Friday, March 28, 2008

Ano ang ginawa ko noong bakasyon? Pasintabi Column






imahen mula gracemagazine.wordpress.com/.../
www.arkibongbayan.org/2007-07July23-SONA-2/mo...

youngradicals.blogspot.com/
www.lfs.ph/category/burningissues/
www.regalmultimedia.net/shop/items.php?id=48721

Ano ang ginawa ko noong bakasyon?

Sa pagsisimula ng klase, ito ang parating unang theme paper na pinapagawa sa amin sa high school. Mapapaisip tuloy ako kung ano nga ba ang nangyari sa nakaraang bakasyon na pwede kong sulatin bilang makabuluhan. At kahit taon-taon itong ipagawa, parang hindi naman napapaghandaan dahil napapaisip pa rin kung ano ang karapat-dapat na isulat.

Makabuluhan ang unang kwarto ng taon sa politikal na pakikibaka. Sa sustenidong pagkilos sa unang tatlong buwan ng taon, maaninag ang simulain at kahahantungan ng politikal na transformasyon. Ang First Quarter Storm ay nagbunsod ng malawakang pwersa ng kilusang masa, na tinangkang supilin ni Marcos sa pagdeklara ng martial law. Napatalsik sina Marcos at Estrada sa unang kwarto ng taon.

Marahil, dahil kasagsagan ito ng pagtatapos ng semester at academic year. Mahalaga ang papel ng kabataan at estudyante. Pero hindi pa napapahinog ang kasalukuyang kalagayang politikal, na siya ring kaakibat na katangian ng buhay kabataan at estudyante. Bigla, ang utak ng mga tao ay bakasyon na.

Ang bakasyon ay mahalaga lang sa hanay ng estudyante at sa mga guro. Sila lang ang nagtatamasa ng dalawang buwang bakasyon. Sa guro pa nga, nagtratrabaho pa rin dahil ang eleksyon ay parating sa Mayo, ang training ay sa ganitong mga buwan din, at pati ang paghahanda sa susunod na akademikong taon. At kung wala namang kapasidad pumunta ng Hong Kong Disneyland, ang bakasyon ay nangangahulugan lang nang pagtunganga sa loob ng dalawang buwan.

Anong ligaya ng buhay na ito? Tila ito ang aginaldo ng estado habang bata pa.
Binibigyan ka ng dalawang buwan na para sa iyo lamang. Kung nasa modernong bansa ka, ito ang panahon para maglakbay sa mundo, makadanas ng ibang kultura. O magpakagaling sa sports at iba pang hobbies, matuklasan ang iba pang aspekto ng buhay. Kung nasa mahirap kang bansa, ito ang panahong tutulong ka sa paghahanapbuhay. Kung nasa gitnang uri ka sa mahirap na bansa, ikaw ay tutunganga dahil luho mo ito.

Paano ka makakatunganga kung ang pondo para sa iyong edukasyon ay sistematikong dinarambong ng estado? Una, ikatlong bahagi nito ay ipinapambayad-interes sa dayuhan utang; ikalawa, ang ikatlong bahagi ay kinukurakot; at ikatlo, ang natitirang maliit na bahagi ay inilalaan para paghatian nang mayoryang nakararaming naghihirap. Magugulat pa ba tayo sa masakit na panooring sagot ni Janina San Miguel sa question-and-answer portion ng nakaraang Bb. Pilipinas? Ang kanyang pagtatangkang mag-ingles pa rin kahit na balubaluktot, ang pagiging poised pa rin kahit na binu-boo siya sa Araneta Coliseum, at ang mas kahindik-hindik niyang pagkapanalo?

Iilan ang may pisikal na ganda para maging Bb. Pilipinas? At iilan ang kasama sa tatlong porsyentong pumapasa para maging call center agent? O mga doctor at nurses na ok na maging caregivers sa mas mayamang bansang magbabayad ng mas malaking sahod? Sa isang milyong graduates kada taon, 400,000 lang ang makakakuha, kahit pa underemployed, ng trabaho.

At kapag dumating ang estudyante sa kanyang huling bakasyon bago mag-graduate at magtrabaho, o mag-dropout at magtrabaho, nakaplakda na ang kanyang abang kinabukasan. Bakit napapatunganga pa rin? Malapit nang dumating ang yugto ng buhay na ang bakasyon ay hindi na luho. Na kapag hindi makakita ng trabaho, ito na ang natitiyak na estado ng agam-agam sa sariling buhay.

Mas may kagyat na dahilan kung bakit hindi tumunganga ngayong bakasyon. Hindi dapat mapatid ang momentum sa pagpapatalsik kay Gloria Arroyo, ang pinakamasahol na presidente sa sektor ng edukasyon na naglagay sa atin sa predikamento ng kawalang pag-asa. At sa mas malaking usapin sa utang sa mamamayan, ang malawakang pangungurakot ng kanyang pinamumunuang mafia na hanggang ngayon ay patuloy pa ring sistematikong itinatago sa pagiging pampamahalaang sikreto ang mga kaso hinggil dito.

Kaya sa diwa ng pagprotesta laban sa pinakamalakas na bigwas sa sektor ng edukasyon, sa pagtatakda ng ibang kinabukasan para sa hanay at sa sambayanan, ipagpatuloy ang pagmulat, pagkilos at pag-organisa sa loob at labas ng ating hanay. Na hindi nagbabakasyon ang pandarambong ng estado kaya hindi rin tayo dapat manamlay at hayaan iba na lamang ang kumilos para sa atin.

Kung sa pelikula, ang bakasyon ay synonymous sa rite-of-passage—ang Summer Love ng Regal Babies dati ang aking naiisip—sa aktwal na buhay ay mas tahimik ang pag-agos ng buhay. Ngayong ako ay guro na, at kapag ako ay nag-require ng ganitong unang theme paper sa Hunyo, mapapangiti ako kapag may nagsulat na nag-integrate silang mga estudyante sa komunidad, pabrika at kanayunan. Nag-aral, nagbigay ng pag-aaral, tumalakay sa pambansang kalagayan. Pumuna sa sarili. Nagtasa at nagplano.

Ito ang makabuluhang summer vacation.

No comments: