik na kinakabuhayan ng mga indibidwal ay may propensidad ang lipunan na makaranas nito, at magluwal ng iba pang only-in-the-Philippines na penomenon.
Samakatuwid, ang only-in-the-Philippines syndrome ay sistemiko at hindi hiwa-hiwalay na kaganapan. Ang primaryong kalahok rito ay ang underclass, mula anakpawis hanggang lumpen at katutubong mamamayan. Kapag napalahok ang mayayaman, mas matingkad ang kalakaran ng tatlong salik, nagiging cliché na nga dahil masyadong halatang kumumporma sa inaakalang global na kosmopolitanismo. Tulad sa quasi-bonding na organo ng Gucci Gang, pinangalan sa brand na sila lang ang makakabili, pero tulad ng underclass na partner nila, lulon din sa lumpen na aktibidad—droga, panggigimik, panggagantso, pagsaksak sa likod ng mismong mga kaibigan, pagkaplastik at iba pa.
Ang lumpen ang naghaharing pang-uring katangian sa only-in-the-Philippines syndrome. Ang lumpen ay sub-uri dahil ito ay hindi naman regular na miyembro ng anakpawis na may regularisado bagamat maliit na kita, at dahil mas nagdarahop ang lagay ay handang gumamit ng iligal at imoral na kapamaraan para kumita. Sila yaong namumuhay sa jueteng, droga, panggagantso, at bayarang mamamatay-tao, botante at union-busters, at kung gayon ay mas mahalaga ang kagyat na pangangailangang kumain at mabuhay, o mabilisang umangat ang estado ng buhay, kaysa sa metapisikal at moral na katanungan tungkol sa indibidwalidad, humanidad at maging hustisyang panlipunan.
Sinasaad ng mga karanasan at penomenong only-in-the-Philippines na sa sobrang pambubusabos sa indibidwal at kolektibo, handa itong gawin ang meta-mamamayang (meta-ligal, meta-moral, at sa kaso ng babaeng binitbit ang ari-arian sa puno ng niyog, meta-pisikal na) kalakaran para magkaroon ng akses sa temporal na politikal na pagkamamamayan. Ang mga hoodlum ay magnanakaw at sa akto ng pagnanakaw ay marerealisa ang taliwas pero nananatiling akses pa rin sa pagkamamamayan, para lamang mahuli at humarap sa estadong handa ring magbigay-disiplina, parusa at sintensya sa mga lumabag sa politikal na kalakaran.
Ang kaibahan ng aktwal na lumpen na hoodlum at ng mayamang politikong hoodlum ay nakukulong ang una kundi man ito masa-salvage, handang masakripisyo gayong ang huli, habang may galamay sa kapangyarihang nabiyayaan ng pangungurakot, ay mananatiling nakalutang na politikal na pagkatao. Ang kakatwa rito, dahil sa sistemiko at sistematikong pandarahop ng estado, pati ang may mga ekonomiko at politikal na kapangyarihan ay kailangang pumaloob sa naghaharing uri ng lumpeng katangian para manatiling nakalutang. Ang mga faksyon ng naghaharing uri—dahil sa limitadong akses sa mismong ekonomiko at politikal na yaman ng bansa—ay hindi rin mga stableng posisyon, peryodiko rin itong nagbabago batay sa ihip ng hangin at piniling alyansa sa faksyong may aktwal na hawak sa politikal na kapangyarihan.
Sa isang maling pakikipag-alyansa, sa termino ni Gloria Arroyo, halimbawa, maisasantabi ang interes ng negosyante, tulad ng mga Ayala sa kinondenang Glorietta 4 bombing, at Lucio Tan na kumiling kay Estrada. Sila man ay makikipaggitgitan para sa tira-tirang ekonomiyang interes na maaring maipamahagi ng estado. Bagamat kasali sila sa estado poder, sa temporal na sandali ni Arroyo, may maeetsapwera sa pagpapalawak ng net na susuporta at sasalo sa peryodikong krisis sa administrasyon nito. Hindi business-as-usual para sa lahat ng businessmen at women.
