Monday, January 21, 2008

Unang Snow sa Kyoto, mula sa balkon at sampayan, Shugakuin, 17 Jan 08



Mendiola ng buhay natin, Pasintabi Column




pix mula sa redstarimages.wordpress.com/2006/07/

news.bbc.co.uk/2/hi/in_pictures/5063994.stm

www.geocities.com/hkpaa/ind_trip001_000315.htm

Mendiola ng buhay natin

Malalaki ang bilang na dumadalo ng mga rali noon. Libo-libo, madalas umaabot din ng daan-daang libo. Kasagsagan pa ng People Power I, at kahit pa marami nang nanamlay sa kilusan at bumalik sa gawi ng gitnang uring pagnanasa, mas marami ang nanatili sa hanay.

Nasa kilusang kabataan at estudyante ako noong 1987, kasama ng College Editors Guild of the Philippines. Sa panahong ito, pinapalawak ang pambansang kasapian. Binubuhay ang mga rehiyon at eskwelahang nawalan ng ugnay sa organisasyon. Pinapaigting rin ang ugnay sa iba pang organisasyong pangkabataan at iba pang sektor.

Malaki ang bulto ng nagrali. Ang daming magsasakang nangunguna sa rali, galing sa iba’t ibang lugar ng Luzon. Karamihan, nakatsinelas lang. Umabot ang rali hanggang sa sandaan ng Claro M. Recto at J.P. Rizal. Ito ang paanan ng tulay ng Mendiola, at ang maiikling kalsada ng Mendiola.

Nasa harap kami ng U.E., at ito na nga ang kahiya-hiyang unibersidad na ang harapan ay ginawang sine at mall. Walang dangal na ang pangunahing harap ng unibersidad na kilala sa disenyong art deco ay biglang naging mall. May Jollibee sa bukana rin ng kampus.

Bigla na lang may putukan sa harapan. Ang kalakhan ng nasa rali ay nagsipagdapaan sa kalsada. Nagtaka ako, nakisigaw ng “Makibaka, huwag matakot.” At ilang mabilis na sandali pa ay nagkakandakumahog ang mga tao sa pagtakbo paatras. Naririnig kong nagpapatuloy ang putukan. Sunod-sunod, parang armalite. Malakas at nakakapangilabot na ang amoy ng kumakalat na tear gas. Ang daming ginamit ng militar para umamoy hanggang sa tinatakbuhan naming sa Recto. Tumungo kami sa gilid ng kalsada sa aming pagtakbo. Sa Recto kasi, maliban sa unang palapag, ang ibang palapag ay nakalabas sa sidewalk. Inisip kong mas ligtas ito kaysa tumakbo sa mismong kalsada.

Kumaliwa kami ng karipas sa Morayta tapos ay sa isang institute sa kabila ng Quezon Boulevard. Doon nagtipon ang mga dinisperse sa rali. Nagkaroon ng komand na tumungo sa Liwasang Bonifacio. Hindi pa malinaw na marami na palang namatay at nangasugatan sa paanan ng Mendiola.

Sa Liwasang Bonifacio, nagsimula rin ang programa. Kabado ang marami pero nagpatuloy pa rin ang nagsasalita sa ibabaw ng jeep. Biglang may pulutong ng militar na sumunod sa Mendiola. Patuloy pa rin ang pagbatikos sa dispersal ng nagsasalita. Nagsimula muli ang putukan. Hanggang dito ba naman ay sistematikong dini-disperse ang rali. Tumakbo kami sa likod ng Post Office, umabot sa likod ng National Press Club.

Mangilan-ngilan na lang kami at natagpuan namin ang aming sarili na nasa ibabaw ng nakadaong na barge sa Pasig River. Mahapdi na ang mga mata namin dahil sa dami ng tear gas na pinasabog para matiyak ang pangalawang dispersal. May nakaisip na sumalok ng tubig sa ilog at gamitin ito para basain ang panyo at ipantapal sa mata. Naisip kong hindi nga kami mamamatay sa putok ng baril, mamamatay naman kami sa tetano dahil sa dumi ng tubig. Pero ito o lalo pang humapdi ang mga mata.

Sumakay akong papunta ng Faura at doon ay sumakay ng jeep pauwi sa Mandaluyong. May komand na huwag matulog sa sariling bahay, bilang pag-iingat sa hindi natatanyang pangyayari. Nakitulog ako sa kaibigan sa Makati. Tinatawid ng bangka ang bahaging ito ng Pasig River para makarating sa bahay ng kaibigan ko.

Mainit ang sabaw ng nilagang buto-buto. At totoo namang sabaw na lang ang naging ulam ko dahil biglaan ang aking pagdating. Ikinuwento ko ang pangyayari sa kaibigan kong manunulat at siya man ay may balita batay sa nasagap niya sa radyo at telebisyon. Nakinig din kami ng radyo bago ako natulog sa sala.

