Wednesday, August 08, 2007

Sentenyal ng Misedukasyon Conference, 2001





Ang winalang pagkabata sa kulturang pambata (Pasintabi column)

Ang winalang pagkabata sa kulturang pambata

Sila ang hinihikayat mag-Jollibee na o MacDonald’s bago pa man sila makapagbasa. Kaya bawat komersyal ng anumang produktong gustong may panghabambuhay na koneksyon at aktwal na pagtangkilik, mayroong bata. Na sa pagtanda ng mga bata, may hinahanap sila sa bawat akto ng pagtangkilik, ang kanilang isinaloob na pagkabata (inner childhood).

Mas sumasarap ang French fries dahil naalaala nila ang ilang beses silang hinayaang magtatakbo sa fastfood outlet, mag-playground sa loob nito, kasama ang nanay, lola o katulong. Ang saya-saya lang! Flashforward sa anxiedad ng kasalukuyang panahon—mas malalaking problema na ang kinahaharap: kailangan nang tumigil sa pag-aaral, maghanapbuhay, pumasok sa kontraktwal na gawain, at magkapamilya. Ano ang tsansang magtagumpay ang ordinaryong mamamayan?

Winala ng estado ang pagkabata. Mayroong 5 hanggang 5.7 milyong bata ang nagtratrabaho na. 2.7 milyong bata ay nagtratrabaho sa peligrosong gawain. Lampas sa kalahati ay nagkakasakit o napipinsala dahil sa di-ligtas na kondisyon ng paggawa. Sitenta porysento ng mamamayan ay namumuhay sa kondisyon ng paghihikahos. May 7.4 milyong bata sa edad pababa ng sampu ang may malnutrisyon. Tinatanyang 50,000 bata ang namumuhay sa kalsada sa Manila, at lampas ng 246,000 sa buong bansa. Mga 36,000 na bata ang nawawalan ng tirahan at nahihinto sa pag-aaral dahil sa giyera sa Mindanao. Makakasama rito ang napipintong pag-atake ng militar sa Basilan, bilang paghiganti sa mga sundalong napaslang. Wala itong pagsasaalang-alang sa libo-libong batang di na makakapasok.

Kung ganito ang dinadanas ng mga sanggol, paslit, musmos at bata, kay bilis nilang pinapatanda ng estado. Kanya-kanyang pagkakaugapay ang kanilang mga magulang, kung di man sila mismo kung paano mabubuhay, saan titira, saan kukuha ng pambili ng bigas o mamumulot ng makakain, pati sa basura. Ang bata sa media ay malulusog, at kung magkakasakit man, may mga magulang na walang problemang bumili ng gamot. Ang bata sa media ay maliliksi, matatalino at may inisyatiba, lalo na kapag ibinili ng supplements, Promil, at kung ano pang produkto.

Totoo naman ang bata sa lansangan ay tumatawa rin. Musmos pa ring naglalaro sa putikan at dumi. Hindi nila pinili ang ganito. Ipinanganak lang sila, tulad ng kanilang gitnang uring katapat. Ang pagkakaiba lang, isinumpa na ang naghihikahos na bata sa mas mahaba pang yugto ng paghihikahos. Winala at winaldas na ang kanilang pagkabata, bago pa man silan isilang dahil ang kanilang mga magulang, tulad ng kanilang magulang, ay isinilang na mahirap.

Ang bata, samakatuwid, ay inilalagay sa kwento ng pagsagip ng mismong pamahalaan at negosyong umaapi sa kanila at kanilang mga magulang. Ang Bantay Bata ay nandiyan para mag-ulat ang kapitbahay at kasambahay sa mapang-abusong kasapi ng pamayanan. Isuplong para iligtas. Pati ang siste sa buong edukasyon, kalusugan, tirahan at pag-unlad ng indibidwal ay nakabatay sa pamimilantropo. Sa negosyo, ito ang peryodikong pagtulong sa gawaing pamayanan, kasama ang paggawa ng bahay o pagtatanim ng puna. Tax deductible naman. Sa estado, ito ang pagtalikod sa mismong gawaing pampubliko para lalo pang mapaigting ang sistemang pamamatronahe ng mamamayan sa politiko.

Idudulog na lamang sa mas may kapangyarihan o kapital kapag hindi kaya ng sariling diskarte. Kung magpakaganito, ipinaubaya na naman ng mamamayan ang isang mahalagang bahagi ng kanyang pagkatao—ang kanyang dangal bilang tao—sa kamay ng estado. Pinapakapit sa patalim, pinapasayaw ng hubad, nakakapagnakaw at nakakapinsala ng kapwa dahil sa kawalan ng pagpipilian sa buhay. Sa ngalan ng mga anak, asawa at pamilyang naghihikahos, handa ang magulang na gawin ang lahat, mairaos lang ang pamilya. Sa ganito historikal na pagkakataon nawawala ang pagkabata.

Ang magulang ay hindi piniling paghirapin ang kanyang anak. Ang bata ay walang kapangyarihang mabuhay nang sarili niya. Ang sistema ang magliligtas sa kanila, kung magiging marangal na naghihikahos sila. Ihanda ang sarili sa katubusan ng sistema. O organisahin ang mga magulang nila?

CONTEND Filmshowing Introduction

Orapronobis Introduction
18 July 2007

Ang CONTEND-UP o Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy ay bumabati sa inyo ng isang mapagpalayang hapon. Ang CONTEND-UP ay organisasyon ng progresibong guro sa UP, at ang pelikulang matutunghayan ngayon ay bahagi ng serye ng pagpapalabas ng klasikal at makabuluhang mga pelikula. Sa nakaraan ay ipinalabas na naming ang “Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon,” “Aguila,” “Manila After Dark,” “Bayan Ko Kapit sa Patalim,” at ang dokumentaryo nina Malcolm at Botti, pati na ang ni Carlitos Siguion Reyna.

