Ang winalang pagkabata sa kulturang pambata
Sila ang hinihikayat mag-Jollibee na o MacDonald’s bago pa man sila makapagbasa. Kaya bawat komersyal ng anumang produktong gustong may panghabambuhay na koneksyon at aktwal na pagtangkilik, mayroong bata. Na sa pagtanda ng mga bata, may hinahanap sila sa bawat akto ng pagtangkilik, ang kanilang isinaloob na pagkabata (inner childhood).
Mas sumasarap ang French fries dahil naalaala nila ang ilang beses silang hinayaang magtatakbo sa fastfood outlet, mag-playground sa loob nito, kasama ang nanay, lola o katulong. Ang saya-saya lang! Flashforward sa anxiedad ng kasalukuyang panahon—mas malalaking problema na ang kinahaharap: kailangan nang tumigil sa pag-aaral, maghanapbuhay, pumasok sa kontraktwal na gawain, at magkapamilya. Ano ang tsansang magtagumpay ang ordinaryong mamamayan?
Winala ng estado ang pagkabata. Mayroong 5 hanggang 5.7 milyong bata ang nagtratrabaho na. 2.7 milyong bata ay nagtratrabaho sa peligrosong gawain. Lampas sa kalahati ay nagkakasakit o napipinsala dahil sa di-ligtas na kondisyon ng paggawa. Sitenta porysento ng mamamayan ay namumuhay sa kondisyon ng paghihikahos. May 7.4 milyong bata sa edad pababa ng sampu ang may malnutrisyon. Tinatanyang 50,000 bata ang namumuhay sa kalsada sa Manila, at lampas ng 246,000 sa buong bansa. Mga 36,000 na bata ang nawawalan ng tirahan at nahihinto sa pag-aaral dahil sa giyera sa Mindanao. Makakasama rito ang napipintong pag-atake ng militar sa Basilan, bilang paghiganti sa mga sundalong napaslang. Wala itong pagsasaalang-alang sa libo-libong batang di na makakapasok.
Kung ganito ang dinadanas ng mga sanggol, paslit, musmos at bata, kay bilis nilang pinapatanda ng estado. Kanya-kanyang pagkakaugapay ang kanilang mga magulang, kung di man sila mismo kung paano mabubuhay, saan titira, saan kukuha ng pambili ng bigas o mamumulot ng makakain, pati sa basura. Ang bata sa media ay malulusog, at kung magkakasakit man, may mga magulang na walang problemang bumili ng gamot. Ang bata sa media ay maliliksi, matatalino at may inisyatiba, lalo na kapag ibinili ng supplements, Promil, at kung ano pang produkto.
Totoo naman ang bata sa lansangan ay tumatawa rin. Musmos pa ring naglalaro sa putikan at dumi. Hindi nila pinili ang ganito. Ipinanganak lang sila, tulad ng kanilang gitnang uring katapat. Ang pagkakaiba lang, isinumpa na ang naghihikahos na bata sa mas mahaba pang yugto ng paghihikahos. Winala at winaldas na ang kanilang pagkabata, bago pa man silan isilang dahil ang kanilang mga magulang, tulad ng kanilang magulang, ay isinilang na mahirap.
Ang bata, samakatuwid, ay inilalagay sa kwento ng pagsagip ng mismong pamahalaan at negosyong umaapi sa kanila at kanilang mga magulang. Ang Bantay Bata ay nandiyan para mag-ulat ang kapitbahay at kasambahay sa mapang-abusong kasapi ng pamayanan. Isuplong para iligtas. Pati ang siste sa buong edukasyon, kalusugan, tirahan at pag-unlad ng indibidwal ay nakabatay sa pamimilantropo. Sa negosyo, ito ang peryodikong pagtulong sa gawaing pamayanan, kasama ang paggawa ng bahay o pagtatanim ng puna. Tax deductible naman. Sa estado, ito ang pagtalikod sa mismong gawaing pampubliko para lalo pang mapaigting ang sistemang pamamatronahe ng mamamayan sa politiko.
Idudulog na lamang sa mas may kapangyarihan o kapital kapag hindi kaya ng sariling diskarte. Kung magpakaganito, ipinaubaya na naman ng mamamayan ang isang mahalagang bahagi ng kanyang pagkatao—ang kanyang dangal bilang tao—sa kamay ng estado. Pinapakapit sa patalim, pinapasayaw ng hubad, nakakapagnakaw at nakakapinsala ng kapwa dahil sa kawalan ng pagpipilian sa buhay. Sa ngalan ng mga anak, asawa at pamilyang naghihikahos, handa ang magulang na gawin ang lahat, mairaos lang ang pamilya. Sa ganito historikal na pagkakataon nawawala ang pagkabata.
Ang magulang ay hindi piniling paghirapin ang kanyang anak. Ang bata ay walang kapangyarihang mabuhay nang sarili niya. Ang sistema ang magliligtas sa kanila, kung magiging marangal na naghihikahos sila. Ihanda ang sarili sa katubusan ng sistema. O organisahin ang mga magulang nila?
No comments:
Post a Comment