Ang Kawalan-Halaga ng Edukasyon
Saan na nga bang visa ang naidudulot ng pasaporte ng edukasyon? Saang bansa o profesyon ito magpapahantong? Gintong minimina ang tingin sa edukasyon kaya iginagapang. At kapag nakamit, tila ito sagradong papel na ipinapa-laminate o ipinapa-frame, at dinidisplay sa sala para matunghayan ng lahat ng bibisita sa pamilya.
May panggitnang uring pangako ang edukasyon—ang posibilidad na makaangat sa kasalukuyang kinasasadlakan. Ito ay posibilidad lamang dahil walang katiyakan ang pangako. Tanging isinasaad ng pagpupursigi sa edukasyon ay para sa pangako ng posibilidad, hindi ang pangako ng mismong panlipunang pag-angat.
Sa isang banda, overvalued o sobrahan ang tingin sa edukasyon. Walang magiging panibagong Lucio Tan o Henry Sy ng kasalukuyang henerasyon. Ang pagpapanatili nila sa poder ay nagtitiyak ng lalong pagkipot ng nagnanais mapabilang sa kanilang manipis na bilang. Kahit pa gradweyt ka ng UP, Ateneo at La Salle, ang tatlong pangunahing tertyaryong eskwelahan, kung walang negosyong mapapalawak ang sariling pamilya, walang katiyakang maging Cinderella at Cinderello ng kasalukuyang henerasyon.
Sa kabilang banda, kung tanging posibilidad ang pangako ng edukasyon, bakit pa nag-aaral? May mas mabuti pang gagawin kaysa mag-aral sa kulang-kulang na bilang ng klasrum, maupo sa sobrahang bilang ng mag-aaral, matuto sa titser na hikahos rin sa kita, at umuwing kakalam-kalam ang sikmura, dagdag pa ang pagkakagastusang assignment na kailangang maisubmite? Bagamat kinikilala ang karapatan sa edukasyon ng Konstitusyon, hindi pa rin ito libre.
Bumababa ang kalidad ng edukasyon tulad ng pangkalahatang pagbaba ng kalidad ng buhay. Tanging ang nakakalutang sa pabigat na pasanin ng pang-araw-araw na buhay ay ang mga nakakadiskarteng pang-indibidwal: kundi mag-OCW doon ay mag-call center dito. Sa kabuuan, walang malawakang platapormang pangkabuhayan, lalo na ang isyung kalidad ng buhay, ang pamahalaan. Pinapapasan imbis na pagaanin ang buhay ng mamamayan sa kalidad ng pamunuan, pagkuntsaba nito sa malalaki at dayuhang negosyo, pati na ang endorsong patalikod nito sa politikal na pagpaslang at sapilitang padukot ng daan-daang aktibista.
Parang sinasabi, kanya-kanyang paghahanap ng agimat—pag-abang ng Biernes Santo sa puso ng puno ng saging. Kanya-kanyang paghahalawan ng lakas para ipagpatuloy ang buhay.
Ang nakakaligtaan na paraan sa pagtaas ng kalidad ng buhay ay ang buhay sa pakikibaka. Ang pagiging aktibista ay may kaakibat rin na edukasyong makabuluhan at nakaugnay sa buhay ng mamamayan. Hindi indibidwalistiko ang diin kundi kolektibong transformasyon. Ang buhay sa pakikibaka ay pagbibigay-diin sa politikal o ang kakayanang pagbabago para sa nakararaming naghihikahos.
Ang dulot ng kasalukuyang edukasyon ay ang transformasyon higit sa apolitikal na buhay, na ang tanging isinasaalang-alang ay ang kagyat na kapakanan ng indibidwal at ng kanyang pamilya. Pribado ang diplomang nakasabit sa dingding. Hindi makikinabang ang nasa labas ng tahanang ito. Maliban na lamang kung magsisilbi sa mamamayan.
Ilan ang pwedeng maging doctor to the barrios? O higit na mas mabigat na mediko ng mamamayan? At kundi man maging doktor, pari at materyales OCW, maari namang maging organisador at propagandista sa hanay ng magsasaka, maralitang tagalunsod, manggagawa at kababaihan? Isipin na lamang kung mas maagang namulat ang naunang mga henerasyong mas binigyan-diin ang edukasyong politikal kaysa edukasyong panggitnang uri, di sana ay mas maraming henerasyong aktibista?
Bagamat maari namang pagkambalin ang dalawang uri ng edukasyon, sa huli, ang mas mabigat na atas ng kasaysayan ay ang pagiging mulat sa politikal na posibilidad. Nakalalamon din ang impetus ng finansyang ganansya para sa sariling pamilya. Mas matimbang daw ang dugo kaysa sa tubig. Pero lahat ng dugo ay binubuo ng likido ng tubig. Mas may kaisahan ang politikal na edukasyon. Halinang mag-aral ng lipunan. Sabi nga ng nauna, huwag mong hayaang ang edukasyon mo ay malimitahan ng pag-aaral sa klasrum.
No comments:
Post a Comment