Inanyayahan kayong manood ngayon ng “Orapronobis,” ang pelikula ng National Artist for Film na si Lino Brocka, para tunghayan ang historikal na realidad ng paglapastangan ng human rights sa panahon ng post-Edsa ni Cory Aquino, at aalingawngaw sa kasalukuyang panahon ni Gloria Macapagal Arroyo sa kulang na 900 politikal na pinaslang at 200 na sapilitang dinampot o enforced abduction. Ang pelikula ay testamento sa sabayang pagkilala kay Brocka ng internasyonal na komunidad, lalo na ng Cannes Film Festival na nagpondo nito, at ng patuloy na pagiging makabuluhan ng nilalaman nito maging sa kasalukuyang panahon, lalo na sa edad ng Anti-Terrorism Law na nagtitiyak ng pagsupil sa sinumang pinaghihinalaan at aktwal na kalaban ni Arroyo.

Para sa mga estudyante ng pelikula at mass communication, ang pelikula ay nagpapatingkad ng papel ng media sa pagpapalaganap ng alternatibong kasaysayan ng bansa, mula sa laylayan. Para sa mga estudyante ng panitikan at humanidades, ang relasyon ng pelikula bilang akdang historikal ng problema sa pagsasabansa. Para sa estudyante ng Rizal at Community Development, ang bansang isinaalang-alang ni Rizal matapos ng isang daang taon, ganito pa rin ba tayo? Para sa estudyante ng kasaysayan at araling syensya, ang papel ng military, paramilitary, simbahan at pamahalaan sa pagtataguyod ng kultura at kalakarang pasista sa bansa, at ang alternatibo sa karahasan ng estado. Para sa iba pang estudyante, bahala na kayo sa pagsusuri ng isang mapanuring pelikula.

Sa Lunes ang ikapitong SONA o state of the nation address ni Arroyo. Magrehistro tayo ng ating pagtutol sa pinakasistematikong pandarambong sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa, na nakapagtalaga ng pinakamataas na drop-out rate sa kasaysayan ng nanunungkulang pangulo, 3.41 milyong kabataan ang nalaglag sa pag-aaral noong 2006, 82% ang itinaas mula ng manungkulan si Arroyo noong 2001. Pinakamababa rin, sa tunay na halaga, ang budget sa edukasyon sa administrasyon ni Arroyo. Pinakamalawakan rin ang pribatisasyon at marketisasyon ng edukasyon sa kanyang panunungkulan, at dito sa UP ang katumbas nito ay ang 300% pagtaas ng tuition fee ngayong taon, at ang sandamakmak na call centers na itatayo sa Commonwealth side ng campus.

Kung tunay na pinapakipot ni Arroyo ang akses sa edukasyon na sana’y mabibigay ng panlipunang mobilidad kahit sa pinakamahirap na kabataang mamamayan, wala nang aasahan sa kanyang administrasyon. Tulad ng isinasaad ng pelikula, hindi tayo maaring maging saksi na lamang sa karahasan ng panahon, kailangang makibaka at lumaban.

Muli, mapagpalayang hapon sa ating lahat.

Friday, August 03, 2007

Coffee for Edel's Birthday (photo c/o Sarah)

Panelist Response, Cinemalaya Film Congress

Cinemalaya Film Congress
Theme: Harnessing Technology for Artistic Expression
Panel 2: Assessing Tulad ng Dati, Batad and Rotonda
24 July 2007

Bago pa man maaring sipatin ang lokal na digital na pelikula, kailangan, sa aking palagay, ilagay ito sa mas malaking teknolohikal na kontexto. Ang digital cinema o D-cinema ay sinasabing ikatlong pinakamahalagang tampok na pag-unlad sa pelikula, simula nang maimbento ang celluloid, at dumating ang sound. Ito ay penomenong nagsimula noong 1980s, at nang 1999, ang Star Wars: Episode I, The Phantom Menace ang sinasabing unang pelikula ipinalabas gamit ang digital technology. Ang D-cinema ang all-encompassing na kalakaran sa digital filmmaking—sa ibang mas maunlad na bansa, ito ay tumutukoy sa production (digital capture), post-production (editing, audio recording at digitizing o mastering ng buong pelikula), distribution (pagbeam, sa pamamagitan ng digital technology, ng pelikula sa mga digital movie house, o physical media delivery, network delivery, satellite delivery o digital cinema distributors) at exhibition (digital projection). Sa pamamagitan ng digital na technology, ang mga pelikula ay maaring mapanood at mapalaganap sa computer. Kasama rin sa digital cinema ang digital film restoration o pagbabalik sa orihinal na hitsura at tunog, at pagdigitized ng naunang mga pelikulang naturally prone sa deterioration.

Tunay na napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya ng digital. Magastos din ang kabuuang teknolohiya. Nasaan na tayo? Sa isang banda, nasa laylayan pa rin ang bansa dahil nakatuon pa rin ang D-cinema nito sa content-provider phase. Hindi pa malawakan ang distribusyon at exhibisyon sa malawakan na digital na teknolohiya. Sa kabilang banda, sa pagboom ng aktwal na digital filmmaking, ito na ang may kapantay na status na dominant Philippine cinema. Kung titignan ang bilang ng produksyon nito, maging ang mga pelikulang tampok sa award-giving bodies, ang digital films ang namamayagpag. Kung gayon sa mahalagang usapin ng commercial viability at exhibition (na kailangan pang i-blow up sa 35 mm film) ang lumalabas na kahinaan ng digital film sa bansa.

Paano makakalikha ng artistikong mga pelikula kung ang budget lamang ay kalahating milyong grant mula sa Cinemalaya, at kung limitado pa rin ang pagpapalabasan nito kundi sa CCP, Cine Adarna ng UP at ng isang sinehan sa Robinson’s? Dito kailangang linawin kung ang tunguhin ba ng D-cinema sa bansa ay para sa pagiging national dominant nito, at kung gayon ay kakailanganin ng major shifting ng teknolohiya sa distribution at exhibition, at kahit pa magpakaganito ay hindi pa rin makakapantay sa content ng Hollywood cinema; o para sa D-cinema ba sa Philippine national cinema, ibig sabihin, at ito rin naman ang kinakaya sa ngayon, ang paglikha ng mga akdang pelikula na magbibigay-representasyon sa sinasapantahang pagka-Filipino—mga kwentong hindi kakayaning sambitin ng mainstream cinema na bagamat mahina sa bilang ng produksyon ay namamayagpag naman sa puso ng masang manonood.

