imahen mula sa villageidiotsavant.blogspot.com/2007/01/ee-he...
es.geocities.com/eiga9/articulos/obscenity.html
gaygamer.net/2006/
Pornograpiya sa Pilipinas at
Magkaiba ang tradisyon ng pornograpiya ng dalawang bansa. Sa Pilipinas, walang hard-core, maliban doon sa panahon ng “penekula” (penetration + pelikula) na ang mga aktwal na penetration scene ay patakas na ibinabalik sa rolyo ng pelikula kapag ito ay lumabas na sa third-run at probinsya na sinehan. Kasagsagan ito ng krisis ni Marcos, matapos patayin si Ninoy Aquino sa tarmac, at pinabayaan lamang ito ng sensura para idisimulado ang krisis ng pamunuan. Ang tanging hard-core porn ay gawa para sa ibang audience, tulad ng Manila Scandal series na para sa Korean market o man-to-man para sa exotic niche gay market ng Kanluran.
Sa
Kaya pati sa magazines ay pixilated ang mga ari, kundi man enhanced graphically para maging nakatago. Kakatwa ito dahil lantaran ang ibang uri ng sex practices, tulad ng rape at gang-rape, incest, bondage, molestation, sexual harassment at iba pa, sa ibang media. Sa anime at manga (dahil drawing lang naman ito) ay maari ang displey ang ipinagbabawal na bahagi ng anatomiya ng tao. At tila wala naman kiyeme sa ganitong uri ng pornograpiya dahil walang paghuhusga ang mga tao sa mga nagbabasa nito sa bus at convenience stores, o ito ang mga babasahin sa friendly-neighborhood family restaurants.
Bawal sa Pilipinas maging ang pornograpiya gayong wala namang malinaw na batas na nagsasaad ng sakop at limitasyon nito. O maaring mayroon pero mahina ang implementasyon. Sa aking pagkakaalam, ang MTRCB (Movies and Television Review and Classification Board) ay para sa broadcast media lamang. Pulis ang nanghuhuli sa mga dancer na na nagsasayaw ng nakahubo’t hubad, maging ang pinaghihinalaang kalahok sa sex work sa kalsada at kasa.
Ang naiisip kong katumbas na parusa ay sa paraan pa ng pagdisiplina o rehimentasyon ng sistema ng pagpapahalaga sa pornograpiya. Ito ang bansa na sinusunog ang magazin at tabloid na tinataguriang malaswa. Na para rin itong kasalukuyang dharma ng Opticals Board pagdating sa pirated DVDs. Daan-daang libo ang pinapadaanan ng pison. Na kakatwa dahil sino ang nagbibilang? Na tulad pa sa pagpapakita ng bawal na droga—tulad ng shabu at marijuana—sa presscon ng pulis at militar, sino ang nakakatiyak na ito nga ang aktwal na ipinagbabawal na elemento?
Ang ginagawang pagbabawal sa pornograpiya ay tulad ng iba pang krimeng may ipinagbabawal. Idinidispley ang bawal para iwasan at hindi tularan gayong ang may hawak lang ng pulis na kapangyarihan ang nagsasaad sa atin na paniwalaan sila kahit hindi natin aktwal na nakikita ang idinidispley nila. Ang mga naronda sa isang maralitang komunidad, lalo na ng Moro, ay ididispley bilang pinaghihinalaang terorista at kriminal. Ang mga babaeng nireyd sa bar at kalsada, tulad ng Quezon Avenue, ay ididispley sa loob ng pulisya, sabay ang retorikal na gesture na may pulis o nabiktimang nagtuturo sa katawan ng hinuhusgahang kriminal.
Ang inbokasyon ng hinusgahang kriminal ay ritualisasyon at rehimentasyon ng krimen. Hindi mahalaga na hindi aktwal na pinagbabawal ang dinidispley, ang akto ang inilalagay sa parametro ng legalisasyon, ng bawal at hindi karapat-dapat. Kriminal ito dahil may krimen itong ginawa. Na nakapagpaalaala sa akin sa isang kaibigang bading na ayaw pumunta sa gay bar sa takot na mareyd ito. Natatakot itong makuhanan ng crew ng telebisyon at masira ang pagkatao niya sa unibersidad na pinagtuturuan at iba pang lugar. Hindi pa man aktwal na ginagawa, nagtagumpay na ang internalisasyon ng ganitong rehimentasyon ng krimen. Pero ano ang krimen na nagawa at ayaw nang gawin pa dahil krimen nga ito?
Wala. Pero dahil sa balita sa photojournalism at telebisyon, ang wala ay nagiging mayroon, at ang mayroon ay nagiging ipinagbabawal. Sa isang bansang wala namang hard-core na pornograpiya, na ang komersyal na pelikulang bomba na natutunghayan sa pelikula, kung iisipin, ay para na lamang perversyon sa aktwal na konsepto ng pornograpiya (pwedeng makita ng utong basta may saplot, kahit pa basang kamison; split second lang ang displey ng ari ng lalake; isang suso lang ang pwedeng makita; bawal ang matagalang pagtiwangwang ng anumang nakahubo), ano pa ang ipinagbabawal sa ating makita?