Dalawang beses pang mauulit ang mahabang araw na may kinalaman sa Mendiola. Una ay ang libing ni Rolando Olalia mga anim na buwan pa lamang matapos ng matagumpay na People Power. Mula sa U.P. Chapel at bago ilibing sa sementeryo sa Mandaluyong, idinaan ang bangkay ni Olalia at ng kasamang pinaslang nito sa Mendiola. Ikalawa ay ilang buwan lamang matapos ng tinawag na Mendiola Massacre, inilibing naman ang pinaslang na lider estudyante na si Lean Alejandro. Mula U.P. Chapel, nagmartsa ang daan-daang libo sa Mendiola bago ihatid sa Malabon.

Ang Mendiola ay dambana ng kontemporaryong pakikibaka ng mamamayan. Dito sa kanyang paanan, namumulat ang daan-daang libong nakikibahagi sa kolektibong karanasan sa kilusang pakikibaka. Dito sila inaalay, namumulat, idinadaan bago ilibing, nagiging martir at anak ng bayan. Dito sinisingil ang tampok na simbolo ng estado. Ang maikling daan ng Mendiola—sa pagitan ng magkabilang dulo ng Malakanyang at sambayanan—ay ang saksi sa digmaang-estado.

Videoke at Kagalingan sa Panggagaya, KPK Column






pix mula sa www.buy.com/.../q/loc/18250/204081883.html
www.istockphoto.com/file_closeup/who/518381_k...
www.fujifilmusa.com/JSP/fuji/epartners/PREven...

Videoke at Kagalingan sa Panggagaya

Balita ang mala-Cinderella pagkatuklas kay Arnel Pineda, dating tipikal na nagbabanda sa bansa, ang kanyang grupong Zoo, ngayo’y papasok na lead singer ng kilalang Amerikanong bandang Journey. Nagsu-surf sa internet ang guitaristang Neal Schon, pumasok sa You-Tube, ang site na pwedeng mag-upload, stream at download ng maiigsing videos. Ilang araw na itong nagsu-surf nang maakita niya ang banda ni Arnel, tumutugtog ng carrier hits “Faithfully” at “Don’t Stop Believing.”

Hindi ito na-impress sa mga musikero, ang nakatawag-pansin sa kanya ay ang tinig ni Arnel, na kapag pumikit ang mga mata ay plakado kay Steve Perry, ang orihinal na bokalista ng banda. At ito ang kwento ng discovery sa edad ng internet. Hindi na glass slipper ang iniiwan ni Cinderella, kundi file sa You-Tube, na hindi naman talaga nangangako ng katubusan o kadakilaan, pero hindi ba, tila itong pagkatuklas mula obskuridad tungo sa global na rekognisyon ang best scenario?

Ang isang stereotype ng Filipino sa labas ng bansa ay kung hindi katulong at nurse, ito ay singer. Sa mga pagtitipon na may karaoke, parating inaantay ang Filipinong dumalo dahil inaasahan na siya ay magaling kumanta. May historikal na batayan ang pananaw na ganito—pagkatapos ng World War II, ang mga jazz musicians, dahil na rin sa legacy ng kolonialismong Amerikano, ay mga Filipino sa Hong Kong at Japan; sa kasalukuyan, karamihan ng banda sa mga hotel at nightclub sa Asia ay Filipino ang mga kasapi; si Lea Salonga ang naging unang Miss Saigon, at maraming Filipino at dugong Filipino ang naging bahagi ng ensemble ng Broadway hit na ito; parating may napapasamang finalist sa American Idol na contest-show; at tulad ng mga Filipinang contestant sa Miss Universe, parating may nananalo, bagamat hindi kasing tanyag ang kontest, sa mga internasyonal na kompetisyon sa pag-awit; ang pinakahuli ay si Vincent Bueno, nanalo sa Musical! The Show sa Austria.

May bagong ipinapakilalang subkapital ang Filipino. Ang kapital ay ang kapasidad ng isang bagay na makapag-attract ng finansyal na kita, magpaunlad sa sarili, makapag-exploit, at makonsentralisado ng kita. Dati ay lupa at pera ang mga naunang uri ng kapital. Pumasok ang intelektwal na kapital na dahil sa dunong at kasanayan sa espesyalisadong disiplina ay maari na ring magkaroon ng akses sa yaman. Matapos ay kinilala ang sosyal na kapital na nakabatay naman sa status sa lipunan o ng mga kakilala sa lipunan bilang susi sa mobilidad.

Sa kasalukuyan, sa edad ng migration at diaspora, mas global na umunlad ang corporeal o body capital, ang paggamit sa katawan sa larangan ng service sector—tulad ng entertainment, health care, tourism, at iba pa—na siyang diin ng kasalukuyang global na finansyal na investment. Ang ipinakikilala ng mga Filipino ay tinig at pandinig na subkapital. Pandinig, dahil kahit hindi nakapag-aral sa music conservatory, ay kayang kapain ang mga nota sa guitara, tambol o piano. Tinig dahil tulad ng napakinggan kong Filipinong banda sa Penang, malawak ang repertoire ng mga singer, at malapit sa orihinal.