Kaya may pagka-mala-mala o hilo ang D-cinema ng bansa, hindi pa lubos na malinaw sa sarili nito ang nais nitong tunguhin. Kung mainstreaming, kailangang mapalaganap ang teknolohiya ng distribution at exhibition, on top ng pag-compete sa Hollywood films. Kung nationalization, kailangang pag-aralan ang mga kwentong pinaghuhugutan ng ethos at substansya ng pagkabansa. Yung una ay entertainment terrain talaga, at itong ikalawa ay interrogative ang purpose. Kung ang papel ng D-cinema ay elaborasyon ng mas malalaking tema at partikular na idioma ng pagkabansa, nakabatay ang pagsisiyasat sa artistry o estetika sa medium specificity ng digital film.

Ang digital film ay hindi celluloid. Hindi ang layunin sa digital film ay gawing film, kundi i-harness ang productive potentials ng limitadong akses sa digital technology. Ang mainstream D-cinema ay nangangarap palitan ang celluloid sa diin nitong makatagpo ng teknolohiyang kasing linaw at lutong ng celluloid. Ang quite specific sa medium ng digital ay ang transformasyon ng imahen sa digital para sa iba pang aspekto ng D-cinema. Ibig sabihin, mas napapadali ng imahen ng digital ang production, post-production, distribution at exhibition ng pelikula. Mas mabilis, mas timely, mas relevant, mas purposive samakatuwid ang digital film, o ng inaasahan dito,

Para itong naunang debate sa pelikula hinggil sa dominant control ng Hollywood cinema sa iba pang panig ng mundo noong 1950s. Kaya naghanap ng alternatibong pamamaraan ng produksyon at distribusyon ng pelikulang direktang tumutuligsa sa Hollywood. Kontra-Hollywood ang mga modernistang pelikula at movements. Ano ang kinokontra o tinutuligsa ng kasalukuyang digital films? Sa Italian neorealism, ang pagkuha ng non-actors, aktwal na setting sa kalsada, long take at ang pagpapatuloy lamang ng buhay bilang pagtatapos sa pelikula. Sa French New Wave, ang jittery camera movements, paggamit din ng natural lighting, mga eksenang parang walang nangyayari at walang mabilis na pinatutunguhan. Sa Japanese New Wave, ang paggamit ng off-screen space, ang mas direktang explorasyon ng sexualidad at artistry. Sa Third World cinema, isang cinema direct na nambubuyanyang sa di-makatarungang realidad. At sa mas recent na New Thai cinema, ang paggamit ng modernistang angst para isaproseso ang hindi maprosesong postmodernong kontemporaryong buhay.

Kung gayon, ang digital film ay dumadaloy din sa modernistang interogasyon ng pelikula. May ibang mundo itong gustong tanawin, at kailangang malinaw sa digital filmmakers natin kung ano ito. Marami sa mga stilong ginagamit sa ating digital films ay halaw sa mga modernistang kilusan sa pelikula, maaring direktang ugnay sa mga pelikula ng iba’t ibang henerasyon nito sa iba’t ibang bansa, o sa paghalaw na rin ng dominant at independent Hollywood cinema sa mga ito, maging ng MTV. Ang pananaw na makabago hinggil sa pagbabago, gamit ang teknolohiya ng digital film, ang siyang magbubunsod ng pagiging malikhain.

Hindi naman neutral term ang artistry, ito ay socially constructed. Maging ang paggamit sa digital technology ay socially poised din, kung ano ang available sa atin, na kalimitin siempre ay hindi pa lubos na pagsabay kung ano ang global standard. Ang example nito ay ang klase ng rekognisyon sa international film festivals sa Filipino digital indie film—poverty themed pa rin, tulad ng legacy nina Brocka at Bernal. Ang pagiging belated sa teknolohiya ay nagsisilbing impetus para paigtingin ang kakulangan sa teknolohiya sa pangkalahatang kasalatan sa bansa. Aesthetics of poverty pa rin sa teknolohiyang may pagka-poverty stricken ang kasalukuyang emplacement ng digital film.

Kung ang digital film ay hindi naman talaga indie mode kaagad, ang operative sa pagsala ng gamit sa teknolohiya ay ang estetika—para saan ito ginagamit? Ano-anong artistic choices ang nakabatay sa teknolohiya at historikal na realidad? Isinasaalang-alang, samakatuwid, ng estetika at teknolohiya sa elaborasyon ng “Filipino” “indie” “digital film.” Sa ganitong panuntunan ko tinitignan ang evalwasyon ng mga pelikulang nakatoka sa panel ngayong hapon.

Ano ang pagka-Filipino, ano ang indie spirit na isinasaad, sa paggamit ng digital film? Ano ang naratibong tinatahi ng mga pelikula? Sa pelikulang Batad, ginamit ang digital technology para i-fastpace ang pang-araw-araw na buhay ng mamamayan dito, kasama ng bidang batang lalakeng naghahangad magkasapatos. May dissolve shots imbes na long shot para pabilisin ang buhay sa turistang lugar, Gayundin, sa kwento ng pag-angkat ng mga bulol at sagradong mga bagay ng gurong ibinebenta ang mga ito sa Baguio. Tila may indie initiative sa ganitong kwento kahit umaalingawngaw ang isang Iranian film na halaw rin sa saga ng paghahanap ng sapatos ng isang musmos. Pero hindi tulad sa Iranian film na malinaw ang class context, sa Batad ay tila hindi nilinaw ang tunggalian ng class at ethnicity, kahit pa ethnic motif naman ang buong pelikula.

Sa Rotonda ay gayon din, ang saga ng laos na journalist sa tila underworld sa Manila ay maaring maganap sa iba pang lugar sa metropolis. Pinakamapangahas ang gamit sa digital technology—pagweave ng documentary footage, self-contained na mundo sa mga bahay at baranggay, at sa interior shots, ang kalinawan ng shots, kahit pa sa gabi—pero parang pwedeng maganap ang karahasan sa kahit saang rotonda at crossing. Kung ganito, ano ang inisyatibang Filipino na isinasaad kung ang mekanismo ng paglalahad ng problema at resolusyon nito ay adaptable naman sa kahit anong bahagi ng mga lugar ng katutubong nakayapak o sex work trade sa Manila? Hindi nalilinaw ng mga pelikula kung bakit inilulugar ang mga ito sa ganitong lugar at hindi sa iba?

