Pagpapatiwakal ng zombie
Hindi uso ang magpatiwakal sa Pilipinas. Ayaw ng simbahan, sa limbo raw mapupunta ang kaluluwa mo. Ito ay estado na walang kapag-asang makaalis. Parang naghihintay ka sa wala, kahit pa ang kawalan ang tunay na estado ng paghihintay.
Sa lipunang Katoliko, ieetsa-pwera pa ang pamilya ng nagpatiwakal. Hindi maaring basbasan o ilibing sa Katolikong sementeryo ang nagpatiwakal. Hindi ba’t para saan pa ang paglalamay kung wala naman tiyak na kahahantungan ang patay? Sa lupa o sa kabilang-buhay man?
Ang hindi sinasabi, tulad ng batang Mariannet Amper, edad 11, ay matagal nang patay ang katulad ng kauri niya hindi lang dahil sa kahirapan kundi dahil sa sistemikong paghihirap dulot ng estado. Matagal nang zombie ang kanyang pamilya—ang ama na nagtratrabaho sa pagawaan ng pansit na kumikita ng 50 pesos lamang, kahanay ng 14 porsyento ng mamamayang nabubuhay sa kulang sa isang dolyar bawat araw. Kahit pa may pag-aamin na siyam na milyong pamilya ang naglalagay sa kanilang estado bilang “mahirap.”
Zombie o taong-patay dahil umaasa na lamang sila sa sarili nilang kayod para mabuhay. Kulang na nga ang kasabihang “isang kahig, isang tuka” dahil kahit kumahig sila ay kulang pa rin. Kumakain ang maraming mamamayan nang isang beses lang isang araw. At hindi ba ang pinakasukdulan nitong kontemporaryong halimbawa ay ang pag-ulam ng instant noodles sa kanin? O ang pagluluto ng “pagpag,” mga kinolektang tira-tirang pagkain sa fastfood? At ang kaakibat nitong cottage na negosyo—ang pagbebenta ng kinarinderyang pagpag sa sityo ng kahirapan, tulad ng Tondo?
Tanging pampalipas-gutom na lamang ang konsepto ng pagkain ng maraming mamamayan. Hindi na kumakain para mabusog at maging malusog. Kumakain na lamang para makausad sa iba pang kalakaran ng buhay—ang siklo ng paghahanap ng makakain. O ang tirang pagkaing literal na ibinabasura ng iba ay ang pagkain ng naghihikahos? Panis, marumi, may mikrobyo na (lampas na ng “five minutes” na nahulog sa sahig at hindi na pwedeng kainin), may kagat na o tira-tira na lamang, “tinitira” pa ng iba para mabuhay?
Anong uri ng lipunan ang naghihikayat na maging sukdulang aba ang kalagayan ng kanyang mamamayan? Bakit tayo nagugulat na ang batang Amper ay nagbigti? Siya ba ang mas nalululong sa kumunoy na Mang Pandoy sa panahon ni Fidel V. Ramos, ang inihaharap na mukha ng kahirapan
Bakit ang mukha ng kahirapan ay ang mukha ng nabihisang kamatayan? Biglang gumanda at marangal sa simpleng kabaon at lamay na isinagawa? Bakit hindi ang kagyat na kamatayan ang gawing mukha ng kahirapan? Kung nagbigti ito, ang dilang umaabot hanggang dibdib, ang luwang mata, ang laway na babalot sa buong damit, ang maitim na ulo? Bakit gustong maging marangal ang mukha ng walang karangalang kahirapan?
Hindi tayo bansang nagpapatiwakal kahit sa politikal na larangan. Wala sa ating nagbubuhos ng gasoline at nagpapasiklab, tulad ng mga Buddhist na mongha noong Vietnam War. Walang handang makipagpatayan sa pagharang ng linya sa rali ng mga militar, tulad ng sa
Hindi naman kailangan. Kung hindi nabigyan ng pag-asa at buhay ang batang Amper ng estado, bagkus ay naging bahagi pa nga ng kanyang pagpapatiwakal bilang invisible hand na tumulong magbuhol ng lubid, ay ang politikal na kilusan ng masa ang dapat ay nakaabot sa kanya. Bibigyan ng alternatibo sa pagiging zombie at pagpapatiwakal, bibigyan ng buhay.
Sa kasalukuyang umiigting na estado ng buhay at buhay sa estado, walang buhay sa labas ng rebolusyon.
No comments:
Post a Comment