Kultura ng Garapalan
Kapag sinabing “garapal,” ibig sabihin ay labis pa sa pangkaraniwan. Ordinaryo ang 20 porsyento bilang pangungurakot sa budget ng pamahalaan. Pero overpriced ang Cyber Education at National Broadband Network (NBN) ng ZTE Corporation, mula US $130 tungo sa $329 milyon.
Ordinaryo ang panunuhol. Pero ang pamimigay ng tig-P500,000 na shopping bag sa isang meeting na pinangunahan ni Gloria Macapagal Arroyo, o P120 milyon sa loob ng sampung minuto sa 190 kongresmen at 48 na gobernador, ay sukdulang garapalan na.
Ordinaryo ang pambobomba. Ginagawa ito madalas sa
Ordinaryo ang pagtatakip. Pero garapal na nangyari ang “aksidente” sa panahon ng masigabong panunuhol na nangyari sa pulong ng Malacanang. Ordinaryo na ang lahat ay nakapaloob sa kultura ng panunuhol at pagtatakip. Pero extra-ordinaryo na hindi kasama ang presidente sa kulturang ito. Siya lamang ang natatanging hindi nababahiran ng putik.
Ordinaryo na may napapatay at dinadakip. Pero garapalan na may kulang na isang libo na politikal na pinapaslang at 200 na sapilitang dinadampot. Bagamat may pagtangi sa ilang paksyon ng establisyimento ng militar na kasangkot sa krimeng ito, hindi nababahiran ang Malacanang sa malawakang krimen gayong ang retorika ng “matatag na republika” at “all-out war against terrorists” at “finish off the communist insurgency before she (Arroyo) steps down from office” ay hindi mga ampaw na pananalita lamang.
Kung gayon, si Arroyo ang pumoposturang sagradong Birhen. Tulad ng matimtimang birhen, hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang sarili kaya siya ipinagtatanggol. Tulad ng matimyas na birhen, ang assumption parati ay hindi siya nagkakasala. Tulad ng imakuladang birhen, ang assumption parati ay wala siyang bahid ng pagkakasala o kasamaan.
Ang posturang itinindig niya—bilang Nora Aunor na makamasa, ina ng bayan na maternal, machong Commander-in-Chief, at economic wizard—ay hindi binili at tinangkilik ng mamamayan. Nananatili siyang nasa rurok ng kapangyarihang hiwalay sa masang tanging hindi naniniwala sa kanyang economic miracle, pati na rin ang politikal na himala ukol sa kung paano siya nanalo at nakapandaya sa nakaraang presidential na halalan.
Kung hindi siya tatangkilikin bilang pangulo sa ivory tower, ang tangi na lang maaring ipusta ay ang pagpostura na Birhen. Hindi kumikibo at mapagkumbaba gayong ipinepedestal pa rin. Tinitingala dahil sa aura ng himalang kaakibat ng mga nagpoposturang birhen. Kahit mayaman si Sharon Cuneta sa tunay na buhay at sa gitna ng kanyang pelikula, nananatili itong mabait at matimtiman kahit pa naghihiganti na ito sa mga malditang kontrabida.
Si Judy Ann Santos ay wholesome din. Umimpis ang mukha at katawan, nagboxing at nag-Fitrum, naging matapang sa kanyang pelikula at teleserye gayong nananatiling birheng hindi nagkakasala. Pati si Aga Muhlach na pinapatangkilik tayong kumain ng Chicken Joy kahit pa siya may physical trainor ay nananatiling wholesome mode. Siya pa nga ang umiiyak sa mga babaeng nagtaksil sa kanya.
Garapal ang kultura sa pang-araw-araw dahil alam natin ang normal at ang labis. “Kapag napuno na ang salop…” ayon nga sa titulo ng pelikula ni Fernando Poe, Jr., mag-aalsa rin ang masa. Hindi ba’t ang serye ng People Power ay nangangahulugan ng labis na solusyon sa isang garapal na problema?
No comments:
Post a Comment