Ang artist ang isang figurang tumatampok sa indie digital film. Ang saga ng artist ay kahalintulad ng saga ng indie film maker—may love object na hindi makakamit sa kasalukuyan, nabubuhay sa ideal ng nakaraan. Kadalasan ay talunan ang artist, pero sa Tulad ng Dati, napangibabawan ng artist ang kanyang sariling middle-class artist angst. Teatrikong gumamit ng simbolikong mundo ang pelikula para resolbahin ng tauhang artist ang kanyang nakaraan. Pati ang literal na mundo ay kinakausap niya, nag-o-one for the road sa puntod ng kaibigang napatay. Mula tabularasa, muli niyang isinulat ang nakaaan, at mula sa rekonstitusyon nito, nakapag-move on na siya. Maganda ang premis ng pelikula at malinaw na Filipino ang audience nito na makakagusto sa extended concert scenes. Pero nagtangka ang digital film na maging pelikula, walang matwid na inobasyon sa teknolohiya ng digital film. Kaya nagmukhang maliit na pelikula.

Kung sisipatin ang mga digital film na nagtagumpay (Maximo Olivares, Kubrador, Foster Child, halimbawa), ito ay ang masinop na representasyon ng lugar sa mundo, ang pananaig ng pagkatao sa di makataong lipunan, ang inobatibong gamit ng digital na teknolohiya sa paggawa ng pelikula, ang preferensiya sa long take at open-ended na resolusyon na ang buhay ang magpapatuloy. At ito ang maganda ring epiphany sa indie digital film, hindi kayang masinop na resolbahin ng naratibo ang bigat ng kapaligiran at kung gayon, na magpapatuloy lamang ang buhay pero hindi lubos na tulad ng dati.


Ang Pinag-aagawang Bata sa Panitikang Pambata: Folklore, Media at Diskurso ng Bata (burador)

Ang Pinag-aagawang Bata sa Panitikang Pambata: Folklore, Media at Diskurso ng Bata

Sa kasalukuyang panahon, ang mga bata ay tinitignan bilang target market para sa mga produkto at serbisyo ng konsumerismo, kundi man ng mismong larangan ng kasalukuyang kapitalistang karanasan, ng konsumerismo. Kung tutunghayan natin ang advertisements para sa telebisyon, halimbawa, hindi pa man nakakapagbasa ang mga musmos, ay karag-karag na sila sa fastfoods, gamot, . Alam na nila ang branding o ang mga kwentong kaakibat ng karanasan sa produkto. Masaya ang Jollibee, kahit minsanan pa ito; hindi masaya ang walang Jollibee. Malungkot ang may sakit, masaya ang Tempra na magpapawala ng sakit. Nagiging mainggitin ang bata dahil sa murang edad pa lamang, alam na niya ang mga bagay na nagbibigay-diin sa kanyang kakulangan at katumbasan ng sarili. Nararanasan na rin niya na kahit ilan beses pa siyang tumangkilik ng produkto, hindi pa rin ito makakasapat para punan ang kulang o kasalatan. Parating may bagong susulpot bilang bagong pamantayan ng kanyang pagkatao—bagong laruan, bagong pelikula, bagong produkto sa fastfood, bagong laruan mula sa bagong pelikula na isinasama sa kiddie meal sa fastfood.

Ang bata ngayon ay isang kakatwang nilalang. Ang kanyang realidad ay kabahagi ng realidad ng bansa 70 porsyento ay namumuhay sa ilalim ng poverty level. Ito ang argumento ni Robert Coles, “that a nation’s politics becomes a child’s everyday psychology.” At kung magpaganito, paano siya pinalalahok at pinatatampok ng kasalukuyang konsumerismo, kung siya at ang kanyang pamilya mismo ay walang lubos na akses sa karanasang ito? Sa edad ng kamusmusan at kabataan, ang pagiging bata (childhood) ay nawala at iwinala na ng historikal at panlipunang kaayusan. Ang nawawalang pagkabata ay ipinasasambit na lamang sa matatandang may limitadong panggitnang uring lagay, para konsyensyahin ang mga ito, at manakanakang paambutan ang musmos ng mga marker ng pagiging gitnang uri. Samakatuwid, ang kabalintunaan ng pagiging bata at kabataan ay ganito—hindi ito lubos na pinapadanas, wala nang karanasan sa labas ng konsumerismo, at ang limitado nitong pagdanas ay sa pagtanda na lamang, sa pamamagitan ng nostalgiang lilikha sa mahikahos na kamusmusan at kabataan bilang ideal pa rin.

At ganito rin ang kalakaran sa bata sa panitikan ng Pilipinas. Walang bata, maliban sa mga inaakalang inaawitan ng oyayi ng mga magulang. Natatangi ang pambansang bayaning si Jose Rizal at ang mga kuwentong umiinog sa maagang pagkabayani at pagkahenyo nito: mula sa mga kulisap na lumilipad sa lampara habang binabasahan ito ng libro, sa pagkahulog ng isang tsinelas nito habang nakasakay sa bapor at ang desisyong ihulog ring ang isa pang tsinelas nang sa gayon ay kung sakali, mapakinabangan ito ng mangingisda para sa kanyang anak, tungo sa pagiging matatas at makabayan nito sa Ateneo, hanggang sa pagsulat nito ng maikling tula at pagdibuho ng kwento ng matsing at tsongo, ang sinasabing unang kwentong pambata, at iba pa. Bago sa mga kuwentong ito, hindi mahalaga ang bata. Historikal na ang pagkanakaw sa kanyang pagkabata, o dili kaya’y hindi mahalaga ang kalakarang pagpapalaki sa bata kaysa sa pagtulong nito sa pagpapabuti ng pang-ekonomyang lagay ng pamilya at pamayanan.