Pero sa huling pagtutuos, ang kagalingang magpalago ng spektakular na gitnang uring katawan, pera at kita, makapangibang-bayan, mapasali at manalo sa kontest, at ma-discover sa You-tube ay hindi ang pagiging orihinal nang pandinig at tinig, kundi ang pagiging orihinaryo nito. Ibig sabihin, plakado sa otentikong nagpasimula ng awit ang pagtugtog at pag-awit. At sa dalawa, kinikilalang mas mataas ang posisyon ng singer kaysa sa musician. Plakado—walang formal na training pero parang profesyonal ang dating; hindi kamukha ni Steve Perry pero parang si Steve Perry ang umaawit, kung ipipikit mo lamang ang iyong mga mata. Kailangang may suspension of disbelief, tulad ng panonood ng pelikula. Sa tagapakinig at audience, alam mong hindi ito orihinal pero namamangha ka dahil gusto mong mamangha na kayang kopyahin ang orihinal.

Ang kapangyarihang mag-xerox ang kagalingan (skill) ng Filipinong singer. Kung gayon, ang karaoke ang pangunahing aparato na nagpapaunlad ng kanyang kagalingan tungo sa kapangyarihang makapag-xerox. Hindi siya ang kopya ng kopya; siya ang operator ng makina na kumokopya, na kayang gawing tila orihinal ang xerox na libro, tulad ng nagagawa ng xerox machine operators sa Shopping Center ng U.P.

Sa karaoke, ginigiya siya ng mga letrang umuugma sa tempo ng musika. May score siya, at may rekomendasyon sa pagpuri at pagbatikos. Kailangan lang ay malakas ang boses, at plakadong nakakasabay ang kanyang tinig sa titik sa screen. Makina ang kumukumpas, at ang pag-awit sa bawat seleksyon ang naghuhudyat ng kanyang kagalingan o ang pagtigil ng kantyaw na muli’t muling umawit. Hindi ba ritwal sa karaoke na ang lahat ng dumalo ay umawit?

Kaya nga hindi ako umaawit sa karaoke. Mas may mystery na hindi iparinig ang tinig kaysa iparinig ang sintunadong tinig, at nang sa gayon ay di na pantay na inilalapat ang pagkantyaw sa lahat. Sa kalaunan ng sesyon sa karaoke, tanging ang may mga tinig na plakado ang sinusulsulan na muli’t muling umawit.

Pero ang karaoke mismo ay isang pagtatanghal. Hindi ka aawit ng una mong seleksyon na bago. Ang unang inaawit sa karaoke ay yaong naawit na—napraktis at napagbuti nang husto, at ang pag-awit sa karaoke ay paghudyat ng kagalingan, at masteri nito. Kaya ang karaoke ay umaalinsunod sa dalawang phantom ng panggagaya: una, ang ginagaya ay ang tempo ng makina; at ikalawa, ang tempo ng makina ay ginagaya ang bersyon ng mga mang-aawit. Hindi ba’t may iba’t ibang bersyon ang ilang seleksyon: panlalake at pambabae, bersyon ng Beatles at ng bagong bandang nag-ulit nito? Kaya ang umaawit ay nagtutuloy sa bersyon ng makina at bersyon ng awtentikong singer.

Kwento ni Arnel nang tumungo siya para makilala ang nag-recruit sa kanya sa Journey at ang mga magiging kabanda niya, nag-tutorial siya ng ingles, ng enunciation; sinukatan na siya para sa mga damit na susuotin niya. Ginawa na siyang mini-Steve Perry, parang si Mini-me kay Austin Powers.

Pero sa huli, kahit anong masteri sa panggagaya, hindi pa rin lubos na magiging orihinal. Ito ang sumpa at posibilidad ng mga operator ng xerox machine at karaoke.

Habang inaantay ang naligaw na Shirley, sa lugar na pinagsasaniban ng Kawa River, Kyoto, 10 Jan 08















Tuesday, January 15, 2008

Lason at Reporma sa Lupa, KPK Column

pix mula sa www.photoman.co.kr/.../W.EugeneSmith.html


pix mula sa postcardheadlines.wordpress.com/2007/10/16/km189/

Lason at Reporma sa Lupa

May isang kwento tungkol sa lason na mercury na itinapon ng kompanyang Chisso sa Minamata Bay. Dalawampu’t pitong toneladang mercury compound ang kanilang pinakawalan galing sa pabrika mula 1932 hanggang 1968. Ang mga pusang nalason, sa sobrang sakit ng katawan, ay tumatalon sa dagat at nagpapakamatay. Ang mga ibon ay nangangahulog na patay mula sa langit.

