imahen mula sa kimatpower.blogspot.com/
www.industrialfunk.com/
Mobilidad sa Imobilidad
Sa magic ng internet, ang tao ay nagiging surfer-dude: nakakapaglakbay sa iba’t ibang agos na kanyang nais patunguhan: porn, gaming, blog, social network, streaming, aktibismo, at saliksik sa sites.
Virtual ang mundo ng pagnanasang mobilidad, o pumalaot sa mas mataas ng estado ng buhay, at sa mundong ito, virtual (instant, ligtas at sterile) ang gratifiskasyon. Sa aktwal na buhay, sa panahon ng dumadagundong na kolektibong pagnanasang historikal—ang magkaroon ng ibang moral na mamumuno, ang mapalitan ang kasalukuyang bangkaroteng presidente—hindi mabilisan ang gratifikasyon. Wala ang mahalagang bilang at kalidad ng kritikal na masa kung nakakapag-istima pa sila sa harap ng computer.
Wala rin ang malawakang publikong magdadala ng bilang na kakailanganin para sa tipping point—ang pagpapawala ng patumpik-tumpik ng mga institusyon tulad ng simbahang Katoliko, at ang pagbabalikwas sa posisyong maka-status quo ng military at politikong nabibiyayaan ng sistema ni Arroyo. Maging ang masa ay nakokonsumo sa rehimentasyon ng pang-araw-araw na pagkahig at pagtuka, at sa pagitan nito, ang media na mala-Cinderellang a la Mexicana, magsa-Palos na military intelligence, o sopistikadong Lupin na Robin Hood ng masa ang isinisiwalat na behikulo ng imahinaryong mobilidad.
Ang napagdiinan ng neoliberalismo ni Arroyo ay isapribitisado ang pagnanasang mobilidad. Kanya-kanya tayong naghahanap ng katubusan sa ating sistematikong inaabang kalagayan gayong ang mayayaman ay sistematikong napapayaman sa pangungurakot ng status quo. At hanggang sa puntong mapalitan si Arroyo, wala tayong magawa. Pinatatanggap na lamang sa atin ang pinakamasahol na antas ng pambubusabos sa yaman ng bayan—huwag kalimutang ang sistemikong pagdarambog sa karapatang pantao—dahil labas ito sa pribatisadong mundo ng indibidwal.
Naghihikahos pero parang hindi sistemiko ang dahilan. Nagnanasang makaalpas pero pang-indibidwal lamang. Anong ligaya ng gloria ni Arroyo! Ilang beses na itong nabitag ng sariling gawa sa pandaraya at pandarambong. Pero para pa rin itong (a la Palos na) kumportableng namumuno sa toreng gahum: nakakatulog pa rin ng pitong oras sa gabi, ika nga niya. O siya nga ba?
Naisakatuparan ng neoliberalismo ni Arroyo na tuntunan ang aktwal na buhay bilang virtual na realidad—nakikipagdebate sa loob ng publikong spero ng internet, nag-o-online petition signing, online candle-lighting protest, nagfo-forward ng statements na tulad sa aktwal na rally, kundi ginagawang saping uupuan sa kalsada ay inuuwi at itinatambak lamang sa loob ng folder, at iba pa. Kakatwa ang neoliberalismo ni Arroyo dahil sa pamamagitan ng kanyang aksyon ay naibalik niya ang malalaking igpaw (isa ring malaking raw) sa pambansang pag-unlad. At lalong kakatwa na sa taon-taong sinasabi niya at ng kanyang ekonomikong figura na umuunlad ang ekonomiya ay tila mas lalong naghihirap ang mamamayan. Paano nangyari ito?
Malinaw na wala sa konsiderasyon ng pambansang ekonomiya ni Arroyo ang ordinaryong mamamayang pinapanaginip ng aktwal na charity para sa karapat-dapat na iilang mabibiyayaan ng media-ops ni Arroyo, lalo na panahon ng pagdanas nito ng matinding politikal na krisis. Mas masahol pa ito sa sistematikong pangungubkob sa pamamagitan ng legal at patagong suhol sa lokal na politiko—kagawad hanggang mayor at gobernador at siempre, lalo na ang representatibo sa kongreso—na para lang dummies na handang sambitin ang kanilang pledge of allegiance sa periodikong i-require ni Arroyo.
Nag-close ranks na ang kanyang kabinete, hindi na mangyayari ang Hyatt 10 na sabay-sabay tumiwalag ang miyembro ng kabinete sa gitna ng “Hello, Garci?” scandal. Pati ang pulis at militar ay nagbanta sa kanilang hanay: sumali sa rally at mawalan ng trabaho. Sino pa ba ang walang posisyon sa yugtong ito?
Pero bakit hindi pa umaabot sa kritikal na masa at bilang ang dumadalo sa rally? Bakit natatagalan ang susunod sa serye ng People Power? Kung sa virtual na realidad, alam mo na kung talo o panalo ka sa computer game, kung matatalo mo ang tusong kalaban, at kung gayon ay naibsan na ang iyong pagnanasang mobilidad—aangat o hindi—sa aktwal na kasaysayan ay antayan ng nakararami. Sasama kung may kumpiyansang hindi ito nag-iisa, at kung nakakatiyak sa aktwal na pagpapatalsik si Arroyo.
Ang internet ay isang hypertext. Maraming windows na nabubuksan, hindi linear ang pagtunghay sa mga pahina ng web. Purposive, kahit pa dahil sa pagkaburyong, ang pagsu-surf. Ang realidad ni Arroyo ay gawin ding hypertext ang kanyang panunungkulan. Kahit pa magkasabit-sabit sa kung ano-anong malalaking skandalo, naunahan na niyang isapribatisado ang indibidwal na hypertext: gawing masalimuot ang mundo ng bawat mamamayan na makokonsumo sa aktwal na paghihikahos, na ang tanging resolusyon para makaangat ay ang fantasyang dulot ng mobilidad na pinapatunghay sa media, lalo pa’t ang aktibismo—na sistematikong isinapanganib at kriminalisa ni Arroyo—ay hindi pa nagiging opsyon sa kritikal at nakakaraming bilang.
Ito ang panahon ng pagpaparami ng hanay: pagtataas ng kamulatan, pagpapakilos at pag-oorganisa. Kailangang may maunang kumilos at paratihang mag-rally. Kailangang kumprehensibo ang prop, malikahain sa pagpapataas ng kamulatan. At kailangan ang napakilos ay magpatibay sa pinalalawak na hanay ng organisadong sektor. At lahat ng ito, ang kahilingan ng yugto ng kasaysayan, ay mabilisan. Ang pagkilos sa kasalukuyang panahon ay ang transformatibo sa mobilidad—ang pagbitag kay Arroyo para ang kanyang mobilidad ay maging imobilidad.
Virtual man ang realidad na isiniwalat ng politikal at kultural na pribatisasyon ni Arroyo, ang papel ng aktibismo at kilusang masa ay gawing aktwal ang virtual—historikal ang kaganapang farcical sa pambansang politika. Parang nandiyan na at malalasap na ang kolektibong aspirasyon—ang aktwal na mobilidad sa pamamagitan ng aktwal na mobilisasyon. Sa paratihan, ang hanay ng organisadong kilusang masa naman ang uhay na nagbubunga ng kritikal na masa. Mas maraming aktibista, mas mabilis ang realisasyon ng kagyat na politikal na transformasyon—ang pagpapatalsik kay Arroyo.
Kaya humayo at magparami.
No comments:
Post a Comment