Kung winala ang pagkabata ng global na kapitalismo at pambansang pamahalaan, saan ilulugar ang panitikang pambata? Una, ang formulasyon ng gitnang uring bata ang pangkalahatang target audience nito. Ito ang ginagabayan ng magulang bumibili ng panitikang pambata para basahin sa kanyang musmos, o himukin ito na magbasa. Ito ang ina-outreach ng story readers/performers at ng reading advocacy groups para mahimok maging ang mga bata sa mababang uri na magkaroon ng karanasan sa panitikang pambata. Kung disenfranchised ang underclass na bata, at sa kabuting palad sa hinaharap ay ito ay magkaroon ng ekomiyang enfranchisement, ang winalang pagkabata sa kanya ay magdudulot malamang ng kumpensasyon sa kanyang sariling anak. Siya na nagbabasa ng panitikang pambata ay nagkakaroon ng pagkakataong ihulma ang kanyang anak sa gitnang uring karanasan ng pagkabata. Lundayan ang panitikang pambata para sa karanasang gitnang uri—literasi sa inaakalang folklore ng bansa, sistema ng pagpapahalaga, pagka-Filipino, liberal at pagkamamamayan. Pero siyang nagbabasa ay siya rin, sa naunang panahon, ay disenfrantisadong bata. Sa kanyang pagbabasa, muli niyang isinasabuhay ang ideal na pagkabatang winala sa kanya.

Para itong karanasan ng maraming teenagers at matatanda sa MacDonalds at

Jollibee, na kaya nagpapatuloy ang marami sa kanila na tumangkilik sa mga establisyimentong ito at magpaka-infantilize—kumain ng French fries, sundae at burgers—ay dahil sa aktwal at imahinaryong alaala ukol sa nakaraang pagkabata: na dinala sila ng kanilang magulang dito, pinaglaro sa playground sa loob nito, pinainom at pinakain ng kalabisan (labis na asukal, alat, mantika, kolesterol), hiyaang mag-ingay at magtatakbo, at iba pa. Na kahit na nga hindi ito ang aktwal na alaala, muli’t muli itong binubuhay sa bawat pagtungo sa mga establisymentong ito. Fabricated ang alaala, pati ang karanasan sa love object na nag-e-embody ng pagkabata. Kaya rin hindi historikal na aksidente na kasama nina Sharon Cuneta at Aga Muhlach ang kani-kanilang mga anak sa paghimok sa mga mamimili, kasama ang mga musmos na manonood, para mareafirma ang kani-kanilang interes na tangkilikin ang pagkain at serbisyo ng mga fastfood chain. Malaganapang multi-media ang pagpapaalaala dahil baka makalimutan. Kaya pirmes ang advertising at iba pang business advocacy programs—ang MacDonald’s House, ang pangongolekta ng laruan kapag pasko ng Jollibee, at iba pa. Kung gayon, ipinapadaloy pa ring muli sa katawan ng underclass na musmos ang karanasan isinisiwalat sa pagkabata ng mga kapitalistang negosyo at ang kapabayaan ng pamahalaan.

Malaking sangay ng panitikang pambata ay gumagamit ng folklore (mito, pabula, kwento at awiting bayan). Kung gayon, ayon nga sa pananaw ni Antonio Gramsci, ang folklore—at ang gamit nito sa panitikang pambata—ay nagpapahiwatig ng sariling “conception of the world and life” ng mamamayan, at maaring gawing pantapat sa kaalamang opisyal. Sa kabilang banda, dahil sa kasalukuyang moda ng produksyn na nakatali sa publikasyon, recording at kita, ang panitikang pambata ay bahagi na rin ng opisyal na produksyon ng kaalaman: mula awitin at sayaw na “Spaghetti,” “Bulaklak,” at “Otso-otso,” hanggang sa librong pambata ng Adarna Publishing at iba pa. Anong konsepsyon at pagdalumat sa mundo ang isinisiwalat ng kontemporaryong panitikan—audio at biswal—para sa mga bata? Masasabing ang mga popular na children’s rhyme ang pinaka-organikong pagpapadaloy ng kontemporaryong panitikang pambata, libre mula sa kontrol ng kapitalismo at estado. Saad ang tago at hayag ng mensaheng sexual at bawal na kalalakarang panlipunan, lahok po ang katernong sayaw, ang mga awiting bata ay nagsisiwalat ng konsepsyon panlipunan sa labas ng opisyal na lipunan. Sa underclass na mundo, sa laylayan ng pagmamatyag ng kapangyarihan, maaring isiwalat ang bawal na oral, dumudulas na patutsada sa namamayaning kaayusan ng kapangyarihan ng estado.

Kung sa naunang folklore, tulad ng kwentong pusong at pilandok, ay subersyon ng namamayaning kaayusan ang namamayagpag sa pamamagitan ng pagbalikwas sa masinop na kaayusan panlipunan, ang kasalukuyang awiting pambata ay hindi lubos na matwid ang paglalahad ng mga kategorya ng binabalikwas. Ibig sabihin, mas mabulaklakin, pa-otso-otso ang kalakaran ng pagbabalikwas: mahalay ba o inosente, may iba pa bang kahulugan o wala, tungkol ba ito sa mga pribadong bahagi ng babae at sex—pero bakit popular? Bakit pagiling-giling at patuwad na pumping ang katernong pagkilos nito? Ang kasinupan ng pagbabalikwas sa naunang folklore ay matutunghayan sa kwentong pambata na gumagamit ng folklore. Narito ang usual na balangkas ng pagbabalikwas sa kwentong pusong at pilandok. Ang kanang hanay ng termino ang paukol sa naghaharing sistema ng kapangyarihan at ang kaliwang hanay ay paukol sa subersyon nitong sistema nito.