Ang inaatake ng mercury ay ang nervous system. Akala ng mga tao ay nababaliw ang mga naghihiyawang biktima ng pagkalason. Humihiyaw pala ang mga nalason dahil sa sakit ng katawan at ulo. Ang mga buto ay masyadong lumutong at madadaling nababali dahil sa pagkalason. Ang mga ina ay nagsisilang ng mga supling na deformado ang mga katawan, lalaking panghabambuhay na kakailanganin ng medikal at pampamilyang atensyon.

Tulad ng panawagang reporma sa lupa ng mga magsasaka sa bansa, mahaba na ang panahong lumipas at wala pa ring tunay na repormang agraryo ang ipinapatupad. Sa ingles, ang idiomatiko ay “adding insult to injury.” Pinagkaitan na ng lupa, ginawang stockholders sa papel lamang ang mga magsasaka sa iba’t ibang land conversion scheme na programa ng gobyerno. Labis ang valuation at korapsyon sa lupa na hindi lubos na mababayaran ng magsasaka ang lupang kanilang aariin. Ito ay kung hindi kaagad nabwelta ng may-ari ang lupain na maging golf course, subdivision, special processing zone, o mall para hindi mapasaklaw sa land reform program.

Ang mga doktor na sumuporta sa mga magsasakang naapektuhan ng Minamata ay diniscredit ng korporasyon. Ang mga nagsampa ng kaso ay hinaras ng hoodlums. Noong 1993, 40 taon matapos ilatag ang kaso, wala pa ring desisyon ang korte sa halaga ng kompensasyon para sa biktima ng Minamata disease. Marami na ang nangamatay pero wala pa ring katarungan na nakakamit.

Ang ganitong skandalong walang sapat na pagsasara ang kwento ng ultra-modernong Japan. Sa Pilipinas, sinasabing may insureksyong nakaugnay sa usaping agraryo ang naganap sa mahabang kasaysayan ng kolonisasyon ng Kastila at Amerikano kada-dalawa’t kalahating taon. Ito naman ang pinakamalaking skandalong hindi masara-sara ng estado.

Kaya ang resulta ay mga panginoong maylupa ang nahahalal sa lehislatura, nagiging miyembro ng kabinete, nagiging negosyante at burgis komprador ng bansa. Paano aasahan ang pagbabago sa ganitong “chicken or egg” na predikamento?

Kung sa Minamata, mamamatay muna ang mga biktima at ang sibilyang nagkaso bago makatamo ng katarungan, sa Pilipinas, paano mo aantaying mamatay ang pinakamaraming bilang ng mamamayan? Hindi na nga inaantay mabawasan ang bilang, minamasaker pa ang mga nag-aaklas na magsasaka.

Labingtatlong magsasaka ang pinaslang at daan-daang iba pa ang nasugatan sa Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987. Matindi ang massacre na ito dahil hindi ininda ng pulis at militar ang media na nandoon sa pangyayaring iyon. Lumabas ang mga imahen ng mga walang buhay na binubuhat ng journalists, ng mga daan-daang tsinelas na naiwan sa pagkalas sa martsa, ng mga pulis na gumamit ng baril sa dispersal. Labingpitong magsasaka, kasama ang dalawang bata ang isang babae, ang pinaslang sa Hacienda Luisita Massacre noong 2004.

Lasunin at masaker ang sagot sa mga naghihikahos. Tinutulungan ng media na ietsa-pwera ang naghihikahos. Ano ba ang trabahong inaasam ng mga bida sa teleserye? Si Lupe ay gustong maging sikat na singer, si Marimar ay makapangasawa ng mayaman. Ang paghihikahos na lagay ang nais nilang lampasan, at sa mga manonood nito, ang nais nilang takasan kahit pamandali. Sino ang gustong manood ng sariling refleksyon sa salamin—ang makita ang sarili na naghihikahos at walang indibidwal na katubusan?

Masaker ang sagot dahil nagkaroon ng politikal na ahensya ang komunidad at sektor. Sa kahanay na anakpawis, ang manggagawang unyonisdo, pinapaslang ang lider, binubuwag ang picketlayn, tinatapatan ng dilawing union. Ang magsasakang nagkaisa para sa politikal na layon, minamasaker.

At ito ang hindi nagiging bahagi ng mundo kahit pa pasan nila ang daigdig. Silang nagpapakain ng bansa ay walang makain, walang sariling lupa na masasaka. At dito maigting kung bakit nananatiling mala-pyudal pa rin ang moda ng sistemang produksyon, at ang panlipunang relasyong dulot nito. Wala pang nakukulong dahil sa nagmasaker—nag-utos o pinabayaan ito—ng magsasaka. Paano nangyayari ang gayon?