Ang dinidisiplina ay ang paraan ng pagkita, ang kulturang biswal sa pagdanas. Sa diskursong Kanluran, ang kulturang biswal ang pinakamahalagang batayan ng katotohanan. Kung sa batas, kailangang may maaasahang saksi sa naganap na krimen. Bahagi ang media sa pagdanas, ang kanilang imahen ay ebidensya, tulad rin ng pagsaksi ng nakakita sa kaganapan. Naalaala ko ang ilang mga estudyante na umaangal sa kanilang grado. Kapag ipinakita ko ang record book at ang mga numerong naging batayan ng kanilang inaakalang mababang grado, wala nang argumento pa. Natatanggap na lang kahit pa ang ilang subhetibong kondisyon sa paggragrado. Ebidensya ang record book, na tulad ng sa pornograpiya ay ebidensya na mayroong hangganang itinatakda.
Sa
Sa Pilipinas, walang manonood ng bomba na pelikula na naka-chin up na bibili ng tiket at papasok sa lobby ng sinehan. Nakatungo rin itong papasok sa motel. O sa lalim ng gabi panonoorin sa low volume ang pirated porn na nabili sa Quiapo. Pribatisado itong mga akto pero para sa pulis, may mawawari pa ring akusasyon para gawing iligal itong pagdanas. Tingi nga lang ang pornograpiya, patago pang dinadanas dahil said sa pag-aproba ng lipunan, gayunpaman, bawal pa rin. At namatay na nga ang natitirang heterosexual na bomba sa komersyal na sinehan, na sa dami ng bilang ng produksyon ay bumuhay sa industriya ng pelikula sa bansa.
Ang kakatwa sa “pornograpiya” sa bansa, ang aktwal na katawan ang pinapahalagahang ikriminalisa. Hindi nakukulong ang artista o prodyuser, maging ang videographer at make-up artist na kalahok sa produksyon. Ang krinikriminalisa ay ang aktwal na naghuhubad, tulad sa massage parlor, gay bar at night clubs. Hindi ang mga katawang naging imahen ng pornograpiya sa pelikula at DVDs. At maliban dito, ang nagbebenta ng pirated porn ay aarestuhin hindi pa dahil nagbebenta ng porn, kundi dahil nagbebenta ng pirated DVD.
Pero magkagayunpaman, may takot parati sa karanasan sa pornograpiya, na tulad ng karanasan sa droga at pagpatay, inaakalang hindi naman kailangang gawin para malamang bawal ang mga ito. At dahil sa tagumpay ng estado na paniwalain ang nakararami sa ipinagbabawal na karanasan, marami ang naniniwalang kailangan at dapat nga itong ipagbawal.
Kung sa “maliit” na usapin ng pornograpiya ay reaksyon ng estado ang ating sinasambit, ano pa kaya sa mas malaking usapin ng pornograpiya ng kasalukuyang administrasyon? Ang ebidensya ng kalabisan ay nagpapatong-patong na: $130 milyon ang inaasahang ganansya sa korapsyon sa broadband scandal, $20 milyon ay naisuhol na raw; na nadagdagan ng 700,000 pamilya o kabuuang 32.9 porsyento (isa sa tatlong pamilya) ng populasyon ang naghihirap sa loob ng tatlong taon; at ito ay nakabatay pa, ayon sa mismong National Statistical Coordination Board, sa napakababang P41.25 na arawang budget para mabuhay raw ang inbidwal nang maayos; at ang palitan ng pabor sa Spratly Islands. Bukod pa rito ang nakaraan nang pandaraya sa eleksyon, panunuhol, at iba pang katiwalian ng kasalukuyang administrasyon.
Pero wala pang biswal na ebidensya. Wala pang Clarissa Ocampo na magsasaad na nakita niyang pinirmahan ni Joseph Estrada ng Jose Velarde ang papeles na magpapatunay ng pangungubra nito ng jueteng. O mga empelyado ng Commission on Elections na nag-walkout sa dayaang ipinapagawa sa kanila sa bilangan sa PICC sa snap election ni Marcos. Ito ang bomba na nagtatago, at nawawala ang pangunahing bomba star tuwing may bombang skandalo.
Wala pa ang bomba pero nandito na ang bomba. Ipinaloob na tayo ng bomba queen sa kanyang pornograpiya. Kailangan nating mag-ibang labor. Magmulat, magpakilos at mag-organisa nang makaalpas tayo sa halina (sic) ng bomba queen, at nang mas marami pa ang makakita ang ayaw ipakita. Mabuhay ang hecklers, ang tumatangkilik para balikwasin ang pasulpot-sulpot na bomba star na magdadalawang-isip sa susunod na nais magpakita. Mabuhay ang mga nagpapatuloy na magmartsa at kumilos, na ang winawalang kriminal at krimen ay ginagawang aktwal at historikal ang pagtutuos.
Sa huling usapin, ang imahen ng nagkakaisang sambayanan sa kalsada ang magkrikriminalisa sa aktwal na krimeng hatid ng bomba queen. Ito ang biswal na ebidensya ng ating pagiging saksi sa kasalukuyang pambansang kasaysayang sandali.
No comments:
Post a Comment