Ilang sona pa?
Ang SONA ay acrnomyn para sa “State of the Nation Address,” ang taunang pananalumpati ng pangulo sa harap ng bicameral assembly, na nag-uulat sa bayan sa lagay ng bansa. Kasama rito ang mga spektakular na nagawa at ginagawa, at ang ipinapangakong gagawin sa susunod na taon.
Kumpetisyon ang SONA dahil mayroong alternatibong isinisiwalat ang kilusang masa sa lansangang patungong Batasan Pambansa. Sa loob ng lehislatura, ang pomp at pageantry ng naka-Filipinianang asembleya tila de-susing papalapak at magsta-standing ovation, paramihan taon-taon na iniuulat kinabukasan. Sa labas nito, ang pag-uulat ng iba’t ibang sektor ukol sa tunay na lagay ng bayan. Matapos, ang pagsusunog sa magarang effigy ni Arroyo.
Sona rin ang tawag sa pag-surveillance sa mga lugar na tinatagurian ng militar at pulis na pugad ng mga kriminal at subersibo. Kaya sinosona, o pinalalabas ang lahat ng kalalakihan sa isang lugar para inspeksyunin ang mga katawan para sa tattoo at ano pa mang maghuhudyat na ito ay hindi legal na katawan. Maramihan ang ikukural pabalik ng presinto para i-interrogate pa, o damputin para isalvage. Sa pagtira ng maralitang tagalunsod sa sonang pook, tila may lisensya ang militar at pulis na paratihang tanungin at ipwesto bilang kahinahinala ang abang mamamayan.
Sonang gerilya naman ang lugar na kinikilusan ng mga armadong mandirigma. Isinasabuhay ng mga gerilya ang pagkilos tungo sa transformasyon ng lugar sa isang responsibo sa pangangailangan ng mamamayan. Kumpara sa pagsosona at flushing-out operation ng militar, hindi gamit ang salita para tukuyin ang kahalintulad na operasyon ng mga gerilya. Namumuhay kaisa ng mamamayan ang gerilya, hindi hiwalay at naghahasik ng pasismo, tulad ng militar.
Sa isang banda, kumpetisyon ang pagbibigay-ngalan at karanasan sa SONA. Pero sa kabilang banda, tila inako na ang salita ng kilusang masa para tukuyin ang direktang karanasan sa pamdarambong ng pambansang pamahalaan sa mismong mamamayan nito. Tuwing ikatlong Lunes ng Hulyo, tumutungo ang nakikibakang mamamayan sa Batasan para sa ritwal ng pagtuligsa sa opisyal na bersyon ng pamamahalaan. Bahagi na ito ng required attendance ng mga aktibista, tulad ng Araw ng Kababaihan, Mayo Uno, Araw ng Karapatang Pantao, at iba pang okasyong nagbubuklod sa pakikibaka.
“Pupunta ka ba sa SONA?” Sa hanay ng mga aktibista, hindi ibig sabihin nito ang pagdalo sa SONA ni Arroyo sa Batasan Pambansa. Pupunta ka ba sa alternatibo sa opisyal na kwentong panggagaga? Ibig sabihin, sa SONA sa lansangan, hindi sa mismong Batasan. Inako na ang SONA ng kilusang masa, kaya sa kanilang pananaw, ito na ang tunay na SONA.
Nagpapanggap lamang ang SONA ni Arroyo. Papalakpakan siya ng mga kapartidong tinulungan niyang manalo sa nakaraang eleksyon, bibigyan ng ilang standing ovation na tila ito ang pinakamagandang kwentong narinig nila, at magsisiuwi at iinom ng alak na may ngiti sa tagumpay ng kanilang trapong pamamahala.
Isipin na lang kung may tugma ang sinasambit na panggagaga ni Arroyo sa sariling buhay. Bumuti ba ang iyong buhay, o ng iyong pamilya? Mas maligaya ka ba ngayon? Mas may tiwala ka ba sa mga opisyal ng pamahalaan? May natitira ka pa bang pag-asa at kumpiyansa sa hinaharap? Kung “oo” ang iyong tugon dito, mapalad ka. Kung hindi, at sa nakararaming mamamayan ay ito ang sasabihin, bakit kaiba ang personal nating kwento sa sinasambit na kolektibong kwento ng pag-unlad ni Arroyo? Alin ang katotohanan, ang tunay? At kung gayon, sino ang nagsisinungaling?
Sa tunay na SONA, ang kilusang masa ay hindi binabadya ang init at ulan, naninindigan para sa malalimang paghihirap at malawakang kawalan ng katarungan, at uuwing napagtibay ang nagpapatuloy na pakikibaka.
Ano ang kwento mo sa nakaraang SONA? At ilang SONA pa kaya ang kakailanganin para tunay na makaranas ng pambansang pagbabago? Kita-kita tayo sa susunod na SONA.
No comments:
Post a Comment