Paano ang nahahal at namumuno ay kalakhang galing sa maylupang uri? Paano sa kalakhang inieetsapwera ang pinakamalaking sektor ng lipunan maliban sa panahon ng paghimok na bumoto sa uring lalo pang magdidikdik sa kanila? Paano, matapos ng 30 taon ay di lamang hindi pa nakakamit ang katarungan sa biktima ng Mendiola Massacre, nagpapatuloy pa ito sa Hacienda Luisita at iba pang lugar?

Paano ang pinakamalakas na sigaw ng magsasaka ay iniimpit ng estado, pinapaasang tumalon sa dagat, kundi man ay mamatay na lamang nang maibsan ang imahen ng deformidad na katawan at lipunan?

Papaano nga ba?


Posters ng Club nina Nana at Amy, Pinoy Transexuals, Nagoya, Dec 07



Tuesday, January 08, 2008

UP Sa Ikalawang Dantaaon, UP ng Sambayanan, Contend Statement



UP SA IKALAWANG DANTAON, UP NG SAMBAYANAN
Pahayag ng mga Makabayang Guro, REPS at Kawani ng UP
Enero 8, 2008


Ano ang kasalukuyang mga larawan ng UP na makikita ngayong ipinagdiriwang ang sentenaryo nito?
Ø Kailangan nang magsuot ng ID para makapasok sa maraming gusali sa kampus.
Ø Hindi na kailangang mag-aral ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga mag-aaral.
Ø Pakaunti nang pakaunti ang mga lugar na libre at malayang magagamit ng mga guro, mag-aaral at kawani para sa pagtitipon, pagtatalakayan, pagpupulong at pagpapahayag ng pagtingin sa mga isyu.
Ø Pataas nang pataas ang matrikula ng mga mag-aaral at binabalak na ngang singilin ang mga mag-aaral ng buong halaga ng kanilang edukasyon.
Ø Ginigiba ang mga komunidad ng maralitang naninirahan sa loob ng kampus para magbigay-daan sa mga highway at negosyo at napapaligiran na ang kampus sa Diliman ng mga gusali at proyekto ng Ayala Corp.
Ø Sinasara ang maraming serbisyo ng Unibersidad tulad ng UP Printery at University Food Service.
Ø Inaresto ng UP Police sa loob mismo ng kampus ang tagapangulo ng University Student Council sanhi ng pagsuporta niya sa mga hinaing na nalay-off na manggagawang kontraktwal ng Unibersidad.
Ø Kinansela ang Lantern Parade 2006 dahil sa takot ng administrasyon sa rali ng mga mag-aaral laban sa pagtaas ng matrikula.
Ø Hindi nakapaglathala ng pinakamahabang panahon pagkatapos ng martial law ang Philippine Collegian dahil sa panggigipit ng administrasyon.
Ø Palakas nang palakas ang tinig ng teknokrasya habang pinatatahimik ang malaya at demokratikong deliberasyon sa lahat ng antas ng pangangasiwa sa Unibersidad.

Maraming nangyayari ngayong sentenaryo ng ating mahal na Unibersidad na hindi pa nangyari dati. At hindi man ideyal ang nakaraang mga dekada ng UP ay may ilang batayan din ang bahagyang damdaming nostalgia para sa UP ng kahapon. Masasabi ito sapagkat ang kasalukuyang ipinapatupad ng administrasyong Roman na mga palisi ng pribatisasyon at komersyalisasyon ay mga prosesong patindi nang patindi at palalim nang palalim ang epekto sa isang pampublikong institusyon tulad ng UP. Habang tumatagal ay lalong nagiging malalim ang bisa nito at lalong nagiging litaw ang mga panlabas na manipestasyon.

Daig pa ang lahat ng nakaraang administrasyon ay tinutulak ng kasalukuyang administrasyon Roman ang mga prosesong ito ng pagbabaklas ng UP bilang pampublikong institusyon hanggang sa pinakarurok. Kitang-kita ang labis na pangangayupapa at lubusang pagyakap ng kasalukuyang administrasyon sa "market fundamentalism" na nagpapalagay na ang lahat-lahat ay kailangang iayon sa takbo at pangangailangan ng pamilihan. Bilang ideolohiya at bilang doktrinang neo-liberal ay bulag itong tinatanggap at sinusulong ng mga teknokratang negosyante ng pamantasan.

Sinusukat ng ganitong kaisipan ang lahat ng pag-unlad at pagsulong ng kaalaman ayon sa makikitid na pamantayan ng tubo at pagtubo. Nahuhubog ang buong proyektong pang-akademiko tungo sa pagsunod sa mga kahilingan ng salapi at inilalayo ito sa mga direksyon ng tuwirang pagtugon sa humihiyaw na mga pangangailangan ng sambayanan at isinasantabi ang mga bagay na maaaring mahalaga ngunit walang tuwirang kinalaman sa komersyo. Taliwas sa ibinabandilang "kalayaang pamilihan", ang panunuot ng lohika ng pamilihan sa pangkabuuang pamamalakad ng unibersidad (kasama ang represyon at terorismong pang-estado sa mas malawak na lipunan) ang isa mga pinakamalaking banta sa kalayaang pang-akademiko sa pamantasan. Sanhi ng komersyalisasyon at pagsasapribado ng pamantasan ay natatabunan ng kultura ng karerismo at konsumerismo ang matayog na ideyal ng paglilingkod sa bayan habang ganap na pinapalitan ang kamalayang bukas at mapagpalaya ng kamalayang makitid at makasarili.