Naghaharing Sistema Subersyon ng Sistema

Tauhan hari, prinsipe pusong[i], pilandok

Katangian

Tingin sa lipunan mataas mababa

Uri mayaman mahirap

Ugali mapagmataas hangad ay kabutihang lagay

Kapamaraanan dekorum bulgar

tusong ambisyon ordinaryong ambisyon

paghahangad ng labis pagkilos para sa labis

extensyon ng order inbersyon ng order

Resolusyon tatanga-tanga talino

naisahan nakaisa

pinagtawanan hinangaan

objek suheto

Mayroong antagonismo batay sa uri sa kwentong bayan. Naghahangad at nagtagumpay makaisa ang personahe ng mababang uri sa personahe ng mataas na uri. Ang temporal na pagtatagumpay ng mababang uri ay nagaganap lamang sa akto ng pagkukwento. Pero dahil mayroong reproduksyon ng kwento, ang paglipat-dila nito sa iba pang tao, may prolongation ng subersyon. Ang pang-espasyong pagpapalawak sa subersyon naman ang nagaganap. Kung paniniwalaan natin ang mga psychoanalysts, ang subersyon sa panitikan ay may layong maging malaganap at lamunin ang sistema para makapagtatag ng bago dahil ito ay nakaugnay sa oral phase—ang preliminaryong pagkaunlad ng musmos tungo sa angkop na sosyalisasyong panlipunan. Hindi ba namumutiktik ng oral phase ang konseptwalisasyon ng panitikang bayan, tulad ng oralidad, palipat-dila, panitikan, at iba pa? Sa yugto ng oral phase, nilalamon ng musmos ang lahat ng nasa labas nito. Dahil nagsisimula na ang pagkalito sa kung ano ba ang sarili at iba, nagsisimula na rin ang paglahok ng musmos sa naturang ayos ng makapangyarihang sistema ng otoridad, kasama ang wika. Gustong pagsanibin ng musmos ang loob sa natutuklasan niyang labas. At kung angkop ang kanyang paglabas sa yugtong ito, ang kanyang pagtungo sa anal phase naman ang maglalayon ng implementasyon at rigidisasyon ng order. Ang susunod na yugto ang magsasaad ng kaibahan ng loob sa labas, ang pag-angkop ng loob sa mas makapangyarihang labas.

Ang panitikang bayan sa panahon ng kolonialismo ay naisantabi para paboran ang mga ipinakikilalang folk na may Kristianisadong laman at popular na panitikan. Sa panahon ng Kastila, ipinalaganap ng simbahan, sa misa at parokyanong eskwelahan ang mga buhay ng santo, kwento at tula mula sa bibliya, at kanluraning panitikan. Sa panahon ng Amerikano, ipinalaganap naman ng pampublikong sistema ng edukasyon ang mga kwento ng ideal na pamilya bilang instrumento sa pagbigkas at pagbasa (mula John, Jill, Jean at Spot, tungo kina Pepe, Pilar at Tagpi), Amerikano at British na mito, epiko at panulaan. Sa kasalukuyang panahon, ang panitikang pambata ay nagsasaad ng pedagogical na aspekto ng liberal na pagpapahalaga—liberal dahil kontraryo ang maraming kuwento sa tradisyunal na sistema ng pagpapahalaga. Tunghayan na lamang ang seksyon hinggil sa values sa simula o wakas ng mga kwento sa libro. Hindi, samakatuwid, katanggap-tanggap ang mga awiting bata sa kalsada dahil masyado itong jologs sa panlasa ng lehitimong panitikang pambata na patuloy pa rin namang nagsisikap para sa sarili nitong lehitimasyon bilang panitikang pambansa.

Hindi kaya may kinalaman din ang panitikang pambatang nakalibro at ipinagbibili sa uri ng diskurso hinggil sa bata na isinisiwalat ng estado sa pangkalahatan, at ng negosyo at pamahalaan sa partikular? Ang ibig kong pag-isipan ay sa klase ng antas panlipunan ng bata, bakit ang tuon ng panitikang pambata ay hinggil sa formasyon ng values na mas umaagapay kaysa umaalagwa sa sistema ng pagpapahalaga ng estado? Tunghayan ang mga datos hinggil sa bata sa bansa:

70% ng 76.9 milyong Filipino ay namumuhay na naghihikahos

50,000 bata ang nakatira sa kalsada ng Manila; 246,000 hanggang isang milyon sa buong bansa

ang giyera sa Mindanao ay nagpapalisan sa 36,000 bata kada taon

ang child labor sa bansa ay umaabot ng 2.7 milyon; mga kalahati rito ay nakaranas ng sakit at disabilidad dahil sa di-ligtas na kondisyon ng paggawa;mismong DOLE ay nagtataya sa limang milyon bilang ng child labor sa bansa

7.4 milyong bata sa edad na mababa sa sampung taon ay nakararanas ng malnutrisyon

Kung ganito ang realidad ng nakararaming bata sa bansa, ano ang papel ng panitikang pambata? Bakit di tulad ng nakakatandang panitikan—at hindi lamang dahil mas nauna itong umunlad—na maaring maging palaban ang laman at porma ng sektoral at rehiyonal na panitikan, ang panitikang pambata ay masyadong “wholesome” o ang komentaryong panlipunan at historikal ay limitado sa personal na antas?

Hindi kaya appropriated na diskurso na ang panitikang pambata sa bansa? Malaking cottage industry na ang publikasyon nito, sa mas malaking industriya ng telebisyong pambata (kasama na rito ang anime, cartoons, cartoon channels, art shows na pambata, comedy shows at talent searches na pambata)? Hindi kaya ito hiwalay sa klase rin ng formasyon ng diskurso ng bata at pagkabata ng mga business advocacy? Kung titignan natin ang Bantay Bata at ang diin nito ng pag-uulat ng kapitbahay na lumalapastangan at umaabuso sa mga bata, mauunawaan na ang kalakaran ay tungo sa pagligtas ng bata, at kung kakayanin, nang anumang natitira niyang pagkabata. Ang pagligtas ay gawain ng estado na piniling pasanin ng negosyo. Hindi dapat maging saksi sa batang inaabuso, dapat itong iulat sa Bantay Bata na siya namang magpapadala ng team, madalas ay kasama ang television crew, para idokumenta ang insidente. Maari rin magbigay ng sobrang barya sa mga lata ng Bantay Bata, mga lata na may nakapaskel ng mga nangangailangang mukha at katawan ng underclass na bata. Kung ganito, lumalabas na charity work naman ang causa ng bata—barya-barya, na tulad ng Piso para sa Pasig, ay nakakatiyak na hindi lubos na makakalinis at magbabalik ng biolohikal na buhay ng pangunahing ilog sa Metro Manila.

Kung ang insidente ng pang-aabuso sa bata ay isa nang spectacle na initinago, bakit binubuyanyang muli, ginagawang spectacle ang paraan ng pagresolba nito? Maari pang ma-televised ang insidente sa mismong estasyong pantelebisyon, ang mukha ng bata ay hindi ipapakita, pero ang inulat na umaapi sa kanya ay ite-televise. Ihihahayag para muling mabuyanyang ang bata. Ang spektakularisasyon ng batang inaabuso ay pumupukaw sa marami na ngang ninakawan at winalan ng kanilang pagkabata. Ang mga ito ay makaka-relate, makaka-identify, tutulong, magiging saksi laban sa kapitbahay na nang-aabuso, at magkakaroon ng moment na mate-televise pa rin bilang ehemplong dapat sundan ng iba pang mamamayan sa pamayanang may nang-aabuso. Insidental ang bata dahil kundi pa siya aabusuhin, hindi siya papansinin, paglalaanan ng telebiswal na panahon.