Kaya sa huling usapin, ang may hawak ng kapangyarihang magpapakondisyon sa estado ng only-in-the-Philippines ay ang mismong estado. Si Arroyo ang may hawak ng kasalukuyang chain of command ng kapangyarihang pang-estado. Ang kakatwa rito, ay siya rin ang puno’t dulo ng only-in-the-Philippines syndrome: wala raw rice shortage pero mas marami ang mga Filipinong nagugutom; bumubuti na raw ang ekonomiya pero mismong ang opisina sa ilalim niya ang nagsasabing mas maraming mamamayan ang walang trabaho at naghihikahos; nakapagbigay na raw siya ng opsyon sa pangingibang-bayan, at ito ay ang pagiging call center agent sa loob ng bansa na sumasagot sa disoras ng gabi sa mga tanong sa ibang bahagi ng mundong nagsisimula pa lang ang araw; pati raw kanyang mga alipores ay pwedeng i-invoke ang “executive privilege” kapag ayaw padaluhin sa congressional inquiry; pinatakbo at pinanalo ang mga anak na lalaki para matiyak na hindi muli siya mai-impeach; at pati ang kanyang doktor o dentista raw ang piniling pinuno ng professional regulatory board.
Sa panahon ni Marcos at sa pagsisimula ng pagiging popular ng literatura mula sa Latin American sa bansa, sinasabi na may pagkakatulad sa tinatawag na “majic realism” na parang mahika na ang pang-araw-araw na realidad sa kalabisan nito—isang pangulo na gustong mamuno habangbuhay, isang First Lady na inaawitang ang bansa ng “Dahil sa Iyo” para ihele ito muli sa apolitisasyon, Blue Ladies na alta-sosyodad at bagong-yamang matrona na naging alipores ni Imelda, at si Marcos na humawak sa executive-legislative-judicial na sangay ng pamahalaan.
Sa kasalukuyang presidente, binabalik tayo hindi lamang sa literatura kundi sa realidad ng lumpeng realismo—ang estetika ng pagdarahop, kanya-kanyang kasagipan, malawakang pandarambong at kung gayon, masibong disenfrantsisasyon ng mamamayan. Ito ang jologs na realismo, dahil sistematiko ang pagpapa-jologs ng estado sa mamamayan nito—pinapaasa sa ukay-ukay o sa sandamakmak na balikbayan box na punong-puno ng ukay-ukay at diskwentong bagay mula sa ibang bansa para maging kosmopolitan, xerox ng libro-libro para makaakibat sa kaalaman sa iba’t ibang disiplina, na kakambal ng pagsagot ng cellphone sa FX o kalsada ay ang posibleng pagdanas ng karahasan—nakawan at maging pagpatay.
Marahas ang estado ng buhay sa estado ni Arroyo. Ang mga ito ay nagaganap dahil may iilang may kapangyarihan na makipag-golf habang nakikipag-deal ng laki ng kurakot sa prospektibong broadband company mula sa Tsina; o pananahimik kapalit ng milyones; at maging pagbukas ng bagong marine theme park sa araw ng pinakamalaking protesta laban kay Arroyo. Hindi naman ito nagsimula sa kanya pero ang kondisyon ng only-in-the-Philippines ay walang duda na masasabing mas tumingkad sa kanyang administrasyon.
Only-in-the-Philippines din na makalawang ulit na ginamit ang kapangyarihan ni Greyskull at nag-People Power para magpatalsik ng bangkaroteng presidente. Only-in-the-Philippines na namumbalik ang elitistang kaayusan ng estado, walang makabuluhang panlipunang pagbabagong naganap. At only-in-the-Philippines na ang kasalukuyang presidenteng iniluklok sa ikalawang People Power ay magiging gahamang buwayang walang kabusugan. Moderate your greed, at isa na naman itong only-in-the-Philippines na inbokasyon.
Pero maging sa global na kondisyon—only-in-the-Philippines na may militanteng kilusang masa na handang makipag-alyansa para mapalawak ang pwersa ng muli’t muling pakikipagtunggali sa estado, na may kasangkapang rebolusyon bilang lehitimong kapamaraanan sa panlipunang transformasyon, na may ilang henerasyong aktibismo at aktibista na handang magsilbi pa rin sa interes ng nakararaming isinantabi at inetsapwerang mamamayan. At dahil dito, ito ang isa pang katangian ng only-in-the-Philippines, na ang bawat sintomas at karanasan ay kakanyahan at kahandaan para sa malawakang transformasyon ng lipunan at kasaysayan. At ito ang nabubuong kontribusyon ng sambayanang Filipino sa pandaigdigang pakikibakang pang-uri.
1 comment:
tol i-link mo naman ako dito sa blog ng mararangal na academicians. hehe.
http://absurdrepublic.blogspot.com
Post a Comment