Kaharap nito'y kailan pa magiging tunay na unibersidad ng sambayanan ang Unibersidad ng Pilipinas? Kailangan pa magiging realidad ang mithiin at panaginip ng mga iskolar ng bayan na sinisimbolo ng Oblation? Tulad ng nahapag sa Unibersidad noong panahon ng batas militar, ang sagot sa mga tanong na ito ay isa ring tanong: "Kung hindi ngayon, kailan pa?" Habang patuloy na naliligalig ang lipunang Pilipino ng kawalang hustisya sosyal ; habang buhay pa ang diwa ng pag-aalay ng talino at husay sa ikauunlad ng bansa at ikagagaling ng naghihikahos na nakararami ay makakaasa tayo na hindi komersyalismo at pribatisasyon ang magiging kinabukasan ng pamantasan.
Habang handa pa tayong ipaglaban ang mas malawak na interes ng masang Pilipino ay maaasahan nating makakamit na sa ikalawang dantaon ng UP ang tunay na katuparan ng edukasyong naglilingkod sa sambayanan.


UP Pamantasan ng bayan, Paglingkuran ang sambayanan
!
Labanan ang tumitinding komersyalisasyon at pribatisasyon ng UP!


All UP Workers Alliance
Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND)

Pagtanga sa Starbucks, Sanjo, Kyoto dahil walang outlet para sa computer na patay na pala ang baterya







Malling, Pagkatapos ng Christmas Break at Pagtanga, Pasintabi Column

Malling, Pagkatapos ng Christmas Break at Pagtanga

Pinatitira tayo sa mall. Bago mag-Pasko, dito tayo hinihikayat magshopping. Kahit pa may binomba o sinabugan ng poso negro na mall lang isang buwan bago mag-Pasko. Dito rin tayo pinapatangkilik ng sine sa Metro Manila Film Festival. Ano pa ba naman ang gagawin sa pinakamahabang break ng taon?

Hindi rin naman mauubos ang mga tira-tirang sinabi na ngang sosobrang hinanda ng Noche Buena at Medya Noche kung naglagi tayo sa bahay. Matapos ang Pasko, kailangang simulan ang taon ng bago o sumisimbolo ng bago—ang lumang bago ng modernong espasyo ng libangan, tulad ng Luneta at iba pang parke, ang bagong luma (dahil wala namang ginagawang bagong infrastruktura) ng theme park, at ang paratihang nagbabagong anyo ng modernidad, ang mall.

Tila sinasambit ng may poder ng kapangyarihan, dahil bago ang taon, kailangang ireafirma ang lumang kalakaran ng modernidad—ang malling, na matapos ang panahong nagsisiksikan ang mga tao sa last-minute shopping ay muling akuin ang lagusan at espasyo nito sa pribatisadong karanasan sa moderno.

Para itong reafirmasyon na rin sa pagkamamamayan, mula sa pagiging gitnang uring konsumerista ng mall, tungo ulit sa sikliko ng pagdanas ng pambansang politika. Tapos na ang Christmas break ng pagiging magnanimous at humble, balik na ang mga politiko sa katayan at yarian, bilang paghahanda sa susunod na pambansang eleksyon.

Parating sinasabi na kailangang i-pace ang sarili dahil marathon ang selebrasyon ng Pasko. Lahat ay nagiging social butterfly sa panahong ito. Napapabigay pati sa mga hindi dapat, napapabati pati sa mga kaaway. Mahaba at stressful ang pagdiriwang, at sa pagpasok ng nalalabing sandali ng Pasko, maiisip na para lang talaga sa bata ang diwa nito. Ang matatanda ay hindi kayang pantayan ang lebel ng musmos at inosente dahil nabahiran na sila ng pag-igpaw sa yugto ng pagkataong ito.

Napapatanga tayo sa panahong ito. Hindi tayo ang may hawak ng bola. Ipinagpaubaya na natin sa may poder ng kapangyarihan. Tunay na iinog ang humahalakhak na mundo kahit hindi tayo nakasakay rito. Napapatanga tayo dahil pinili natin ang reaksyong ito.

Ito ang birtud kung paano tayo umiigpaw sa bawat sandaling may societal pressure na maging magiliw, charitable at Kristiano sa okasyong ito. May indibidwal na ahensya ito dulot ng unlaping “pag-” sa pagtanga, pinili nating tumanga dahil may pagtanggap na hindi kaya ng powers natin ang pagbaha ng iisang klaseng sentimiento.