Papel na binasa para sa kumperensyang pambata ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, UP, Hulyo 2007.

HSA at Pula (dagli)

HSA at Pula

Pula ang mga langgam, na ang kwento’y walang patid na nagsisikap sa panahon ng tag-init nang may makain ang puluton sa tag-ulan. Pula ang bandila’y wumawagayway sa martsa ng kilusang masa. Pula ang atas sa mga aktibista, mapanganib sa estado kaya pinapaslang o sapilitang winawala. Pula ang dugong umaagos sa mga utak na pinasabog, bumubulwak na parang fountain sa bagong taon hanggang sa paisa-isang patak ang mamumuo sa natungap na ulo at lupa. Pula ang kulay ng dugo at ng bagong bukangliwayway, ng nagkakaisang hanay ng kilusang masa, kung bakit masasabing mas malapot ang dugo kaysa sa tubig na siyang nagbibigkis sa ating lahat. Pula ang kulay ng rebolusyon—masindak, nag-aalab, naghuhumiyaw sa gabing mapanglaw na nagtatago ng eksena ng malawakang paghihikahos at pandarambong. Pula ang pag-ibig kaya nananatiling nagkakaisa kahit na dinarambong, pinapaslang at dinudukot sa kalagitnaan ng gabi o sa tanghaling tapat. Minamarkahan ang pula dahil ang pula ay nananatili, lumalawak, lumalalim. Isang bagong kamaong bakal ang siyang layon ng Human Security Law para durugin ang pula. Paano dudurugin ang kalat-kalat na nagsisikap na langgam, matutukoy kaya ang mga repositoryo ng kanilang pagsisikap? Paano dudurugin ang pulang aktibista nang hindi ito napaparami sa bawat bigwas at panunupil? Pula ang kulay ng pag-ibig, at ang pag-ibig sa bayan, pati na ang pag-aalay ng buhay para sa kanyang adhikain, ay kailanman, hindi mayayanig sa mga gabing mapanglaw o sa tanghaling tapat. Ito ang kabawasan na hindi makakapigil sa pula, na makakapagparami sa pula. Na ang pula ay hindi lamang isang kulay, hayop o tao, kundi lampas-lampas pa. Walang bakal na kamao ang makakadurog. Pula ang puso, pula ang pag-ibig, pula ang rebolusyon, pula ang nagkakaisang hanay.

Ilang sona pa? (Pasintabi column)

Ilang sona pa?

Ang SONA ay acrnomyn para sa “State of the Nation Address,” ang taunang pananalumpati ng pangulo sa harap ng bicameral assembly, na nag-uulat sa bayan sa lagay ng bansa. Kasama rito ang mga spektakular na nagawa at ginagawa, at ang ipinapangakong gagawin sa susunod na taon.

Kumpetisyon ang SONA dahil mayroong alternatibong isinisiwalat ang kilusang masa sa lansangang patungong Batasan Pambansa. Sa loob ng lehislatura, ang pomp at pageantry ng naka-Filipinianang asembleya tila de-susing papalapak at magsta-standing ovation, paramihan taon-taon na iniuulat kinabukasan. Sa labas nito, ang pag-uulat ng iba’t ibang sektor ukol sa tunay na lagay ng bayan. Matapos, ang pagsusunog sa magarang effigy ni Arroyo.

Sona rin ang tawag sa pag-surveillance sa mga lugar na tinatagurian ng militar at pulis na pugad ng mga kriminal at subersibo. Kaya sinosona, o pinalalabas ang lahat ng kalalakihan sa isang lugar para inspeksyunin ang mga katawan para sa tattoo at ano pa mang maghuhudyat na ito ay hindi legal na katawan. Maramihan ang ikukural pabalik ng presinto para i-interrogate pa, o damputin para isalvage. Sa pagtira ng maralitang tagalunsod sa sonang pook, tila may lisensya ang militar at pulis na paratihang tanungin at ipwesto bilang kahinahinala ang abang mamamayan.

Sonang gerilya naman ang lugar na kinikilusan ng mga armadong mandirigma. Isinasabuhay ng mga gerilya ang pagkilos tungo sa transformasyon ng lugar sa isang responsibo sa pangangailangan ng mamamayan. Kumpara sa pagsosona at flushing-out operation ng militar, hindi gamit ang salita para tukuyin ang kahalintulad na operasyon ng mga gerilya. Namumuhay kaisa ng mamamayan ang gerilya, hindi hiwalay at naghahasik ng pasismo, tulad ng militar.

Sa isang banda, kumpetisyon ang pagbibigay-ngalan at karanasan sa SONA. Pero sa kabilang banda, tila inako na ang salita ng kilusang masa para tukuyin ang direktang karanasan sa pamdarambong ng pambansang pamahalaan sa mismong mamamayan nito. Tuwing ikatlong Lunes ng Hulyo, tumutungo ang nakikibakang mamamayan sa Batasan para sa ritwal ng pagtuligsa sa opisyal na bersyon ng pamamahalaan. Bahagi na ito ng required attendance ng mga aktibista, tulad ng Araw ng Kababaihan, Mayo Uno, Araw ng Karapatang Pantao, at iba pang okasyong nagbubuklod sa pakikibaka.

“Pupunta ka ba sa SONA?” Sa hanay ng mga aktibista, hindi ibig sabihin nito ang pagdalo sa SONA ni Arroyo sa Batasan Pambansa. Pupunta ka ba sa alternatibo sa opisyal na kwentong panggagaga? Ibig sabihin, sa SONA sa lansangan, hindi sa mismong Batasan. Inako na ang SONA ng kilusang masa, kaya sa kanilang pananaw, ito na ang tunay na SONA.

Nagpapanggap lamang ang SONA ni Arroyo. Papalakpakan siya ng mga kapartidong tinulungan niyang manalo sa nakaraang eleksyon, bibigyan ng ilang standing ovation na tila ito ang pinakamagandang kwentong narinig nila, at magsisiuwi at iinom ng alak na may ngiti sa tagumpay ng kanilang trapong pamamahala.