Paglisan, pagsalin, pagsasanay at pagtatasa, halimbawa, na nagpapahiwatig ng aksyon pa rin. Hindi magkatumbas ang pagtanga sa pagkatunganga o pagkatulala—walang nagagawa ang nakatunganga dahil kaya nga siya nakatunganga o sa shock ng pagkatulala. Pagpapalit-mukha ang pagtanga dahil nakaranas ito na maging matalino at matalas.

Ang kakayahang tumanga ay importanteng ahensya, ang kapasidad mag-switch on at off sa mga bagay. Pagtatalaga ito ng indibidwal na taktika sa stratehiya ng pambansang buhay. Kapag kailangang lumaban, di lamang tinatanggal ang katangahan, hinihikayat din ang ibang nakararami na lumaban din. Kapag mas malakas ang peligro ng pang-aapi, ang mukha ng pagtanga.

Na hindi rin pagmamaan-maangan dahil nahuhuli ito sa akto ng pagkatukoy. Para itong sa klase, may itatanong ako bilang guro at ituturo ko ang estudyanteng gusto kong sumagot. Ang itinuro kong estudyante, ituturo ang sarili o lilingon sa likod o katabi, nag-Maan mode (maan-maangan). Walang laban ang kanyang daliri o itong estudyante sa daliri kong naghudyat sa kanya bilang taga-sagot.

Ang marangal na lamang niyang magagawa ay magpakatanga—ang amining hindi niya alam ang sagot o ang sumagot sa tanong batay sa matalinong pagkatao. Ang huling opsyon ay batay na rin sa kanyang pagtanga—hindi naging lubos ang pagbabasa, pakikinig o pag-unawa, o maari rin namang may sariling alternatibong interpretasyon sa mga binasa at napakinggan. Ang mas huli ang paghuhubad ng posturang pagtanga dahil umakma na sa pagkataong nag-iisip.

Sa panahong ito na pinasisimulan (kahit hindi naman nagtapos) ang indibidwal na pagdanas ng pambansang buhay, habang nagmo-malling (na isa ring postura ng negosyong may ahensyang gawing permanente ang status ng pagtanga—paratihang pinapatunghay sa mayroon o walang dahilan), ang indibidwal ay kailangang mayroon sarili at sektoral na kakanyahang buksan at patayin ang postura ng pagtanga. Hanggang ang pagtangang hinihimok ng may poder ng kapangyarihan ay kayang patayin, busisain, at labanan ng sariling repertoire ng aksyon--pagtanga, sama-samang pagkilos, pagrebolusyon.

Post-Pasko at Killjoy, KPK Column

Post-Pasko at Killjoy

Tapos na ang mahabang bakasyon. At kakaiba ang bakasyon ng Pasko dahil sinkornisado ang pambansang buhay—ang antisipasyon, paghahanda, pag-aantay sa bonus, sa cash gift ng pangulo (kung kawani ng gobyerno), pagmamadali at pagsiksikang shopping, pagplano sa Noche Buena, pagsimba, pagmamano sa ninong at ninang, Medya Noche, at pagpapaputok. Hindi ito tulad ng Semana Santa o Ramadan, wala naman nagdedekorasyon ng malls at kalsada sa kolektibong paggunita ng mga araw na ito.

Pagpasok pa lang ng mga “-ber” na buwan, may araw-araw na countdown na para ipaalaala sa lahat—hindi pa ang diwa ng pagbibigayan, kundi ang konsumeristang praktis—ng paggunita sa araw ng Pasko hanggang Bagong Taon. Hindi nga ba’t ang Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko?

Bakit pinahaba, na sa ibang lugar tulad sa Japan, ay matapos ang Disyembre 25, sa umaga ng Disyembre 26 ay natanggal na ang dekorasyon at napalitan na ng pam-Bagong Taon? Kahit sa Amerika, ang paggunita ng post-Pasko ay sa pamamagitan ng pagdagsa sa malls para sa pinakamalaking sale ng taon. Dahil ba tayo lang ang Kristianong bansa sa Asia? Eh bakit ang Israel, ang pinagmulan ng Kristianismo at Pasko, ay hindi ganito pinahaba ang Pasko?

Ano pa ba ang inaantay natin? Ang “opisyal” na pagtatapos ng Pasko ay Enero 6 o sa unang Linggo ng taon, ang Araw ng Tatlong Hari. Matapos nito, patumpik-tumpik ang pagtanggal ng mga dekorasyon sa publikong lugar, kung tatanggalin pa ang mga ito o hahayaan na lamang ang serye ng bagyo sa Hunyo ang magtatanggal nito. Hindi ba kumpara sa pagsabit nito bago mag-Pasko, parang gumising na lang tayong lahat at nandiyan na—nadekorasyonan na at nailawan pa ang mga kalsada patungo sa mall?

Pati ang mga kalsada at village, tulad ng sa Policarpio Street, Mandaluyong at Corinthian Gardens, ay tinadtad na rin ang mga bahay ng mga ilaw at Pasko. Tila sinasabing ang pribatisadong “Ang Pasko ay sumapit.” Hindi na kailangang lumabas pa, ang mayamang bahay na tinadtad ng ilaw ang naghuhudyat na ang kapaskuhan ay inako na ng may-ari para ipamahagi sa lahat ng mapapadaan. Ano ang tunay na naipapamahagi?

Kay tagal-tagal inasam, at masaya naman ang pagdanas sa temporal na kasalukuyan, pero bakit kapag natapos ay parang may kulang—killjoy pero hindi overkill? Walang nasosobrahan sa Pasko, maliban yaong nagpapatiwakal. Hindi nga ba’t pinakamataas ang insidente ng suicide sa Pasko? Malamang dahil nga sa sinkronisadong paggulong ng indibidwal na mga buhay tungo sa kasiya-siyang antisipasyon ng kaligayahan ay hindi nakakasabay ang mga indibidwal na may mga seryosong agam-agam sa kolektibong pagdanas ng pambansang buhay.

Kaya may paratihang relatibong paghuhusga sa pagdanas ng Pasko—“Ito ang pinakamasayang Pasko ko!” o “Pangako, mas magiging masaya tayo sa susunod na Pasko.” Hindi natin kinukumpara ito sa Araw ng Pagkabuhay, Valentine’s Day, maging anibersaryo dahil mas maliit ang entidad ng pagdanas ng mga okasyong ito. Mas may pressure maging masaya sa Pasko gayong hindi naman lahat ay binibigyan ng pantay na akses sa mga pribadong marka ng okasyon—lechon, mamahaling aginaldo, Christmas tree na lampas tao at tadtad ng ilaw at abibot, pera, kotseng pang-iwas sa trafik, at iba pa.

Kinukumpara ang okasyon ng Paskong sandali dahil inaakala ng poder ng kapangyarihan na may democratizing na epekto ang pag-aantay sa sandali—kolektibo ang pag-countdown, last-minute shopping, pagno-Noche Buena, pagpapaputok ng kanyon at Sinturon ni Hudas, at ang pagtatapos ng selebrasyon, gayong maraming kabahayan at komunidad ang naiwan sa pagdiriwang. Naisantabi dahil hindi magkaagapay sa gitnang uring panuntunan ng selebrasyon.

At dahil gitnang uring pagmamarka ang isinasaad ng Pasko, gitnang uri rin ang solusyon sa pagtutubos sa mga naisantabi—charity work. Namumudmod ng grocery bag ang maykaya, namimigay ng cash gift si Gloria Macapagal Arroyo, nagpapa-Christmas party sa bahay ampunan o Home for the Aged ang mga organisasyon, ang may sobrang pagkain ay ipinapadala sa kapitbahay na squatter. Tila sinasaad, walang dahilan kung bakit hindi maipagdiriwang nang maayos ang Pasko. O mas masahol, ang tunay na diwa ng Pasko ay wala sa (gitnang uring) yaman kundi nasa pagsasabuhay ng spiritwal na kabuuan nito. Paano dadamahin ang Pasko labas sa materyal na pinangangalandakan ng negosyo at estado?

Kung gayon, ang mga nagugutom at walang matuluyan, ang mga naghihikahos at pati ang mismong gitna at mababang uring nagpipilit at nagkakadakumahog na maging tunay na gitnang uri sa okasyong ito ay pinapaalalahanan ng inaasahang kakulangan ng pagdiriwang—mayroon pa namang susunod na taon, di man nakalubos ay nakaraos naman, o muling umasa sa kabutihan ng ibang tao.

Sa post-Pasko, ang mga nasa laylayan ay muling maisasantabi, ang nag-astang gitnang uri ay babalik sa panahong kailangang bayaran ang mga inutang o ipre-pressure ang mga kamag-anak na overseas contract worker na magpadala pa, at kalakhan ay sabay-sabay na mapapabuntong-hiniga. Nakaraos din pero bakit pa ba nagpakahirap para lang makasabay?

Pero bago tumagos ang panghihinayang, walang magagawa ang mayorya kundi muli’t muling magpursigi para sa kagyat na pangangailangan ng pagkain, kuryente, at pamasahe. Balik na naman ang lahat sa sinkronisadong politisasyon ng indibidwal na buhay para malulon sa pang-araw-araw, makaligtaan ang karahasan at kakulangan ng publikong serbisyo ng estado. Na kahit wala na ang Christmas na dekorasyon, ay parang may inaasam-asam pa rin tayong mabuting mangyayari kahit wala naman.

Sa post-Pasko, ang spiritwal na diwa ng Pasko ay patuloy na sumasapit.