Isipin na lang kung may tugma ang sinasambit na panggagaga ni Arroyo sa sariling buhay. Bumuti ba ang iyong buhay, o ng iyong pamilya? Mas maligaya ka ba ngayon? Mas may tiwala ka ba sa mga opisyal ng pamahalaan? May natitira ka pa bang pag-asa at kumpiyansa sa hinaharap? Kung “oo” ang iyong tugon dito, mapalad ka. Kung hindi, at sa nakararaming mamamayan ay ito ang sasabihin, bakit kaiba ang personal nating kwento sa sinasambit na kolektibong kwento ng pag-unlad ni Arroyo? Alin ang katotohanan, ang tunay? At kung gayon, sino ang nagsisinungaling?

Sa tunay na SONA, ang kilusang masa ay hindi binabadya ang init at ulan, naninindigan para sa malalimang paghihirap at malawakang kawalan ng katarungan, at uuwing napagtibay ang nagpapatuloy na pakikibaka.

Ano ang kwento mo sa nakaraang SONA? At ilang SONA pa kaya ang kakailanganin para tunay na makaranas ng pambansang pagbabago? Kita-kita tayo sa susunod na SONA.

Ang Kawalan-Halaga ng Edukasyon (Pasintabi column)

Ang Kawalan-Halaga ng Edukasyon

Saan na nga bang visa ang naidudulot ng pasaporte ng edukasyon? Saang bansa o profesyon ito magpapahantong? Gintong minimina ang tingin sa edukasyon kaya iginagapang. At kapag nakamit, tila ito sagradong papel na ipinapa-laminate o ipinapa-frame, at dinidisplay sa sala para matunghayan ng lahat ng bibisita sa pamilya.

May panggitnang uring pangako ang edukasyon—ang posibilidad na makaangat sa kasalukuyang kinasasadlakan. Ito ay posibilidad lamang dahil walang katiyakan ang pangako. Tanging isinasaad ng pagpupursigi sa edukasyon ay para sa pangako ng posibilidad, hindi ang pangako ng mismong panlipunang pag-angat.

Sa isang banda, overvalued o sobrahan ang tingin sa edukasyon. Walang magiging panibagong Lucio Tan o Henry Sy ng kasalukuyang henerasyon. Ang pagpapanatili nila sa poder ay nagtitiyak ng lalong pagkipot ng nagnanais mapabilang sa kanilang manipis na bilang. Kahit pa gradweyt ka ng UP, Ateneo at La Salle, ang tatlong pangunahing tertyaryong eskwelahan, kung walang negosyong mapapalawak ang sariling pamilya, walang katiyakang maging Cinderella at Cinderello ng kasalukuyang henerasyon.

Sa kabilang banda, kung tanging posibilidad ang pangako ng edukasyon, bakit pa nag-aaral? May mas mabuti pang gagawin kaysa mag-aral sa kulang-kulang na bilang ng klasrum, maupo sa sobrahang bilang ng mag-aaral, matuto sa titser na hikahos rin sa kita, at umuwing kakalam-kalam ang sikmura, dagdag pa ang pagkakagastusang assignment na kailangang maisubmite? Bagamat kinikilala ang karapatan sa edukasyon ng Konstitusyon, hindi pa rin ito libre.

Bumababa ang kalidad ng edukasyon tulad ng pangkalahatang pagbaba ng kalidad ng buhay. Tanging ang nakakalutang sa pabigat na pasanin ng pang-araw-araw na buhay ay ang mga nakakadiskarteng pang-indibidwal: kundi mag-OCW doon ay mag-call center dito. Sa kabuuan, walang malawakang platapormang pangkabuhayan, lalo na ang isyung kalidad ng buhay, ang pamahalaan. Pinapapasan imbis na pagaanin ang buhay ng mamamayan sa kalidad ng pamunuan, pagkuntsaba nito sa malalaki at dayuhang negosyo, pati na ang endorsong patalikod nito sa politikal na pagpaslang at sapilitang padukot ng daan-daang aktibista.

Parang sinasabi, kanya-kanyang paghahanap ng agimat—pag-abang ng Biernes Santo sa puso ng puno ng saging. Kanya-kanyang paghahalawan ng lakas para ipagpatuloy ang buhay.

Ang nakakaligtaan na paraan sa pagtaas ng kalidad ng buhay ay ang buhay sa pakikibaka. Ang pagiging aktibista ay may kaakibat rin na edukasyong makabuluhan at nakaugnay sa buhay ng mamamayan. Hindi indibidwalistiko ang diin kundi kolektibong transformasyon. Ang buhay sa pakikibaka ay pagbibigay-diin sa politikal o ang kakayanang pagbabago para sa nakararaming naghihikahos.

Ang dulot ng kasalukuyang edukasyon ay ang transformasyon higit sa apolitikal na buhay, na ang tanging isinasaalang-alang ay ang kagyat na kapakanan ng indibidwal at ng kanyang pamilya. Pribado ang diplomang nakasabit sa dingding. Hindi makikinabang ang nasa labas ng tahanang ito. Maliban na lamang kung magsisilbi sa mamamayan.

Ilan ang pwedeng maging doctor to the barrios? O higit na mas mabigat na mediko ng mamamayan? At kundi man maging doktor, pari at materyales OCW, maari namang maging organisador at propagandista sa hanay ng magsasaka, maralitang tagalunsod, manggagawa at kababaihan? Isipin na lamang kung mas maagang namulat ang naunang mga henerasyong mas binigyan-diin ang edukasyong politikal kaysa edukasyong panggitnang uri, di sana ay mas maraming henerasyong aktibista?

Bagamat maari namang pagkambalin ang dalawang uri ng edukasyon, sa huli, ang mas mabigat na atas ng kasaysayan ay ang pagiging mulat sa politikal na posibilidad. Nakalalamon din ang impetus ng finansyang ganansya para sa sariling pamilya. Mas matimbang daw ang dugo kaysa sa tubig. Pero lahat ng dugo ay binubuo ng likido ng tubig. Mas may kaisahan ang politikal na edukasyon. Halinang mag-aral ng lipunan. Sabi nga ng nauna, huwag mong hayaang ang edukasyon mo ay malimitahan ng pag-aaral sa klasrum.